7

1468 Words
Chapter Seven Walang pera, walang cellphone. Ang tanging mayroon lang ay lakas ng loob na maglibot sa malaking mundo na hindi ko alam kung bakit kahit parang ang gulo-gulo ay may kakayahan pa ring bigyan ako ng freedom. Gusto ko sanang sumakay ng jeep pero wala akong pera. May nakita akong pulubi, buti pa siya'y may pera sa baso ng cup noodles. May mga dumaraan sa tapat niya at naghuhulog ng barya. Nice raket! Umupo ako sa tabi niya. "Manong, turuan mo naman ako ng raket mo," mahinang ani ko sa matandang lalaki. "Wala kasi akong pamasahe sa jeep." Tinignan ako ng matanda. Parang hinuhusgahan. Saka dinampot nito ang cup at nagbilang ng barya. Iniabot nito iyon sa akin. "Anong pangalan mo?" "Milanie po," ani ko habang takang-taka sa baryang ibinigay nito. "Ito ang pamasahe, Milanie. Umalis ka na. Makikihati ka pa sa raket ko eh. Mukha namang hindi mo kailangan. Alis!" taboy sa akin ng matanda. Napabuntonghininga na tumayo na lang ako at iniwan ito. Twelve pesos. Kasya na ba ito sa jeep? Pumara ako ng jeep. Agad naman akong hinintuan. Pagsakay ko'y pinakikiramdaman ko ba kung dapat ko nang ibigay ang bayad. "Bayad!" ani ng aleng nasa tabi ng pinto ng jeep. Nakarating sa akin ang bayad nito. Ipinasa ko naman sa driver. Mahinang nagsalita. "Bayad po, isa lang," ani ko. As if sa akin galing ang pera at bayad ko iyon. Tinanggap naman ng driver. Lahat ay bumaba na. Ako na lang ang naiwan. "Aba'y loko iyong matandang babae. Hindi nagbayad." Dinig kong himutok ng driver. "Ineng, napansin mo bang nag-abot iyong matanda?" ani ng driver. Bumagsak ang tingin ko sa pamasahe ko. "Hindi po," kalmadong sagot ko na parang normal na normal lang sa aking mandaya. Nang huminto ang jeep ay agad na sumilip ako sa bintana. Nasa terminal na kami. "Hanggang dito na lang, ineng." "Salamat po!" sabay dali-daling bumaba. Nasaan na kaya ako? Binasa ko ang malaking pangalan ng terminal. "Kalangitan Terminal," kung sasakay ba ako sa isa sa mga bus na narito ay kakasya ang 12 pesos ko? I don't think so. Kaya naman imbes alalahanin pa'y lumakad na lang ako patungo sa nagtitinda ng bukod juice. Dinudumog ito pero nakuha kong sumingit. "20 pesos po," ani ko sa tindero. Agad naman akong binigyan saka ito naging abala sa ibang customer. Nang nakalahati ko na ang buko juice ay kinuha ko ang atensyon ng driver. "Iyong sukli sa 100, Kuya," napatingin sa akin ang lalaki. "100?" "Opo, 100." Bumilang naman ito ng 80 pesos na benteng papel. Sabay abot sa akin. I don't know. Sa panggugulang kong iyon ay satisfaction ang naramdaman ko. Inubos ko muna ang bukod juice bago ko itinapon sa basurahan. Saka ko tinignan ang perang mayroon na ako ngayon. "12 plus 80? s**t! May 92 na ako." Na-excite na lumapit ako sa ticketing booth. "Ate, saan aabot ang 92 pesos na pera ko?" tanong ko sa aleng nagbebenta ng ticket. "Hanggang Santa Elena lang iyan, ineng." "Sige po, sa Santa Elena po ako." Pagbigay ko ng bayad ay hinintay ko lang ang ticket ko. Nang natanggap ko iyon ay hinanap ko na ang bus na sasakyan ko. Pero wala naman. "Saan po ang sakayan sa Santa Elena?" ani ko sa driver. "Doon, ineng! Dadaan ng Santa Elena ang bus na iyan," itinuro nito ang isang bus na halos puno na at parang paalis na. Kaya naman napatakbo ako para lang makahabol. Pinasakay naman ako. Nang nakaupo na ay malawak na napangiti. Pakiramdam ko'y ang saya-saya ko. Daig ko pa ang may field trip. Mayaman naman sila mommy, pero siguro'y hindi ako pinapayagang gumala ng mga iyon. Isang oras na biyahe nang narinig kong ianunsyo na Santa Elena na. Kaya bumaba ako kasama ang ilang pasahero. Terminal din ito. Saglit na naupo muna ako sa bench. Nag-iisip kung ano ang dapat na gawin. Pero wala naman akong napala. Nasayang lang ang ilang minuto ko na nakatulala. Kaya naglakad-lakad na muna ako. "'Te!" tawag ng isang batang lalaki sa akin. May kadungisan ito pero mukha pa rin namang tao. "Saan ka punta, 'te?" "Hindi ko alam. Naglalakad-lakad lang ako." "Sama ako sa 'yo, 'te!" excited na ani ng bata. Baka hindi rin ito pinapayagang ng nanay niya na gumala. Kaya siguro'y gusto ring sumama sa akin. "Tara! Pero hindi pwede magpabuhat. Anong pangalan mo?" "Bimbo po," sagot ng bata saka pinunasan ang sipon gamit ang damit nito. "Ang pangit naman