Blythe
“KUYA!” malakas kong pagtili nang makita si Kuya na naghihintay na sa akin sa parking lot ng school. He was leaning against his black sports car, dressed in a gray polo shirt, his hands tucked casually into the pockets of his black pants.
Kahit malayo pa lang ay kilalang-kilala ko na na si Kuya nga ’yon, at nakumpirma ko pa na siya nga nang kumaway na ito sa akin.
OMG! He’s finally back!
“Kuya ko!” My smile widened, and I ran toward him, swinging my black backpack over my shoulder.
Humahangos ako nang huminto na sa harap niya. Pero tiningnan lang ako nito nang nakakunot ang noo. “Tapos na ang klase mo?” tanong lang sa akin.
Nakangiti naman akong tumango, pero bago pa ako makasagot ay pinagbuksan na nito ako ng pinto ng kotse.
I hopped inside excitedly and sat in the front seat.
“Opo, kuya,” sagot ko nang makaupo na rin ito sa driver seat. “Tapos na ang klase namin, at bukas wala na rin kaming pasok kasi bakasyon na. I also finished getting all my subject clearances signed.”
“Good,” pagtango lang nito at pinaandar na ang kotse palabas ng campus.
“So ano, kuya? Matutuloy pa rin po ba ang bakasyon natin sa Japan? Korea? Taiwan? China? Greece? Italy? Turkey? Canada? Budapest?” excited kong tanong nang sunod-sunod.
Of course, hindi ko pa rin nakakalimutan ang promise niya sa akin last month na ipapasyal niya ako sa ibang bansa kapag bakasyon na. At ito na nga ’yon, sa wakas wala na kaming pasok!
“Matutuloy po ba, kuya?” I asked again.
Ang tagal bago ako sinagot.
“Hmm,” tipid lang nitong pagtango na parang hindi naman interesado, ni hindi man lang ako tinapunan ng tingin.
Pero dahil sumagot na siya, ibig sabihin ay sigurado na nga ang bakasyon namin!
“I’m so excited na po, kuya! Kailan po pala ang alis natin? Next week na po ba agad?”
“Bukas.”
Namilog bigla ang mga mata ko. “Oh my gosh! Seryoso po, kuya? As in bukas na talaga?! Saang bansa? Mas gusto ko sana sa Japan! Pero puwede rin sa China!”
Hindi na ako nito sinagot pa na para bang hindi na narinig pa ang mga pinagsasabi ko, dahil nakakatutok lang atensyon nito sa pagmamaneho at parang may kung anong malalim na iniisip.
Hindi ko masyadong mabasa ang kaniyang ekspresyon dahil blangko lang at nakakunot pa ng konti ang noo. Hindi ko matukoy kung galit ba o naiinip lang.
Nagkibit-balikat na lang ako at hindi na nangulit pa. Pero pangiti-ngiti na ako dahil excited na sa bakasyon.
Makalipas ang ilang sandali ay saglit na inihinto ni Kuya ang pagmamaneho sa kalangitnaan ng highway dahil traffic na naman.
Napatingin ako nang bigla niyang inabot sa akin ang phone niya. “Kilala ba mo ang lalaking ’to?” he asked.
Kinuha ko naman ang phone at tiningnan ang kaniyang tinanong.
Litrato ng isang morenong lalaki ang bumungad sa akin. Nakaharap ito at nakasuot ng black business suit, parang pang ID ang litrato na headshot lang, at napakaseryoso ng ekspresyon na parang si Kuya lang din.
Hindi ako maaaring magkamali. Ito ’yong matangkad na lalaking nagpakilala sa akin last week sa school.
“Hindi ba kaibigan mo ’to, Kuya? Siya ’yong nagpakilala sa akin last week na kaibigan mo raw siya? Ang pangalan niya ay parang . . . V? V-Vag— Vaughn! Oo tama—Vaughn nga ang pangalan niya!”
Nanlaki na ang mga mata ni Kuya sa sagot ko. “So pinuntahan ka talaga ng lalaking ’yon sa school?”
Inosente naman akong tumango. “Opo, kuya. Nakalimutan ko lang banggitin sa ’yo kasi ’di ka naman makausap at bihira ka naman umuwi sa bahay.”
My brother closed his eyes in frustration. “Damn,” mahina nitong mura at napahagod na sa maiksing buhok na tila ba nanggigil bigla bago muling bumaling sa akin. “What did he say to you?”
“K-kaibigan mo raw po siya,” kibit-balikat kong sagot. “May dala pa nga isang cup ng milktea na vanilla flavor at binigay niya sa akin.”
“So ano—tinanggap mo ba? Ininom mo?”
Marahan akong tumango. “O-opo, kasi favorite ko ’yon e, at nagkataon din na nauuhaw na ako no’n. So malamang tatanggapin ko—”
“Bullshit!” Napahampas bigla si Kuya sa manibela na kinasinghap ko naman sa gulat. “So ano’ng nangyari sa ’yo pagkatapos mong uminom?! May ginawa ba siya sa ’yo?!”
Mas nagulat ako dahil tumaas na rin ang boses nito na parang nagalit na sa akin.
“P-Parang ang oa mo naman po, kuya.” Hindi ko na mapigilan ang mapasimangot. “Wala naman po siyang ginawa sa akin, binigyan niya lang ako ng milktea at kinausap saglit, then umalis na. Bakit, sino po ba ’yon? Hindi mo po ba siya kaibigan?”
“Sumakit ba ang tiyan mo matapos mong uminom? Nahilo ka ba?”
Muli akong umiling na may pagtataka na. “Wala naman po, normal lang. At masarap naman ’yong binigay niyang milktea, hindi masyadong matamis. Pero bakit parang over react ka naman yata, kuya—”
“Hindi ka dapat nakikipag-usap sa taong hindi mo naman kilala!” he yelled, nanlisik na ang mga mata sa akin.
Sa lakas ng boses nito ay muntik na akong mapatalon sa gulat.
Napakurap na lang ako at hindi makapaniwala na napatingin sa kaniya.
My goodness!
Ano’ng problema ng lalaking ’to at ang lakas kung makasigaw sa akin?
Napasimangot na ako na parang nainis na rin. Ngayon lang niya ako sinigawan ng ganito, huling sigaw niya sa akin matagal na—nung umuwi siya sa bahay ng galit at may tinanong naman ako pero sinigawan niya ako nang sagutin niya. Nag-sorry din naman siya sa akin no’n.
Pero ngayon, ano na naman ang problema niya at grabe na naman kung makasigaw sa akin?
“B-Bakit po, kuya . . . h-hindi mo po ba kaibigan ang lalaking ’yon—”
“No!” Inis nitong sagot sa akin at humigpit pa ang hawak sa manibela, dahilan para umigting ang mga ugat sa braso at kamay. Nagtagis din ang mga bagang, kaya pati ugat sa panga at sentido ay nagsilabasan. “If you ever see him again, run away immediately and call for help. That bastard is extremely dangerous.” Malakas pa itong bumuga ng hangin na parang na-stress bigla at pinaandar na muli ang kotse dahil wala nang traffic. “Pero huwag kang mag-alala, hindi ko naman hahayaan na mapahamak ka at mapunta sa mga kamay ng hayop na ’yon.”
I just nodded quietly, swallowing my questions even though his reaction left me unsettled. Kaibigan niya ba talaga ang lalaking ’yon o hindi? Bakit ba siya nagagalit ng ganito?
“Magkakamatayan na, hindi ko hahayaan na makuha ka ng hayop na ’yon” mahina pa nitong bulong habang patuloy sa pagmamaneho. It was low, almost like he didn’t mean for me to hear it, but I did.
Kaya mas lalo akong nawerduhan sa kaniya. Wala akong naintindihan. Bakit ba siya nagagalit?
Mukhang mabait naman ’yong lalaking ’yon at maayos kausap. Guwapo rin, halatang mayaman kasi maganda ang mga suot at sasakyan nang dumating sa school. Katunayan ay halos pinagkaguluhan sa buong campus dahil guwapo raw sabi ng mga classmates and schoolmates ko. Pati ako pinagkaguluhan nang umalis na ’yong lalaking ’yon, pinaulanan ako ng tanong kung kaano-ano ko ba raw ang lalaking ’yon, kung dalawa raw ba ang kuya ko? Bakit parehong guwapo?
Kinilig sila, pero ako hindi. Kasi kahit guwapo ang lalaking ’yon, kasing tanda niya pa rin si Kuya. At wala naman akong hilig sa mga lalaking mas matanda sa akin.
Mas gusto ko pa rin ng kasing edad ko.