“Merrickkk!” malakas na sigaw ng isang duwende si Elliot sa taas ng isang malaking bato sa pinakamataas na parte ng isla.
Iyon ang pinakamalapit sa kakahuyan na maaring kinaroroonan ng kaniyang tinatawag na kaibigan. Pinili niya roon upang malawak ang lugar na maaabot ng kaniyang pagtawag. Kay hirap kasing hagilapin ang binata na ngayon na si Merrick sa malawak na isla. Bukod kasi sa laki ng lugar ay napakarami na ngayong mga matayog na puno na nakatanim at sa kapal ng mga dahon ay halos wala na siyang masilip na lupa mula sa kaniyang mataas na kinalalagyan.
Madalas kasing nasa kakahuyan ito kasama ang mga kaibigan nitong mga hayop. Ang kaniyang mga inaalagaan at kaniya na ring mga kaibigan. Iilang na lamang ang kanilang uri matapos mamatay ang malaking bilang nila noon nang salakayin ng mga pirata.
Kung hindi nakikipaglaro, naroon siya upang maghanap ng mga ligaw na maliliit na bunga ng prutas na kaniyang paborito sunod sa inihaw na sariwang isda.
Narinig ni Merrick ang pagtawag ng duwendeng si Elliot ngunit hindi siya sumagot. Kasalukuyan siyang nakaupo sa taas ng isang puno at nagkukuyakoy habang kumakain ng napitas niyang napakatamis na mga ubas. Nahinto siya sa pagnguya nang marinig ang tumawag sa kaniya. Umalingawngaw pa iyon sa paligid at umabot sa malayo.
Ginamit niya ang malakas niyang pandinig at paningin upang hanapin kung nasaan ang tumawag na iyon. Nakita niya si Elliot na nakatungtong sa malaking bato at palinga-linga sa paligid.
Si Elliot ang madalas utusang upang hagilapin siya at may naisip nanaman siyang kalokohan.
Nakalimutan niyang tanghali na pala at mapapagalitan nanaman siya ng kaniyang kinalakihang inang si Helena dahil hindi nanaman siya makita lalo pa at oras nanaman ng pagkain nila. Nagpaalam lang siyang maglilibut-libot matapos tumulong sa panghuhuli ng isda na kanilang kakainin para sa araw na iyon at nawala na sa isip niya na bumalik agad dahil ayaw siyang tigilan ng mga mahaharot na mga hayop.
Matapos makipaglaro sa kanila ay namitas naman siya ng mga bunga kasama nila. Ipinagpitas niya rin naman sila at nasa dala niyang sisidlang gawa sa tela.
Muling inulit ng Elliot ang kaniyang pagtawag sa kaniya sa pag-aakala na baka hindi nakaabot sa binata ang kaniyang boses, “Merrickkk! Nasaan kaaa?” ngunit wala pa rin itong sagot.
Bumagsak na lamang ang kaniyang balikat dahil mukhang wala sa malapit si Merrick at lilipat na lamang siya ng ibang lugar upang subukan ulit isigaw ang ngalan nito. Nakita ng binata mula sa kaniyang kinaroroonan na pagkilos nito. Iyon na ang nakita niyang pagkakataong upang lumabas at gawin ang planong kaniyang naisip.
Kinagat niya ang kaniyang sisidlan at mabilis na nagpalit-anyo. Lumipad papunta kay Elliot at nahampas ng malakas na hangin ang pababa na sanang duwende. Nagitla siya sa biglaan nitong pagsulpot. Nawalan ito ng balanse at nadulas sa batong kaniyang tinutungtungan. Mabuti na lamang at nagawa niyang makakapit sa baging dahil kung hindi ay baka sa ibaba siya pulutin.
“Loko ka talaga! T-tulungan mo ako rito Merrick!” hingi niya ng saklolo sa dragon at kahit naman hindi niya sabihin ay gagawin naman nitong saklolohan siya mula roon.
Lumipad pabalik sa kaniya ang malaking nilalang at dinampot siya nito gamit ang kaniyang isang malaking paa. Nilipad hanggang sa ulap at ang kawawang duwende ay halos malula sa taas ng kanilang kinaroroonang dalawa.
Nang malagpasan na nila ang mga ulap ay nagpatihulog naman ito. Hinayaan ang mabilis nilang pagbaba.
