Chapter 9 - Prix Montejero: The Former Playboy

2404 Words
NANG ARAW na iyon, walang paglagyan ang sayang nararamdaman ni Ayah dahil nasisiguro niya na magkikita ulit sila ni Prix sa may ilog. Ibinuhos niya ang kaniyang galing sa pagluluto para lamang pumasa sa panlasa ng binata ang kaniyang dadalhing pagkain sa ilog. Meryenda at tanghalian ang kaniyang inihanda. Good for two iyon at may kaunti pa siyang pasobra kung hihirit pa si Prix. Sa buong buhay niya, ngayon lang siya nasabik ng husto. At wala siyang ibang gustong gawin kung ‘di ang sundin ang gusto ng kaniyang puso habang nasa San Diego siya. Sa pagkakataon na iyon ay malaya pa siya. Gusto niyang sulitin. Kahit sandali lang… gusto niyang maramdaman ang genuine na saya at kilig na never niyang naramdaman kahit noon. Sisikapin din niyang ilihim ang kung ano mang nararamdaman kay Prix. Kahit dito, hindi siya aamin. Makita lang naman niya ito at sandaling makausap ay masaya na siya. “Ate Ayah, makulimlim ngayong araw, sigurado ka na gusto mo pa ring tumuloy sa ilog?” tanong pa ni Ibyang kay Ayah habang tinutulungan siya nito sa paglalagay ng pagkain sa isang basket. “Oo. Nananalig ako na hindi uulan ngayon,” nakangiti pa niyang wika. “Magdadala po ako ng payong para kung umulan man po mamaya ay may panangga kayo sa ulan.” “Ikaw ang bahala, Ibyang. Ahm, pakisabi kay Manang Salome na iulam din ninyo mamayang tanghali itong itinira kong ulam. Dinamihan ko ang luto para makatikim din kayo. Minsan lang akong magpakita ng talento sa iba kaya sulitin din ninyo.” “Naku po, Ate Ayah, paniguradong magugustuhan ni nanay ang iyong luto. Amoy pa lang ay napakasarap na.” Napangiting lalo si Ayah. “Ibyang, kahit mga alas tres mo na ako sunduin mamayang hapon. Gusto kong magsiyesta sa may tabing ilog mamayang after lunch.” “Magdala po kayo ng pamalit at baka mapaligo na naman kayo ng wala sa oras sa ilog.” Tumango siya. “Oo. May nakahanda na akong pamalit.” Nang umalis si Ibyang, para kumuha ng payong ay saka naman nagdagdag ng isa pang pinggan, baso at kubyertos si Ayah para kay Prix. Baka kasi magtaka si Ibyang kung bakit dalawa ang dadalhin niya, eh, mag-isa lang naman siya sa ilog. Inihatid siyang muli ni Ibyang sa ilog. Nang makapag-setup siya ng puwesto sa tabing ilog ay nagpaalam na rin sa kaniya si Ibyang. Naupo si Ayah sa inilatag niyang banig sa damuhan at matiyagang naghintay roon kay Prix sa pamamagitan ng pagbabasa ng libro na dala niya. Ngunit hindi naman siya mapakali at panay ang tingin sa kabilang ilog. Kung doon dadaan si Prix, tiyak na mababasa ito. Napabuntong-hininga tuloy si Ayah. Kumpleto naman ang dala niya dahil may dala rin siyang maiinom nila ni Prix kaya tiyak na parehas silang mabubusog nito. Ngunit tanghalian na ay wala pa ang binata. Nalimutan ba nito ang kanilang usapan? Makakapunta ba ito o hindi? Sa sobrang excitement niya, ngayon ay unti-unti siyang nakakaramdam ng hapdi sa kaniyang lalamunan dahil namumuti na ang mga mata niya sa paghihintay kay Prix. Ni hindi na niya nagawa pang magpatuloy sa pagbabasa dahil mas lamang ang tutok ng tingin niya sa kabilang ilog. Tumayo na si Ayah mula sa pagkakaupo sa may banig. Malungkot na muli niyang hinayon ng tingin ang kabilang bahagi ng ilog. “Darating ka ba o hindi? Kung hindi ka darating, hindi na ako babalik sa lugar na ito,” anas pa niya. Napatingin din siya sa basket na dala-dala niya. “Nag-effort pa akong magluto, wala ka rin naman. Sayang ang pagyayabang ko sa iyo na marunong akong magluto kung hindi mo naman matitikman.” Hindi rin naman niya makakain ang mga pagkaing iyon doon dahil nawala na rin ang mood niya. Kinuha niya ang basket at inilagay sa damuhan. Ipinatong niya sa ibabaw niyon ang unan na dala niya at ang tiniklop na malaking tuwalya. Tinitiklop na niya ang banig na nakalatag sa damuhan nang biglang… “Ayah!” Humigpit ang hawak ni Ayah sa banig. Hindi ba niya nakaringgan lamang ang pagtawag sa kaniyang pangalan? Paano kung may mapaglaro lang doong maligno at nanggagaya lamang ng boses ni Prix? Hindi siya tumugon dahil masama raw iyon. Huminga muna siya nang malalim bago lumingon sa pinanggalingan ng tinig na iyon. Napatayo siya nang makita niya si Prix na bakas pa ang paghingal. Nasa kabilang bahagi ito ng ilog. Mukhang tumakbo ito dahil bakas ang pagod sa hitsura nito. “P-Prix,” kandautal pa niyang bulalas. Bigla na naman ang pagtalon ng puso niya nang makita ito. “Bakit ngayon ka lang? Uuwi na sana ako,” aniya rito. “Pasensiya na. Tinulungan ko lang si Tatay sa bukid. Hindi ko naman basta maiwan,” anito na nanabi sa ilog at dumaan sa may mababaw na parte kung saan hindi lulubog ang buong katawan nito. Namaybay ito sa parte ng ilog na hanggang baywang lang nito ang lalim para makatawid sa kaniyang kinaroroonan. Lumapit si Ayah sa tabing ilog at inilahad pa ang kamay sa binata para alalayaan ito sa pag-ahon. “Salamat,” wika pa ni Prix bago hinawakan ang kaniyang kamay na nakalahad. Napigil ni Ayah ang paghinga dahil may kung anong kiliti siyang naramdaman sa pagdadaiti ng kanilang mga kamay. Hindi iyon magaspang. Ramdam niya ang lambot niyon. Ang inaasahan niyang kamay nito ay magaspang dahil sa pagiging masipag. Pero malambot iyon. Kakaiba rin talaga ito. Ganoon pa man, sinarili na lang niya ang kaniyang nasa loob tungkol sa malambot nitong kamay. Ngayon naman, walang pagsidlan ang saya niya dahil humabol talaga ito. “Mabuti na lang at naabutan mo pa ako rito,” aniya nang makaahon ito mula sa ilog. “Tinakbo ko na nga ang papunta rito dahil nakakahiya na paghintayin ka.” “Walang kaso,” aniya na binalikan ang banig at inilatag iyon ng maayos. Lahat ng inalis niya ay ibinalik niya roon. “Tara, siguradong gutom ka na.” “Hindi ba parang nakakahiya?” napapakamot pa sa batok na tanong ni Prix sa kaniya. “Ano ka ba? Pinakain mo nga ako ng kamote mo. Wala namang masama kung ikaw naman ang pakainin ng dala kong pagkain ngayon. Maupo ka na rito,” ani Ayah na inilabas na ang dalang pagkain. Nakalagay iyon sa food container. Bigla ay ganadong-ganado siya at animo buhay na buhay ang dugo dahil sa presensiya ni Prix na pasimple pa kung pagmasdan siya. Kumuha siya ng isang plato at ibinigay iyon kay Prix. Ganoon din ang pares ng kubyertos. “Salamat.” Matamis na ngiti lang ang itinugon ni Ayah. “Maupo ka na rito sa may banig.” “Basa ako,” ani Prix na naupo na lang sa may damuhan para hindi na mabasa pa ang kaniyang panlatag. “Okay ka lang ba riyan?” “Okay lang.” “Kain na tayo. ‘Wag kang mahiya, ha?” dagdag pa ni Ayah na pinauna na si Prix sa pagkuha ng makakain. “Ikaw na muna ang mauna,” giit pa nito. “Kasunod ako.” Napaka-gentleman talaga. Hindi katulad ni Caleb na kung tingnan pa siya ay kitang-kita kung paanong palakarin din ang tingin sa kaniyang katawan. Kahit dumating sa punto na nakitaan siya ni Prix noong unang encounter nila sa ilog, hindi man lang niya ito nakitaan ng kakaibang tingin sa kaniyang katawan. At dahil doon, plus point ito sa kaniya. Nang makakuha siya ng pagkain ay sumunod na rin si Prix. Hindi pa niya inalis dito ang tingin hanggat hindi nito natitikman ang kaniyang niluto. “Okay lang ba?” alanganin pa niyang tanong nang makasubo na ito at malasahan ang kaniyang niluto. “Hmmm. Ikaw ba talaga ang nagluto nito o pinaluto mo lang sa kasama mo sa bahay ninyo?” Napangiti ng husto si Ayah. Tiyak niya na nasarapan ito sa luto niya. “Dahil masarap? Mukha bang hindi ako marunong sa kusina?” “Wala sa hitsura mo.” Hindi tuloy mawala ang ngiti sa labi at mga mata ni Ayah. “I’ll take that as a compliment, Prix,” aniya bago kumain na rin. Sa isang iglap, nawala ang lungkot na naramdaman niya kanina. “Uuwi na sana ako kanina, kasi akala ko, hindi ka darating,” ani Ayah kapag kuwan. Pasimple pa nang sulyapan niya si Prix. “Kung medyo natagalan pa pala ako, baka hindi na kita naabutan dito.” “Ganoon na nga. Kain ka lang nang kain, ha?” wika pa niya bago nagpatuloy sa pagkain. Ayaw niyang makaramdam ng pagkailang sa kaniya si Prix. Kaya hanggat maaari ay gusto niya na maging kumportable lang ito na kasama siya. Kapag pala masyadong masaya, nakakabusog din ng pakiramdam. At wala ng sasaya pa sa pakiramdam ni Ayah nang si Prix halos ang makaubos ng pananghalian na dala niya. “Hindi ko na itatanong kung nasarapan ka sa pagkaing dala ko, obvious na obvious naman dahil naubos mo,” ani Ayah nang ipagsalin niya ng maiinom si Prix sa isang baso. “Salamat,” ani Prix nang tanggapin ang basong ibinigay niya rito. “Masarap ‘yong luto mo. Salamat at napatikim mo rin sa akin.” “Walang kaso ‘yon,” aniya na nagsalin din ng inumin sa kaniyang baso. “Buti, pinayagan kang umalis ng tatay mo. Tanghalian na kasi.” “Sinabi ko na huwag na akong hintayin sa tanghalian. Hindi na naman sila nagtanong pa kung bakit.” May ngiti pa rin sa labi nang pagmasdan niya si Prix. “Buti rin, hindi ka nagsasawa sa buhay rito sa baryo.” “Sanayan lang din,” ani Prix na kinuha ang pinggan, pinaglagyan ng ulam at kanin, gayon din ang kubyertos na ginamit nila. “Saan mo dadalhin ‘yan?” taka pa niyang tanong dito. “Huhugasan ko sa ilog para hindi langgamin,” kaswal na sagot ni Prix. “A-ako na. Nakakahiya naman sa iyo.” “Sisiw lang ‘to,” ani Prix na muling lumusong pababa sa may ilog at isa-isang hinugasan ang mga pinagkainan nila. Hindi lang gentleman, napakasipag din. Prix is such an ideal man. Hindi ito aware, pero ideal man na niya ito ngayon. From crush to ideal man. Kinuha na lamang ni Ayah ang mga natatapos na hugasan ni Prix sa ilog. “Salamat sa paghuhugas. May instant dishwasher pa ako. Ang suwerte sa iyo ng magiging asawa mo. Napakasipag mo,” aniya na sinadya na itong talikuran para hindi makita ng binata ang wagas niyang ngiti sa labi. Ibinalik na niya sa basket ang mga hinugasan ni Prix. “Kapag nag-asawa ako, gagawin kong reyna ‘yon sa bahay,” tugon naman nito sa sinabi niya. Napahinto sa ginagawa si Ayah at nakaramdam ng inggit para sa babaeng iyon. Sana lahat, kasing suwerte ng babaeng iyon. Kaso siya, mukhang malas sa buhay pag-aasawa. Huminga siya nang malalim bago muling tumayo at humarap kay Prix na nakita niyang nakaupo na ngayon sa may tabi ng ilog. Lumapit siya rito at naupo sa may tabi nito. May espasyo naman sa tabi nilang dalawa. Naglaan talaga siya para naman hindi isipin ni Prix na masyado siyang lumalapit dito. Mamaya ay mailang pa ito sa kaniya. Ayaw naman niya ng ganoon. “Hanggang kailan ka rito sa San Diego?” mayamaya ay basag ni Prix sa namumuong katahimikan. “Hindi ko alam. Kapag sinundo na ako ng driver namin, uwian na,” aniya na kimi pa itong nginitian nang sulyapan niya ito. “Kaya sinusulit ko lang din ang pananatili rito sa San Diego dahil walang kasiguraduhan kung hanggang kailan lang ako rito. Hanga pala,” aniya. “Salamat sa time. It means a lot, Prix. Wala naman kasi akong ibang kakilala rito bukod sa mga tauhan namin na dito rin naninirahan. Pero hindi lahat, kilala ko at nakakakuwentuhan ng ganito.” “Ang totoo niyan, nakakahiya rin na harapin ka. Lalo na at hindi naman maganda ang unang tagpo natin dito sa ilog,” ani Prix na nagbaling pa ng tingin sa may ilog. “But still,” sansala niya sa sinabi nito. “Salamat sa pagiging gentleman dahil hindi ka mapagsamantalang tao. Na-realize ko na tama ka, hindi lahat ng tao ay katulad mo na hindi mapagsamantala sa isang sitwasyon. Sorry din kung naging reckless ako ng mga panahon na ‘yon,” aniya na nagbaling din ng tingin sa may ilog. “Nakakahiya. Pero wala na namang rewind, hindi na maitatama pa ‘yong pagkakamali ko. Nangyari na.” “Kalimutan mo na ‘yon,” ani Prix. “Kinalimutan mo na ba?” tudyo pa niya rito. “Alin?” “Alin ba ‘yong dapat kong kalimutan?” “‘Yong sinasabi mong pagiging reckless mo.” “Ah,” aniya. Akala naman niya ay may partikular itong tinutukoy na kalimutan na niya. Nangingiti tuloy siya. Siya lang yata ang nag-iisip tungkol sa hubad niyang katawan noon. “Alam ba sa bahay ninyo na may kasama ka ngayon dito sa ilog?” Ganoon na lamang ang iling ni Ayah. “Hindi.” “Baka pagalitan ka kapag may nakaalam.” “Wala namang makakaalam. Unless ikaw mismo ang magsabi sa kanila.” “Hindi magandang tingnan na lumalapit ka sa isang katulad ko.” Unti-unting nawala ang ngiti sa labi ni Ayah. Totoo naman kasi ang sinabi ni Prix. Hindi matutuwa ang marami lalo na ang ama niya kapag nalaman ang pakikipag-usap niya kay Prix. “Hindi naman lingid sa akin na galing ka sa isang mayamang pamilya, kaya nga napakalawak ng lupain ninyo rito sa San Diego.” “Nagsisisi ka ba na nakikipag-usap ka pa sa akin?” pigil pa ang paghinga ni Ayah matapos iyong itanong kay Prix. Umiling naman ito kaya lihim siyang nakahinga nang maluwag. “Hindi,” ani Prix nang balingan siya. Sandali na namang naghinang ang mga tingin nila. At ang puso niya? Kumakabog na naman ng husto. Ibinalik niya ang ngiti sa kaniyang labi. “Kung ganoon, kalimutan mo na rin ang estado ko sa buhay dahil hindi naman ‘yon importante. Lalo na kung kumportable ka naman sa kasama mong kaibigan.” “Kaibigan?” kumunot pa ang noo ni Prix. “Ayaw mo bang maging kaibigan ako?” “Hindi ako nakikipagkaibigan lalo na sa isang babae.” Ouch! Kung ganoon, walang chance na maging malapit sila kahit na paano? Bakit parang may kurot siyang naramdaman sa kaniyang puso?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD