“ISANG PINEAPPLE juice, please,” order ni Temarrie sa bartender. “Thanks.”
Lumayo na siya sa grupo nina Jubei kanina dahil hindi siya maka-relate sa mga ito. All they talked about was horses and their games. Naiwan niya ang asawa sa tabi ni Rumina dahil hindi niya maatim na makita na magkasama ang dalawa. Nagseselos siya.
Oo, inaamin na niya iyon. Hindi rin niya alam kung paano nangyari iyon. Siguro dahil sa nagkagusto na siya sa kanyang asawa. Ngayon kung kailan naman iyon nangyari, wala rin siyang maibigay na matinong kasagutan sa sarili. Basta ang alam niya, nagtatampo ang puso niya sa isiping mahal pa rin ng mga ito ang isa’t isa at siya’y panggulo lamang. Napabuntunghininga na lang siya. Noon, sa pamilya niya. Ngayon naman, kina Jubei at Rumina. Kailan ba darating ang araw na hindi na isang panggulo lang ang magiging papel niya sa buhay ng mga tao sa paligid niya?
Tatlong babae ang lumapit sa counter hindi upang um-order ng maiinom kundi upang patutsadahan siya.
“Oh, look who’s here. Ang babaeng mang-aagaw.”
“Sabi nila, maganda raw ang asawa ni Jubei.” Pinasadahan ng tingin si Temarrie ng isa sa mga ito mula ulo hanggang paa. “Hindi naman pala totoo ang tsismis. Mas maganda pa rin si Rumina.”
“At mas bagay kay Jubei.”
“Ano ba ang ginawa mo para mahila mo sa altar si Jubei, ha? Nagmakaawa ka ba sa harap niya? Naghubad at ini-offer mo sa kanya ang katawan mo? Dahil wala akong maisip na ibang dahilan para iwan ni Jubei si Rumina at magpakasal sa isang gaya mo lang.”
“Hindi ikaw ang tipo ng babae ni Jubei.”
“If it wasn’t for you, masaya pa sana sila ngayon ni Rumina. Pakialamera ka kasi. Wala ka na bang ibang maaakit na lalaki kaya pati ang pag-aari pa ng iba e pinag-interesan mo?”
Hindi makaimik si Temarrie. Ganito siya kapag guilty, hindi maipagtanggol ang kanyang sarili. Totoo naman kasi ang lahat ng sinabi ng mga ito. Aalis na lang sana siya para wala ng gulo nang may isa pang babae ang tumabi sa kanya.
“Hi. Is it true na ikaw ang babaeng pinakasalan ni Jubei at hindi si Rumina?”
Hindi sumagot si Temarrie. She just wanted to get out of this place. Babalik na lang siya sa Manila--
“Kung ikaw nga ang pinakasalan ni Jubie, well, that’s good,” patuloy ng babaeng tumabi sa kanya. “I never thought Rumina would be good for Jubei anyway. Masyadong stiff ang babaeng iyon. Jubei needed someone with a little life in her. Yung hindi boring kasama sa buhay. You, you look like you have that little spunk in you. At mukhang nakita iyon ni Jubei sa iyo. What’s your name?”
“Dominique, don’t say something like that,” saway ng isa sa tatlong babae. “Baka marinig ka ni Rumina. You’ll hurt her feelings.”
“Since when did I ever care for anyone’s feelings other than mine and my Zell?” Hinarap ni Dominique ang tatlong babae. “At kayo, inaalala ninyo ang mararamdaman ng babaeng bato na iyon samantalang wala kayong pakialam sa magiging reaksyon ni…ni…” Nilingon siya nito. “Ano na nga ang pangalan mo?”
“Temarrie—“
“Ni Temarrie,” patuloy nito nang muling binalingan ang tatlo. “Kung ano-anong pinagsasabi ninyo sa kanya. Wala naman siyang ginagawang masama sa inyo.”
“Pinakialaman niya ang relasyon nina Jubei at Rumina.”
“E, kayo, anong pakialam ninyo roon? You’re not even Rumina’s friends.” Nagpamaywang ito. “Kayo lang yata ang naiinggit kay Temarrie dahil matagal na rin kayong nagpapa-cute kay Jubei pero hindi niya kayo pinapansin. Kaya nanggagalaiti kayo ngayon dahil siya ang pinakasalan.”
Mukhang natumbok ng madaldal na si Dominique ang kahinaan ng mga babae dahil hindi nakahirit pa ang mga ito.
“Let’s just go, girls. Baka mahawa pa tayo sa ka-cheap-an ng dalawang ito na habol ng habol sa mga lalaki.”
