“NASA PILIPINAS pa ba tayo?” tanong ni Temarrie. Ilang minuto na kasi ang nakakalipas nang huling beses siyang makakita ng bahay o kahit tao man lang. Puro na lang kasi kagubatan ang nakikita niya sa kaliwa at kanan ng dinaraanan nilang makipot na kalsada. “Parang nasa ibang dimensyon na tayo, eh. Hindi kaya time warp zone ito?”
“Nasa Pilipinas pa rin tayo. At kaya naman wala ka ng nakikitang kabahayan dito dahil nasa private property land na tayo ng Stallion Riding Club. Lahat ng nakikita mong iyan, ultimo insekto, pag-aari ni Reid.”
“Ows, talaga? Mamatay ka man?”
“I’ll respond to that in my next life.”
Yes, magkasama na nga sila ni Jubei sa biyahe. Ito na ang nagmaneho ng kotse habang nakatunghay si Temarrie sa mga tanawin sa labas ng bintana. Akala nga niya ay hindi na siya talaga kakausapin ng lalaki dahil halos ilang araw din silang hindi nag-iimikan sa loob ng bahay. Until he started talking to her last night and told her he would take her to the Stallion Riding Club.
‘Reid Alleje wants to meet you.’
Gusto raw siyang makilala ng may-ari ng riding club na kinabibilangan nito kaya isinama siya para um-attend ng birthday party nito. Nakapag-decide na si Temarrie na hindi na tanggapin ang alok ni Neiji. Hindi naman talaga niya talaga balak iyon na tanggapin dahil, gaya nga ng sabi ni Jubei, masyado siyang abala sa pag-aasikaso sa kanyang restaurant. Isa pa, gusto na rin niyang matigil na ang silent war nila ng asawa. She missed talking to him. Pero nang banggitin ni Jubei na ihahatid na siya nito sa Stallion Riding Club, at para na rin ipakilala sa club owner na halatang importanteng tao rito, naisip niyang ituloy na lang ang naunang plano. Lalo na at iyon ang tila nagpabago sa atmosphere sa pagitan nila.
“Paano kayong nakarating dito, Jubei? Sa tingin ko kasi, parang walang matinong tao na pupunta sa ganitong lugar. Tingnan mo, ang kapal ng vegetation na halos hindi na makita ang sikat ng araw. Parang ganito ‘yung mga setting ng mga horror movies na napapanood ko. Regal shocker ba ito?”
“Masyado talaga iyang imahinasyon mo.” Bumusina muna ito bago lumiko sa isang banda. “Prominente ang mga miyembro ng club. Kapag napupunta kami rito, saka lang kami nagkakaroon ng laya na makagalaw nang walang anomang iniisip na may ibang mga taong sumusubaybay sa amin. Isa pa, sensitibo sa ingay ang karamihan sa mga alaga naming kabayo roon kaya hanggat maaari ay kaunti lang ang ingay na maririnig.”
“So, mas mahal ninyo ang mga alaga ninyong kabayo kaysa sa mga tao rito?”
“Well, we don’t have any relation to the people living near this place. So, yeah, we love our horses more than we love the people here.”
“Ilang taon na itong club ninyo?”
“I don’t know. Bago ako naging miyembro nito, marami na ang umalis at napalitan.”
“Sina Zell ba ay member din?”
“Oo. Mga lalaki lang ang tinatanggap na miyembro ng club. Pero puwede kaming magsama ng mga babaeng gustong matutong mangabayo.”
“Ang kaso, kayo lang ang may karapatan talaga sa mga benefits ng club. Hindi ba parang masyado kayong egoistic niyan?”
“Not really. Anyway, itinayo talaga ang Stallion Riding Club solely for the boys. Kaya walang sinoman ang maaaring magkondena sa amin. We’re here.”
Isa pang liko at bumungad na sa kanya ang malaking karatula ng Stallion Riding Club na nakaukit sa marmol. Wala na ang makakapal at kinatatakutan niyang makapal na kagubatan. Napalitan iyon ng malalawak na lupain na may mangilan-ngilang puno at halaman. Dalawang malalaking race tracks ang nakita niyang nababakuran ng mga puting wooden panels. May malaki at mahabang kuwadra rin na makikita mula roon. Ilang malalaking bahay din na Western style inspired ang disenyo ang nakita niya.
“Kanino ang mga iyon?”
“Sa mga miyembro ng club. Mga lodging houses namin. Minsan kasi ay nagkakaroon kami rito ng mga competitions at activities na inaabot ng ilang araw. Wala kaming matuluyan kaya naisipan ni Reid na magpatayo ng mga bahay dito at ibenta sa amin.”
“Talagang magaling na negosyante ang Reid na iyon, ano?”
“Tuso kamo.”
Ngunit ang pinakamodernong structure doon ay ang gusaling iyon ng club mismo na magkahalong brown, gold at puti ang kulay. Subalit ang mas hinangaan niya sa lugar ay ang mga nangangabayo mismo.
They all looked magnificent with their horses as if they were flying on air. “Ang ganda! Jubei, marunong ka rin niyan?”
“Walang member ng club ang hindi marunong mangabayo.”
“Wow, ang galing!”
Hindi lang ang gusali ng club ang moderno kundi pati na rin ang mga facilities doon. Mahahalata iyon pagpasok pa lang sa lobby ng building.
“Ey, here comes the newlyweds!”
Mula sa malawak na lobby kung saan may mga upuan para sa mga customer ng restaurant na iyon na tinutumbok pagkatapos dumaan sa lobby. Agad niyang nakilala sina Zell at Trigger kasama ng iba pang lalaki at mga babae na halatang mga girlfriends ng mga ito. Kung hindi man, mga flings. Pero iisa lang ang common factors ng mga ito, lahat sosyal. At ang mga lalaki, pare-pareho ng suot na riding uniform. Black jackets with white shirt underneath, cream breeches and black boots.
“Kumusta ang buhay may asawa?” tanong ng isang tila half-Chinese na lalaki. “Mukhang hiyang sa iyo, ah.”
“Don’t start, Yuan.” Tumawa lang si Yuan. “Nasaan na nga pala si Reid?”
“Bakit?” Isa pang lalaki na kadarating lang ang lumapit sa grupo nila.
“Reid. Happy birthday, man.”
“’Lol. Happy birthday ka riyan. Bakit hindi mo sinabi sa amin na ikakasal ka na pala? Wala tuloy sa amin ang nakadalo sa kasal ninyo.”
“Sorry. Biglaan lang din kasi ang nangyari.”
“Shotgun wedding? Hindi halata. You look like you’re very much contented with your marriage.” Doon lang nilingon ni Reid si Temarrie. “You must be the new wife.”
“Hi.” Inilahad niya ang kamay dito. “I’m Temarrie Icasiano.”
“Bernardo,” mariing dugtong ni Jubei. “Temarrie Icasiano Bernardo.”
Napakaganda sa kanyang pandinig.
“Temarrie Bernardo,” nakangiti niyang pakilala uli. And she saw a small proud smile on Jubei.
“Nice to finally meet you, Mrs. Bernardo. I’m Reid Alleje.” Tinanggap na ni Reid ang kamay ni Temarrie. “Kanina ka pa ibinibida sa amin ni Neiji. Mukhang may crush dito sa asawa mo ang isang iyon, Jubei.”
“Mahulog sana siya sa kabayo niya.” Nagtawanan lang ang mga Stallion boys na nakarinig. Pagkatapos ay ipinakilala na siya ni Jubei sa mga ito.
Mababait naman ang mga Stallion boys. Palabiro ang mga ito kaya naging at ease na agad si Temarrie. Welcome na welcome ang pakiramdam niya lalo na sa tuwing binabati siya ng mga ito sa naging wedding nila ni Jubei. Inisip niyang makakilala ng mga girlfriends o asawa ng mga ito. Para may maka-bonding at makakuwentuhan siya kahit paano habang nasa Stallion Riding Club. Ngunit karamihan sa mga kasamang babae ng ilan sa mga ito ay parang dekorasyon lang ng mga ito. Masabi lang na hindi single ang mga ito kumbaga. Nakakayamot isipin pero sa isang banda, bakit naman kaya may pumapayag na mga babae sa maging ganon na lang sa riding club na iyon?
“’Yung iba, naroon pa sa siguro sa fields at nagpapayabangan na naman. Mamaya na lang kita ipapakilala sa kanila.”
“Oo nga pala, Jubei,” singit ng half-Japanese na si Hiro. “There’s someone here who wanted to greet you as well.” May kinawayan ito at nawala ang ngiti sa kanyang mga labi nang makilala kung sino ang tinutukoy nito.
Rumina Alcaraz emerged from the veranda looking like a princess on her red and white riding attire. Wala sa ugali ni Temarrie ang mainggit sa kahit na sino dahil nakuha naman niya ang lahat ng gusto niya kahit noong bata pa siya. Pero ngayon, parang may kung anong ngumangatngat sa damdamin niya lalo na nang makita kung paano ito tingnan ni Jubei. Hindi na nito naalis pa ang mga mata sa babae habang papalapit ito. Parang sa isang iglap, nawala siya sa eksena.
“Kumusta, Jubei?” tanong ni Rumina. “Nagpakasal ka na pala. I saw it on tv. Congratulations.”
Inilahad nito ang kamay kay Jubei. At tila may pumiga sa puso ni Temarrie nang maglapat ang kamay ng mga ito. There was just something special about that handshake. Hindi niya iyon maalis sa isip niya. Gusto naman niyang magalit kay Rumina. Pero wala siyang karapatan.
Dahil ang dalawang ito ang dapat na nagkatuluyan kung hindi siya umeksena sa relasyon ng mga ito.
At nasaan na ba ang mga kurimaw na nag-set up sa kanya para magpunta sa lugar na ‘to nang hindi man lang sinasabi na nandito pala ang totoong ka-forever after ni Jubei?
Papakainin ko ng d**o ang mga lintik na ‘yon.