“Wahhh!” malakas na sigaw ng duwende na hindi alam ang kaniyang gagawin. Pakiramdam niya nang mga oras na iyon ay naiwan ang kaluluwa niya sa itaas kung saan sila galing.
Kung siya takot na takot, si Merrick naman ay tuwang-tuwa sa malakas na hangin na sumasalubong sa kanila. Sa tubig ang kanilang babagsakan. Nang makita ng duwende ang nasa ibaba ay naalarma siya bigla.
Nakapikit pa ang mga mata ni Merrick at mukhang walang pakialam. Pinaghahampas ng duwende ang paa nito dahilan para makiliti ang dragon. Doon pa naman din malakas ang kaniyang kiliti at ang hampas ng lalaking duwende ay may hatid na kiliti sa kaniya imbes na masaktan.
Naluwangan niya tuloy ang pagkakahawak niya sa duwende dahilan para mapakapit ito sa daliri ng dragon. Sa liit niya kumpara rito, ang daliri ni Merrick ay parang sanga na halos ng malaking puno para sa kaniya.
“Hoy Merrick! H’wag mo akong ihulog!” mangiyak-ngiyak niya sabi.
Sa isip ni Merrick, kasalanan niya naman dahil makulit siya at kinikiliti ang kaniyang paa. Muli niyang hinigpitan ang pagkakahawak sa duwende at nang malapit na silang bumagsak sa tubig ay halos malagutan ng ugat sa leeg ang duwendeng kaniyang kasama sa labis nitong takot. Napapikit na lamang ito at halos maihi na.
Pinagaspas na ni Merrick ang kaniyang naglalakihang pares ng mga pakpak nang malapit na sila sa tubig. Nasawsaw na muna ang dalawang mga paa niya at nalublob si Elliot nang ilang segundo sa tubig. Basang-basa tuloy ito nang ilapag na niya sa buhangin. Nagpalit niya ng anyo pabalik sa anyong-tao at mabilis na kumaripas ng takbo palayo sa duwendeng hindi na maipinta ang mukha dahil sa labis na inis sa sinapit sa pasaway na dragon.
Hindi na bago para sa kaniya ang magpag-trip-an ng dragong iyon. Napalaloko bata pa lang at kahit mag-tatatlumpung taong gulang na ay hindi nabawasan ang kapilyuhan. Isip-bata pa rin kasi. Lumalaki lang.
Dinampot niya ang sisidlang nahulog ni Merrick sa kamamadali. Naglakad na siya at sinundan ito. Nakaupo na at kumakain si Merrick nang makarating siya sa parte ng isla kung saan naroon ang mga kabahayan at kung saan sila nagtitipon-tipon at nagsasalo-salo sa hapagkainan. Hindi lamang mga duwende ang naroon. Marami pang iba’t-ibang mga nilalang. Mga may kakaibang anyo, sukat at mga kulay ng balat na nalalayo sa mga tao.
Magkakaiba man sila ng itsura, ang tingin naman nila sa isa’t-isa ay isang pamilya.
“Bakit basa ka? Anong nangyari sa iyo?” tanong ng isang duwendeng unang nakapansin sa basang-basang si Elliot habang pinipigilan ang sariling tawa na kumawala.
“Naku! Malamang naisahan nanaman ni Merrick!" sagot ng duwendeng napadaan sa kanilang pagitan.
"Hahaha!" Sabay tawa ng dalawa.
Hindi na niya pinansin. Dire-diretso ang kaniyang lakad palapit kay Merrick. Napakaseryoso ng kaniyang mukha at mukhang inis. Nahinto sa pagkain ng inihaw na isda ang binatang dragon at napalingon sa lumapit. Buong akala niya ay sasaktan siya nito dahil napuno na mga kalokohan niya. Ibibigay lang pala niya rito ang nahulog niyang sisidlang tela na may mga pinitas niyang prutas kanina.
“S-salamat!” kuha ni Merrick sa sisidlan at nilapad sa gitna ng kawayang lamesa sa kanilang harapan upang ialok sa lahat ng mga naroon. Tumalikod na ang duwende at naglakad pauwi sa kanila upang magbihis. Natatawa siya sa ekspresyon ng mukha ni Merrick nang lapitan niya ito dahil nakita niya ang takot. Pakiramdam niya ay nakabawi na siya sa kaibigan sa ganoong paraan.
Kaylaki niyang dragon ngunit kung mag-isip talaga ay parang bata. Lahat naman ay halos nahulog na sa mga paandar niya lalo na noong maliit pa ito at hilig silang pagtaguan lahat at minsan pa nga ay nagtago siya sa ilalim ng buhangin sa tahanan ng mga dagang-dagat at inabot ng ilang oras bago siya nahanap. Ganunpaman, hindi naman papahuli ang binatang dragon pagdating sa labanan at karera. Kapag oras ng pagsasanay ay nagsasanay talaga siya. Makikisabay sa iba at susunod sa mga itinuturo sa kaniya.
Walang papantay kay Merrick sa maraming bagay at kahit marami itong kalokohan na alam ay mahal na mahal siya ng lahat. Tinitingala hindi dahil isa siyang malaking nilalang kapag nasa kaniyang tunay na kaanyuan, iyon ay dahil sa mga kakayahan niya at kaniyang uri na itinuturing na hari noonpaman.
Sila ang naghahari sa himpapawid, sa lupa at kahit pa sa karagatan. Nakalilipad, bumubuga ng apoy at kayang tumagal sa ilalim ng tubig ng matagal. Ang nakakalungkot nga lang ay nag-iisa na lamang siya ngunit kahit na ganoon ay busog naman siya sa pagmamahal at atensyon mula sa lahat ng mga nakatira sa isla lalong-lalo na sa kanilang mahal na diwata na tunay niyang kinilalang ina kahit na sila ay magkaiba.
Nalalapit na nga ang kaarawan nito at habang lumalapit ang araw na iyon ay nadadagdagan ang nararamdaman niyang pagkabahala. Pakiramdam niya’y may panganib na darating muli sa kanilang tahanan sa araw na iyon at natatakot siyang maulit nanaman ang trahedyang naganap noon.
Sa dalawang dekada ay wala siyang naramdaman na ganoong pakiramdam, babago na lamang. Takot na pinagwalang-bahala niya kulang-kulang tatlong dekada na ang nakararaan. Hindi nila napaghandaan, ngunit ngayon kung kailangan marami nang taong ang lumipas ay hindi na siya papayag na may maganap nanamang kaniyang pagsisihan.
Nakahanda naman sila sakali mang mayroon muling sasalakay sa kanila at pagtatangkaan silang pagnakawan. Iyon din naman kasi ang pakay ng mga piratang biglaan ang pagdating noon. Kinuha ang mga kayamanan na nakakalat lang sa kanilang dalampasigan. Mga bagay na tinatangay lamang doon ng alon habang ang iba naman ay nakukuha ng mga sirena sa kailaliman ng tubig at ng mga ibon sa kung saan-saan nanggagaling at doon napiling dalhin.
Basura lamang para sa kanila ngunit sa mga tao iyon ay sagot sa maraming problema. Tingin nila ang ganoong klaseng mga bagay at yaman ay ang tunay na magpapaligaya sa kanila. Nakakalimutan nilang maraming nasa paligid na magbibigay sa kanila ng kasiyahan na nasa paligid. Kung sila lamang nasa ay kanila lamang sana ay lumilingon ngunit hindi.
Gusto nila nang mas madaliang paraan kahit pa makakasakit sila ng iba at madadala sa ibang mga nilalang ng kamatayan. Walang pakialam kung may mapapahamak dahil ang nasa isip lamang nila nang mga oras na iyon ay mapanglamang.
Sa tuwing babalikan ni Helena ang araw na nakita niya ang kalunos-lunos na sinapit ng isla sa kamay ng mga pirata, wala siyang ibang maramdaman kundi awa. Napalitan na ang galit noon. Naawa siya sa mga piratang iyon kahit halang na ang kanilang mga kaluluwa ngunit kung mayroon man siyang kinakaawaan sa kasalukuyan, iyon ay si Merrick na nag-iisa na lamang sa uri niya.
Masaya siyang nakikita itong masaya. Tumatawa at nangungulit sa kanila. Mahal na mahal nila si Merrick na isa sa kanila. Itunuring niyang kaniya kahit magkaiba sila. Sinanay niya ito upang maprotektahan niya ang kaniyang sarili laban sa sinumang magtatangkang saktan siya ngunit mukhang ang mga iyon din ay magagamit niya kung sakali mang pasukin muli ang isla.