“ANG MABUTI pa ay lapitan mo na, Lino,” susog ni Nanay Inday kay Tatay Lino.
“Sige,” pagpayag ni Tatay Lino.
Nilapitan na nito si Prix na hawak pa rin ang isang kahoy na kaniyang isa-isang sinasalansan sa may lagayan niyon sa pinakalutuan ng mga ito sa likod-bahay.
Tumikhim pa si Tatay Lino para kunin ang atensiyon ni Prix na napaiktad pa nang bahagya.
Napakurap-kurap pa si Prix nang makita si Tatay Lino. Saka niya nagawang ipagpatuloy ang ginagawa.
“Ikaw ba ay okay lamang? Buhat ng ikaw ay dumating galing sa pangangahoy ay natutulala ka na riyan. Baka naman ikaw ay nagagalaw na riyan sa gubat?”
“H-ho?” Hindi naunawaan agad ni Prix ang sinabi ng matanda. “A-ano pong ibig ninyong sabihin?”
Hindi naman siya nagalaw ng babaeng nakita niya sa may ilog.
Ang babaeng ‘yon…
Sandali na naman siyang nawalan ng kibo nang muling maisip ang napakagandang babae sa may ilog. Hindi niya lubos maisip na sa pangalawa nilang pagtatagpo ay hubad pa niya itong makikita.
Oh, Prix! Enough!
Simula nang makita niya ang babaeng iyon sa ilog at mas mapagmasdan pa ang magandang mukha nito sa malapitan ay hindi na talaga ito mawala sa kaniyang isipan. Idagdag pa ang literal na magandang pigura ng katawan nito.
Darn it!
Para itong isang Diyosa ng mga sandaling iyon. Diyosa ng kalikasan.
Ang nakakaaliw pa ay napagkamalan siya ng babae na isang engkanto. Dahil ba sa hitsura niya? Naguwapuhan kaya ito sa kaniya?
Bakit sa bagay na iyon ay para ba siyang kinikilig pa? Mukhang nababaliw na nga siya.
“Hindi mo ba alam ang ibig sabihin niyon?”
Umiling si Prix.
“Oo nga pala. Naglagi ka halos sa tabing dagat at hindi naman sa ganitong klase ng lugar.”
“Tatay Lino, hindi naman po ako nagalaw. Wala namang gagalaw sa akin,” nanginiti pa niyang wika.
“Utoy,” anito. “Baka hindi tayo nagkakaintindihan ng ibig sabihin. Hindi ko tinutukoy iyong ikaw ay ginalaw ng babae o pinagsamantalahan, ha? Ang ibig kong sabihin, baka nagagalaw ka na ng mga lamang lupa sa pinanggalingan mo.”
“Lamang lupa?” bulalas pa niya.
Bigla na naman niyang naalala ang babaeng napagkamalan siyang lamang lupa kanina. Napatawa tuloy siya.
“Tatay Lino, hindi po,” tanggi niya.
“Kung ikaw ay nagagalaw, papatingnan kita sa kakilala kong manggagamot. Kaso ay nasa may tuktok pa ng bundok ang bahay niyon. Hindi mo yata kakayanin na maglakad nang malayo papunta sa kanila?”
“Okay lang po ako.”
“Ikaw ay natutulala na. Masama na ‘yan, Utoy.”
Hindi naman kasi niya maaaring sabihin na natutulala siya sa babaeng nakita niya.
“Tatay Lino, totoo po, okay lang po ako. Tatapusin ko na po itong pagpapatas ng mga kahoy rito sa lagayan para matulungan ko po kayo sa paggawa ng kulungan ng manok.”
“Ikaw ang bahala.” Tinapik nito ang kaniyang balikat. “Salamat sa pagtulong sa aming mag-asawa, Utoy. Gusto ko lang malaman mo na hindi mo kailangang obligahin ang sarili mo sa mga gawain dito.”
