“SAAN KA PO pupunta, Señorita?” tanong ni Damyan kay Ayah nang makita siya nitong paalis ng ancestral house nang umagang iyon.
“Ahm, mag… mag-jo-jogging lang ako, Kuya Damyan,” paalam niya rito.
Masyado pang maaga ng mga sandaling iyon. Ni hindi pa nagpapakita ang haring araw ngunit maliwanag na naman sa paligid.
“Ikaw lang pong mag-isa?”
Tumango siya. “Babalik din po ako mamaya.”
Nakasuot siya ng jacket na may zipper sa harapan. Leggings naman na kulay itim ang kaniyang pang-ibaba. At para kumpleto ang kaniyang getup para sa umagang iyon ay nagsuot din siya ng rubber shoes sa kaniyang mga paa.
“Mag-ingat ka, Señorita.”
May ngiti sa labi na tinanguan niya si Damyan na habol pa rin siya ng tingin nang tumakbo na siya sa driveway papunta sa kinaroroonan ng main gate ng ancestral house.
Nang makalabas sa may rehas na gate ay pasimple pa niyang sinilip ang kaniyang pinanggalingan. Hindi na niya natatanaw si Damyan. Lalo siyang napangiti. Daig pa niya ang prinsesa na tatakas sa kanilang kaharian.
Nag-stretch muna si Ayah ng kaniyang mga kamay at legs bago nagsimulang tumakbo nang tama lang para hindi agad siya hingalin.
Dahilan lang naman niya ang pag-jo-jogging. Gusto lang niyang malaman kung saan nakatira si Prix. Iyon ay kung susuwertehin siyang makita ito nang umagang iyon.
Gusto pa rin niyang manalig kahit na mukhang maliit ang chance.
Dinaanan pa niya ang tulay. Huminto siya sa gitna niyon at pinagmasdan ang tubig sa ilog. Napangiti pa siya nang maisip na konektado ang ilog na iyon sa lugar na pinagkikitaan nila ni Prix.
Isang hinga pa nang malalim bago nagpatuloy sa pagtakbo si Ayah. Humahampas sa kaniya ang masarap at malamig na hangin mula sa malawak na bukirin na ngayon ay kaniyang binabaybay. Nagsisimula na ring magpakita ang haring araw.
What a life…
Napangiti pa siya. Pati sa pagtakbo niya, ramdam na ramdam niya ang pagiging malaya kahit alam niya na panandalian lamang iyon. Dahil oras na bumalik siya sa realidad, siguradong daig niya ang isang ibon na ikinulong sa malaking hawla.
Nang makaramdam ng pagod ay saka lang huminto sa pagtakbo si Ayah. Luminga-linga pa siya sa paligid habang hinihingal. Hindi pa rin siya nakakakita ng bahay.
Bakit ganoon? Ang layo-layo na ng kaniyang tinakbo ngunit ang hirap humanap ng bahay.
Naglakad siya nang mabagal. Magpapatuloy pa ba siya sa pagtakbo? Mukhang bigo siyang makikita si Prix.
Ngunit bago siya sumuko ay nagpatuloy pa siya sa kaniyang paglalakad. Hanggang sa may matanawan siya sa hindi kalayuan ng bukirin na pigura. Huminto sa paglalakad si Ayah at pinagmasdan iyong mabuti.
“Prix?” anas pa niya nang maisip na ang binata nga iyon. Para bang nagtatanim iyon ng palay.
Minabuti ni Ayah na maglakad papunta sa kinaroroonan ninyo. Naglakad siya sa pilapil ng bukid. Naninimbang nga lamang siya at baka madulas na naman siya at mawalan ng panimbang.
Habang papalapit sa pigurang nakita na nakayuko ay mas lalo niyang nasiguro na si Prix nga iyon. Kay aga naman nitong magtrabaho. Kay sipag ngang tunay ng lalaking ito. Kaya siguro kay ganda ng katawan dahil batak sa trabaho.
Napahinto si Prix sa pagtatanim ng mga palay nang makita siya nito. Para bang namalikmata pa ito dahil pinagmasdan siya nitong mabuti. Agad namang ngumiti si Ayah at kumaway pa rito.
“Hi,” nakangiti pa niyang bati kay Prix na agad kumunot ang noo.
“Ano’ng ginagawa mo rito?”
“First, hindi ako stalker,” agad niyang dipensa. Kahit na ang totoo ay iyon naman talaga ang ginagawa niya. Ini-stalk niya ang binata. “Nag-jo-jogging lang ako nang makita kita rito,” dahilan pa niya. May ngiti pa rin sa labi nang ilibot niya ang kaniyang paningin. Pagkuwan ay ibinalik niya ang tingin kay Prix na tumayo na nang tuwid. “Hindi ka ba nahihirapan sa pagtatanim?”
“Bakit hindi mo subukan para malaman mo?”
Napakurap siya sa sagot na iyon ni Prix. “Ako?” gulat pa niyang bulalas.
“Never mind,” anas pa nito na hindi dinig ni Ayah. Wala ng salita pa na nagpatuloy ito sa pagtatanim ng palay.
Hindi maiwasan ni Ayah na mamangha sa ginagawa nito. Pantay-pantay kasi ang hanay niyon.
Hindi na siya kinausap ni Prix. Para bang hindi big deal dito na naroon siya. May parte na gusto niyang mainis sa pang-snob nito sa kaniya.
Ganoon pa man, inisip na lang niya na busy ito sa pagtatrabaho kaya naman hindi na lang niya inabala pa. Pero hindi rin siya umalis agad dahil ito naman talaga ang pakay niya roon.
Lumapit siya sa malapit na puno na naroon na may nakausli na ugat. Doon ay naupo siya habang pinagmamasdan si Prix.
Nang muling mag-angat ang tingin ni Prix ay deretso iyon sa kaniyang kinaroroonan. Bigla ay para bang sandaling tumalon ang kaniyang puso at nalulon ni Ayah ang kaniyang dila.
“Bakit hindi ka pa magpatuloy sa pag-jo-jogging mo?” tanong pa ni Prix sa kaniya.
“Ahm… namamahinga lang ako. Ang layo rin kasi ng tinakbo ko.” Tumikhim siya. “Malapit lang ba ang bahay ninyo rito?”
“Bakit?”
“A-ano kasi… wala kasi akong makitang ibang bahay sa tabing kalye.”
“Wala sa tabing kalye ang bahay namin kaya hindi rin kita mula sa may daan.”
Kung ganoon, baka hindi kalayuan doon ang bahay nina Prix.
“Kaya pala,” sagot na lamang niya.
Matiyagang naghintay si Ayah hanggang sa malagyan lahat ni Prix ang isang pitak ng palayan na kinaroroonan nito.
Hindi na naman niya maiwasan ang humanga rito dahil wala itong kaarte-arte sa katawan habang nagtatanim ng palay.
“Gaano pa kalawak ang pagtataniman mo ng palay?”
“Marami pa,” ani Prix na naglakad palayo sa kinaroroonan niya.
Sa hindi kalayuan ay animo may pababang parte ng palayan. Doon ay bumaba ito at yumuko. Pagbalik nito ay malinis na ang kamay nito at ang suot na bota sa paa. Wala ng bahid ng maraming putik.
Mukhang may umaagos doong tubig na puwedeng paghinawan.
Lumapit sa kaniyang kinaroroonan si Prix kung saan mayroong basket na nasa may tabi mismo ng punong kaniyang kinaroroonan. Doon ay kinuha nito ang lagayan ng tubig at uminom din doon. Uhaw na uhaw ito. Siguro ay dahil sa pagod.
Ang manly tingnan ni Prix habang ang pawis ay umaagos mula sa may noo nito pababa sa leeg. Kinuha ni Ayah ang nakita niyang face towel sa may basket at agad ibinigay kay Prix.
Sandali pang natigilan si Prix dahil iyon din ang balak nitong kunin.
Tumikhim pa ito. “Salamat,” wika ni Prix nang kunin sa kaniya ang face towel at ipunas sa pawisan nitong noo at leeg. Pagkuwan ay naupo malayo sa kaniyang kinaroroonan.
May nakausli rin namang ugat malapit sa kaniya, pero ang pinili pa rin ni Prix ay iyong medyo malayo sa kaniya. Dahil ba ayaw nito na maaamoy niya ang pawis nito? Mukha pa rin naman itong mabango kahit pawisan.
“Nakakaabala ba ako sa iyo?” tanong pa niya.
Kasi kung nakakaabala siya, wala na siyang magagawa pa kung ‘di ang umalis na dahil ayaw naman niya na isipin nito na sinasadya niyang makasama pa ito nang mas matagal.
“Hindi naman.”
Lihim na nakahinga nang maluwag si Ayah sa sagot na iyon ni Prix sa kaniyang tanong. Hindi naman pala siya nakakaabala.
“So, okay lang na mag-stay muna ako rito kahit kaunting oras pa? Bumabawi lang naman ako ng lakas para sa pagtakbo ulit pabalik sa amin.”
“Ikaw ang bahala. Hindi ko naman hawak ang oras mo.”
May gustong itanong si Ayah ngunit hindi naman niya maisatinig dahil baka kung ano na talaga ang isipin nito sa kaniya.
Ibinaling niya ang tingin sa malawak na sakahan.
“Kumusta ang buhay ninyo rito sa probinsiya?” muling basag ni Ayah sa namumuong katahimikan. Para din magkaroon siya ng dahilan upang magbaling ng tingin kay Prix.
Oh, God…
Ang mukhang iyon talaga ang hindi pagsasawaang pagmasdan ni Ayah.
“Mahirap din. Pero sanayan lang,” sagot ni Prix sa kaniya. “Lalo na kung lumaki ka naman sa hirap. Wala kang karapatang magreklamo sa buhay na mayroon ka.”
Napabuntong-hininga si Ayah. Hindi tuloy niya maiwasang ikumpara ang karangyaang tinatamasa niya sa buhay. At kung anong buhay ang mayroon sina Prix sa baryo na iyon.
“Masaya rin naman basta kasama mo ang pamilya mo at marunong kang makuntento,” dagdag ni Prix.
“Sinubukan mo ba na mamuhay sa labas ng baryo? Like sa City?” tanong niya.
“Oo,” sagot nito. “Nagtrabaho rin ako sa siyudad at sa… sa pier.”
“Ano’ng trabaho?”
“Kargador.”
Kargador…
Kaya pala kay sipag ni Prix. Wala talagang pinipiling trabaho.
“Ikaw, bakasyunista ka rito?”
Tumango si Ayah. “Kaya gusto kong sulitin ang mga araw na narito ako sa San Diego. Dahil minsan lang ulit mangyari na mapadpad ako rito.”
“Hindi ka ba madalas magbakasyon dito?”
Umiling si Ayah sa tanong na iyon ni Prix. “Hindi. Ngayon lang ulit. ‘Yong huling punta ko rito, bata pa ako. ‘Yong ilog na madalas kong pasyalan para tumambay, paboritong spot ko rito sa baryo. Tahimik kasi at masarap paliguan.”
“Parte pa ba ng lupain ninyo ang ilog na ‘yon?”
“Oo. Sabi ni Ibyang. Malawak ang lupain dito ng tatay ko.”
“Kaya pala.”
“Kaya pala ano?” ulit ni Ayah sa sinabi ni Prix.
“Kaya pala wala ng kabahayan papunta sa dereksiyon ng lupain ninyo.”
Kung ganoon, iyon pala ang dahilan? Dahil pribadong lupain ang nasasakupan ng lupa ng kaniyang pamilya.
“Itong tinataniman ninyo ng palay, sariling lupa ba ninyo?” mayamaya ay tanong ni Ayah kay Prix.
“Hindi. Nakikisaka lang si Tatay Lino sa lupaing ito. Wala kaming sariling lupa.”
Puwede pala iyong ganoon?
Nasundan niya ng tingin si Prix nang muli nitong lapitan ang basket at kunin doon ang isang plastic na pinggan na may lamang kamote na nilaga.
“Kumakain ka ba ng ganito?” tanong pa ni Prix sa kaniya. “Pero kung hindi, okay lang. Ang mahalaga naman ay inalok kita,” anito na inalisan na ng balat ang isang kamote.
“K-kumakain ako niyan,” wika niya kahit na ang totoo ay hindi pa siya nakakakain ng ganoong luto ng kamote. Tumayo pa si Ayah at lumapit kay Prix. “Puwedeng humingi?” tanong pa niya na inilahad ang kamay sa harapan nito.
Ibinigay naman ni Prix sa kaniya ang hawak nitong kamote na naalisan na nito ng balat.
“Thank you,” aniya na agad iyong tinikman. Natigilan pa siya nang malasahan iyon. Mas masarap iyon kaysa sa piniprito at nilalagyan ng pulot para maging meryenda ni Manang Salome.
Kung mag-re-react naman si Ayah sa kasarapan niyon ay baka magtaka pa si Prix dahil halatang iyon ang first time niyang makatikim ng nilabon na kamote.
“Bakit hindi ka maupo?” untag ni Prix kay Ayah.
Naupo siya sa may gilid nito. Sandali tuloy natigilan si Prix dahil masyado siyang malapit dito.
Nang maubos ang kaniyang kinakain ay nais pa sana niyang humirit ng isa pa ngunit nahihiya naman siya.
“Thank you ulit,” sabi na lang niya.
“Gusto mo pa? Medyo marami naman ang ipinabaon sa akin para almusalin.”
Napangiti tuloy si Ayah. “Hindi ko tatanggihan ang alok mo,” aniya na muling kinuha ang inabot sa kaniya ni Prix na kamote. May balat pa iyon. Ginaya na lang niya kung paanong magbalat ng kamote si Prix.
Nasiyahan pa si Ayah dahil nabalatan niya nang maayos ang kamote. Para sa kaniya, achievement na iyon.
Tumikhim si Prix kaya napatingin si Ayah rito.
“Okay lang ba kung bumalik ka na sa puwesto mo kanina?” tanong pa nito.
“Bakit?” aniya na napatingin pa sa pinanggalingan niya kanina. Pagkuwan ay ibinalik ang tingin dito. “P-papunta ba rito ang asawa mo?” tanong pa niya kahit na ang totoo ay dahilan na lamang niya iyon para malaman ang sagot sa tanong niyang iyon. “Sorry,” aniya na tumayo na at bumalik sa kinauupuang ugat ng puno kanina. Nagbawi ng tingin si Ayah at kinain na lamang ang kamoteng hawak niya. Baka masamid lang siya kapag sinabi ni Prix na… Oo, parating ang asawa ko. Parang ang sakit marinig niyon.
“Wala pa akong asawa,” ani Prix kapagkuwan. “Pawisan kasi ako. Nakakahiya naman sa iyo.”
Dahil sa sinabing iyon ng binata kaya naman bumalik ang tingin dito ni Ayah. Halos mapigil tuloy niya ang paghinga sa kaniyang nalaman. Kung ganoon… single pa ito? Parang gustong magbunyi ng kaniyang puso.
“Ah,” nangingiti naman niyang tugon. “Hindi ka naman amoy pawis,” aniya rito. Nang mapalapit nga siya rito kanina ay lihim pa niyang sininghot ang amoy nito. Pero hindi ito mabaho. Wala itong pabango ngunit nangingibabaw pa rin ang amoy ng gamit nitong shampoo o sabon. Hindi niya rin mawari. “Pupunta ako bukas sa ilog. Baka gusto mong sumaglit kapag hindi ka busy? Magluluto ako, ganti ko sa pagbibigay mo ng kamote sa akin,” out of the blue ay pag-aaya niya kay Prix.
“Marunong kang magluto?” nasurpresa pa nitong tanong.
Bigla ay naging proud siya sa bagay na iyon. “Yes. I can cook. Kung gusto mong matikman, magpakita ka bukas sa may ilog. Naroon ako bukas nang umaga. Doon din ulit ako manananghalian. Pero kung busy ka bukas—”
“Titingnan ko kung walang ipapagawa sa akin si Tatay,” sa halip ay sagot ni Prix sa kaniya.
Maghihintay na ba siya rito? Gustong umasam ng kaniyang puso.
“Sige. May gusto ka bang kainin? You can tell me. Treat ko,” nakangiti pa niyang wika.
“Okay ako sa kahit ano,” ani Prix na para bang pupunta nga bukas sa may tabing ilog.
Sa isipan ni Ayah ay impit na siyang napatili dahil may chance na magkikita sila bukas ni Prix. Gusto niyang magsasayaw sa tuwa.
Wala tuloy paglagyan ang saya ni Ayah nang magpaalam na siya kay Prix na babalik na sa kanila dahil masakit na sa balat ang sikat ng araw kapag tumaas pa iyong lalo.
“Ingat,” bilin pa nito sa kaniya.
“Ikaw rin,” ani Ayah na pagtalikod na pagtalikod sa kinaroroonan ni Prix ay hindi na niya mapigil ang ngiting wagas na kumuwala sa kaniyang labi.
Daig pa niya ang teenager na kinikilig sa crush niyon.
Crush?
Napahinto sa paglalakad si Ayah. Crush ba niya si Prix?
Hindi tuloy niya napigilan ang sarili na lingunin ito sa kaniyang pinanggalingan. Nakita pa niya na habol din siya nito ng tingin. Nginitian pa niya ito at kinawayan. Gumanti rin ito ng kaway sa kaniya.
Kung hindi nga crush ang tawag sa kaniyang nararamdaman ay hindi na niya alam kung ano pa iyon. Humahanga siya ng lihim sa binata. Malinaw na malinaw iyon.