KABANATA 5:
KAHIT GUSTO KO NA SANANG UMUWI para masilip si Nomi kung naroon na nga ba talaga sa bahay, hindi ko nagawa dahil binantayan ako nang husto ni Jelay. Sa paraan pa lang kung paano niya ako tingnan nang masama, mukhang kinukulam na niya ako.
"May usapan tayong hanggang alas tres ka, ang usapan ay usapan," mariing aniya.
Kakamot-kamot sa ulong naupo ako sa silya habang naghihintay ng susunod na costumer. Hindi naman sana ako matataranta nang ganito kung hindi lang sinabi sa akin ni Nomi na may iilang mga babaeng masama ang tingin sa kaniya habang nakapila. Baka mamaya awayin siya ng mga iyon!
Hindi naman ako natatakot na bigla siyang umalis, ang ikinatatakot ko ay mawalan ako ng opurtunidad na mas malaman pa ang kaso ni Nomi. Sa dalawang taon kasi ng pagiging albularyo ko, ngayon lang ako nakatagpo ng kasong masasabi kong mahihirapan ako nang husto. Gusto ko ng challenge kahit na papaano.
"Siguro maganda 'yang pasyente mong 'yan, halatang kating-kati ka nang umuwi e." Masungit na nagwawalis si Jelay ng sahig. Kung makapagsalita, akala mo talaga girlfriend ko siya.
"Bakit ba galit na galit ka sa magagandang babaeng pasyente ko? Nagseselos ka ba?" Nag-angat baba ang kilay ko.
Tumigil siya sa pagwawalis at nag-angat ng tingin sa akin. Pumukol ang nanlalaki niyang mga mata sa akin kasabay ng pagbagsak ng walis tambo sa sahig. Napatalon ako sa gulat at napalunok sa paraan ng pagtitig niya sa akin.
"Hindi ako nagseselos, Ajax. Mandiri ka naman sa sarili mo." Umirap siya at yumuko para damputin muli ang walis tambo.
Natawa ako roon. "Sus, Jelay! Sinasabi ko na nga ba e, kunwari lang yata na tomboy—" Mabilis na sumapol sa noo ko ang dustpan na hawak niya kasama ang mga alikabok na nawalis niya.
"Sabihin mo kay Tita, sorry kung nadungisan ko ang makinis mong noo."
Kaya umuwi tuloy akong namumula ang noo. Mabuti na lang at hindi nagkabukol dahil mahihirapan akong magpalusot kay Mama. Hindi alam ni Mama na masyadong brutal ang best friend kong si Jelay. Ayaw ko rin namang malaman niyang mapanakit si Jelay dahil paniguradong isusumbong niya kay Mama ang dahilan kung bakit mas pinili kong maging albularyo kaysa ang maging pharmacist. Mabait naman si Jelay e, kapag badtrip lang talaga o kaya may regla, mainit ang ulo. Sigurado akong may regla ang babaeng 'yon!
Malayo pa ako sa bahay, natanaw ko na kaagad ang mahabang pila mula sa pinto namin. At sa dami ng mga nakapila roon, para akong artistang binati ng mga naroon nang makita ako. Iyong iba nama'y napa-pasalamat dahil sa wakas ay mag-uumpisa na raw.
Ngunit kahit na panay ang tawag at bati sa akin ng ibang mga nakapila, hinagilap pa rin ng mga mata ko si Nomi. Pinakatitigan ko talaga ang bawat mukha, hinanap na rin ng mata ko ang kotseng gamit nila ngunit wala talaga. Hanggang sa nakarating na lang ako sa bahay at kinuha ang listahan ng mga nakapila roon. Si nanay ay abala sa paghahanda ng gagamitin kong pang-tawas.
Bumaba ang tingin ko sa papel na listahan at inisa-isa ang mga pangalan doon. Wala rin ang pangalan niya. . .
"Ma, nagpunta ba rito si Nomi?" takang tanong ko.
Masungit na nag-angat siya ng tingin sa akin. "Oo, kanina. Babalik na lang daw siya mamayang gabi."
Tumango ako at hindi na muling nagtanong pa. Siguro nainip sa pila o kaya tuluyan nga talagang nainis sa mga die-hard fans ko.
