Chapter 21

1489 Words
Nang gabing magkausap ang mag-ama ay hirap si Sage makatulog. Paulit-ulit ang mga kwento ng kaniyang ama sa kaniyang isip at para bang nakikita niya rin ito mismo. Nabuhay ang kuryosidad sa puso't isip niya at ang pangarap na makarating sa malalayong mga lugar na noon pa lamang pagkabata ay mayroon na siya at gaya ng kaniyang ama, nais niyang makakita ng mga magagandang isla gaya nang nasa kwento ni Skull sa kan'ya. Sa dami ay hindi na mabilang ni Skull. Ang dalaga naman ay walang ideya kung anong pinaggagagawa ng kan'yang ama sa mga lugar na iyon at manghang-mangha pa siya habang nakikinig. Hindi lamang ang lugar, maging sa mga natutuwang karanasan na binahagi nito sa kaniya na halos magpatalon ng puso niya. Nakailang hirit pa siya ng kwento hanggang lumalim na ang gabi. Nais niya pa sanang malaman ang iba pa ngunit sinabihan na siyang magpahinga ng kan'yang ama. Wala siyang nagawa kundi sundin na lamang ito at dahil hindi makatulog ay nagdesisyon siyang lumabas muna ng kaniyang silid at magpaantok na lamang sa labas. Naisip ng dalaga na umakyat sa pinakataas ng kanilang bahay. Sa pinakabubong kung saan madalas siyang tumatambay. Doon tanaw ang kabuuan ng islang pagmamay-ari ng kan'yang pamilya kahit pa ang mga kalapit na isla ay kaya ring matanaw roon lalo na kung may gamit na lagrabista ngunit wala siyang ganoon. Mayroon ang kan'yang ama sa silid nito ngunit ayaw nitong ipahawak iyon kahit kanino. Kahit pa sa kaniya. Umakyat na siya sa hagdan at makalipas ang ilang minuto ay narating na niya mula sa silid niya na tatlong palapag pa bago ang taas. Sinalubong siya ng malakas na hangin. Malamig kaya nayakap niya bigla ang sarili nang dumampi sa kan'yang balat. Nakalimutan niyang magdala man lang ng pananggalang sa lamig ngunit di bale na aniya sa isip, wala naman siyang balak na magtagal roon. Yakap pa rin ang sarili, naglakad siya palapit sa pader na hanggang dibdib lamang niya ang taas. Iyon na ang pinakaharang upang hindi mahulog ang sinumang naroon. Madalas siyang naroon kapag ganoong hindi siya makatulog o di kaya ay gusto niyang mapag-isa. Sa nagdaang limang taon kasi mula nang mawala ang kaniyang nakatatandang kapatid sa kanila, ang lugar na iyon ang naging saksi ng kahinaan niya. Doon niya binubuhos ang kaniyang luha at pagod sa araw-araw. Doon humihinga panandalian at gaya nang kaniyang ginagawa, nakatingala lang siya sa kalangitan at tinatanaw ang mga bituin at ang buwan na kahati lamang ang maliwanag na parte nang gabing iyon. Gaya ng kaniyang nakatatandang kapatid, nais niya ring makapunta sa malayo. Makapamasyal dahil ang kanilang mataas na bahay na iyon ay naging parang kulungan para sa kaniya. Naiingit siya sa kaniyang kapatid dahil lalaki ito. Nagagawa nitong lumabas na hindi pinaghihigpitan. Mayroon itong kaibigan, samantalang siya ay wala man lang kahit isa. May may nakalaro siya noon, mga anak ng kaibigan ng kaniyang mga magulang ngunit ilang beses lamang iyon. Mas madalas na nasa loob lang siya ng kaniyang silid at libro lamang ay panulat ang madalas na hawak. Gaya ng mga magulang ni Lucas, ganoon din ang mga magulang niya sa kaniya. Maraming restriksyon at mga bagay na hindi hinahayaang gawin dahil babae siya. Minsan na niyang hiniling na sana ay naging lalaki na lang siya para gaya ng nakatatandang kapatid niya'y nakakalabas man lang siya ng kanilang bahay. Nang mangawit kakatingila sa langit ay tumanaw naman siya sa dagat at mula sa kinaroroonan niya ay kitang-kita niya ang mga naglalakihang mga barko na gagamitin ng kaniyang ama sa kaniyang pagpunta sa misteryosong isla. Para bang tinatawag siya ng mga barko, ng karagatan. Isang ideya ang pumasok sa kaniyang isip na nagpangiti sa kaniya nang husto. Naisip niyang umalis. Bumaba na siya at nagtungo sa silid ng kaniyang kapatid. Naghanap ng mga damit nitong maaring magkasya sa kaniya at nagmadali siyang bumalik sa kaniyang kwarto upang dalhin ang mga iyon. Patakbo niyang tinungo ang kan'yang aparador upang maghanap ng maaring niyang maipanloob upang hindi mahalata ninuman na isa siyang babae. Ngunit bago pa man siya maghalungkat ay bigla siyang natigilan. Sinara niya ang pinto ng aparador at tumalikod na ito. "Ano bang masama sa pagiging babae? Buong buhay ko na lang dapat laging mahinhin at nakaayos ang buhok at ang pananamit," usal niya habang nakapamewang at nakatingin sa mga damit ng kaniyang kapatid na nasa ibabaw ng kaniyang higaan. Nagpasya na siya. Hindi niya gagawin ang unang naisip. Dinampot niya ang mga lumang damit ni Rekker at ibinalik