Chapter 9

1870 Words
Isla ng Demore Dumating na ang araw na pinakahihintay ni Rekker, ang kaniyang paglalayag. Kumakabog ang kaniyang dibdib ngunit hindi dahil sa kaba. Iyon ay dahil sa labis ng kagalakan na kaniyang nararamdaman na gabi pa lamang dama na niya. Hindi na nga nabura ang ngiti sa kaniyang mga labi mula nang gumising at bumili siya ng mga bagong damit na kaniyang dadalhin gamit ang mga gintong barya na kinuha mula sa nakatangong kayamanan ng kaniyang ama. Nagmukha siyang mayamang manlalayag sa kaniyang porma. Nakasuot ng mamahaling bota. Inubos niya ang lahat ng mga gintong barya sa pamimili sa paniniwalang mapapalitan naman iyon ng higit pa kaya dapat lang ubusin. Naghahanda na rin si Nicholas dalawan araw bago ang araw na paglalayag. Pinapuno niya ng mga pagkain na hindi agad nasisira ang isang kabin ng barko at imbakan sa kusina. May mga alak, malinis na tubig na kanilang maiinom at mga buhay na hayop na kanila na lamang kakatayin at lulutuin kung kanilang naisin. Mga gulay rin na nasa paso na maari nilang pitasin at mga preniserbang mga prutas na makadaragdag ng kanilang lakas. Kinumpleto ni Nicholas ang lahat. Alam na kasi niya na matatagalan sila roon base sa kaniyang karanasan. Nagutuman sila noon, nahirapan at kung hindi lang nakahuhuli ng isda ay baka matagal nang tumirik ang mga mata nilang lahat. Naroon ang lahat ng kaniyang ipinangako. Ang ilang tauhan na sanay sa paglalayag, tagaluto. kapitan ng barko na siyang magmamaneho, sundalo na lalaban kung sakali mang mayroong panganib sa isla at mga armas na kasama sa napag-usapan nila. Kung si Rekker ay kumakabog ang dibdib sa kaligayahan nang mga oras na iyon, si Nicholas naman ay abot langit din ang kabog ng dibdib ngunit hindi sa parehong dahilan. Kinakabahan siya dahil tiyak na magagalit ang kaniyang kaibigang si Skull kapag nalaman nitong hinayaan niya ang anak nitong panganay na maglayag at ang misteryosong isla pa ang kaniyang pakay gayong may mga panganib roon na naghihintay. Hindi tuloy siya mapakali. Pabalik-balik ang lakad sa loob ng silid. Nag-iisip ng maaring niyang sabihin sa kaibigan kapag nakarating ang balitang iyon. Sa kadahilanang ang isip niya ay nasa binatang sutil na si Rekker, hindi na niya napansin ang ibang mga bagay sa kaniyang paligid. Hindi napansin na wala ang kaniyang anak na si Lucas nang sila’y mag-agahan at may kakaibang kinikilos ang kaniyang mga anak na babae. May alam sila na hindi pa nadidiskubre ng kanilang ama at ina. Nang nagdaang gabi kasi nang sila ay matutulog na ay kumatok ang kaniyang kuya. Nagpanggap na walang alam ngunit ang pinakamatanda ay panay ang buntong-hininga habang nasa harap ng hapag-kainan. Sa barkong gagamitin sa paglalayag na nagpalipas ng gabi si Lucas gaya ng plano ng dalawang binata. Mauuna na si Lucas sa barko upang tiyakin na hindi siya makikita ng mga tauhan ng kaniyang ama dahil tiyak na mabubulilyaso ang plano kung sakaling makita siya. Bukod kay Lucas at Rekker, ang kapitan lang ang may alam kung saan sila pupunta. Ang mga sakay na tauhan ni Nicholas maging ang mga sundalong kaniyang pinasama ay walang mga ideya. Nasa daungan ang mga pamilya ng mga sakay ng barko. Panay ang kaway at bilin na mag-ingat sila. Ginatungan na nila ng uling ang barko dahil iyon ang magpapatakbo at sa una nitong pagbuga ng usok ay mas lalong lumakas ang mga sigaw ng mga nasa daungan upang magpaalam sa mga mahal nila. Sumakay na si Rekker at pinuntahan ang kapitan. “Tara na,” aniya at sinenyasan ang nasa ibaba na iangat na ang angkla. Sakay sila ng malaking barko na kasya ang limang daan katao ngunit sila ay aalis na wala pa sa limampu ang mga pasahero. Sa pag-abante ng barko ay umalingawngaw ang tunog ng kampana. Senyales na may paalis na barko sa kanilang daungan. Iyon ay upang basbasan ang mga manlalayag at makarating nang ligtas sa kanilang pupuntahan. Mula sa tahanan ng pamilya ni Nicholas ay dinig na dinig ang kalembang ng kampana. Mahina siyang nag-usal ng kaniyang panalangin na sana ay makabalik ng ligtas ang binata. Magtagumpay sana sa kaniyang nais kahit pa malaki ang kaniyanh hinala na baka hindi niya makikita ang isla. Siya nga ay walang kaalam-alam sa kung paano iyon nagpakita sa kanila. Duda rin siyang pakikinggan ng D’yos ang panalangin niya sa dami niyang nagawang mga kasalanan noong kabataan niya, ngunit mapagpatawad ang D’yos gaya nang sabi nila. Baka naman siya ngayon ay pagbigyan kaya kan’ya nang itinuloy ang kaniyang panalangin. Ang kaniyang asawa ang nagturo sa kaniya kung paano magdasal. Bagay na kahit ipaglapat ang mga palad at tumawag sa nasa itaas ay hindi niya alam kung paano noon gagawin. Kahit nang panahon na nasa bingit sila ng kamatayan nang nagtungo sila sa isla ay hindi niya alam kung kaninong ngalan ang tatawagin upang siya’y iligtas. Nakaligtas pa rin naman sila. Binigyan ng pagkakataong magbagong buhay kaya naman tinuloy na niyang tinalikuran ang kaniyang nakaraan. Pareho ng ginawa ng mga nakaligtas niyang mga kasamahan. Malaki ang utang na loob niya kay Skull kung tutuusin. Ito ang namuno sa kanila at binigyan sila noon ng tapang. Kaya naman ano na lamang ang pagambang nararamdaman niya dahil sa pagpayag niya at pagsuporta sa nais ng panganay nito. Nahinto lang siya sa pagdarasal nang biglang bumukas ang pinto. Pumasok ang kaniyang asawa na bakas niya sa mga mata nito ang pag-aalala. Nagbago lamang ang ekspresyon ng mukha nito nang makita ang kaniyang itsura. Nakaluhod pa kasi siya sa sahig at nakaharap sa altar nila. Dali-dali siyang tumayo at tinanong kung ano ang kaniyang kailangan. Tinanong siya nito kung nakita niya raw ba ang anak nilang panganay dahil wala ito sa kaniyang silid nang kaniyang puntahan. “Anong ibig mong sabihing wala? Kadalasan naman ay tulog nang ganitong oras ang anak mong iyon. Sigurado ka ba na wala sa silid niya?” Mga tanong ni Nicholas sa kaniyang misis na halata sa mukha ang pagkaalarma. “Wala nga roon, sinilip ko na ngayon-ngayon lang,” tugon ng kaniyang misis. Napahawak na lamang sa kaniyang noo dahil hindi niya maisip kung saan maaring pumunta ang anak nila. May sumagi sa isip ni Nicholas kaya nagmadali siyang lumabas ng silid. Kinutuban nang marinig sa kaniyang misis na wala si Lucas. Nagtungo siya sa silid ng anak upang personal na makita kung naroon nga ba ito o wala. Pabalibag niyang binuksan ang pinto at nang magbukas at makapasok sa loob ay wala nga silang nadatnan roon na sinuman. Naisip niyang buksan ang aparador ng anak. Nakita niyang halos wala na roon napakaraming damit nito. Ang kaniyang misis na sumunod sa kaniya at kasalukuyang nasa kaniya lamang likuran ay nakita rin ang loob ng aparador at agad nakabuo ng konklusyon. Nanlaki ang kaniyang mga mata sa gulat at natutop na lamang ang bibig nang siya ay napasinghap. “Naglayas ba ang anak mo? Nagtalo ba kayo? Nakagalitan mo?” sunod-sunod na tanong ng kaniyang asawa na hindi mawari kung ano ang dapat niyang maramdaman nang mga oras na iyon. Naninikip ang kaniyang dibdib. “W-wala, hindi. Bakit ko naman kagagalitan ang anak mo?” tugon naman ni Nicholas sa asawang niyang pinagbibintangan siya. Nilapitan siya ni Nicholas at inalalayang makaupo. Niyakap niya at doon humagulgol ng iyak ang ginang. “S-saan naman pupunta ang batang iyon? W-wala naman iyong pupuntahan. B-baka mapaano ang anak mo Nicholas,” wika ng ginang habang umiiyak sa bisig ng kaniyang asawa. “Tiyak akong babalik