Nagpahinga na muna ako at kumain nang kaunti bago ako nagsimulang magtawas. Nasa trenta mahigit na katao rin ang tinawas at hinilot ko hanggang sa isang babaeng nasa mid 20's ang huling pasyente.
"Anong problema?" tanong ko.
Mukha naman kasing okay siya, kinabahan tuloy ako habang naghihintay ng sagot. Kasi baka mamaya, manloloko na naman!
"Balita ko, marunong ka raw gumawa ng trap spell para sa mga aswang. Nabalitaan ko 'yong nangyari sa Sitio Valiente. . ."
Napalunok ako sa sinabi niya. Kung hindi ito aswang galing sa Baryo Guerrero, malamang na isa siya sa mga taga-silbing nakatira sa loob ng Sitio.
"Anong kailangan mo?" tanong ko. Sinubukan kong tingnan ang mga mata niya para malaman kung tao ba siya o aswang ngunit pilit niya itong iniiwas sa akin.
"Gusto ko sanang gawa'n mo ako ng spell si Trebor Valiente. Gusto kong mapaibig siya sa akin." Ngumiti siya.
Kumunot ang noo ko't nag-isip kung sino nga ba si Trebor Valiente, pero hindi ko maalala. Narinig ko lang noon nang magawi ako sa Sitio'ng iyon nang mapag-utusan.
"Pasensya na, hindi na ako gumagawa ng spells at hindi kasama sa ginagawa ko ang manggayuma. Akitin mo siya sa natural na pamamaraan para mas happy ka. Bye!" Tumayo na ako agad pagkatapos ay lakad takbong dumiretso sa loob ng bahay.
Hindi ko pa naman alam kung aswang ba 'yon o tao dahil ayaw niyang ipakita ang mga mata niya.
Nang makapasok sa loob ng bahay, kaagad na isinara ko ang pinto at ini-lock iyon. Ngunit hindi pa man ako nakaka-recover, tumunog na ang cellphone ko mula sa isang tawag.
"Hello?"
Ilang segundo akong naghintay bago siya nagsalita.
"S-sir, n-nasa labas po ako ng bahay n'yo." Si Nomi!
"O, ano pang hinihintay mo—"
"Labas, Ajax. Tulungan mo ako o kakainin ko itong isa sa pasyente mo."
Umawang ang labi ko nang marinig ang boses ng babaeng kausap ko kani-kanina lang.
"Tangina," mahinang mura ko. "Huwag ka namang mangdamay ng ibang tao! Ito na nga at lalabas na ako," sabi ko.
Naiiritang binuksan ko ang pinto ng bahay namin ngunit laking gulat ko nang bumungad iyong babae habang hawak ang leeg ni Nomi. Humarap siya sa akin, nakita ko ang matatalim niyang pangil habang nakatingin sa akin.
"Hindi mo pa rin ba ako tutulungan?" taas-kilay na tanong niya.
Bumuntonghininga ako. "Oo na, bibigay kita ng gayuma. Teka lang ha?" sarkastikong sabi ko.
Tumalikod ako at bumalik sa loob ng bahay. Dumiretso ako sa isang kwarto kung saan naroon ang mga ginawa kong gamot kasama na ang mga gamot na ginawa pa ni Lola. Kumuha ako ng isang bote na naroon pagkatapos ay bumalik sa pinto.
"O, ayan na! Kahit huwag ka nang magbayad, bitiwan mo lang ang babaeng 'yan."
Unti-unti siyang ngumiti nang malapad pagkatapos ay binitiwan ang leeg ni Nomi. Napaubo si Nomi nang bitiwan ang kaniyang leeg.
"Sigurado ka bang gayuma 'to?" Pinakatitigan niya nang maigi ang bote pagkatapos ay nag-angat ng tingin sa akin.
Napalunok ako ngunit pilit akong umarte na hindi ako kinakabahan.
"Oo, gayuma 'yan. Balikan mo 'ko rito kung hindi gumana."
Napapalatak siya ng tawa. "Babalikan talaga kita, gigilitan kita ng leeg at kakainin ko ang bawat parte ng lamang loob mo kung hindi ito gagana."
"Gagana nga 'yan!" sabi ko. "Kung wala kang tiwala, akin na—"
"Hindi! Kukunin ko," aniya. Tumalikod na siya at walang pasasalamat na naglaho na lang bigla.
Napailing na lamang ako at nilingon si Nomi na tulalang nakatayo sa harap ko.
"Halika na, pumasok ka na sa loob at tatawasin na kita."
Kahit na tulala pa ay marahan siyang tumango pagkatapos ay dumiretso papasok sa loob ng bahay. Pagkasara ko ng pinto, kaagad rin naman siyang nagtanong.
"Totoo bang gayuma 'yon? Nagbebenta ka ng gayuma?" kuryosong tanong niya.
Nilingon ko siya't umiling. Dinukot ko mula sa aking bulsa ang cellphone ko saka hinagilap ang numero ni Rave. Iyong contact kong half tao at half aswang na nakatira sa Sitio Valiente.
Ilang saglit na nagring ang phone niya bago sinagot.
"Bakit?" malamig na tanong nito.
"May babaeng pumunta rito kanina, binantaan ako para pagbilhan ng gayuma at ipapainom kay Trebor. Pakiabisuhan si Trebor na huwag iinom ng kahit na anong inumin galing sa babaeng may maiksing buhok na kulay brown," sabi ko.
Naalala ko na si Trebor Valiente. Naalala kong pinuntahan ako ng anak ng pinuno ng aswang sa Sitio Valiente para pagbantaan at kamuntikan pa akong patayin dahil muntik na siyang mamatay dahil sa ginawa kong pagtulong kay Rave noon. Mabuti at nagkaayos na ang lahat. Ay basta, mahabang kwento ang nangyari sa Sitio nila at dahil din iyon sa prediction ng Lola kong si Lola Ora.
"Gayuma ba talaga ang ibinigay mo sa babaeng 'yon?"
"Hindi, wala akong panggayuma at hindi ako mag-aabalang gumawa ng gayuma. Pampatae ang ibinigay kong gamot, baka biglang magpururut iyang si Trebor kapag nakainom no'n e."
Napahagalpak ng tawa si Rave sa kabilang linya. "Okay sige, salamat sa paalala. Mukhang takot ka talagang kainin ka ni Trebor."
"Sino bang hindi? O sige, patayin ko na 'to at may pasyente pa ako."
Hindi pa man ako nakapagpapaalam ay pinatay ko na ang tawag at nag-angat ng tingin kay Nomi.
"Totoong m-may aswang sa Sitio Valiente?" takang tanong ni Nomi.
Ngumiwi ako at nauna nang maupo sa kaniya sa silya. Mabuti na lang at wala si Mama, lumabas para mamalengke. E kapag namalengke 'yon, inaabot ng siyam-siyam dahil nakikipag-tsimis-an pa!
"May engkanto nga e, aswang pa kaya?" umismid ako. "Sige tatawasin na kita."
Ipinasulat ko sa kaniya ang pangalan niya sa maliit na papel pagkatapos ay kinuha ko ang langis na ginagamit ko sa pagtatawas. Dinasalan ko iyon, pabulong. Pagkatapos ay pinahiran ng kaunting langis ang papel at inilapat sa noo ni Nomi.
Dinasalan ko iyon at ibinulong na ipakita sa akin ang gumagambala sa kaniya. Nang matapos ay itinapat ko iyon sa liwanag. Napakurap ang mga mata ko nang makitang tama ang hinala ko. . .
"A-ano po ang nakita mo?"
"Tama ang nakita ko kahapon sa bahay n'yo. Prinsipe siya ng mga engkanto. . .
—
ASTRAL PROJECTION. Iyan ang nabasa ko sa libro ni lola na dapat kong gawin para makapunta sa mundo ng mga engkanto. Narinig ko na 'yon noon, e. Pero hindi ako naging curious. Ngayon lang na kailangan kong gawin.
Nang malaman ko kahapon na prinsipe ng mga engkanto ang kalalabanin ko, alam ko na kaagad na hindi basta-basta ang trabahong gagawin ko. Hindi kakayanin kung maglalaban kami sa magkabilang mundo. Kinakailangang siya ang pumunta rito o kaya nama'y ako ang pumunta sa kanila.
“Mama, nag-astral project ka na ba noon?” tanong ko kay Mama habang nag-aalmusal kami ng itlog at sinangag na niluto niya.