na kung saan niya kinuha. Pagbalik niya sa kaniyang silid ay nasalubong niya ang isa sa mga tagasilbi na may dalang pitsel na walang laman at mukhang papunta sa kanilang kusina upang muling salinan. Lalagpasan niya na sana ito ngunit nagpasya siyang harangin ang babaeng isa rin sa mga katulong niya sa pag-aalalaga sa kaniyang ina. "Bettina, pwede ka bang maistorbo sandali?" tanong niya rito na nagulat sa bigla niyang pagharang sa daraanan nito. "P-pwede po, kukuha lang naman ako ng tubig," anito. Bakas pa ang gulat sa kaniyang mukha. Napangiti siya sa sagot nito at hinawakan niya ito sa braso at hinila papunta sa kaniyang silid. Nagpatanggay naman ang tatlumpu't walong taong gulang na babae sa kaniya kahit takang-taka sa kung anong nais ng anak ng kaniyang amo sa kaniya nang ganoong oras. Nais niya lang ibilin ang kaniyang ina sa babae. Binigyan niya rin ito ng malaking halaga para makasigurong aalagaan nga nito ang Ginang habang wala siya. "Saan n'yo naman po balak pumunta?" tanong ng nag-aalala at nagtatakang kasambahay. "Sa malayo," kaniya lamang sagot at matamis na nginitian ang kausap. Hindi na nag-usisa pa si Bettina matapos. Nagpaalam na ito dala ang pera na kaniya nang binulsa at ang pitsel na kaniyang lalagyan muli ng tubig. Napailing na lamang sa nais gawin ng dalaga. Pag-alis ng babae ay nagbalot na si Sage ng ilang pirasong damit. Nagbihis ng pinakakomportable. Hindi siya nagsuot ng bestida o kaya saya kundi pang-ibaba na sinusuot ng mga kalalakihan sa kanila. Itinali niya ang kaniyang mahaba at kulutang buhok at pinusod upang hindi maging sagabal sa kaniyang mukha. MADALING ARAW nagising si Skull. Hindi talaga siya nakatulog dahil malalim ang kaniyang mga inisip. Ilang minuto lamang siyang naidlip at nagpasya na itong bumangon Inayos na niya ang kaniyang gamit. Mga importante gamit na alam niyang kaniyang kakailanganin. Ilan sa mga mga iyon ay pinakatatago niya pang mga instrumento noong siya ay isang pang tulisan na pirata na hindi niya akalain na muli niyang mahahawakan at magagamit sa kaniyang muling paglaot. Wala silang mapa na gagamitin sa paglalayag na iyon ngunit nasa kaniya namang isipan nakatala ang lahat ng impormasyon na kailangan nila. Si Skull na isang pirata at tinawag ring anak ng dagat noon. Hindi na niya kailangan ng mapa dahil ang buhay niya nasa bawat sulok ng karagatan. Nang masiguradong wala na siyang naiwan ay nilapitan niya ang natutulog niyang asawa at binigyan ng halik sa pisngi. Sunod niyang pinuntahan ang silid ng kaniyang anak. Sarado iyon kaya naman hindi na siya pumasok. Naisip niyang baka maistorbo niya lamang ang pagtulog gayong napakaaga pa. Naglakad na siya paalis at mabibigat ang bawat hakbang. Tahimik ang kanilang buong kabahayan nang lumabas siya sa pinakaharap na pintuan ng kanilang malaking bahay. Muli siyang sumulyap sa loob bago tuluyang lumabas at sinara ang pinto sa kaniyang likuran. Naglakad na siya papunta sa daungan. Mula sa kanila ay kita na ang maliwanag na mga barko at mga paggalaw ng mga abalang kalalakihan na kaniyang binayaran ng malaking halaga upang sumama sa kaniya. Lahat sila ay alam gumamit ng baril , kanyon at mga pampasabog. Lahat sanay sa laot dahil mga mangingisda at madalas sa gitna ng karagatan. Pinili niya silang talaga dahil batid niyang iyon ang mga tauhan na kaniyang mapapakinabangan nang husto kumpara sa mga alam lang ay manghuli ng isda. Binati siya ng mga ito nang siya'y makita. Kaniya-kaniya na sila ng hakot ng kanilang mga kagamitan at isinasakay sa bawat barko kung saan sila sinabihang sumakay. Sa pagtapak ni Skull sa barko ay may mga alaalang bumalik sa kaniya. Bawat peklat na nakatago sa ilalim ng suot niyang damit ay may mga kwentong tanging siya at mga tauhan niya ang nakakaalam dahil hindi na niya naikwento ang iba sa kaniyang asawa sa dami. Naalala niya rin ang tagumpay nila at mga buhay na kaniyang kinuha gamit ang kaniyang kamay. Ang barko kung saan nakasakay si Skull ang unang umalis at ang siyam pa ay sumunod sa kanila. Habang umaandar ang barko ay isang tao ang tahimik habang nakakubli sa isang silid kung saan naroon nakaimbak ang mga pagkain. Nagagalak ang puso niya sa bawat pag-uga ng barkong sinasakyan niya sa tuwing sasalubungin ang mga alon. Magtatago muna siya roon pansamantala. Sa pinakamalaking barko siya sumakay dahil alam niyang doon sasakay ang kaniyang ama at tama nga siya. Doon din sumakay si Skull ngunit walang kaalam-alam na ang anak niyang pinakamamahal ay kaniya palang kasama.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD