Nomi's PoV
“SAAN ka na naman galing?” seryosong tanong sa akin ni Daddy habang palapit ako sa kanya. Nakaupo ito sa couch at kausap si Mommy.
“Alam naman po ninyo ang sagot sa tanong ninyo sa akin, dad,” malamig kong sagot dito. “Magbibihis lang ho ako at papasok na sa office.”
“Sinabi ko na sa iyong layuan mo ang hampaslupang iyon, Nomi! Wala kang mapapala sa tinderong iyon! Hindi mo na talaga iniisip kung ano ang sasabihin ng mga tao! Anak kita at tagapagmana ng Vicosta Wirings pero nakikipagrelasyon ka sa tinderong iyon!” nanggagalaiting sigaw sa akin ni Daddy. Inihagis pa nito sahig ang tasa na nakapatong sa round table.
Napapitlag ako sa ginawa ni Daddy. Hindi ito ang unang beses na nagalit siya sa akin. Simula nang malaman nila ang relasyon namin ni Ryder palagi na nila akong sinesermunan.
“Ang hampaslupang iyon na tindero ang lalaking mahal ko daddy. Mahal na mahal ko si Ryder at mahal na mahal din niya ako!”
Tumayo si Daddy at nagulat ako nang sampalin niya ako. Malakas iyon na halos mapabaling ako sa kaliwa ko.
“Sa pamamahay na ito, ako ang masusunod, Nomi! Anak lang kita at wala kang karapatan na kontrahin ako! Kung ipagpapatuloy mo ang ginagawa mong ito sisiguraduhin ko sa iyo na hindi mo magugustuhan ang gagawin ko sa pamilya ng tinderong iyon! Binabalaan kita, Nomi! Huwag na huwag mo akong susuwayin kung ayaw mong pagsisihan habang buhay ang gagawin ko sa lalaking iyon!” galit na galit na sabi sa akin ni Daddy.
Nilapitan ako ni Mommy. Niyakap niya ako nang mahigpit.
Tahimik akong umiyak sa balikat ng aking Ina. “Mom, mahal ko si Ryder. Ayokong sundin si Dad!” Humihikbing giit ko rito.
“I know…” Hinapløs ni Mommy ang aking likod. “Kakausapin ko ang daddy mo. Galit lang siya dahil hindi ka man lang nag-text sa akin o tumawag man lang. Nag-aalala siya sa iyo dahil baka kung ano na ang nangyayari sa inyo ni Ryder. Nomi, twenty one years old ka pa lang. Marami ka pang p'wedeng gawin sa buhay mo. Marami ka pang p'wedeng makamit. Ikaw lang ang nag-iisang anak namin ng daddy mo kaya ganito kami ka-over protective sa iyo. Gusto namin na secure ang future mo anak at si Ryder… marami siyang kapatid at may sakit pa ang mga magulang niya. Hindi pa ninyo kaya na tumayo sa sarili ninyong mga paa. Ayokong mahirapan ka at magdusa.”
Kumalas ako sa pagkakayakap sa akin ni Mommy. Pinahid ko ang luha sa aking mga mata at hinawakan ang mga kamay nito.
“Mabuting tao si Ryder, Mom. Kung makikilala ninyo siya, masasabi ninyo na totoo ang sinasabi ko. Mahirap ang buhay nila ngunit nagsisikap siya. Alam ba ninyo na five thousand pesos lang ang pera niya noong nagsimula siyang magtinda ng mga prutas sa palengke at ngayon may sarili na siyang puwesto ng prutas. Masinop sa pera si Ryder, Mom. After two or three years, makikita ninyo na baka hindi lang maliit na puwesto ng prutas ang mayroon siya kun'di malaking prutasan. Mom, bigyan mo ng chance si Ryder… kausapin mo si Daddy at kumbinsihin. Please, mom.”
Tumango sa akin ang aking Ina. Sa pagkakataon na ito nakaramdam ako ng relief. Pakiramdam ko may kakampi pa ako.
“Sige na… magbihis ka na at pumasok sa office. Kakausapin ko ang daddy mo.” Hinagkan ko ang pisngi ng aking Ina bago ko siya tinalikuran at tunguhin ang hagdan. Nasa second floor ang aking silid.
Maluwang ang aming bahay at may dalawang palapag. Moderno ang disenyo at puro salamin. May malaking swimming pool, maluwang na garahe at magandang garden. Nakatira kami sa isang private subdivision na pagmamay-ari lamang ng aming pamilya. Ang kuwarto ko, kasing luwang lang ng bahay nina Ryder. Maliit na bahay pero puno ng pagmamahal at masaya. Kumpara sa aming bahay na malaki at maluwang ngunit napakatahimik.
Pumasok ako sa aking kuwarto at ibinagsak sa malaki at malambot kong kama ang aking likod. Kinuha ko ang cellphone ko at saka tinawagan si Ryder.
Nangilid ang luha sa aking mga mata ngunit pinilit ko pa rin na maging masigla habang kausap ito.
“Baby, nakauwi na ako. Miss na kaagad kita.” Kinagat ko ang aking ibabang labi at pinigil na pumatak ang luha sa aking mga mata.
“I love you, baby. Miss na rin kita. Matulog ka na dahil napuyat ka. Tawagan mo na lang ako mamaya, okay? Nandito kasi ako sa palengke at maraming akong paninda na inaasikaso.” Naririnig ko nga ang ingay sa palengke.
“Itanan mo na lang kaya ako.” Tuluyang pumatak ang luha sa aking mga mata pagkasabi no'n.
“Baby…”
“Joke lang. Sige magtrabaho ka na. Tatawag na lang ako mamaya. I love you.” Mabilis kong tinapos ang pag-uusap namin ni Ryder. Bumuhos ang luha sa aking mga mata at tahimik akong umiyak habang nakatagilid.
Ilang minuto akong walang tigil na umiyak hanggang sa magpasya akong tumayo at tunguhin ang banyo.
MATAPOS kong maligo at makapagbihis ay naglagay lang ako ng light make up bago ako nag-spray ng pabango sa aking leeg at likuran.
Nakasuot ako ng kulay peach na office attire. White na sando, peach na blazer, peach na skirt at high heels na kulay black. Kinuha ko ang hand bag ko at lumabas na ng aking kuwarto.
Nakasalubong ko si Daddy na lumabas ng master's bedroom. Formal din ang suot nito at mukhang pupunta sa opisina. Nagtama ang aming mga mata ngunit hindi niya ako kinibo.
Kasunod nitong lumabas ng silid si Mommy na lumapit naman sa akin.
“Nakausap ko na ang daddy mo anak. Alam mo na matigas ang puso niya pero ginagawa niya ang alam niyang tama para sa iyo dahil mahal na mahal ka niya. Sana maunawaan mo ang daddy mo anak. Hayaan na lang muna natin na humupa ang galit sa iyo ng daddy mo. Mahal ka niya at hindi ka niya matitiis. Huwag mong masiyadong isipin ang sinabi niya tungkol kay Ryder, hindi naman iyon magagawa ng Daddy mo. Pupunta nga pala rito si Lyndon para sunduin ka dahil sabay kayong pupunta sa Baguio para sa training ninyo. Pareho kayong magmamana ng family business kaya kailangan ninyong magkasundo… bilang magkaibigan. Sundin mo na lang muna ngayon ang daddy mo, anak.”
Bumuga ako nang malalim. “P'wede po ba na habang nasa traing ako, kayo muna ang bahala sa pamilya ni Ryder, mom?”
“Sure.” Nginitian ako ni Mommy.
Magkasabay kaming bumaba sa hagdan. Nakita ko ang maleta ko na hawak ni Yaya Flor. Tiyak ko na inasikaso ni Mommy ang mga gamit na dadalhin ko sa Baguio para sa training. Hands on pa rin sa akin si Mommy.
Naroon sa may recieving area si Lyndon at kausap ni Daddy. May hawak iyong bouquet ng red roses at isang box ng chocolate.
College pa lang kami noong ipinakilala ni Mommy sa akin si Lyndon. Unang beses ko pa lang itong nakita ay kumulo na kaagad ang dugo ko rito. Mayabang, antipatiko at presko si Lyndon. Business management ang kurso nito at nag-aral sa isang sikat na university sa Maynila. Varsity player din ito, matangkad at maraming mga tattoos sa buong katawan. May itim na hikaw ito sa magkabilang tenga at may hikaw din ito sa dulo ng dila.
Pareho ng height ni Ryder, 5’11 din si Lyndon.
“Good morning my princess,” nakangiting bati nito sa akin. Nakipagbeso pa ito bago ibigay sa akin ang hawak na bulaklak at chocolate.
Nakasuot ito ng puting sleeves na nakabukas ang mga butones. Naka-tack in sa plantsado nitong pants at kumikinang ang suot na black leather shoes.
“Good morning din,” mahinang sabi ko rito.
“Lyndon, ikaw na ang bahala sa anak ko. At sana maging maayos ang training ninyo. Marami kayong mga makikilala sa corporate world. Gusto ko na maging makabuluhan ang training ninyo sa Baguio,” seryosong sabi ni Daddy na hindi man lang tumingin sa akin. “Aalis na kami ng Tita Maristela mo, iho.”
“Yes, Tito Bin. Ako na ang bahala kay Nomi.” Kinindatan pa ako nito.
Kinabig naman ako ni Mommy at hinagkan sa pisngi bago ito umalis kasama ni Dad.
Ipinamulsa ni Lyndon ang magkabilang kamay sa suot na pants. “So, saan ka nga ba nagpunta kagabi?”
“Wala kang pakialam doon.” Masama ko siyang tinignan. Ibinaba ko ang hawak kong bulaklak at chocolate sa may couch. “Halika na,” naiinis na sabi ko rito.
“Ang cold mo naman, my princess. Hindi mo ba ako na-miss? Isang taon mo rin akong hindi nakita… the last time before graduation pa natin… sa party ko.”
Isinakay ko ang maleta ko sa may back seat at saka binuksan ang pintuan sa tabi ng driver's seat. Isang Nissan Navarra na silver ang sasakyan nito.
Mabilis naman na sumakay ng pick up nito si Lyndon.
“Hindi tayo magkaibigan para alalahanin ko pa ang araw na huli tayong nagkita.” Inilagay ko ang seatbelt ko at saka isinandal ang likod sa upuan. “Mag-drive ka na lang at huwag mo akong kakausapin.”
Tinawanan ako ni Lyndon. “Ganyan mo ba itrato ang magiging asawa mo?”
Umangat ang sulok ng aking mga labi. “That will never happen.”
“Hindi ka sigurado, my princess. Hindi magtatagal magiging akin ka na… akin lamang.” Pinaandar nito ang sasakyan at matulin na pinatakbo iyon.
Kinilabutan ako sa sinabi ni Lyndon. Hindi iyon mangyayari… hindi ako papayag.