Tumaas bigla ang kilay niya at naibaba ang kutsarang hawak. “At bakit? Susubukan mo talagang gawin para sa babaeng 'yon? Aba sinasabi ko talaga sa 'yo, Ajax ha! Hindi na maganda—”
“Mama! For experience lang! Hindi dahil may gusto ako sa kaniya o ano. Para 'to magawa ko 'yong dapat para tulungan siya!” Inis na napakamot ako sa ulo saka ngumuso. “Bahala ka nga r’yan, gusto mong gawin ko 'to noon tapos ngayon nagrereklamo ka. Hay nako Ma, ano na lang ang gagawin ko sa buhay ko? Ngumanga habang kinakalawang?”
“Oo na! Oo alam ko 'yan, nagawa ko na 'yan,” napipilitang sagot niya.
Napangiti ako. “Talaga Ma? Paano? Turuan mo naman ako!”
“Ayaw ko nga!”
“Talaga? Kahit maghugas pa ako ng plato?”
Umiling siya at nagpatuloy sa pag-kain. “Ayaw.”
“Kahit ako na maglalaba? Magsasampay? Magtutupi? Maglilinis ng bahay? Mamamalengke?”
“Kahit anong gawin mo, ayaw ko. Ayaw kong mapahamak ka.”
“Pero Ma. . .”
“Tapusin mo na ang pagkain mo at maghugas ka na ng plato.”
Sumimangot ako, “Ayaw ko nga! Ayaw mong sabihin sa akin kung paano, e!”
“Ayaw mo? Ayaw mo talaga ha?” Pinanlakihan niya ako ng mga mata. Napakamot ako sa ulo. Makita ko pa lang ang nanlalaking mga mata ni Mama, takot na ako.
Mabilis akong umiling. “Sabi ko nga, e. Maghuhugas ako ng plato, Ma.”
Pagkatapos ngang kumain naghugas na ako ng plato kahit nababadtrip ako kay Mama. Medyo naiinis na ako sa kaniya dahil hindi na nagiging maganda ang pagiging over protective niya. Hindi ko naman aasawahin si Nomi, tutulungan ko lang. Samantalang siya naman ang may gusto na gawin ko 'tong pagiging albularyo. Hay talaga si Mama.
Dahil hindi ko nga siya makausap nang maayos, sinubukan kong magresearch na lang tungkol sa Astral Projection. Nalaman kong marami pala ang gumagawa no'n at salungat ng sinabi ni Mama na mapapahamak ako, maraming nagsabing hindi naman ito nakakapahamak.
Talaga naman si Mama, ang lakas ng tama!
Pagkauwi ko galing sa botika, dumiretso na kaagad ako sa kwarto. Sinamantala ko habang inaantok ako. Nahiga ako sa papag nang nakatihaya, pinatugtog ko iyong melody na pang meditate dahil kailangan kong marelax para magawa nang maayos.
Ilang beses akong nag-inhale at exhale. With matching pag-iisip na makararating ako ro'n. Na maihihiwalay ko ang diwa ko sa katawan ko.
Mga ilang minuto siguro ang lumipas, nakaramdam ako na tila ba nagba-vibrate ang katawan ko.
Shit, ito na yata 'to! Kasi ito 'yong nabasa ko sa internet, e!
Mas lalo akong nag-focus. Hinayaan ko ang sarili ko hanggang sa maidilat ko ang mga mata ko sa pagkakataong unti-unti nang hinahatak ang ispirito ko. Hinahatak ako paitaas hanggang sa lumutang ako at maharap ang mismong katawan ko.
“Okay na,” bulong ko sa sarili.
Hinawakan ko ang sarili kong pisngi na ngayon ay kaharap ko at natutulog.
Napailing na lamang ako habang pinakatititigan ang mukha kong mahimbing na natutulog.
Kaya naman pala. . .
Kaya pala nagkakandarapa ang mga babae kasi ang pogi ko pala talaga! Sinasabi ko na nga ba e, hindi naman mahuhulog ang mga salawal nila kung hindi ako gwapo.
Pero teka, hindi ko na muna dapat isipin 'yon. Lumingon ako sa pinto at dumiretso roon. Binuksan ko ang pinto at laking gulat nang makitang hindi sala ang naabutan ko. Kundi ibang mundo! Ito na ba 'yong sinasabing lugar ng mga engkanto? Gubat ito at puno ng naglalakihang puno. Napakaganda ng paligid, may mga nagliliparang alitaptap pa.
Saan kaya 'to? Tapos. . .
