DANAYA "Saglit lang, anak. Dito ka na muna, bababa ako. Titingnan ko kung nasaan si Sir George, ha?" ani manang pagkatapos niya akong kalagan. Laking pasasalamat ko sa kaniya dahil nadama ko na rin ang ginhawa. Dalawang araw na nakalapat ang likod ko sa kama. Kaya dahan-dahan lang ako sa pagbangon dahil nahirapan akong igalaw ang aking likod, parang ayaw mabaluktot. "Sige, manang. Mag-iingat po kayo," sabi ko. Tumango siya at maingat na naglakad patungo sa pinto. Marahan ang pagpihit niya sa seradura, dahan-dahan sa paglabas. Bago niya isara ang pinto, nginitian niya ako. Hindi na niya nakita ang pagngiti ko pabalik dahil tumalikod na siya. Nakahinga ako nang malalim dahil wala na ang mga gapos sa kamay at paa ko. Tiningnan ko ang sugat sa aking balat, hindi ko alam kung maaawa ako s

