***LEREN's POV***
"Nandito na po ako, Kuya," malakas na imporma ko sa aking pag-uwi dahil alam kong nasa kusina lamang ang aking Kuya Rain. Alam ko kasi hindi lang dahil nakita ko ang motor niya sa garahe kundi dahil naaamoy ko rin ang halimuyak ng niluluto niyang ulam sa buong kabahayan.
Tamad na tamad na ibinato ko ang aking sling bag sa aming pang-isahang sopa at parang hindi babae na humilata na lang ako basta-basta sa mahaba. Kung nasa isang public place siguro ako ay malamang nasilipan na ako dahil nakataas talaga ang isang paa ko habang nakahiga.
Napagod ako sa pagtakbo kanina. Kung sino ba kasi iyong hinayupak na lalaking iyon? Bakit nagtatambay sa kotse nitong nakaparada? Napahiya tuloy ako. Kainis.
Bumuntong-hininga ako at walang kasigla-sigla na dinampot ang remote ng tv at ini-on iyon. Kaso news na ang palabas dahil pagabi na, kaya naman pinatay ko ulit. Wala akong hilig manood ng balita na kung hindi naman tungkol sa mga krimen ay mga walang makabuluhang bagay tungkol sa mga pulitiko at artista.
"Leren, buti dumating ka na," masiglang silip sa akin ni Kuya Rain–ang tanging kasama ko na lamang sa bahay dahil matagal nang patay ang aming mga magulang. Si Kuya na ang bumubuhay at nagpapaaral sa akin dahilan kaya kung anu-ano na lang na trabaho ang pinapasok niya. Katunayan, hindi ko nga alam kung anong saktong trabaho niya ngayon.
"Bakit, Kuya?" tanong ko nang nilapitan niya ako.
"Heto. Pandagdag sa gastusin sa bahay at pambayad ng bills," sagot niya. May kinapa siya sa bulsa ng pantalon nito at ibinigay sa akin.
"Wow! Ang dami naman nito, Kuya?" Nagningning talaga ang mga mata ko sa kapal ng tag-isang libong pera na ibinigay niya sa akin. Hindi na kailangang bilangin para masabi kong sobra-sobra iyon para sa gastusin sa bahay.
"Eh, di ba sabi mo sa chat mo naniningil na si Aling Tasing ng renta ng bahay? Magbayad ka na ng dalawang buwan. Pati na kuryente at tubig bayaran mo. Kung may matitira ay tabi mo na para sa 'yo."
"Sige, Kuya. Pero saan mo naman nakuha ang ganito karaming pera?" kako habang ninamnam ang amoy na makapal na pera. Siguro limang buwan ko nang suweldo ito sa gym na pinapasukan ko.
Yeah, hindi man kapani-paniwala dahil mataba ako ay sa isang sikat na fitness gym talaga ako nagtatrabaho. Isa akong clerk doon. Wala, eh. No choice sa akin si Boss kundi tiisin ang katabaan ko sa gym niya dahil sa utang na loon niya sa tatay ko.
"May inalok sa aking trabaho iyong nakilala kong lalaki. Paunang bayad niya raw 'yan sa akin."
"At anong trabaho naman iyon? Bakit ang laki ng bayad?"
"Baka maging bodyguard niya. Ewan ko."
Napanguso siyang nagtaka. "Bodyguard lang pero ganito kalaki ang ibinigay na sa iyo?"
"Ewan ko ba, pero malalaman ko naman bukas ng gabi kapag nakipagkita ako." Kinapa ulit ni Kuya ang bulsa nito at isang business card naman ang inilabas niya na kanyang ipinakita sa akin. "Alam mo ang lugar na ito?"
Kinuha ko iyon at binasa. "Zabarte? Malapit ito sa Fairview."
"Kung gano'n ay tama nga ako."
"Huwag ka na kayang pumunta, Kuya?" Hindi ko alam ba't nasabi ko iyon. Bigla na lang ay lumabas sa bunganga ko. Marahil ay dahil nakaramdam na lang ako bigla ng kakaibang kaba sa inalok sa kanya na trabaho.
"Sayang naman kung hindi ako pupunta. Malaking tulong sa atin iyon. Tingnan mo nga't wala pa akong ginagawa pero binigyan na ako ng singkwenta mil. Puwede ka nang umalis sa gym kung nagkataon at ituloy ang pag-aaral mo sa college."
"Iyon na nga, eh. Malaking tanong ang bakit binigyan ka nila agad ng ganito karaming pera? Parang may mali. Nakakaduda."
"Malay mo galante lang talaga ang magiging boss ko. Bilyonaryo raw."
"Bilyonaryo?"
Tumango si Kuya. "Oo, kasi sabi ng isang bodyguard niya ay sobrang yaman daw ng boss nila."
"Baka naman boss ng sindikato iyon? Baka gusto ka nilang i-recruit na maging kasama nila? Naku, naku, ayaw kong magkaroon ng kapatid na gangster o mafia, Kuya, ah?"
"Ikaw talaga." Natawa lamang si Kuya sa sinabi ko. Hindi man lang nabahala.
"Concern lang ako sa 'yo. Kung ganoon namang trabaho ang papasukin mo para makapag-aral ako ay hindi bale na lang," nakasimangot na pagda-drama ko pa.
"Hindi naman siguro." Tumalikod na si Kuya pabalik sa may kusina.
Madaling sumunod naman ako sa kanya. Umupo ako sa may dining chair at pinanood siyang hinahalo ang sabaw ng sinigang na niluluto nito.
"Huwag mo akong alalahanin. Ang mga gastusin na lang ang alalahanin mo dahil oras na hindi tayo makabayad ay tiyak malalagot tayo," sabi niya nang lingunin niya ako. Ngiting-ngiti sa joke niya, hindi naman nakakatawa.
Sinong tatawa kasi kapag bayarin ang usapan? Heller Meralco at Maynila! Tss
"Pero hangga't hindi pa tayo sigurado sa trabahong inalok sa akin ay ayusin mo muna ang trabaho mo doon sa gym. Huwag kang mag-alala't konting tiis na lang."
"Alam ko naman 'yon."
"Huwag mo na lang papansinin ang mga nang-aasar sa 'yo. Sabi sa akin ni Ma'am Laila ay muntik ka pa ring napapaaway sa mga client niyo?"
Humaba ang nguso ko. "Ang laki ng problema nila sa mga bilbil ko, eh. Hindi naman sila inaano."
"Kaya nga sabi ko huwag mo na lang silang pansinin. Insecure lang sila sa ganda mo," pambubula sa akin ni Kuya.
Sinimangutan ko siya. "Alam ko namang maganda ako kahit mataba ako pero huwag nang ipinagkakalat pa, Kuya. Shut up."
Natawa si Kuya. "Basta alagaan mo ang trabaho mo. Ang hirap ngayon maghanap ng trabaho. At least doon ay magaan lang ang ginagawa mo. Huwag kang mag-alala sa ibang gastusin, akong bahala."
"Oo na pero ibang usapan nga lang kung mapapahamak ka na sa kakahanap mo ng pera," pagrarason ko pa rin. "Paano na lang ako kapag pati ikaw mapahamak? Baka pumayat ako sa sobrang lungkot niyan."
"Ayaw mo niyan nang sumexy ka na?"
"Ayoko ngang pumayat. Nagpapataba nga ako, 'di ba?"
"Sinungaling. Nakita ko ang mga pinagbibili mong slimming tea."
Napangiti na ako. "Kung papayat ay di, thank you. Kung hindi na ay di, thank you pa rin. Sabi nga nila, chubby is the new sexy na ngayon."
"Tama. Letson nga ang pinakamasarap na pagkain, 'di ba?"
Inirapan ko siya. "Kitam ginawa pa akong baboy?"
Grabe ang naging tawa ni Kuya. Nabato ko tuloy siya ng sibuyas na wala sa oras na kanyang namang nasalo.
"Sige na, sige na. Itago mo na 'yang pera at tipirin," tawang-tawa pa rin na pag-iiba niya ng topic.
Bumalik ang atensyon ko sa perang ibinigay niya at hawak-hawak ko. Ang ugali kong masinop sa pera tuwang-tuwa si Kuya Rain kaya pinagkakatiwalaan niya ako noon pa pagdating sa bayarin. Kahit sobra kasi ang binibigay niya sa akin noon pa man ay hindi ko nilulustay. Gusto kong ipakita sa kanya na pinahahalagahan ko ang pinaghihirapan niya.
Nga lang iba talaga ang kutob ko ngayon sa perang ibinigay niya. Parang may kakaiba. Hindi ko lang maipaliwanag kung ano.
"Sige, Kuya, akyat muna ako sa kuwarto ko. Magbibihis lang ako tapos tutulungan kita r'yan. Ako na ang maghahain," mayamaya ay sabi ko. Sa kabila ng pagdududa ko sa pera ay hindi na ako tumanggi pa at baka masaktan ko na ang damdamin ni Kuya. At hindi ko na hinintay ang sagot niya, nagmadali na akong umakyat sa aking kuwarto.
Itinago kong maigi ang pera sa aking drawer. Bukas na bukas ay magbabayad ako ng renta at bills namin. Hindi ko bibiguin si Kuya Rain.
"Leren, lumabas ka muna saglit." Nagulat ako nang boses ni Kuya habang kumakatok sa pinto.
"Bakit?" tanong ko nang pagbuksan ko siya.
"Nakalimutan ko pala kasing ibigay ito sa 'yo." Isang box ng kape ang ibinibigay niya.
Sinamaan ko siya ng tingin. "At para saan 'yan?"
"Kape daw pampayat. Mabisa daw sabi ng asawa nong kasama ko sa construction kaya bumili na rin ako. Baka effective din sa iyo," sagot nito na may nakakalokong ngiti.
"At naniwala ka naman? Binudol ka lang niyon."
"Subukan mo lang. Malay mo diyan ka lang pala papayat kaysa sa mga pinagbibili mo na hindi naman mga effective. Baka iyan na ang sagot para magka-boyfriend ka?"
"Boyfriend talaga?" ismid ko.
"Bakit ayaw mo?"
"Syempre gusto."
"Iyon naman pala. Ayan ang inumin mo."
Ayaw ko nang makipagdebate sa kanya. "Sige na susubukan kong gamitin," kaya sabi ko na lang kasabay nang pagkuha niyon kahit na wala na akong balak i-try. Tanggap ko nang mataba ako, noon pa, kasi ito naman talaga ang gusto ko.
Ang totoo ay nagpataba talaga ako. Ayaw ko talagang pumayat. Minsan lang kasi ay nako-conscious ako kapag binu-bully ako kaya naiisipan ko rin na magpapayat. Pero kapag naiisip ko ang dahilan ko bakit ako mataba ay binabawi ko rin. Lumalamon ulit ako.
Basta. May dahilan kung bakit gusto ko ay manatili akong mataba. Isang pangako na dapat kung tuparin.
"Bago ka matulog ay magkape ka tapos pagkagising," at talagang instruction pa sa akin ni Kuya.
"Oo na. Sige na magbibihis na ako," asar kong pagtataboy na sa kanya. Isinara ko na ang pinto kahit may sasabihin pa sana siya. Stress, eh.
"Basta, bunso, tandaan mo lagi na mahal na mahal ka ni Kuya kahit ano pang hitsura mo," aba't pahabol pa nitong sabi.
Napangiwi ako pero hindi nagtagal ay napangiti rin ako. Na-realize ko na unang pagkakataon sa sinabi iyon sa akin ni Kuya Rain; na mahal niya ako.
Dagli kong binuksan ang pinto. "I love you din, Kuya," at malambing kong sigaw sa kanya.
Mula sa pagbaba sa hagdanan ng munti naming inuupahang bahay ay tumingala sa akin si Kuya. "Magbihis ka na. Ang pangit mo!"
"Mas pangit ka," ganting asar ko sa kanya.
Nagtawanan kami ni Kuya; ni Kuya ko na sobrang mahal na mahal ako at mahal na mahal ko. Kahit wala nang dumating sa akin na ibang lalaki na magmamahal sa akin ay solve na ako. Si Kuya Rain lang ay sapat na siyang lalaki sa buhay ko. Sure ko pa na hindi niya ako sasaktan.