HINDI NAPIGILAN ni Ayah ang kaniyang sarili na hindi hawakan ng kaniyang dalawang kamay ang pisngi ng lalaking estrangheropara damhin iyon.
Mukha namang totoong tao nga ito. Ramdam niya iyon sa pagdait pa lang ng kamay niya sa balat nito.
“Mukha pa rin ba akong lamang lupa sa paningin mo?” anang lalaki nang makabawi.
Napapahiyang ibinaba ni Ayah ang kaniyang kamay at agad na nagbawi ng tingin. Dahil abot naman ng kaniyang paa ang ilalim ng ilog na kanilang kinatatayuan ay kumuwala na siya sa pagkakahapit nito sa kaniyang baywang.
Napaawang pa ang labi ni Ayah nang hawakan ng lalaki ang isa niyang kamay at dalhin sa tapat ng dibdib nito.
“Ramdam mo ba na tumitibok din ang puso ko?” amuse pang tanong nito sa kaniya.
Binawi niya ang kamay niyang hawak nito. Bigla ay para ba siyang napapaso. Lalo na sa mga titig nito sa kaniya. Hindi niya magawang salubungin ng husto.
At ang kabog sa dibdib niya, ikinatatakot niya na baka marinig na rin nito.
“Malay ko ba kung magaling ka lang magbalatkayo? S-sabi ni Ibyang, makapangyarihan ang mga lamang lupa.”
Napangiti na naman ng simpatiko ang lalaki. “Mukhang hindi ka pa nga nakaka-move-on sa pambibintang na isa akong lamang lupa. Nakakarami ka na, pero pinalalampas ko lang. Ang mabuti pa, umahon ka na at umuwi. Baka pag-alis ko rito, makatagpo ka nga ng totoong lamang lupa. Sa pagkakataon na ‘yon, ‘wag mo akong sisisihin. Dahil hindi ko kasamahan ang mga ‘yon. Daig mo pa ang bata na masyadong paniwalain sa mga kuwento ng mga matatanda.”
Kumunot ang kaniyang noo. “Hindi ka ba naniniwala sa mga lamang lupa rito sa probinsiya? Nakakapagtaka naman yata?”
Tumikhim ang lalaki. “Masyado na akong matanda para maniwala pa sa mga ganiyan. Isa pa, wala pa naman akong nakakasalamuha kaya hindi ako madaling maniwala.”
Nayakap ni Ayah ang kaniyang sarili nang umihip ang hangin. Nilamig siya dahil doon. Muli niyang pinagmasdan ang guwapong mukha ng lalaki.
“Ano’ng pangalan mo?” sa halip ay tanong niya kapagkuwan.
“Hindi ko basta-basta ibinibigay ang pangalan ko sa mga estranghera na katulad mo.”
Kumunot ang noo niya. “Bakit? Natatakot ka ba?”
“At ano naman ang ikakatakot ko? Humahaba lang ang usap, Miss.”
“Atat ka yatang umalis?”
“Kailangan ko ng umuwi sa bahay para makapagpalit na ng damit.”
Aalis na agad ito? Pero parang ayaw pa niya. Para bang gusto pa niyang makipagkuwentuhan dito. Para kasing ang sarap din nitong kausap. Hindi nakaka-boring.
“Pasensiya na kung nabasa ka ng dahil sa akin. Hindi ko kasi alam na dudulas ‘yong paa ko kanina,” ani Ayah.
“Kung hindi naman kita lalapitan agad kanina, baka pumailalim ka pa sa ilog. Hindi ka lalo makakaahon basta. Medyo malalim sa iyo ang parteng ‘yon ng ilog.”
“Thank you,” aniya na kimi pa itong nginitian.
Sandali na namang naghinang ang kanilang mga paningin ng lalaking ayaw pa ring magpakilala sa kaniya.
“Mag-ingat ka na lang sa susunod,” anito na akmang lalampasan na siya nang bigla na lamang ilahad ni Ayah ang isang kamay sa harapan nito.
“Ayah,” bigla niyang wika. “Ibig kong sabihin, Ayah ang pangalan ko. Baka kasi gusto mo ring malaman.”
Nagsalubong pa ang mga kilay nito nang mula sa kaniyang kamay na nakalahad ay ibalik sa kaniyang mukha ang tingin.
“Mukha ba akong interesado sa pangalan mo?”
Natigilan si Ayah sa sinabing iyon ng lalaki. Nag-init ang magkabila niyang pisngi dahil sa pagkapahiya. Ngayon, bigla siyang tinubuan ng hiya dahil sa kaniyang pinaggagagawa.
Ang isang kamay niyang nakalahad ay minabuti na niyang ibaba na.
“K-kung hindi ka interesado, o-okay. Forget about it.” Bahagya ring umatras si Ayah para bigyang daan ang estranghero. Nagbaba rin siya ng tingin. Baka kung ano pa ang isipin nito.
