Ryder's PoV
HINDI ako makapag-focus sa pagtitinda ko dahil sa naging usapan namin ni Nomi. Gusto nitong itanan ko na siya. Bakit kaya nito nasabi iyon sa akin? Sinubukan ko siyang tawagan ulit kaso hindi na ito sumasagot. Nag-text din ako at hindi pa ito nagre-reply sa akin.
“Ryder, hindi naman matumal ngunit bakit para kang binagsakan ng langit?” nag-aalalang tanong sa akin ni Lola Corazon.
“Naku, Aling Corazon. Baka natauhan na iyong girlfriend niyang mayaman kaya ganyan na kalungkot si Ryder ngayon,” sabat naman ni Kuya Imong.
Nagpantig ang aking Tenga sa narinig at liningon ko ito. “Noong isang araw mo pa ako pinagtri-trip-an, ah! May problema ka ba sa akin?!” malakas na tanong ko rito. Nagulat pa ang mga kasama naming tindero’t tindera dahil sa lakas ng boses ko.
“Iho, huwag mo na siyang patulan,” saway sa akin ni Lola Corazon. Nilapitan niya ako at hinawakan sa braso. “Tungkol ba ito kay Nomi?”
Masama akong tumingin kay Kuya Imong na biglang natahimik.
Hindi ako nagkukuwento sa ibang tao kahit sa mga magulang ko at kahit na kay Lola Corazon.
“May iniisip lang ho ako. Hindi po ito tungkol sa amin ni Nomi, Lola,” pagsisinungaling ko rito.
Binalikan ko ang aking mga paninda. At sinundan naman ako nito.
“Iho, kung may iba kang problema p'wede kang magsabi sa akin. Hindi ka naman iba sa akin lalo na kung tungkol sa mga magulang mo ang dahilan ng iyong problema.” Tinapik ni Lola Corazon ang aking balikat. “Sige na, mag-focus ka sa pagtitinda at hayaan mo si Imong dahil inggit na inggit lang iyon sa iyo.”
Malungkot akong tumango sa matanda. “Maraming salamat po, Lola Corazon.”
“Walang anuman, Ryder,” anito na may ngiti sa mga labi bago ako iwan.
Minabuti kong tawagan muli si Nomi pero hindi ko na siya makontak. Out of coverage ito at mas lalo akong kinakabahan.
Natapos ang buong maghapon na wala akong natanggap na text o tawag mula sa aking nobya. Pauwi na ako sa amin nang makita ko ang sasakyan ng mga Vicosta sa harapan ng aming bahay.
Mabilis akong naglakad patungo sa aming bahay at naabutan ko ang aking mga magulang nakaharap sina Ma’am Maristela at Sir Bin Vicosta. May mga bodyguards pang kasama ang mga ito na nakabantay sa labas ng bahay, sa tapat ng sasakyan ng mga ito at sa bakuran namin. Armado ang mga lalaki at iisa ang kulay ng uniform, kulay puti at itim. May suot na headphones at seryoso ang mga mukha.
“Ryder, anak. Kanina ka pa hinihintay ni Sir Bin, ang sabi niya sa akin kailangan ka raw nilang makausap tungkol sa relasyon ninyo ni Nomi,” ani Nanay na bakas sa mukha ang kaba at nerbiyos.
Kumuha ako ng silya sa loob ng aming bahay at saka umupo sa tabi ng aking Ina.
“Good afternoon po, ma’am at sir. Ba-Bakit po kayo nandito?”
Ibinaba ni Sir Bin ang hawak na tasa ng kape sa ibabaw ng lamesa at seryosong tumingin sa akin.
“Gusto kong itanong kung ano ang mapapala sa iyo ng anak ko, Ryder. Sa estado ng buhay mo ngayon na may mga magulang kang inaalagaan at kapatid na pinag-aaral, makakaya mo bang buhayin ang anak ko at ibigay ang marangyang buhay na nararapat para sa kanya?” seryosong tanong nito sa akin at ngumiti pa ng nakakaloko. Tumingin ito sa paligid ng aming bahay. “Hindi ko lubos maisip na nagpupunta rito ang anak ko.”
Tumayo si Tatay at umalis sa kinauupuan nito. Hindi nito makayang tumingin sa mga magulang ni Nomi.
Ikinuyom ko naman ang aking magkabilang palad ngunit hinawakan ni Nanay ang braso ko at umiling ito. Tumingin ako sa mukha ang aking Ina na pigil na pigil ang pag-iyak.
“Ryder, iho. Nandito kami ng asawa ko para makiusap na layuan mo na si Nomi at hayaan mo siya na maranasan ang buhay na nararapat sa kanya. Hindi ito ang klase ng buhay na gusto namin para sa aming anak. Nag-iisa lamang siya at hindi kami papayag na magdusa siya dahil lamang sa iyo.” Inilabas ni Ma’am Maristela ang checque book at pinindot ang ballpen na hawak nito. “Sabihin mo sa akin iho, kung magkano ang gusto mo para lang layuan mo na ang anak ko. Isipin mo na lang na gusto naming magkawang gawa ng asawa ko para mapabuti ang buhay ninyo. Malaking halaga ang kaya naming ibigay para may panpagamot ang mga magulang mo at pampaaral ng mga kapatid mo,” nakangiting sabi pa nito sa akin na hindi man lang iniisip ang mararamdaman ko at ng aking mga magulang.
“Dalawang milyon, p'wede na ba iyon sa inyo?” tanong ni Sir Bin bago humigop ng kape.
Muli akong tumingin sa aking Ina na nagpapahid ng luha. Bumuga ako nang malalim at hindi nagpatinag sa mga ito.
“Umalis na kayo dahil hindi namin kailangan ng pera ninyo, Sir Bin. Akala ko pa naman ho mabuti kayong tao, Ma’am Maristela.” Tumayo ako at inalis ang kamay ng aking Ina sa aking braso. “Nasa pamamahay namin kayo at wala kayong karapatan na bastusin kami ng ganito. Hindi ninyo kayang bilhin ang aming dignidad, kaya umalis na kayo ngayon kung ayaw ninyong ipagtulakan ko kayo palabas ng gate namin!” malakas na sabi ko sa mga ito.
Namulta si Ma’am Maristela sa inasal ko. Nagulat naman si Sir Bin sa sinabi ko.
“Masiyado kang mayabang magsalita, Ryder. Isa ka lamang tindero sa palengke at walang alam sa buhay. Hindi ako papayag na tuluyan mong mapabilog ang ulo ng anak ko. Sigurado ako na pera lang namin ang gusto mo para makaahon kayo. Hindi ako papayag na ang isang langaw na katulad mo ang magiging dahilan kung bakit mapapalayo sa amin ang anak ko!” Singhal sa akin ni Sir Bin.
Mula sa labas ng aming bahay may mga kapitbahay na nakikiusyoso. Malakas nag bulong-bulungan habang nakikinig ang mga ito sa amin.
“Minahal ako ni Nomi dahil nakita niya kung gaano ko siya kamahal. Hindi ako kailanman humingi sa kanya ng kahit na ano. Hindi ko siya isusuko sa inyo dahil lang sa mga sinabi ninyo sa akin. Mahal namin ang isa’t isa at kaya kong manindigan para sa kanya.”
Tumawa si Ma’am Maristela at inilabas nito ang cellphone at ipinakita sa akin ang isang larawan. Picture ni Nomi kasama ng isang lalaki. Sa porma ng lalaki masasabi ko na mayaman ito.
“Kasama ni Nomi ngayon sa Baguio si Lyndon ang future husband niya. Hindi ba sinabi sa iyo ni Nomi na engage na sila ni Lyndon at ikakasal na silang dalawa sa mismong birthday party niya?” nanunutyang tanong pa sa akin nito. “Kunsabagay, wala ka nga namang alam sa business world. Masiyadong bata pa ang anak ko para lang ma-in love sa katulad mo, Ryder. Siguro masiyado mong napabilog ang ulo ng anak namin pero kaming mga magulang niya hindi. Tandaan mo ito, Ryder. Hindi ako papayag na ang hampaslupang katulad mo lang ang mapangasawa ng anak ko. Layuan mo na siya kung ayaw mong maghirap lalo ang pamilya mo,” pagbabanta pa nito sa akin.
Lumabas si Tatay mula sa loob ng aming bahay na may dalang tubig na bumubula ng sabon. Buong lakas nitong ibinuhos iyon sa matapobreng mag-asawa na lumalait sa amin.
“Lumayas kayo rito at huwag na huwag nang babalik!” sigaw ni Tatay habang sinasabuyan ng tubig na may sabon ang mag-asawa.
“Ano ba?!” sigaw ni Ma’am Maristela na basang-basa na sa ginagawang pagsasaboy ni Tatay ng tubig.
“Alis na mga peste!” muli pang sigaw ni Tatay.
Humarang ang mga bodyguards nina Sir Bin at Ma’am Maristela sa mga ito palabas ng luma naming gate. Natanaw ko sila na pumasok sa loob ng kotse at mabilis na umalis.
“Nestor, hindi mo na sana ginawa iyon sa mga magulang ni Nomi. Baka mamaya kung ano pa ang gawin nila sa anak natin,” nag-aalalang sabi ni Nanay.
“Mahal, hindi naman ako papayag na tinatapakan nila ang pagkatao natin sa loob ng mismong pamamahay natin. Kung mahal ni Nomi si Ryder, doon tayo magiging masaya.” Tinapik ni Tatay ang aking balikat. “Ipaglaban mo ang pag-ibig mo para kay Nomi, anak. At huwag kang panghihinaan ng loob dahil sigurado ako na ipinaglalaban ka rin ni Nomi.”
Niyakap ko ang aking ama at namasa ang aking mga mata. “Salamat, ‘tay.”
Bumitaw ako sa pagkakayakap dito at pinahid ang aking namamasang mga mata.
“Okay ba iyong ginawa ko, anak? Pinaghugasan ko ng mga pinggan ang isinaboy ko sa mga iyon. Mas malansa pa sila sa isda, mga balat-kayo! Hindi ko alam na may mga ganoon pa palang mga magulang ngayon na mas iniisip ang kahihyan ng pamilya kaysa sa sariling buhay ng kanilang anak. Kawawa si Nomi sa kanyang mga magulang.”
Tama ang aking itay. Marangya ang buhay ni Nomi ngunit hindi ito naging masaya.
“Anak, Ryder… siguro tama ang mga magulang ni Nomi,” malungkot naman na sabi ng aking Ina. “Kung ako rin ang nasa katayuan nila at may anak akong babae, siguro iyon din ang aking gagawin. Sanay sa marangyang buhay si Nomi at hindi natin iyon kayang ibigay sa kanya. Aminin man natin o hindi ngunit, tama sila, anak.” Hinawakan ni Nanay ang aking mga kamay. “Nasa iyo ang pagpapasya kung ipaglalaban mo ang pag-ibig mo para kay Nomi. Huwag kang mag-alala dahil nasa likod mo lang kami. Ngunit sana matututo ka ring bumitaw kapag alam mong talo ka na at hindi na makakalaban pa. Kapag nangyari iyon, tumakbo ka lang sa akin, anak.” Niyakap ako nang mahigpit ni Nanay habang umiiyak ito.
Hindi ako nakaimik dahil nauunawaan ko ang aking Ina. Pabor ito sa pagmamahalan namin ni Nomi ngunit hindi niya ako kayang makita na nasasaktan.