Sampung mga barko ang binili ni Skull gamit ang mga kayamanang kaniyang itinago sa sekretong silid na natunton ni Rekker noon. Barkong pandigma na may mga kanyon ang magkabilang gilid at kinargahan ng dalawang daang mga bala bawat isang barko. Kasama ang mga baril at di mabilang na mga bala.
Kahit sino ay iisipin na sasabak sa gera ang bumili ng mga iyon. Plano niyang puntahan ang isla at kahit duda na siyang makikitang buhay ang kaniyang panganay na anak ay nais niyang malaman ang nangyari sa binata at kahit man lang ang bangkay nito o mga buto na lamang ay kaniyang maiuwi nang mabigyan naman nito ito ng maayos na libing kasama ng anak ni Nicholas ni si Lucas at ang iba pang mga kasama nila ngunit kung hindi na nila makuha kahit buto ay kayamanan na lamang ang kanilang iuuwi kapalit ng mga buhay na hindi na maibabalik ng islang iyon.
Nais niya ring tuparin ang pangako niya sa kaniyang asawa na kasalukuyan nang may malubhang sakit dala ng depresyon at edad. Ilang beses din silang binalik-balikan ni Carmen upang makiusap at humihingi pa rin ng tulong sa kaniya. Ayaw na raw niyang asahan ang kaniyang asawa para sa paghahanap sa kaniyang nag-iisang anak na lalaki. Alam ni Skull na limang taon pa ang dapat hintayin upang masilayan ang isla ngunit ang plano niya ay paagahin ito.
Dalawang buwan ang kaniyang hinintay upang makompleto ang sampung barkong balak niyang dalhin sa kaniyang paglalayag. Sa kaniyang tingin kasi ay kulang ang lima at kakaunti ang dalawampu't limang kanyon.
Batid niya ang baluti ang siyang dahilan kung bakit ang isla ay nagagawang magkubli sa mga mata ng tao na kaniyang nais buksan nang sapilitan sa pamamagitan ng pagbomba sa baluti ng islang iyon upang sila'y makapasok.
May plano na siya bago pa man ang araw ng kanilang pag-alis ngunit ang kaniyang plano ay hindi pa niya nasasabi sa kaniyang asawa at anak na si Sage.
Dalaga na ito. Nasa edad labing-walo na. Nag-aaral pa ito ngunit kasalukuyang nahinto nang naging mas malubha ang sakit ni Esmeralda at piniling manatili muna sa tabi ng ina dahil matanda na si Skull upang siya pa ang mag-asikaso.
May kinuha naman silang personal na mag-aalaga ngunit mas nais ni Sage na siya ang mag-asikaso sa kaniyang ina kahit na mayroong ibang maaring gumawa.
Nais niya mang sabihin sa kaniyang asawa ang kaniyang plano, hindi rin naman nito lubos na maiintindihan. May mga panahon kasing tulala, wala sa sarili at hindi makausa ang Ginang. Kaya naman nang gabing handa na ang lahat ng kanilang mga kakailanganin sa kaniyang paglalayag ay naisipan niyang kausapin ang kaniyang anak na dalaga upang ibilin rito ang lahat ng maiiwan niya. Hindi kasi siya tiyak sa kaniyang pupuntahan at walang kasiguraduhan kung makababalik pa siya sa kanila nang buhay.
TAHIMIK ANG GABI at tanging ang mga kubyertos lamang ang maririnig sa apat na sulok na komedor ng mga Von Heather.
Naroon ang kaniyang asawang si Esmeralda sa hapag, pinaglalaruan lamang ang kaniyang hawak na kutsara sa nakalubog sa sopas na nasa mangkok. Gaya nang madalas, wala nanaman itong ganang kumain. Nakailang subo lamang ngunit busog na raw siya at para bang walang lasa sa kaniya ang anumang ihain para sa kaniya dahil sa mga gamot na sa kaniya'y pinaiinom.
Bumagsak na nga ang katawan nito at umaasa na lamang ang kaniyang katawan sa gamot na isinasaksak sa tubo gamit ang mga naglalakihang mga hiringgilya. Naaawa man ang mag-ama sa sa tuwing nasasaktan ito tuwing gagawin iyon, wala naman silang ibang magagawa para sa kaniya dahil nais pa nilang madugtungan ang kaniyang buhay at makasama pa nila siya nang matagal.
Matamang pinagmamasdan lamang ni Skull ang kaniyang mag-ina habang paisa-isa niyang hinihiwa't sinusubo ang karne ng baka na nasa kaniyang pinggan.
Handa na ang lahat para bukas. Ilang araw na ring naghihintay ang kaniyang mga binayarang mga kalalakihan na sasama sa paglalayag. Malaking halaga ang binayad niya sa kanila kapalit ng pagsama nila. Paunang bayad iyon at kapag hindi na sila makabalik ay mayroong pang matatanggap ang bawat pamilya nila na mas malaki pa halagang una nilang nakuha.
Mayroon na siyang inatasan para sa bagay na iyon at hawak na rin ng taong iyon ang malaking kayamanan niya upang siya na lamang ang mamahagi. Inaalala niya na lamang ang kaniyang mag-ina. Iniisip niya kung sakaling hindi na siya makabalik ay ano kaya ang maaaring manyayari sa kanilang dalawa.
Pareho pa man din silang babae. Mabuti sana kung maykasintahan na ang kaniyang dalaga na pwede niya ipagkatiwala na ang kaniyang anak ngunit wala pa.
“Sage, anak…” tawag niya sa dalaga niyang anak na kasalukuyang abala sa paghihiwa ng karneng nasa kaniyang plato.
Nahinto ang dalaga sa kaniyang ginagawa at inangat ang tingin sa kaniyang ama na hindi niya mabasa ang nasa isip nang mga oras na iyon.
“Ano po iyon?” tanong niya rito na nagtataka sa biglaan nitong pagtawag sa kaniyang pangalan habang nasa kalagitnaan sila ng paghahapunan.
Para namang nagulat si Skull. Wala sa kanyang intensyon na istorbohin ito sa kaniyang pagkain. Isang malalim na buntong-hininga muna ang kaniyang pinakawalan bago sumagot at naisip na sabihin na ang kaniyang balak na pag-alis
“Bukas na kami maglalayag anak, maaasahan ba kita pagdating sa iyong ina at ang mga iba pang bagay na maiiwan ko habang wala ako?” kaniyang sabi at tanong sa dalaga.
Binitawan ni Sage ang kaniyang hawak na tinidor at kutsilyo sa ibabaw ng kaniyang plato at mabilis na pinunasan ang kaniyang bibig gamit ang malinis na puting tela na nasa kaniyang kandungan.
“At saan naman po ninyo balak pumunta ama? Matanda na po kayo para maglayag pa,” may pag-aalalang tanong ni Sage sa kaniya.
“Alam kong batid mo naman na kung saan,” anang Ginoo at nag-iwas ng tingin sa kaniyang anak na salubong ang mga kilay.
“Iyan ba ang dahilan ng pagbili mo ng mga barko? Bakit kailangan ng napakarami at bakit ganoong klase na parang sasabak ka sa isang gera?” kaniyang pag-uusisa.
Matagal nang nais itanong ni Sage ang mga tanong na iyon. Sa tuwing natatanaw niya kasi sa bintana sa kaniyang silid ang mga naglalakihang barko na nasa kanilang daungan ay nagtataka siya’t naguguluhan sa dahilan kung bakit at para saan ang mga iyon.
“Balak kong hanapin ang kapatid mo. Gaya ng pangako ko sa iyong ina,” sagot nito na may bakas ang kalungkutan sa mga mata nang mapabaling sa kaniyang misis na parang may sarili nanamang mundo dahil nakatulala nanaman ito.
“Imposible na pong mahanap pa siya ngayon. Sa tagal na nang panahon na nagdaan. Isa pa po, bakit at anong klaseng isla ba ang pinuntahan niya at kailangan po ninyo ng mga baryong may malalakas na armas papunta roon?” sunod na usisa ni Sage na medyo tumaas na ang boses dahil naiinis na siya sa mga impormasyong ibinibigay sa kaniya na lagi na lamang kulang at kailangan pang pagdugtong-dugtungin at buuin upang maintindihan nang husto.
Natahimik si Skull dahil sa tanong niyang iyon. Binalik niya ang tingin sa kaniyang anak sandali at nag-iwas muli ng tingin matapos. Hindi pa alam ni Sage na isa siyang pirata noon ngunit naisip niya nang mga oras na iyon na baka iyon na ang huling pagkakataon para magtapat sa kaniyang anak at kung kasuklaman man siya ng dalaga ay ayos lang sa kaniya. Aalis naman na din siya pagsikat ng araw kinabukasan at baka hindi na sila magkita pagkatapos. Gusto niya lang magpakatatotoo dahil baka iyon na rin ang huling pagkakataon niya.
“Tapusin mo muna ang iyong pagkain at kung wala kang gagawin mamaya ay nais ko sanang makipagkwetuhan sa’yo anak. May mga bagay rin sana akong nais sabihin kasabay niyon,” aniya na lamang.
"Wala naman po akong gagawin," mabilis na tugon ni Sage at pinaunlakan ang kaniyang ama dahil nais niya ring malaman kung anong mga bagay iyon.
Matapos nilang kumain ay inihatid muna ni Sage ang kaniyang ina sa silid ng kan'yang mga magulang upang nakapagpahinga na. Si Skull naman ay sa hardin na ang diretso at sinabi sa anak na roon na lamang sila mag-usap dalawa.
Habang naghihintay sa kaniyang anak ay hindi niya maiwasang ikumpara ang kanilang hardin noon at sa kasalukuyan. Ang laki na kasi nang pinagbago ng dating magandang lugar. Ang dating malalagong mga halaman ay nangamatay na at wala na ni isang bulaklak siyang nakikita sa mga araw na nagagawi siya roon.
Hindi na kasi naaalagaan dahil may sakit na ang kaniyang asawa at kahit si Sage ay nauubos ang oras sa pag-aasikaso sa kaniyang ina.
Nadinig ni Skull ang palapit na tunog ng mga naaapakang mga tuyong dahon. Senyales na may parating at mula sa kaniyang likod ay sumulpot ang kaniyang anak na may bitbit na dalawang tasa ng mainit na tsaa.
Inilapag ni Sage ang isang tasa na may platito sa ilalim sa ibabaw ng lamesa sa harap ni Skull at ang isa naman ay sa tapat lang ng inuupuan ng kaniyang ama kung saan niya balak maupo.
Nang makapwesto na ito ay hinintay muna ni Skull ang ilang segundo bago simulan ang kaniyang pagkukwento. Humigop ni Sage sa kaniyang tasa at nang mailapag niya na ay roon na siya nagsalita.
Isang kasaysayan ang kaniyang ikinuwento. Ang kaniyang paglalayag at mga lugar na pinuntahan. Nagbago ang isip ni Skull habang nagkukwento na sa anak. Hindi niya kayang sirain ang pagtingin at respeto ng kaniyang anak sa kaniya.
Nauwi rin sa wala nang makita niya ang napakainosenteng mata ng dalaga na manghang-mangha habang nakikinig sa kaniyang bawat salita.
Nang palalim na ang gabi ay inutusan na niya ang kaniyang anak na magpahinga. Marami pa sana itong mga tanong ngunit dahil inaantok na rin ay sumunod na siya sa kan'yang ama.
Naiwan si Skull mag-isa sa hardin. Naikuyom niya ang kaniyang kamao dahil sa inis sa sarili. Naduwag siyang magpakatotoo sa kaniyang anak at tila ba wala na rin siyang pagkakataon pang muli pagkatapos nang gabing iyon.