"Maari ba, Merrick? Ibabalik ko rin sa iyo. Kailangan ko lang talaga para mapakain at mabilhan ng gamot ang mga kapatid ko." Bumalik si Damian sa barko upang makiusap kay Merrick na pahiram siya ng ginto kahit wala pa siyang alam na pwedeng pagkukunan para mapalitan. "Tumayo ka nga riyan!" utos niya rito dahil lumuhod pa ito sa harapan niya para lamang pagbigyan siya at kahit hindi niya gawin ay isang salita lamang mula sa binatilyo ay pagbibigyan naman siya nito. Pinatayo niya ito nang pilit at nang makatindig ay sinabihan niyang sumama sa kaniya. Sa silid kung nasaan ang mga kayamanan sila nagpunta. Nakasunod lang si Elliot sa kanila. Nais niyang makita ang gagawin ni Merrick. May ideya naman na siya sa kung ano ang pasya niya dahil malayo pa lamang si Damian kanina ay alam na nilang