At ang malala pa, baka isipin nito na interesado siya rito.
Hindi nga ba, Ayah? gagad ng kaniyang isipan sa kaniya. Kung hindi ka naman interesado sa kaniya ay hahayaan mo siyang umalis at hindi ka manghihinayang na mawala siya sa paningin mo. Sabagay, libre naman ang humanga kahit na kanino. Hindi naman ‘yan masama. At isa pa, hindi ka pa naman engage. Soon to be pa lang...
Nakaramdam ng panghihinayang si Ayah nang humakbang na palampas sa kaniya ang lalaki.
Baka iyon na ang huli nilang encounter. Nakakahiya palang mag-approach ng estranghero. Akala niya, basta maganda siya, madali na iyon. Pero babalewalain din pala siya ng isang katulad nito.
Kung puwede lang magpalamon sa ilog ay ginawa na niya sa sobrang kahihiyan.
Nakakailang hakbang na palayo sa kaniya ang lalaki nang muli itong pumihit paharap sa kaniya.
“Baka hindi ka makatulog kapag hindi mo nalaman ang pangalan ko,” wika pa niyon na wala namang ngisi sa guwapo nitong mukha. Seryoso lang ito. “Prix ang pangalan ko.”
Saka lang ulit nag-angat ng tingin si Ayah sa lalaki.
Prix? Prix ang pangalan nito?
Kakaiba iyon. Para bang hindi bagay sa isang magbubukid.
“Prix?” ulit pa niya. “Akala ko ang pangalan mo ay ganito ang tunog… Doming, Paeng o kaya naman ay Narding,” aniya na pigil ang mapatawa.
Amusement. Iyon na naman ang nabasa ni Ayah sa mukha ng guwapong estranghero na ngayon ay may pangalan na… si Prix.
“Sinabi ko na ang pangalan ko sa iyo, pero may hirit ka pa rin,” anito na napailing pa. “Umahon ka na,” pagtataboy na nito sa kaniya.
Nagkibit siya nang balikat. “Basa na rin naman ako, magbababad na lang din muna ako rito sa ilog. Dahil once umahon na ako, kailangan ko ng umuwi.”
“Ikaw ang bahala.”
“Sandali,” pigil na naman niya sa akma nitong pag-alis. “Malayo ba rito ang bahay ninyo?”
“Abot pa rin naman ng langaw.”
“Langaw?” aniya na para bang nag-loading sa kaniyang isipan ang sinabi nito. “Hindi ko maintindihan,” aniya na kumunot pa ang noo.
“Ibig kong sabihin, kaya pa namang puntahan kahit may kalayuan din,” paliwanag ni Prix sa kaniya sa sinabi nito.
“Ah,” react na lamang niya.
“Paano? Kailangan ko ng umalis,” paalam pa nito sa kaniya.
Nakaramdam man ng panghihinayang si Ayah, hindi na naman niya maaari pang pigilan si Prix.
“S-sige. Mag-ingat ka.”
“Ikaw ang mag-ingat sa lugar na ito. Lalaki ako, kaya ko ang sarili ko. Ikaw, babae ka. Kaya mo ba ang sarili mo kung may masamang tao ang pumunta rito?”
Hindi agad nakapagsalita si Ayah.
“Hindi naman sa mahina ang tingin ko sa iyo, pero alam kong wala kang laban kung puwersahin ka ng masamang-loob.”
“Salamat sa pag-aalala. Tingin ko naman, wala namang mangyayaring masama sa akin dito. Mabait ka naman. Siguro, kagaya mo rin ang mga naninirahan dito sa baryo, mabait. Hindi mapagsamantala.”
“Hindi lahat. Kaya ‘wag ka masyadong katiwala. At ‘wag na ‘wag mo na ring uulitin na ibibilad mo ang katawan mo sa lugar na ito. Ipapahamak ka niyon.”
Tumango siya. Hindi na talaga iyon mauulit. Nagtiwala kasi siya sa sinabi ni Ibyang na safe sa lugar na iyon at wala roong basta-bastang naliligaw na ibang tao.
“H-hindi na mauulit ‘yon.” Nakakahiya man, ngunit nangyari na. Ang importante, hindi siya ginawan ng masama ng lalaking ito. “Salamat ulit sa pagsagip sa akin. Ahm, baka gusto mong magmeryenda? May dala akong pagkain. Tingin ko, kasya ‘yon sa ating dalawa,” aniya na kahit ang totoo ay dinamihan talaga niya ang dala niyang meryenda para kung makikita niya ito ay mabahagihan niya ito ng pagkain.
“Hindi na. Salamat na lang,” tanggi nito.
Hindi tuloy alam ni Ayah kung ipipilit pa rin ba niya ang gusto niya o hindi na?
Napabuntong-hininga tuloy siya. Kapagkuwan ay tumango. “Ikaw ang bahala. Ingat,” sa huli ay wika na lang din niya.
Isang tango lang ang sagot nito. Sandali pa siya nitong pinagmasdan bago ito nagpatuloy sa paglalakad. Pagkuwan ay nilangoy na nito ang papunta sa aahunan nito sa kabilang bahagi ng ilog.
Magkikita pa kaya silang muli?
May panghihinayang sa kaniyang mga mata na habol ng tingin ang lalaking nagngangalang Prix.
AYAH…
Napangiti na naman si Prix. Sa pagkakataon na iyon ay alam na niya ang pangalan ng babaeng nagpapagulo sa kaniyang isipan may ilang araw na rin ang nakalilipas.
Kahit na ayaw pa niya itong iwan ng mga sandaling iyon ay wala naman siyang magagawa. Ayaw niyang makahalata ito na sa totoong buhay ay gusto pa niyang manatili roon at makausap ito ng matagal.
Pero kahit sasaglit silang nagkakausap ay napakasaya na niya.
Nang magbuluntaryo siyang muli na mangangahoy siya nang umagang iyon ay sinadya talaga niya ang mapadpad sa may ilog. Nagbabakasakali na makitang muli roon ang naturang babae. At hindi nga siya nabigo, narinig niya ang boses nito bago pa man siya makalapit sa may ilog.
And the rest is history…
Parang mas nag-e-enjoy tuloy siyang lalo sa buhay probinsiya.
“Bakit basang-basa ka?” gulat pang tanong ni Nanay Inday nang makauwi siya sa dampa ng mga ito.
“Nadulas lang ho ako sa may tabing ilog,” dahilan niya nang mailagay sa isang gilid ang dala niyang mga panggatong.
“Itong batang ito,” bulalas pa ni Nanay Inday. “Humayo ka na sa palikuran at magbuhos ka ng madali. Masamang matuyuan ka at baka magkasakit ka pa. Sige na, Utoy. Sundin mo ako. Ako na ang kukuha ng iyong pantuyo. Isasabit ko sa may pintuan.”
“Sige po,” ani Prix na hindi na nakipagtalo pa sa matanda
Hinayon na agad ni Prix ang papunta sa may palikuran na ang dingding ay yari lamang sa pawid. Hindi rin ganoon kataasan ang bubong kaya medyo yumuyuko pa siya para lang hindi siya masukol doon.
“BAKIT HINDI KA PA natutulog, Ayah, hija?” untag ni Manang Salome kay Ayah nang makita siya nito sa may salas sa taas. Habang nakaupo sa isang silya sa may tabing bintana at nakatingala sa may kalangitan. “Mayroon bang bumabagabag sa iyo?”
May ngiti sa labi na umiling si Ayah. “Wala po.”
“Akala ko ay nami-miss mo na ang buhay mo sa Maynila kaya ikaw ay namimintana riyan.”
“Hindi po.”
“Siya, maiwan na muna kita at baka maabala kita.”
“Nagpapaantok lang po ako, Manang Salome. Mamaya rin po ay papasok na rin po ako sa aking kuwarto.”
“Sige, hija. Bababa na ako.”
“Sige po,” aniya na inihatid pa ng kaniyang tingin ang matanda. Nang mawala ito sa kaniyang paningin ay muli niyang ibinalik sa kalangitan ang kaniyang tingin.
Prix… usal na naman niya sa pangalang iyon sa kaniyang isipan.
Gumuhit na naman ang ngiti sa kaniyang labi nang maalala ang nangyari kanina sa may ilog. Kay guwapo nitong lalo sa malapitan. Halos hindi siya makahinga. At ang mukha nito? Daig pa ang nagpapa-derma dahil sa kinis ng kutis niyon.
He’s really a living God.
Over acting ba siya masyado? Pero ganoon niyang i-describe ang binata.
Ang tanong, binata pa kaya talaga ito? Paano kung katulad ng ibang taga probinsiya na maaga ring nag-aasawa?
Bakit may lungkot siyang naramdaman sa bagay na iyon?
Nagkaroon na naman siya ng bagong isipin. Kung noon ay ang pangalan lang nito ang iniisip niya, ngayon naman ay pati ang status nito sa buhay.
Napabuntong-hininga si Ayah. Masyado na siyang pinag-iisip ng Prix na iyon.
Ang pangalan nito ay tunay na hindi bagay sa isang simpleng tao lamang. Bumalik lang ang ngiti sa labi niya nang maalala ang mga pangalang pinagsasabi rito kanina.
Tumayo na si Ayah mula sa kaniyang pagkakaupo at ibinalik sa isang gilid ang silyang inupuan at ipinasya ng pumunta sa kaniyang silid.
Kung pagbibigyan ng pagkakataon, magkakaroon na naman siya ng dahilan para kausapin si Prix. Gusto niyang itanong dito kung ano ang status nito sa buhay ngayon.
Sana lang ay huwag nitong mahalata na sobrang interesado siya sa buhay nito. At wala siyang pakialam kung galing lang ito sa mababang uri ng pamilya.