“Hanggat nakikitira po ako rito sa inyo, tutulong po ako. Nakakahiya po na wala man lang akong naiitulong sa inyo ni Nanay Inday.”
“Maraming salamat.”
“Walang anuman po,” aniya na nginitian pa ang matanda bago nagpatuloy sa kaniyang ginagawa.
“Ano’ng sabi sa iyo?” tanong agad ni Nanay Inday kay Tatay Lino nang puntahan nito ang asawa sa may loob ng bahay.
“Maayos naman daw siya at wala tayong dapat na ipag-alala. Baka naman may malalim lang na iniisip.”
Nakahinga naman nang maluwag si Nanay Inday. “Tingnan-tingnan na lang natin kung hanggang kailan siya magiging okay. Kapag masama na ang tama niya, ipatingin agad natin sa manggagamot. Baka kailangan niyang masuob.”
“Sige.”
“ATE AYAH, NAKAHANDA na raw po ang hapunan,” ani Ibyang nang puntahan siya nito sa kaniyang silid.
Nakahiga lang si Ayah pagkarating niya sa ancestral house. Iniisip pa rin ang estrangherong lalaki kanina sa may ilog.
Naku-curious tuloy siya kung sino ba talaga iyon? Kung totoong tao ito, ano ang pangalan nito?
“Ibyang,” aniya nang bumangon at maupo sa ibabaw ng kaniyang kama.
“Ano po ‘yon?”
Pinagpag ng kamay ni Ayah ang espasyo sa kaniyang kama. “Maupo ka muna rito. May gusto lang akong itanong sa iyo.”
Tumalima naman si Ibyang at naupo sa gilid ng kaniyang kama. “Ano po ‘yon?”
“Totoo ba talaga ang engkanto?” hindi niya napigilang itanong kay Ibyang.
Tumango ito nang sunod-sunod. “Opo. bakit po? May… may engkanto ba kanina sa ilog?”
Umiling siya. “Wala naman,” aniya na pigil-pigil ang sarili na sabihin dito na may nakita siyang parang engkanto sa ilog kanina.
Mababaliw yata siya kaiisip tungkol sa lalaking iyon. Kung totoong tao ba ito o hindi?
“May tanong pa po ba kayo?”
“Wala na,” aniya na humina na ang tinig. “Susunod na ako sa pagbaba,” pagkuwan ay wika niya.
“Sige po.”
Nang mapag-isa si Ayah ay bumaba na siya sa kaniyang kama at naglakad palapit sa may nakabukas na bintana sa kaniyang silid. Madilim na sa labas. Pero nakuha pa niyang tumitig sa kawalan dahil sa lalaking estranghero.
Siguro, kaya hindi rin ito mawala sa isip niya dahil sa pagiging gentleman nito. Natutuwa talaga siya dahil hindi siya napahamak dito. Na totoong hindi siya nito para gawan ng masama.
May part tuloy ni Ayah na gustong makilala pa nang husto ang naturang lalaki.
“Kung sana ay isa ka na lang totoong tao at hindi lamang lupa lang…”
Napabuntong-hininga pa si Ayah bago ipinasya na bumaba na. Sa pagkain naman ay salo-salo sila ng pamilya nina Manang Salome sa mahabang hapagkainan sa bahay na iyon. Noong una ay ayaw pa ng mga ito dahil hindi raw kumakain ang mga ito roon. Ngunit dahil mapilit siya, kaya naman walang nagawa ang mga ito. Isa pa, ayaw niya ng mag-isa lang siyang kakain. Kay lungkot sa pakiramdam.
HALOS HINDI MAKAPAG-FOCUS si Ayah sa pagbabasa ng dala niyang babasahin sa may tabi ng ilog.
Oo, bumalik siya roon para hintayin ang pagbabalik ng lalaking nakita roon kahapon. Ngunit bigo siyang makita ang binata.
