LUMIPAS ang mahabang oras, hindi mapakali si Patti sa loob ng kuwarto kaya ang ginawa niya, naglibot-libot siya sa buong mansiyon. Hindi niya alam kung puwede siyang pumunta sa ibang floor ng bahay, pero ipinagkibit-balikat niya na lamang iyon at tumuloy. Napangiti siya nang makapunta sa 4th floor kasama ang babaeng si Lucia. Papunta rin doon ang dalaga at sinabing may kailangang linisan na kuwarto. Hindi siya makapaniwala nang makarating sa entertainment floor. "May sauna kayo rito?" Matamis na ngumiti ang babae. "Opo. Madalas doon si Ma'am Hilda. Importante raw ang pagsa-sauna sa mga katulad niya." Napatango siya nang marinig iyon. Narinig nga niyang nakatutulong sa pagpapapayat ang sauna. "Kaya siguro ang ganda ng katawan niya," bulong niya sa sarili. Pumasok sila sa isang silid.