HARMONY POV
TAHIMIK akong nakaupo sa loob ng taxi nang may maipara ako kanina habang hinahabol ako ng Ethan na iyon.
Hinahabol ko ang aking hininga dahil sa pagtakbo ko nang mabilis.
Napatingin ako sa bintana habang nakatitig ako roon. Hindi ko pa rin mapigilan ang pagpatak ng aking luha kaya napapansin kong napapatingin sa akin ang driver ng taxi.
“Miss, ayos lang po ba kayo? Pasensya na, ha? May anak din kasi akong babae... Binastos ka ba ng lalaking humahabol sa iyo kanina?”
Napasinghot ako nang marinig ang tanong niya, kaya napalingon ako sa kanya. Nakita ko ang gulat sa kanyang mukha kaya mabilis siyang kumilos, at binigyan niya ako ng tissue.
“S—salamat po, S—sir.”
Kinuha ko iyon at pinunasan ang aking mukha. Suminghot na rin ako dahil barado na ang ilong ko.
“Binastos ka ba niya, Miss?”
Narinig ko muli ang tanong niya pero ang tingin niya ay nasa harapan na.
“Um, e—ex ko po... N—nahuli ko pong may babae, Sir,” sabi ko sa kanya.
“Tsk! Ganyan talaga ang ibang lalaki, Miss. Kaya iyong anak ko ay sinasabihan kong kilalanin nang mabuti ang manliligaw niya... Huwag ka na umiyak, Miss. Maganda ka. Marami ka pang makikilala.”
Hindi ko napigilang mapangiti sa sinabi niya. “Salamat po, Sir.”
“Wala niyon, Miss. Dapat inaalagaan, minamahal at iniingatan dapat ang mga babae. Ganoʼn ang ginagawa ko sa asawa at mga anak kong babae.”
Sobrang swerte ng kanyang asawa.
Kaya napatitig muli ako sa bintana at paulit—ulit sa isip ko ang nakita ko sa apartment ni Alina.
Ang boyfriend kong ilang taon kong minahal.
At ang best friend kong pitong taon kong itinuring na parang kapatid.
Pareho nila akong niloko.
Pareho nila akong pinagtaksilan.
Pero hindi na ako iiyak dahil sinabi nga ni Sir kanina na hindi dapat iniiyakan ang ganoʼng lalaki.
Makalipas ang ilang minuto ay huminto ang taxi sa tapat ng bahay namin. Inilabas ko ang aking phone dahil cashless ang mode of payment.
“Miss, huwag na. Ayos lang.”
Nagulat ako sa sinabi niya. “Sure po ba kayo?” Tumango siya sa akin kaya yumuko ako sa kanya. “God bless po, Sir!” Ngumiti ako sa kanya at bumaba na sa taxi.
Huminga muli akong malalim at muling pinunasan ang aking mga mata at pilit na inaayos ang sarili ko
Ayaw kong mag—alala ang mga magulang sa akin kapag nakita niyang namumula ang aking magkabilang mata.
Isang malalim na paghinga pa ang aking ginawa hanggang lumakad na muli ako papasok sa gate namin. Dumiretso ako sa main door hanggang pagbukas ko ay nadatnan ko sina Mama at Papa na magkatabong nakaupo sa sala habang nanonood ng TV.
Kaya umiwas agad ako ng tingin sa kanila at mabilis na lumakad para iwasan ang aking mata.
“Harmony, anak. Nandito ka na pala.”
Narinig ko ang boses ni Papa kaya huminto ako at nagsalita. “Ah, opo, nandito na po ako,” sabi ko sa kanila.
Nagulat akong may humawak sa aking braso. “Harmony...” Boses ni Mama ang nasa likod ko ngayon. “Bakit namamaga ang mata mo?” tanong niya sa akin.
Hindi ako nakasagot sa kanyang tanong. Yumuko pa ako lalo.
“Umiyak ka ba?” tanong ulit ni Mama sa akin, halatang nag—aalala.
Tahimik pa rin ako.
Kasi once na magsalita ako ay malalaman talaga nilang umiyak ako
“May nanakit ba sa iyo, Harmony?”
Boses na ni Papa ang nagsalita.
Huminga akong malalim. Magsasalita na rin ako.
Gusto ko ng i—kʼwento lahat sa kanila kung paano akong niloko ng dalawang taong pinaka—mahalaga sa akin pero walang lakas ang boses ko.
Umiling na lang ako sa kanila. “W—wala po, Papa at Mama. Um, pagod lang po ako... M—medyo marami po kasing tao sa Montenegro Bank kanina... Late na rin po akong tinawag,” mahinang sabi ko at pilit kong tinatago ang aking boses, ngarag na boses.
Hindi ko alam kung maniniwala ba sina Mama at Papa sa sinabi kong iyon, pero pakiramdam ko ay hindi.
“Ganoʼn ba, anak? Oh, siya, magpahinga ka na. Gigisingin na lang kita kapag kakain na tayo.”
Tumango ako sa kanya at tahimik akong naglakad muli papunta sa hagdan, pero bago pa ako maka—akyat ay huminto ako. Huminga akong malalim habang na kaharap pa rin ako paakyat pats hindi makita nina Mama at Papa ang mukha kong umiyak.
“Ma... Pa...” Pinilit kong hindi mangarag ang aking boses.
Hindi ko alam kung anong reaksyon nila, kaya nagsalita na muli ako.
“Kailangan ko po munang magbakasyon. P—pʼwede po ba?” mahinang tanong ko sa kanila, pero sapat para marinig nila.
Napatingin ako sa gilid hanggang nakita kong nagkatinginan silang dalawa.
“May problema ba, anak? Sabihin mo sa amin ang totoo, hindi ka ba nakuha sa Montenegro Bank—”
Umiling ako sa kanila. “Wala po talaga, Mama. S—sa Montenegro Bank po... Tatawagan pa po ako kung kailan po ako mag—uumpisa kaya gusto ko po munang mag—relax habang hindi pa po ako nagta—trabaho. Pʼwede po ba?” mahinahon kong sabi sa kanila.
“Akala ko ay hindi ka nakuha kaya ganyan ang kilos mo. May ibang opportunity pa naman dʼyan, iyon sana ang sasabihin namin sa iyo.”
“Oo nga naman, anak. Malakas naman ang bentahan namin ng mga manok sa palengke. Sige mag—bakasyon ka muna habang wala ka pang trabaho,” sabi ni Mama sa akin.
“Kasama mo ba sina Alina and Ethan, anak?”
Napahinto ako sa sinabi ni Papa. “Um, h—hindi po, Papa. N—Naghahanap pa po sila ng work. Kaya ako lang po... Solo turista po ako,” sabi ko sa kanya.
“Ah...”
Narinig ko ang sabay nilang sabi, mukhang hindi sila naniniwala.
“Kung makakatulong ʼyan para makapagpahinga ka, suportado ka namin,” sabay na sabi nina Mama at Papa.
Napapikit ako sa kanilang sinagot. “Thank you po, Mama at Papa.” Pagkasabi kong iyon ay mabilis na akong umakyat sa kʼwarto ko.
Sinara ko ang pinto at doon ay tuluyan na akong bumigay. Napaupo ako sa sahig habang mahigpit na niyayakap ang aking tuhod.
Hindi ko na naman napigilang tumuloy ang mga luha sa mata ko.
“Bakit... Bakit ninyo ginawa sa akin ito?” tanong ko muli sa aking sarili.
Marahas kong pinunasan ang aking kanang pisngi para mawala ang luha roon. Hindi lang iyon dahil napatingin ako sa picture frame sa ibabaw ng study table ko, larawan namin nina Ethan and Alina noong graduation. Nakayakap pa kami roon habang malaki ang ngiti, pero ginagago na pala nila ako.
Napatayo ako at kinuha ko iyon. Hinaplos ko ang larawan nang marahan.
Naalala ko ang unang araw na naging magkaibigan kami ni Alina. Mga sleepover naming dalawa rito at sa apartment niya. Mga birthdays namin. Mga exam na sabay kaming nagre—review para makapasa roon. At mga pangarap na sabay naming ninyo na dalawa.
Huminga muli akong malalim nang mapunta naman ako kay Ethan.
Naalala ko ang unang confession niya, iyong gusto niya akong ligawan. Ang first anniversary naming dalawa. Ang mga matatamis niyang salita at pangakong 'forever' na hindi na matutuloy pa.
Hindi ko napigilang mapahikbi. “Ilang taon... Halos ilang taon ninyo kong niloloko na pala.” Huminga akong malalim at muling brinush ang luhang patuloy na tumutulo sa aking magkabilang pisngi.
Tinitigan ko pa nang mabuti ang picture frame hanggang tinanggal ko na iyon mula roon at pinunit. Iniwan ko ang side ko at ang picture nina Alina at Ethan ay sinira ko talaga at nilagay sa basurahan.
Mga bwisit sila!
Hindi ko sila mapapatawad.
Hinding—hindi.