“Alam nyo,” wika uli ni Dominique. “Malawak ang lupain ng Stallion Riding Club. Mas malawak nga lang ang lupain namin pero puwede na ang lupaing ito para maging bacteria na lang ang mga buto ninyo bago pa kayo mahanap kapag naisipan kong burahin kayo sa sa ibabaw ng earth.”
“Yeah, right. As if.”
“Gusto mong subukan? Mayaman ako. Kahit batas kaya kong bilhin. Ikaw…magkano ka, ha? Kayong tatlo, magkano ang kaluluwa ninyo?”
Nag-alisan na lang ang mga ito imbes na sagutin pa ang tanong ni Dominique.
“Hah, akala mo naman kung sino ang mga bruhang iyon. Mga sampid lang din naman sila dito.” Binalingan uli ni Dominique si Temarrie. “Huwag kang makikipag-usap sa mga hampaslupang iyon at baka magaya ka sa kanila. That’s why I really don’t like the atmosphere here. Atmosphere ng mga dukha. Nakakasura!”
Hindi alam ni Temarrie kung matatawa siya kay Dominique o mapapakunot-noo na lang sa mga pinagsasasabi nito. Ang hangin kasi talaga ng dating nito, daig pa ang pinakamalakas na bagyong dumaan sa bansa. Pero gusto naman niya ang attitude nito. Walang kiyeme. At ipinagtanggol pa siya.
“Salamat, ha?”
“Walang anoman. Pero sa susunod, huwag mo na hayaan ang ibang tao na tapak-tapakan ka ng ganon. Lalo na within hearing distance sa akin. Nai-stress kasi ako.”
“Sorry. Gusto ko naman talagang sumagot kaya lang, wala akong ganang makipag-argumento.”
“Bakit?”
Ngumiti lang si Temarrie. Dumating na ang in-order niyang inumin at nagpasalamat siya sa bar tender. “Sabi mo kanina na ayaw mo rito. Kung ganon, anong ginagawa mo rito?”
“Nandito kasi ang kapalaran ko.” Nagningning ang mga mata ni Dominique nang may kung sinong makita sa isang bahagi ng establishment na iyon.
Nakilala ni Temarrie ang tinitingnan ito. Si Zell Zapanta.
“If it wasn’t for my beloved Zell, hindi ako magtitiyaga rito,” wika ni Dominique. “The guys here were alright. Ang mga babaeng karay lang nila ang hindi ko ma-take. Mga social climbers. Nagka-pera lang ng apat na milyon sa bangko, akala mo kung sino ng magsi-asta. Karamihan walang modo. Ah, hindi pa nga pala ako nagpapakilala. I’m Paz Dominique. Ako rin ang pinakamayaman dito.”
Natawa na lang si Temarrie. Nakakaaliw ang pagiging mahangin ng isang ito. Tinanggap niya ang nakalahad nitong kamay. “I’m Temarrie. Hindi ako kasing yaman mo.”
“That’s okay. You’re at least nice enough. I watched your wedding on television, by the way. It’s cute. Lalo na nung isuot ni Jubei sa iyo ang naiwan mong sapatos. Kakaiba ang wedding scene na iyon. Kinda sweet.”
Ngumiti lang si Temarrie. Oo, iyon ang araw na inagaw niya si Jubei sa babaeng mahal nito. Saan kaya siya makakakuha ng masasakyan palabas ng lugar na iyon?
“Kaya nga nagtataka ako kung bakit hinahayaan mong mag-isa roon ang asawa mo,” patuloy ni Dominique. “Hindi ka natatakot na maagaw siya sa iyo? Lalo na ng Rumina’ng iyon? Mukha pa namang may masamang balak ang babaeng iyon sa asawa mo.”
“Karapatan niya iyon. Dahil kanya naman talaga si Jubei.”
“What are you talking about? Wala na siyang karapatan kay Jubei dahil ikaw na ang pinakasalan niya.”
“Hindi ganon kasimple iyon, Dominique.” Nilingon niya ang direksyon ng dalawa. Magkausap pa rin ang mga ito. She felt something squeezed her heart once again. “Nakialam lang ako sa relasyon nila kaya hindi sila ang nagkatuluyan.”
“I see. Well, I don’t really see but I get your point. Kumplikado talaga ang pag-ibig, ano? Anyway, do you love Jubei, Temarrie?”
Madali lang iyon sagutin. “Oo.”
Kung sana’y ganon lang din kadali na ipaliwanag ang mga nangyari sa kanya, in regards with that man she had fallen inlove with unconsciously.