Nasapo ko ang noo ko dahil nakalimutan kong magresearch naman tungkol sa kung paano ako makakapunta sa mundo ng mga engkanto.
“Putangina naman, ang bobo ko, napaka-excited kasi!”
Imbes na mainis sa sarili, naglakad-lakad na lang ako sa gubat na napuntahan ko. Ang ganda rito, ngayon ko lang nakita 'tong gubat na 'to, parang out of this world talaga. Anong parang out of this world? Wala talaga 'to sa mundo namin!
Tulad ng sabi ng mga nabasa ko sa internet. At saka baka may matuklasan din ako.
May nadaanan akong batis, ang linaw ng tubig!
Mayamaya pa, sa paglalakad ko, may nakita akong isang kubo roon. Sa pagiging kuryoso ko, pinuntahan ko 'yon at huminto sa harap at balak sanang pumasok pero natigil nang may humawak sa balikat ko.
“Hoy! Saan ka pupunta?”
M-may tao?
Nilingon ko iyon at naabutan ang isang babaeng may kulay pula, kulot at mahaba ang buhok. Maputi siya at mapula ang pisngi. Maganda sana kaso mukhang ewan dahil nakabangs kahit kulot. Kulot pa naman na parang canton ang buhok niya.
“Sino ka? Paano ka nakapunta rito?” takang tanong ko. Kasi sa pagkakaalam ko, dapat mag-isa lang ako rito at bihira lang makasalubong ng tao. Hindi naman kasi lahat e kayang mag-astral project!
Bakit ang bilis naman yatang may makasama ako rito?
“Aba, pumunta ka rito na wala kang alam? Tapos gusto mo pang pumunta r’yan sa loob? Hibang ka ba?”
Kumunot ang noo ko. “Epal ka 'no? Bakit? Ano naman kung pupunta ako r’yan?”
Umirap siya, halatang naiinis na sa akin. “Madalas ang mga napapahamak ay 'yong mga matitigas ang ulo. Delikado sa lugar na 'yan kaya please umuwi ka na! Bumalik ka na sa katawan mo.”
“Pero may kailangan akong puntahan, hindi pwedeng umalis na lang ako bigla dito.”
“Importante ba 'yan?” taas-kilay na tanong niya.
“Oo, importante at may kailangan akong tulungan kaya pwede ba, padaanin mo na ako—”
“Tutulungan kita,” aniya.
Mas lalong nangunot ang noo ko. “Ano? Bakit mo naman ako tutulungan? Kaya ko na 'to. Ang lakas ng loob mo e, babae ka lang naman!” inis na sabi ko.
Nanlaki ang mga mata niya. Tila na-hurt ko yata ang ego.
“Abaaa! Ang yabang mo ha! O sige pasok d’yan nang wala kang alam. Good luck na lang kung makauwi ka pa! Babush!”
Iniwan niya ako roon, naglakad siya palayo sa akin na agad ko lang ding inilingan. Sus! Ako pa ba? Kaya ko 'to!
Ibinalik ko ang atensyon ko roon sa bahay-kubo. Nang sumilip ako'y napalunok ako nang makitang madilim dahil walang ilaw. At para bang may nakasilip sa akin mula sa loob. Inaamin kong medyo nakakatakot nga pero mas malakas ang loob ko. Palapit na sana ako sa pinto nang may humatak sa akin.
“Tangina, napakakulit! Ang tigas ng ulo, uwi!”
Hindi ako makapalag. Hinatak niya ako, hinila, halos magkanda-dapa-dapa.
“Hoy! Ano ba? Ano bang problema mo at ayaw mo akong papuntahin 'don?!” inis na sigaw ko.
“Umuwi ka muna, pupuntahan kita sa bahay mo. Uwi!”
Tumigil siya sa paglalakad at hinarap ako. Kunot ang noo niyang pinitik ang noo ko na. . .
Nagpagising sa akin sa totoong mundo.
Mabilis na bumangon ako at luminga sa paligid. Sino 'yong epal na 'yon? s**t naman! Nandoon na ako, e.
Wala na akong nagawa kundi ang subukan na lang ulit 'yon mamaya.
Pero. . .
Pupunta kaya talaga 'yon? Ay aba! Napakaimposible dahil hindi ko naman siya kilala. At hindi niya alam ang bahay ko.
ITUTULOY. . .