Ryder's Pov
MALALIM na ang gabi ngunit hindi ako dalawin ng antok. Hinihintay ko pa rin hanggang ngayon ang tawag sa akin ni Nomi dahil hindi pa rin mawala ang kaba sa aking dibdib hangga't hindi ko siya nakakausap. Gusto kong makasigurado na nasa maayos na kalagayan si Nomi lalo na't kasama pa pala nito si Lyndon.
Ilang sandali pa ay tumunog na ang aking cellphone. Mabilis ko iyong sinagot na may ngiti sa aking mga labi.
"Baby..." boses ni Nomi sa kabilang linya.
"Baby, naistorbo ba kita ha?"
"Hindi naman... sorry kung ngayon lang ako nakapag-open ng cellphone ko dahil busy ako maghapon sa mga business meetings kasama ng ibang mga entrep. Baby... kumusta naman ang pagtitinda? Bakit gising ka pa? Maaga ka pa bukas, 'di ba?"
Hinihintay ko na banggitin nito ang pangalan ni Lyndon ngunit hindi nito ginawa. Iniisip ko na lang na baka hindi nito gustong pag-isipan ko siya ng masama.
“Tumawag lang ako para makasiguro na okay ka diyan sa Baguio, baby. Namimiss na rin kasi kita dahil ngayon lang tayo matagal na magkikita.” Hindi ko na kailangan pang banggitin dito ang tungkol sa pagpunta ng mga magulang nito dito sa bahay para ipahiya ako. Wala akong sasabihin dito na kahit na ano dahil ayokong dumagdag sa mga alalahanin nito ngayon.
“Miss na rin kita, baby. Pagbalik ko sa Dagupan marami akong ikukuwento sa iyo. Baby, kailangan ko na ring ibaba ang call kasi tatawagan ko pa si Mommy. I love you so much, baby.” Pinatunog nito ang mga labi sa kabilang linya.
“I love you more, baby.” Malungkot kong pinindot ang end call button ng cellphone ko. Nasa labas ako ng bahay namin at nakaupo sa may lumang silya. Tumingin ako sa malawak na kalangitan at saka pumikit. Alang-alang sa tapat kong pag-ibig kay Nomi. Kailangan kong magtiis at isantabi ang pagseselos ko.
KINABUKASAN patuloy pa rin ang takbo ng buhay ko. Gumising ako ng alas tres ng madaling araw para pumunta sa palengke. Darating kasi ngayon ang mga order kong bagong paninda sa isang supplier ko na taga-Maynila. Bago ako umalis siniguro kong nakapag-iwan ako ng pera sa lamesa para sa pambaon ng dalawa kong kapatid at pambili ng ulam na gusto ng mga ito. May stock ng gamot pa naman ang aking mga magulang kaya mas malaki ngayon ang iniwan ko para sa budget ngayon sa bahay.
Tinakpan ko iyon ng libro bago ako umalis.
Pagdating sa palengke may ilan na ring bukas na tindahan. Habang naglalakad patungo sa puwesto ko ay natigilan ako. Nagkukumpulan kasi ang mga tao sa pwesto ko.
“Ryder! Nariyan ka na pala, tol. Halika tignan mo iyong pwesto mo parang dinaanan ng bagyo,” ani Manong Fidel sa akin. Tindero ito ng suman.
Mabilis akong naglakad patungo sa aking puwesto ay ganoon na lamang ang gulat ko at panlulumo dahil nasira ang aking ibang paninda. Sinadyang sirain ang aking puwesto, nagkalat ang mga tabla, mga prutas na nagkagutay-gutay at natanggal din ang makapal na trapal. Sinadyang wasakin iyon at iisa lang ang nasa isip ko. Ang mga tauhan ni Sir Bin at wala ng iba.
“Ryder, sayang naman ang mga nasira mong paninda,” malungkot na sabi sa akin ni Manong Fidel. “Sino kaya ang walang hiyang gumawa nito?! Hindi sila lumaban ng patas!” nanggagalaiting sabi nito.
“Maayos pa naman ang tindahan ko, Manong Fidel. Hindi na lang muna siguro ako ngayon magtitinda,” malungkot na sabi ko rito.
Wala akong nagawa kun'di damputin ang mga nagkalat kong paninda. P'wede pa naman ang iba ngunit mas marami ang nagutay-gutay at nadurog. Hindi biro ang aking puhunan sa pagbili ng mga paninda ko.
“Ryder!” nag-aalalang sabi ni Lola Corazon.
Naiiyak akong tumingin sa matanda. Niyakap niya ako at ganoon din ang ginawa ko rito.
“Doon ka muna sa may puwesto ko. Ipapatawag ko ang manugang ko at mga apo para tulungan ka na ayusin ang tindahan mo. Kailangang managot ang pamunuan ng palengket dahil sa nangyaring ito. Sinadya ito dahil ikaw lang naman ang nasiraan ng pwesto!” galit na galit na sabi ni Lola Corazon.
Hinaplos ko ang likod nito. “Hayaan na lang ninyo, Lola. Huwag po kayong masiyadong nagagalit at baka tumaas ang presyon ninyo.”
Kinurot ako nito sa tagiliran. “Nagawa mo pa talagang magbiro? O, siya doon ka muna sa pwesto ko para makapagtinda ka pa rin.” Tinawag nito ang kakilalang karpentero na bumibili ng suman kay Mang Fidel. “Roger, wala ka bang trabaho? Baka p'wede mo namang ayusin ang tindahan ni Ryder, daanan mo na rin sa bahay si Inggo at sabihin mo na pinapunta ko rito sa palengke. At sana huwag na itong makarating sa—”
Hindi pa man natatapos ni Lola Corazon ang sasabihin nito ay napasugod na dito sa palengke ang mga magulang ko. Kasama ang aking dalawang kapatid na bagong gising.
“Akala ko may sunog dito sa palengke kaya nataranta kami ng Nanay mo,” nag-aalang sabi ni Tatay sa akin.
Nanlumo naman ang aking Ina nang makita ang mga paninda ko na wala ng silbi.
“Sino Ang walang hiyang gumawa nito!” Humihingal na sabi ni Nanay na napahawak sa tapat ng dibdib nito.
“Fe, huminahon ka nga at baka Isa ka pang alalahanin nitong anak mo,” sermon ni Lola Corazon na inabutan ng tubig si Nanay.
“Kailangan natin itong i-report sa mga pulis,”, matapang na sabi naman ni Tatay na nagpasama sa kumpare nito na si Manong Roger.
Hindi ko na napigilan si Tatay. Inasikaso ko na lamang si Nanay na namumutla.
Nagsisimula na ba si Sir Bin na sirain ang buhay ko para lamang tuluyan ko ng tigilan si Nomi?
Hinawakan ni Nanay ang akong kamay. “Hindi a-ako makahinga anak.”
“Nay, ano ang nangyayari sa inyo? Nay!” malakas na sabi ko sabay tapik ng marahan sa pisngi nito. Mabilis ko siyang binuhat at tumawag na rin ako ng tricycle para magdala namin sa hospital ang aking Ina.
Ikinuyom ko ang aking isang palad. Kasalanan ng matapobeng mag-asawa na iyon kung bakit sinumpong na naman si Nanay sa sakit nito. At kung may nangyari kay Nanay, hindi ko sila mapapatawad!