Naging busy kaming lahat at inayos ang garden para mamaya. Kami-kami lang namang pamilya ang magce-celebrate ng wedding anniversary nila mamita at daddy Cedric. Sinuot ko ang isang off-shoulder dress na hanggang tuhod ang haba at tinernuhan ko lang ng flat sandals. Umikot pa ako sa salamin at matamis akong ngumiti pagkakita ko sa aking kabuuan.
Maagang dumating sina papa Mazer at kasama naman niya si Mama Tin na hindi pa rin kumukupas ang ganda. Sayang nga lang at wala si Zadie dahil nasa camping ito ng school nila at bukas pa raw ang uwi. Sunod namang dumating si Ulysses na may dalang regalo pa para kina mamita at sinalubong pa siya ni Margaux.
“Hi Madel,” bati niya sa’kin.
“Ang guwapo mo ngayon ah!” Nakangiting saad ko naman.
“Sa’yo lang naman siya nagiging guwapo ate,” sabad naman ni Margaux na kumakain na ng shanghai.
Hindi na lang ako nagsalita dahil alam kong nagbibiro na naman ang kapatid ko. Alam nila na matagal ko ng crush si Ulysses kaya sa tuwing nakikita nila kaming magkasama ay nagpaparinig ito o ‘di kaya’y inaasar ako. Lihim kong hinila ang buhok niya at sinamaan naman ako nang tingin.
Maya-maya pa’y dumating na rin si mamita at daddy Cedric at naupo na rin kami sa isang mahabang mesa. Simple lang naman ang celebration at gusto lang nila na magkakasama kami sa pinakamahalagang araw para sa kanila.
“Teka, nasaan ang mommy mo?” tanong ni daddy Cedric ng hindi niya makita si mommy.
“May kausap lang po dad sa loob, medyo nagkaroon kasi ng problema sa restaurant eh.” Si daddy na ang sumagot na katabi ko naman sa upuan.
Tiningnan ko ang cellphone ko at kanina ko pa tinatawagan si Jeremy pero hindi naman niya ito sinasagot. Nag-aalala ako dahil baka kung ano na ang nangyari sa kaniya at baka naaksidente na naman siya sa kaniyang motor. Kung bakit naman kasi ayaw niya pang magkotse at nagtya-tyaga siya sa motor niya, mayaman naman sila at kayang-kaya niyang bumili ng sasakyan kahit ilan pa.
“Madel, may problema ba? Kanina ka pa tingin nang tingin diyan sa telepono mo eh.” Mabilis akong napabaling nang tingin kay daddy at kanina pa pala niya ako pinagmamasdan.
“P-po? A-ano kasi dad eh, m-may hinihintay lang po ako”
“Who?”
Nagring naman ang telepono ko at nakita kong si Jeremy ang tunatawag. Kaagad akong tumayo sa upuan ko at lumayo muna sa kanila para sagutin ang tawag.
“Jeremy where are you?”
“I’m sorry my wife I can’t make it.” Iyong kaninang ngiti ko ay napalitan ng pagka-dismaya. “Baby, still there?”
“May nangyari ba?”
“May biglang importante kasi akong lakad ngayon eh. Bawi na lang ako next time okay?” Sa inis ko ay pinatayan ko na siya ng telepono at padabog naman akong bumalik sa aking upuan.
Masaya naman silang nagtatawanan pero ako ay halos umusok na ang ilong ko sa inis. Mas importante pa siguro ‘yong lakad niya kaysa sa’kin. Ready na ‘ko ipakilala siya bilang boyfriend ko tapos ganito pa ang mangyayari. Bahala talaga siya sa buhay niya hinding-hindi ko siya kakausapin na para bang hindi siya nag-eexist sa mundong ito.
"Ma’am Madeline, may bisita po kayo sa labas.” Napatingin ako sa isa sa mga kasambahay namin at tila pangiti-ngiti pa ito sa’kin.
Kumunot naman ang noo ko dahil wala naman akong ibang inaasahang bisita bukod sa ipis kong boyfriend na hindi naman pala makakarating. Binalingan naman ako nila at nagtataka rin kung sino ang tinutukoy ng kasambahay namin.
“Sino raw po?” takang tanong ko.
“JV daw po.” Lalong nangunot ang noo ko dahil wala naman akong kilalang JV.
Pinuntahan ko na lamang siya at hinihintay daw niya ako sa may labas ng gate. Pagkabukas ko ng gate ay kaagad na bumungad sa’kin si Jeremy na nakasuot ng simpleng polo shirt na kulay gray na mas lalong bumagay sa kaniya. Halatang bagong gupit din ito at wala na ‘yong nag-iisang hikaw niya sa tainga. Walang salitang lumabas sa’kin at basta lamang akong nakatitig sa guwapo niyang mukha.
“Am I late?” Napakurap-kurap pa ako at saka ko naman siya sinimangutan.
“Akala ko ba hindi ka makakapunta? Anong ginagawa mo rito? Naligaw ka yata at hindi ito ang importante mong pupuntahan.” Mahina pa siyang tumawa at lumapit sa’kin.
“Nothing is more important than you baby.” Iyong kilig ko umabot yata sa lamang loob ko. Pansin ko naman ang isang bouquet ng bulaklak na nasa kaliwang kamay niya kaya doon din natuon ang kaniyang atensyon. “Hindi ko alam kung ano ang ibibigay sa grandparents mo eh.” Sabay kamot niya pa sa kaniyang ulo.
Napangiti na lang ako dahil halata naman na nag-effort pa siya para lang may maibigay sa kanila. Hinila ko na siya papasok sa loob at hinawakan ko naman ang kamay niya at pinagsiklop pa ito. Kita ko sa gilid ng mga mata ko na nagulat siya at mas lalo pa siyang magugulat kapag ipinakilala ko na siya sa kanilang lahat.
Nakuha ko naman ang atensyon nila nang makalapit na kami at bumaba pa ang tingin nila sa magkahawak naming mga kamay. Huminga pa ako ng malalim para kahit papaano ay maibsan ang kaba sa aking dibdib. Sinulyapan ko pa si papa Mazer na matamang nakatitig sa’min at ganoon din si daddy.
“Ate, don’t tell me he is your__”
“Yes Margaux.” Putol ko sa sasabihin ng aking kapatid. “He’s Jeremy, boyfriend ko po.” Ramdam ko ang paghigpit nang hawak niya sa aking kamay at tiningnan ko naman si daddy kung ano ang kaniyang reaksyon.
As usual ay hindi na naman siya nagulat dahil in the first place alam na niya kung sino ang boyfriend ko. Samantalang si papa Mazer naman ay tila hindi makapaniwala sa kaniyang narinig at hindi inaalis ang pagkakatitig kay Jeremy. Ganoon na ganoon siya kung tingnan niya ito noong una niya palang itong makita.
“You mean that handsome guy is your boyfriend?” Hindi makapaniwalang tanong ni mamita.
“Yes po mamita, I’m sorry po hindi ko sinabi kaagad”
“It’s okay hija, nagulat lang ako dahil dalaga na talaga ang apo ko. Halina kayo at umupo na kayo.” Bago pa kami umupo ay ibinigay naman niya kay mamita ang mga bulaklak at tuwang-tuwa naman siya nang iabot ito ni Jeremy sa kaniya.
Umupo naman ako sa tabi ni daddy at kaharap ko naman siya. Magkatabi sila ni Ulysses at nagkatinginan pa ang dalawa. Sana naman ay hindi maasar ang ipis na ‘to at walang kalokohang mangyari sa pagitan nila.
“Anong nagustuhan mo sa ate ko? E mukhang amazona ‘yan!” Siniko ko naman si Mavy dahil sa kadaldalan niya.
Narinig ko pa ang pagtawa ni Jeremy kaya sinamaan ko siya nang tingin. Kung hindi lang ako marupok tuluyan ko na talaga siyang hindi kakausapin.
“Magkamukha kayo ni Ulysses hijo, hindi ba Madel?” Nanlaki pa ang mga mata ko dahil hindi ko inaasahang mapapansin iyon ni mamita.
Kung tititigan silang mabuti ay magkamukha nga talaga sila. Kung hindi ko lang alam na magkapatid sila ay ganoon din ang iisipin ko. Pinahalata ko na lang na wala akong alam at muli kong tiningnan si Jeremy na walang imik.
“Si mamita talaga! Pareho lang kasi silang guwapo kaya magkamukha sila,” sagot naman ni Margaux. “Baka may kapatid ka pa Kuya Jeremy na mas guwapo pa sa’yo ipakilala mo naman ako.” Kung malapit lang ako kay Margaux ay kukurutin ko talaga ang singit niya.
“Nag-iisa lang ako, I don’t have any siblings.” Napatingin ako kay Ulysses at pansin ko pa ang pagngisi niya nang sabihin ‘yon ni Jeremy.
“What’s your surname anyway?” Si papa Mazer naman ang nagtanong at ‘di kalayuan naman ang puwesto kay Jeremy.
Sandaling hindi nakapagsalita si Jeremy at iniisip kung ano ang kaniyang isasagot. Kita ko ang pagtataka ni papa Mazer at ganoon din si daddy. Parang may something na hindi ko mawari kung ano ba ‘yon.
“Villafuerte po,” tipid niyang sagot.
“Villafuerte,” ulit pa ni papa Mazer. “Your full name?”
“Mazer, please not now,” mahinang saway ni daddy.
Naguguluhan ako kung bakit gano’n na lang si papa Mazer na malaman niya ang tungkol kay Jeremy. Medyo nakakaramdam na ako ng kaba at feeling ko ay merong hindi magandang mangyayari.
“I want to clarify something Marco.” Muling binalingan ni papa Mazer si Jeremy at hinihintay lang niya ang sagot nito sa kaniyang tanong.
“Jeremy Ho__” Huminto si Jeremy at nagpakawala pa ng buntong hininga. “Jeremy Homer Villafuerte Arevalo.” Napatitig ako kay Jeremy at wala siyang ano mang reaksyon nang sabihin niya ‘yon.
Nang sulyapan ko naman si papa Mazer ay nakakuyom ang isang palad niya at naisuklay niya pa ang daliri niya sa kaniyang buhok. Si daddy naman ay naihilamos niya ang palad niya sa kaniyang mukha at hindi ko maintindihan kung bakit ganoon na lang ang reaksyon nila.
“Dad, what’s going on?” Tiningnan lang niya ako at napalingon kaming lahat nang lumabas si mommy at may dala na itong cake.
“Sorry na-late ‘yong cake. Saka bakit ang tahimik__” Natigilan si mommy sa kaniyang sasabihin nang mapatingin siya kay Jeremy.
Narinig ko pa ang mahinang mura ni papa Mazer at dinaluhan niya pa si mommy na hawak pa ang two layered cake. Ano bang kailangan kong malaman? Ano ba ang tinatago nila nang makita nila si Jeremy? Gaano ba nila kilala ito? I want to know the answer dahil gulong-gulo na ‘ko.
“J-Jk?” tawag ni mommy pero kay Jeremy siya nakatingin.
“Mom, why?” tanong ng kakambal ko at sinulyapan lang niya si Jk.
Marahan siyang naglakad patungo sa puwesto ni Jeremy at tumayo naman si Jeremy sa kaniyang kinauupuan at hinarap si mommy.
“Good evening po,” bati pa ni Jeremy kay mommy.
“How can this be? You looked like him,” mangiyak-ngiyak na sabi ni mommy habang titig na titig siya kay Jeremy.
Unti-unti pang itinaas ni mommy ang kaniyang mga kamay at hinawakan ang magkabilang pisngi ni Jeremy.
“Mommy, sinong tinutukoy mo?” Hindi na ako nakatiis dahil gusto kong malaman ang totoo kung bakit lahat sila ay ganoon na lamang nang makita si Jeremy.
“Jk, I’m sorry, I’m sorry! Please forgive me.” Nagulat pa ako nang yakapin na lang niya si Jeremy at umiiyak at patuloy niyang tinatawag itong Jk.
Halos hindi ako makapaniwala sa aking narinig at panay pa ang aking pag-iling. Isang Jk lang ang kilala ko na siyang parating kinukuwento sa’min ni mommy noong mga bata pa lang kami. Parang hindi ko na naririnig pa ang ibang sinasabi nila at tila ba’y nabingi na ako at hindi na makapagproseso ng maayos ang isip ko. Nakita ko na lang na nawalan ng malay si mommy at buhat-buhat na ito ni daddy papasok sa loob ng bahay.