ng pangalan mo, Bimbo. Ako naman si Milanie Feliz." "Taray! Pangmayaman ang pangalan mo, 'te. Pero bakit naglalakad ka lang? Wala ka bang pamasahe?" "Ha? Meron! Gusto ko lang maglakad-lakad." "Saan ka ba kasi pupunta?" iginala ko ang tingin ko. Nang nakita ko ang signage na may drawing na dagat ay agad kong itinuro iyon. "D'yan sa dagat!" "Ah, malapit lang iyon dito. Alam ko papunta d'yan, 'te! Tara po?" ani ng bata. Siguro'y anim o pitong taon na ito. Sumunod ako sa kanya. Sabi naman kasi niya'y malapit lang daw. Malapit? Parang isang oras na kaming naglalakad. Pero wala pa rin akong dagat na makita. After 30 minutes pa, may alon na akong naririnig. "Ayan na!" excited na turo ng bata. Hindi pansin dahil sa mga puso at matataas na damo sa harapan. Nang pasukin namin iyon... tumambad ang dagat. "Astig!" tuwang ani ko. Ang agad na pumasok sa isip ko... ang ganda ng dagat. Agad kong hinubad ang sapatos ko at tumakbo na agad patungo roon. Ang batang si Bimbo ay naghubad din ng damit at tumakbo patungo sa tubig. Wala akong pakialam kung malamig ba o medyo maalon. Tuwang-tuwa ako. Sa sobrang happy ko ay muntik kong makalimutan na may bata akong kasama na muntik nang malunod buti na lang at naabot ko pa. "'Te," ani ng batang hingal na hingal. "Muntik kong makita si Papa Jesus!" ang lakas ng naging tawa ko. "Sorry! Nakalimutan kitang tignan. Sayang hindi ka nakapag-hello kay Papa Jesus." Dinala ko ito sa mababaw na parte saka kami naupo roon. Pareho kaming nakatingin sa malayo. "Ate, si papa ko sumama na sa ibang babae. Marites ang pangalan," sinulyapan ko ito. "Iniwan na ako ni Papa, ate. Kahit sinabi kong maawa na siya sa akin." "Oh, kawawa ka naman pala. Si mama mo nasaan naman?" "Sumama na siya sa ibang lalaki, 'te. Pagkatapos umalis ni papa, pagkatapos niyang sumama sa ibang babae... si mama naman ang sumama sa ibang lalaki." "Ha? Nanlalaki ang mama mo?" "Po? Sumama na po si Mama kay Papa Jesus." s**t. Lalaki nga pala si Papa Jesus. Iba ang humor ng batang ito. Akala ko'y nanlalaki ang nanay niya. "Sino na lang palang guardian mo?" "Guardian? Angel? Si mama ko po---" "Ibig kong sabihin sinong nag-aalaga sa 'yo?" marahan kong hinagod ang buhok nito. "Wala, 'te! Living alone, breadwinner ng sarili." "Ha? Ilang taon ka na ba?" "7 na po ako. Sabi ni tiya ay malaki na raw. Kaya ko na raw buhayin ang sarili ko. May dalawa akong trabaho, 'te. Iyong panggabi part-time job ko lang iyon. Iyong pang-umaga ay full-time." "Taray! Sobrang busy ng schedule mo, Bimbo. Anong trabaho ba iyan?" "Sa umaga namamalimos ako, 'te. Sa gabi runner ako. Snatcher." "Ha?" nalokang ani ko rito. "Angas ng trabaho ko 'no, 'te?" "Siraulo!" ani ko na binasa pa ang mukha nito. Umugong ang tawa ng bata. "Kung 'di ko gagawin iyon, ate. Paano ako makaka-survive?" "Bakit hindi ka tulungan ng mga tiyahin mo?" curious na tanong ko sa bata. Napabuntonghininga ito. "Ate, hindi raw nila kaya kung magdadagdag pa ng palamunin sa bahay nila. Kaya hindi ko na lang din idinagdag ang sarili ko roon. Gutom na nga, bugbog sarado pa." Pareho pa kaming napabuntonghininga nito. "Walang anak na lalaki iyong mommy ko... gusto mo ba maging anak ka na lang niya?" for sure kung magkakaanak pa sila mommy ay hindi na magfo-focus sa akin ang atensyon nila, right? Mukhang magandang idea iyon. "Hindi na ba ako magugutom doon, 'te?" "Madami kaming pagkain sa bahay," confident na sagot ko. "Sige, 'te. Sama ako sa 'yo. Marunong po akong magwalis at maghugas ng plato." "Ngek! Kung sasama ka sa akin ay hindi ka magtratrabaho. Ang gagawin mo lang uutuin mo si mommy ko. Kailangan magpabibo ka. Para mag-focus lang siya sa 'yo." "Luh! Bakit, 'te?" "Para kung aalis o tatakas man ako ay hindi siya mag-alala." "Bakit ka kasi tatakas?" "Hindi ko rin alam, eh. Para kasing hindi ako belong doon kahit na anak nila ako---" "Bad sila?" "Hindi. Nagka-amnesia kasi ako. Nawala ang lahat ng memories ko. Kahit sarili ko'y hindi ko kilala." "Amnesia? Ano iyon?" "Basta nakalimutan ko kung sino ba talaga ako. Naaksidente kasi ako dati." Tumango-tango naman ito. "Basta sure na may pagkain doon, 'te?" "Sure na sure!" ani ko sabay lahat ng kamay. "Saka ka sa akin ha. Ipapaampon kita kay mommy."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD