KUMAKABOG nang malakas ang dibdib ni Patti habang pababa ng hagdan ng kanilang bahay. Gabi ng Sabado, nagdesisiyon silang mag-celebrate at maghanda nang kaunti kaya nagsuot siya ng floral print na dress para sa selebrasiyon.
Hindi niya alam kung katawa-katawa o ano ang magiging hitsura niya sa paningin ng tatlong lalaki, basta ang gusto lang niya, magsuot nang maganda sa gabing iyon.
"Tay, may hinanda akong strawberry cake kanina. Kukunin ko lang sa ref," aniya nang makalapit sa mesa kung saan naghahanda ang mga ito.
Natigilan naman ang tatlo nang makita ang ayos niya. Ang itay niyang si Miyong ay lumapad ang ngiti sa mukha, si Maui ay normal lang ang reaksiyon, habang si Andriano ay matagal na nakatitig sa kaniya. Puno ng paghanga ang mga mata.
Nakalugay ang mahaba niyang buhok na sinadya niya pang kulutin nang bahagya para magkaroon naman ng pagbabago sa ayos niya. Naglagay rin siya ng kaunting blush on at nagwisik ng mamahaling perfume na nabili niya sa isang mall sa Maynila nang minsang lumuwas sila roon.
Paminsan niya lang gamitin ang pabangong iyon. Para lamang sa mga special occasions, pero para sa kaniya, espesiyal ang gabing iyon dahil sa mga bagay na ice-celebrate nila. Kinulayan din niya ang kaniyang mga labi ng kulay rosas, at inipit ang buhok sa kabila gamit ang ipit na may palamuting rosas na kulay pink, kakulay ng suot niyang damit.
"Wow! Anak, ang ganda mo naman yata ngayon! Hindi ba, iho?" nakangiting tanong ni Miyong kay Andriano.
Mula sa fridge, humarap siya sa mga ito at agad na hinanap ng mga mata ang binata. Hindi ito tumugon sa tanong ng ama niya, pero makikita na ang sagot sa kumikislap nitong mga mata.
Naupo sila sa harap ng mesa at nag-umpisang kumain. Katabi niya ang amang si Miyong habang katapat naman nila sina Andriano at Maui. Si Andriano man ay napakaguwapo rin sa suot nitong simpleng casual white button down shirt at simpleng black jeans.
Agad na sumilay ang ngiti sa mga labi nito nang magtagpo ang mga mata nila. Sinuklian niya ito ng simpleng ngiti.
"This celebration deserves a fine red wine and a toast," umpisa ni Andriano habang binubuksan nito ang bote ng isang mamahaling red wine.
Nilapag naman ni Maui ang apat na wine glass sa gitna. Ilang araw na rin ang lumilipas mula noong gabing iyon. Naging abala silang lahat dahil sa sunod-sunod na pagdating ng blessings sa kanila.
Nariyan ang pagkuha ng isang mayamang kliyente sa itay niya bilang caterer para sa malaking okasiyon, at ang pag-contact sa kaniya ng ilang bake shop owners mula sa malalayong lugar. Nais ng mga ito na mag-deliver siya ng maraming box ng cupcakes para sa shop nila.
At sa wakas, nagawa nang papirmahin ng kasunduan ni Andriano si Don Isidro para sa company ng papa nito. Ibig sabihin, sa susunod na linggo ay kailangan nang bumalik ng lalaki sa Maynila.
May lungkot sa puso niya nang tanggapin niya ang glass ng red wine at makipag-toast sa tatlong lalaki. Kaunting oras na lang pala niyang makakasama si Andriano. Paniguradong pagbalik nito sa city, makakalimutan na nito ang tulad niyang isang matabang babae na minsang nakilala nito sa pagbisita sa probinsiya nila.
"Ang daming suwerteng dumating sa atin! Sana magtuloy-tuloy na ito, sir!" masiglang wika ni Maui matapos ubusin ang laman ng glass nito.
Tumawa naman ang itay niya at sumang-ayon sa sinabi ng lalaki. Nagpatuloy sila sa pagkain habang nagkukuwentuhan.
"Marami talaga akong plano para sa maliit naming karinderya, pero siyempre, inuuna ko pa ang anak ko."
Ang totoo ay tahimik lamang siyang nakikinig sa usapan ng ama niya at ni Maui. Wala siyang ganang makipag-usap sa mga ito kaya subo lamang siya nang subo ng pagkain. Isa pa, hindi siya mapakali sa kinauupuan dahil kanina pa nakatitig sa kaniya si Andriano. Ito man ay hindi rin nakikisali sa usapan ng dalawa.
"Wala ho bang boyfriend itong si Patricia?" sa sinabi ni Maui ay nabaling dito ang paningin niya.
"Naku! No boyfriend since birth itong anak ko!" Malapad ang ngiting inakbayan siya ng ama. "Kaya nga hindi sumakit ang ulo ko rito! Behave ito!"
"Ah, kaya pala walang dumadalaw na lalaki dito sa inyo, sir!" Ngumiti si Maui na tinanguan naman ni Miyong.
Nilingon niya sa tabi ang ama at sinenyasan itong huwag magsalita. "Tay, tama na. Nakakahiya."
Tumawa lamang ang lalaki kaya naiiling siyang nagbuntong-hininga.
"Ang gusto ko sana, bago man lang ako mawala sa mundo, e makita kong ikinakasal itong unica hija ko."
Salubong ang mga kilay na nilingon niya ito. "Itay talaga. Mawala ka diyan? E, mas malakas ka pa nga sa sampung kalabaw!"
Natawa nang malakas si Miyong. Kapagkuwa'y binalingan naman nito si Andriano na tahimik na nagmamasid habang hawak sa isang kamay ang wine glass nito.
"Ikaw, anak, kailan mo ba balak mag-asawa?"
Sa tanong na iyon ng ama niya, mula rito ay nabaling sa kaniya ang paningin ni Andriano. Mariin siyang lumunok nang matitigan ang malalalim nitong mga mata.
Nang hindi sumagot si Andriano ay si Maui ang nagsalita para dito, bagay na biglang ikinatigil niya.
"Ikakasal na itong si Sir Andriano pagbalik namin ng Maynila!"
Katulad niya ay naglaho rin ang ngiti sa mga labi ni Miyong. "Ha? Ikakasal? Talaga, anak? Magpapakasal ka na?"
Tinitigan naman ni Andriano si Maui na para bang sinasabi nitong tumahimik ang lalaki.
"Opo," maikling sagot ni Andriano na ikinatahimik niya.
Ilang ulit siyang lumunok. Sabi na nga ba niya, landian lang talaga ang lahat. Pampalipas lang ng oras ang lahat ng naging pag-uusap nila ni Andriano.
"Pero akala ko, iho, wala ka pang balak magpakasal? Biglaan naman yata, anak?" Halata ang pagkadismaya sa boses ni Miyong.
Sa muling pagkakataon ay si Maui ang sumagot sa tanong ng ama niya. "Iyon po kasi ang isa sa mga kasunduan nila ni Don Isidro. Kapalit ng tulong ng don, pakakasalan ni Sir ang anak-anakan nito."
Lalo siyang naestatwa sa kinauupuan nang marinig ang sinabi ni Maui. Ilang beses siyang lumunok nang maisip ang kaibigang si Mae-Mae, ang itinuturing nang anak ni Don Isidro.
Buong oras ay nakababa lamang ang ulo niya, pero sa gilid ng mga mata niya, kita niya ang paglingon sa kaniya ng amang si Miyong.
———
"Stop it, Maui," ito ang bulong ni Andriano sa driver at kaibigan nitong binata.
Nagkibit naman ng balikat ang lalaki at bumulong din pabalik sa kaniya. "Sir, nagsasabi lang naman ako ng totoo. At isa pa, mabuti na rin ito para hindi umasa sa inyo ang anak ni Sir Miyong. Halatang-halata na may gusto sa inyo, e."
Sa sinabing iyon ng lalaki, hindi na niya napigilan ang sarili at sinamaan ito ng tingin. Wala naman nagawa si Maui kundi tumahimik na.
Mula rito ay binalingan niya muli ng tingin si Patti. Hawak ng babae ang wine glass nito sa ibabaw ng mesa, ngunit nakatuon ang paningin nito sa plato.
"Nako, ganoon ba?" dismayado si Miyong nang muli itong magsalita. "Ikakasal ka na pala sa anak-anakan ni Don Isidro, anak? Aba, e, malapit na kaibigan ni Patti ang batang iyon."
Sandali siyang natigilan sa narinig mula sa lalaki. Nakita niya itong nakatingin sa anak nito, malungkot ang mga mata.
Nagbuga siya ng hangin bago inubos ang laman ng wine glass na hawak niya. "Ang totoo, balak ko na po talagang magpakasal, pero hindi sa anak ni Don Isidro."
Mabilis na natuon sa kaniya ang mga mata ni Maui. "H-hindi sa anak ni Don Isidro? Kanino naman, sir?" Tumigil ito sandali at bahagyang nag-isip. "Huwag mo sabihin? Kay Francine? Ang ex mong modelo na anak ng isa sa mga shareholders sa kompanya ng papa mo?"
Sinulyapan niya ang binata at nakita ang gulat sa mga mata nito. Marahan siyang umiling kaya nakahinga ito nang maluwag.
"Mabuti naman. Obsessed sa iyo ang babaeng iyon. Nakakatakot."
Muli niyang binalingan si Patti, ngayon ay nakatuon na ang paningin ng babae sa kaniya.
"Ikaw," aniya nang diretso ang tingin sa mga mata ng dalaga. "It's you who I want to marry, Patricia."
Katulad nina Miyong at Maui, hindi rin nagawang magsalita ng dalaga matapos ng mga nilahad niya.
Isa lang sa dalawa ang inaasahan niyang makukuha ritong sagot: papayag ito o tatanggi sa gusto niya. Pero lumipas na ang ilang sandali, ni isa sa mga iyon, wala siyang nakuha. Sa halip, tahimik na tumayo ang babae at walang salitang umalis ng kusina para umakyat sa kuwarto nito.
———
"Sir, nababaliw ka na ba!" Naiiling si Maui habang nasa labas sila ng bahay ng mga Garcia. Paulit-ulit itong naglalakad sa tabi niya. Halata ang pagtutol sa mukha.
"Why? What's wrong?" patay-malisiya niyang tanong.
Hindi makapaniwalang tinitigan siya ni Maui bago marahas na nagkamot ng ulo. "Nagpapatawa ka ba, sir? Ano ito? Gusto mo nang mag-iba ng propesiyon? Ayaw mo nang maging company owner? Magka-clown ka na lang!"
Nakangiti niyang nilingon ang lalaki at tinapik ito sa braso. "Malamig ang gabi. Ihanda mo na sila."
"Hindi puwede! Sagutin mo muna ako! Bakit ginagawa mo ito? Ano'ng dahilan?"
"I already told you my reasons."
"Hindi ko matatanggap iyan! Magbigay ka ng kapaniwa-paniwalang rason! Ano? Dahil ba sa awa? Naaawa ka sa kaniya? O may gusto kang makuha o malaman? Sabihin mo kasi napakaimposible naman na dahil sa attracted ka talaga sa kaniya kaya mo ito ginagawa! Pinapatay mo ako sa pag-iisip, sir!"
Nagpakawala siya ng hangin at muli itong nginitian nang banayad. "Walang dahilan para maawa ako kay Patti, pero maraming rason kung bakit ko siya nagustuhan. You see, Maui, when you love someone, you do things you thought you wouldn't do. That's the crazy part of love itself, it's unexpected. Para itong virus. Malalaman mo na lang na tinamaan ka, kung huli na at nakahanda ka nang isuko sa kaniya ang lahat."
Matagal na natahimik ang lalaki. Nakatitig lamang ito sa kaniya habang blanko ang buong mukha. Kapagkuwa'y naiiling itong tumalikod.
"Sir Andriano naman! Bahala na nga po sa inyo. Pero babalaan na kita, hindi ito mapapahintulutan ng aunt n'yo!"
"I don't need her or anyone else's approval. Ako ang magpapakasal, ako ang magdedesisiyon kung sinong babae ang pakakasalan ko."
"Pero bakit siya! Bakit si Patti pa, sir!" Muli itong lumingon at nanggigigil na nagtanong, "Sa dinami-rami naman ng magaganda at seksi na babaeng nagkakagusto at nababaliw sa inyo, bakit iyong matabang iyon pa?"
"Because she's beautiful, she's pure, and I like her."
Matamis siyang ngumiti habang nakatitig sa bouquet ng mga bulaklak na hawak niya. Mula rito, seryoso siyang bumaling sa lalaki.
"Respect her as you respect me, Maui. Dahil ang babaeng iyon, magiging asawa ko na siya."