MATAPOS kausapin ang mga pulis, agad na pinuntahan ni Andriano si Patti sa private room nito. Bumungad sa kaniya ang babae kasama ang isang nurse, nag-uusap ang dalawa. Ilang ulit siyang napalunok habang nakatitig sa namumutlang mukha ni Patti. Masuwerte sila dahil hindi sila natamaan ng bala kanina, pero dahil sa mga salamin na nabasag ay puno ng gasgas ang mukha at ilang bahagi ng mga braso ni Patti. "Hey." Ngumiti siya nang tuluyang makalapit sa babae. Nagpaalam naman sa kanila ang nurse na kausap nito. Nang sandaling makalabas ang babae ay agad niyang niyakap nang mahigpit si Patti. "Hindi ko alam kung anong gagawin ko kapag may nangyaring masama sa iyo." Hindi naman napigilan ni Patti ang pangingilid ng luha sa magkabilang pisngi. Bago siya nawalan ng malay kanina, buong akala