pa iyon kaya huminahon ka, Ipapahanap ko siya baka nariyan lanng kasma ang mga kaibigan niya at doon nakitulog,” ani Nicholas upang aluin ang kaniyang misis na labis ang paghagulgol nang mga oras na iyon. May napagtanto siya. Si Rekker nga lang pala ang pinakamalapit na kaibigan ng kaniyang anak na binata at si Rekker ay paalis na patungo sa kaniyang paglalayag sakto kung kailan ang anak niyang panganay ay hindi mahagilap. Napaidtad siya bigla. Napahiwalay siya sa pagkakayakap sa kaniyang misis at tumakbo sa may bintana kung saan natatanaw nag daungan ng mga barko. Nakita niya ang malaking barko na malayu-layo na sa daungan at napakaliit na sa kaniyang paningin nang mga oras na iyon. “Lucasss!” malakas niyang sigaw kahit alam niyang hindi naman siya maririnig ng anak na nakasakay sa barkong nasa malayo. “Hindi na ho iyon babalik. Matagal na nga niyang balak umalis dito dahil napakahigpit ninyo raw hong mga magulang,” Nagulat ang mag-asawa sa kanilang narinig. Nahinto sa pag-iyak ang ginang at napalingon sa may pintuan kung nasaan ang kanilang pangalawang anak na babae nakatayo. May galit sa mga mata nito at masama ang tingin sa kanilang dalawa. “Anong sinabi mo? Ulitin mo nga ang sinabi mo Carmela,” utos ng ginang sa kaniyang anak na babae. Mabilis niyang pinunasan ang mga luha sa kaniyang pisngi at tumayo upang lapitan ang kaniyang anak. “Umalis na ho si kuya at hindi na iyon babalik. Nagkausap kami kagabi at nagpaalam siya sa amin. Ayaw niya na raw ho rito sa atin dahil lagi ninyo na lamang siyang pinahihigpitan,” mangiyak-ngiyak niyang sabi. Malinaw na narinig ni Nicholas iyon. “Bakit hindi mo pinaalam sa amin ang plano niya agad? Sana ay napigilan namin siya ng ama mo?” tanong ng ginang na galit na nang mga oras na iyon. “Paano ko siya pipigilan sa isang bagay na ilan beses ko na ring naisip ga-” Naputol ang kaniyang sagot nang sampalin siya ng kaniyang ina. Nasakop ng malaking palad nito ang maliit niyang mukha dahilan para mamula ang kalahating parte. Napapihit ang ulo niya sa kanan nang sampalin siya nito nang kay lakas. Nakagat niya pa ang kaniyang dila dahil kasalukuyan siyang nagsasalita nang lumapat ang palad nito sa kaniyang pisngi na hindi niya inasahang magagawa nitong gawin sa kaniya. Natutop ni Nicholas ang kaniya kamao. Nilingon niya ang kaniyang mag-ina. Balak pa sanang sampalin ng kaniyang asawa ang labingpitong taong gulang nilang anak na dalagita ngunit mabilis na lumapit si Nicholas at humarang sa pagitan nilang dalawa. “Tama na Carmen!” sigaw niya sa kaniyang asawa. “Nakasakay na sa umalis na barko ang anak mo. Ipagdasal mo na lamang na makabalik siya nang buhay at hindi itong sinasaktan mo ang isa mo pang anak! Gusto mo bang iwan ka rin niya? Naturingan kang maka-D’yos ngunit kung disiplinahin mo sila ay parang wala kang kinatatakutan,” bulyaw ni Nicholas sa ginang. Napasinghap ang ginang sa sinabi niyang iyon. “Ako pa ngayon ang masama? Kasalanan ko bang umalis si Lucas?” di makapaniwala nitong tanong. “Sige na Carmela, pumunta ka na sa silid mo,” utos ni Nicholas sa kaniyang anak na dalaga. Agad naman itong sumunod at patakbong umalis habang kagat ang kaniyang ibabang labi at pinipigilan ang sarili na maiyak. Nagpatuloy ang pagtatalo ng dalawa sa loob ng silid at sinara ni Nicholas ang pinto upang hindi marinig ng kanilang mga anak. Samantala, nang nasa gitna na ng laot ang barkong sinasakyan nina Rekker ay saka lamang lumabas si Lucas. Gulat na gulat ang kanilang mga kasamahan nang makita siya at agad nilang tanong ay kung alam ng kaniyang mga magulang. “Ano ho sa tingin n’yo?” tanong niya imbes sagutin at napailing na lamang sila.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD