Nang sumunod na araw ay lalong sumaya si Bernard dahil binisita siya ulit ni Clara. Kasama nito si Aarah at isa pang kaibigan, na noon lang nakita ni Bernard. Isinama na rin ni Bernard ang apat na kaibigan para pagsaluhan ang mga pagkaing dala ng nobya. "Ay, labs, si Erin nga pala, kababata at kaibigan din namin ni Aarah," pakilala ni Clara sa kaibigan nitong bihis lalaki. Nakasuot ito ng pantalon at maluwag na T-shirt. Pati sumbrero nito ay panlalaki rin. Mukhang inipit sa loob niyon ang buhok ni Erin. Morena ito pero hindi maitatago ang kagandahan sa mukha. "Isinama namin siya, labs, para may katuwang si Aarah sa pag-alalay sa'kin." "Oo, Boss!" siga na sagot ni Erin. Pilit nitong pinapalaki ang boses. Para marahil maging tunog lalaki. "Huwag kang mag-alala at sagot ko ang dyowa mo! M