Nakadalawang sunod na araw siyang bumalik sa may ilog ngunit bigo pa rin siyang makita ang naturang lalaki.
Paano kung engkanto talaga iyon?
Inihinto ni Ayah ang pagbabasa sa kaniyang libro na hawak at ibinaba iyon sa may gilid niya. Kapag kuwan ay humilata siya ng higa sa nilatag niyang banig roon at tumitig sa kawalan.
Kung hindi naman siya isang engkanto, katulad ng aking sinabi… baka naman natiyempo lang na napadpad dito ang lalaking iyon? Tama. Baka ganoon nga, aniya sa kaniyang isipan.
Isa pa, sinabi niyon noong nakaraan na nangangahoy lang ito. Ibig sabihin niyon ay nangunguha ito ng panggatong. Sa probinsiya kasi ay panggatong na tuyong kahoy ang ginagamit sa pagluluto ng pagkain.
Nang makarinig ng animo nagpuputol ng kahoy ay napabangon si Ayah at pinakinggang mabuti ang kaniyang naririnig.
Natitiyak niyang may tao nga sa parteng iyon ng kaniyang kinaroroonan.
Nabuhayan siya bigla ng loob. Baka iyon na ang kaniyang hinihintay na engkanto. Natawa pa siya sa kaniyang naisip.
Minabuti na ni Ayah ang tumayo at sundan ang pinanggagalingan ng tunog.
Ngunit hindi naman siya puwedeng lumayo dahil masyado ng masukal ang tabing ilog na kaniyang kinaroroonan. Pinagmasdan niya ang noon ay nilusutan ng lalaking nakita nang iwan siya nito sa ilog.
“Hey!” may kalakasang wika ni Ayah. “May tao ba riyan?” aniya na halos mapigil ang paghinga. Paano kung wala at dinadaya na lang siya ng kaniyang pandinig dahil sa kagustuhang makita ang lalaking iyon?
Nawala rin ang animo pagpuputol ng sanga ng puno gamit ang isang gulok.
Baka nga dinaraya lang siya ng kaniyang pandinig. Hindi rin naman siya makalipat sa kabilang parte ng ilog dahil mababasa siya. Wala siyang dalang pamalit.
Isang tingin pa sa kabilang ilog bago niya ipinasya na balikan ang kaniyang nakalatag na banig.
Malapit na siya roon nang bigla siyang mapahinto sa paglalakad dahil sa narinig.
“Pasensiya na. May tao pala ulit riyan.”
Ang boses na iyon!
Agad siyang napalingon sa kabilang ilog at hindi nga siya nagkamali. Nakita niyang muli ang pinaghihinalaan niyang engkanto. Ngunit nakasuot na iyon ng damit na luma at pantalong kupas. May gulok pa sa gilid ng baywang nito na nakatali rin doon. May suot pang salakot sa ulo.
Magbubukid ba ang lalaking ito? Kay guwapo namang tunay. Natulala na naman siya. Habang siya, nakasuot ng mamahaling damit. Bakas na bakas sa kaniya ang kaelegantehan ng isang dalaga. Hindi maiikaila na galing siya sa isang promenenteng pamilya. Pero wala siyang pakialam ng mga sandaling iyon. Kahit na mukha man siyang babasaging diyamante.
“Kung naiingayan ka, lilipat na lang ako ng ibang pagkukuhanan ng mga kahoy. Panggatong kasi ‘yon sa bahay,” dagdag pa nito.
Sa totoong buhay naman siguro ay hindi kailangan ng engkanto ng panggatong sa kaharian ng mga ito?
Muli siyang naglakad papunta sa tapat ng kinaroroonan ng lalaki.
“Sandali lang,” pigil niya sa akmang pag-alis nito. “May gusto lang akong itanong,” aniya na nilalakasan ang loob.
Kumunot pa ang noo ng guwapong lalaki. “At ano naman ang itatanong mo?”
Sandali muna niyang pinagmasdan ang mukha nito kahit na may kalayuan sa kaniya. “Totoong tao ka ba talaga?” may kalakasan niyang tanong upang marinig nito.
Hayon na naman ang amusement sa mukha niyon na hindi nakalampas kay Ayah.
“Hindi ka pa rin ba talaga naniniwala na totoong tao ako?” anang lalaki na inalis pa ang suot na salakot sa ulo.
Napalunok si Ayah. “Malay ko ba kung sa totoong buhay ay isa ka lang lamang lupa rito sa tabing ilog? Saan ka nakatira? Sa malaking puno na ‘yon?” tanong niya na may pagturo pa sa malaking puno na nasa malapit lang sa kinaroroonan ng lalaki sa may kabilang ilog.
Tumawa na naman ito. “Pinatatawa mo talaga ako. Kung ayaw mong maniwala, hindi naman kita para pilitin na maniwalang tao nga ako. Kung tingin mo sa akin ay isang lamang lupa, ikaw ang bahala. Kung duda ka pa rin talaga, magpatawag ka ng pari at pabendisyunan mo ang lugar na ito para walang lamang lupa na pagala-gala.”
“Paanong hindi ako mag-iisip ng iba? Ni hindi ka kilala ng mga tauhan namin dito sa baryo. N-nakasalubong ka na rin namin isang beses, noong sakay kami ng sasakyan. At ikaw, naglalakad ka sa may tabing kalsada na nakahubad na para bang pinangangalandakan mo pa ang katawan mo sa lahat.”
“Tanda mo pa rin ‘yon?” amuse pang tanong ng lalaki.
“Alin?”
“Noong makita mo akong nakahubad-baro na naglalakad sa may tabing kalsada. Akala ko nga, hindi mo alam na ako rin ‘yon.”
Sandaling natigilan si Ayah. Baka naman isipin niyon na hindi niya ito makalimutan. Napalunok siya.
Tumikhim siya. “Matalas lang ang memorya ko,” dahilan pa niya.
“Okay. Sabi mo, eh. Paano, Binibini? Pasensiya kung naistorbo kita sa pag-iisa mo.” Isinuot na ulit ng lalaki ang salakot niyon sa ulo.
“Sandali,” aniya na napahakbang pa ng wala sa oras sa pinakagilid ng ilog upang pigilan ito sa akmang pag-alis nito. Bigla ay dumulas ang isa niyang paa at tuluyan siyang nahulog sa tubig na ikinatili pa niya. Ngunit nilamon lang din ng tubig sa ilog ang kaniyang pagtili. Nakainom pa siya.
Dahil sa pagkawala niya ng balanse at pagkakahulog sa tubig, kaya naman hindi agad siya makabuwelo patayo. Idagdag pa ang suot niyang bestida na nagpabigat lalo sa kaniya nang mabasa iyon. Hanggang sa maramdaman niya ang mga kamay na yumakap sa kaniyang katawan at sinikap siyang iahon sa mababaw na parte ng ilog.
Nang magmulat ng mga mata si Ayah, na halos habol ang paghinga ay nakita niya sa malapitan ang guwapong mukha ng estrangherong lalaki. Ang mukha nitong kay kinis ng kutis. Hindi iyon maikakaila.
Kay lapit din ng mukha nito sa kaniya na halos ikapigil niya ng paghinga. At nang pumihit ang mukha nito paharap sa kaniya? Sandali pang nagtama ang mga tingin nila. Kasabay niyon ay ang pagkabog ng mabilis ng pintig ng kaniyang puso na animo may naghahabulan doon.
Bakit ang weird ng kaniyang pakiramdam sa lalaking ito? Ano ba talaga ang mayroon dito at hindi rin niya basta-basta makalimutan? At heto siya ngayon… kay lapit sa lalaking ilang araw niyang iniisip at hinihintay na muling makita sa lugar ding iyon.