Nagawa ni Sage makapagtago sa silid na imbakan ng pagkain sa loob ng isang araw at gabi. Nakahanap siya ng pwesto na tiyak niyang hindi iisipin ng mga sakay na buksan. Lumabas siya nang nalalim na ang gabi at tahimik na ang paligid. Kung kailan nagpapahinga na ang lahat ng sakay ng barko at mahimbing na ang kanilang mga tulog.
Iyon ang ginagamit niyang pagkakataon upang makapaglinis ng katawan, magbanyo at manguha ng nais sa kusina gaya ng tubig na maiinom dahil wala sa silid na kaniyang pinataguan. Naroon naman na sa silid ang lahat ng pagkain kaya hindi siya nagugutom. Tubig lang talaga ang wala.
Maayos naman at wala siyang problema, ngunit sa ikalawang gabi ay sumakit ang kaniyang tiyan nang labis dahil pinapak niya ang malaking hiwa ng keso na nakita niya roon. Parang siyang dagang kumakain ng keso nang palihim at kinagabihan nga ay nagbigay ng sakit sa kaniyang tiyan.
Hindi pa oras ng pagpapahinga ng mga sakay ng barko ngunit kailangan na niyang gumamit ng ng banyo ay hindi na niya talaga mapigilan ang pagtawag ng kalikasan. Kasalukuyang nagkakasiyahan ang mga kalalakihan nang mga oras na iyon at isang tauhan sa barko ang nautusan nilang manguha ng alak.
Maingat na lumabas sa kaniyang pinagkukublihan si Sage habang hawak ang tiyan na grabe ang sakit. Halos namimilipit na siya dahil doon at hindi na makalakad nang maayos. Pinagpapawisan na rin siya ng napakalamig at nagtatayuan na ang kaniyang mga balahibo.
“Teka lang h’wag dito,” aniya sa sarili at pinipigilan lumabas ang nais lumabas.
Mabagal ang mga hakbang at pinili niyang sa madilim na parte maglakad upang hindi siya mapansin. Halos maduling na siya sa sobrang pahirap ng tiyan niya at tagaktak na rin ang kaniyang pawis. Nang malapit na siya sa palikuran ay isang binatilyo ang nasalubong niya ngunit dahil sobrang sakit na talaga ng tiyan niya nang mga oras na iyon ay hindi na niya ito binigyan ng pansin.
Nagtatakang sinundan siya ng lalaki ng tingin at imbes manguha ng alak ay hinintay niya ito sa labas. Nakaraos na siya ngunit nanatili muna roon nang ilang minuto dahil nanghihina pa ang kaniyang tuhod.
Hindi umalis ang lalaki na nasa labas. Gusto niyang makasigurong tama siya ng nakita kanina at hindi iyon guni-guni. Isang babae ang patakbong pumasok ng banyo. Wala silang kasamang babae sa barkong iyon at kung multo naman iyon ay hindi gagamit ng banyo ang multo at hindi gagawa ng anumang ingay kapag nasa loob ng kasilyas.
Ang babae ay pamilyar sa kaniya. May pangalan na siyang nasa kaniyang isip at makukumpirma lamang kapag ito na’y nakalabas na at kaniyang harap-harapang makita.
Naghilamos na rin si Sage sa loob at nagsabon mabuti ng kamay bago lumabas. Malinis niyang iniwan ang palikuran at wala siyang kamalay-malay na may naghihintay sa kaniya sa labas. Akmang bubuksan na sana ni Sage ang pinto nang may marinig siyang boses sa labas.
“Nasaan na ang alak?” iritableng tanong ng matabang lalaki sa binatang kanilang inutuusan.
Bahagyang nagulat ang binata sa nagtanong na iyon at napilitang umalis na upang sundin ang inutos sa kaniya. Pinakinggan ni Sage ang yabag ng paa na palayo at kinuha niya ang pagkakataong iyon upang lumabas na.
Sumilip muna siya at nang masigurong walang tao sa labas ay nagmadali na siyang bumalik sa silid na kaniyang pinagkukublihan.
“Hay salamat!” kaniyang naibulalas pagsara ng pinto at sa kaniyang pagpihit ay hindi niya inaasahan ang isang lalaki na may hawak na malalaking bote ng alak at nakaawang ang bibig na nakatunghay lang sa kaniya.
Napasigaw siya sa gulat ngunit mabilis niyang natutop ang sariling bibig nang maalalang nagtatago nga pala siya at kapag nakita siya ng kahit sino roon ay tiyak na isusumbong siya sa kaniyang ama.
“S-Sage? Ang ibig ko pong sabihin ay Binibining Sage? Bakit ka narito? Alam ba ng ama mo na naririto ka?” sunod-sunod nitong tanong at hindi makapaniwalang kaharap niya ang anak ng kanilang among si Skull
“Hindi! Hindi niya alam at h’wag mong sasabihin,” aniya rito nang matauhan mula sa pagkakagulat.
“Ngunit binibini, hindi ho kayo ligtas sa silid na ito. Paano po kung may ibang makakita sa iyo at gawan ka ng masama? Hindi po lahat ng sakay ng barkong ito ay kilala ka,” may pag-aalalang saad ng binata.
Tama naman ang lalaki. Hindi lahat ng mga kalalakihan na naroon ay sa isla nila naninirahan. Halo-halo ang mga sakay at mabibilang lamang sa kamay ang gaya ng binata ay taga-Willow Island mismo. Ang binata ay anak ng kanilang tagaluto sa kanilang malaking bahay at kung minsan ay nagpupunta rin ito sa malaking bahay ng mga Von Heather upang magdala ng mga sinibak na kahoy na binibili sa kanila ng mayamang pamilya.
Sumama siya sa paglalayag dahil malaki ang bayad. Malaking tulong para sa kanilang pamilya ngunit hindi niya inaasahan na makikita niya mismo ang anak na dalaga ng mga Von Heather na naroon sa barko at sa paraan ng pakikipag-usap nito ay alam niyang tumakas lamang ito sa kanila. Mas napatotoo pa nang sabihin ng dalaga sa kaniya na hindi alam ng kaniyang ama at h’wag niyang ipagsasabi.
May narinig na mga yabag ng paa si Sage. Magtatago na sana siyang muli ngunit dahil naroon ang binata na anak ng kanilang tagaluto ay nagdalawang isip siyang magkubli muli. Inalis niya ang kaniyang suot na gintong kwintas at inabot sa lalaki.
“Iyo na ito. Huwag mo akong isusumbong,” aniya sa binata at iniwan na ito.
Naiwang nakatayo naman ang lalaki habang hawak ang mga bote ng alak at ang kwintas na mahuhulog na mula sa kaniyang kamay dahil isiniksik lang ng dalaga sa kaniyang palad iyon nang wala sa ayos.
“Asan na ang alak?” malakas na sigaw mula sa labas. Doon lang natauhan ang binata at hindi namalayan na nahulog niya na pala ang kwintas sa sahig.
Nagmadali na siyang lumabas at dinala ang mga pinakuha sa kaniya. Naging utusan siya ng mga mas matanda sa kaniya at dahil abala ay nawala sa isip niya ang dalaga. Hindi siya umiinom kaya naman naroon lang siya sa isang sulok habang naghihintay ng iuutos sa kaniya. Muli siyang pinakuha ng alak at bago dumiretso sa silid ay dumaan muna siya sa kusina upang ipagdala ng maaari nitong mahigop na sabaw upang mainitan ang tiyan.
Dala ang isang tasa na mainit na sabaw ng baka ay patago siyang pumunta sa silid. Pagpasok niya ay sinara niya mula sa loob ang pinto.
“Binibini?” Mahina niyang tawag kay Sage.
Nang marinig ni Sage ang tumatawag ay hindi muna siya lumabas. Baka kasi kung sino lang iyon at baka may iba pa itong tinatawag ngunit nang sambitin nito ang kaniyang pangalan ay roon siya lumabas. Hinawi niya ang tabing na kurtina sa maliit na aparador na may lamang mga walis at kung ano-anong mga panlinis.
“Bakit bumalik ka rito? Isinumbong mo na ba ako?” tanong agad ni Sage sa kaniya na halatang inis base sa kaniyang mukha.
“P-pinagdala lang kita nito,” natakot niyang sagot at nanginig pa ang kaniyang kamay nang iaangat ang tasa.
Nabura ang inis sa mukha ng dalaga dahil roon at lumabas na siya nang tuluyan mula sa pinakukublihan.
“Ano ‘yan?” kaniyang tanong at sinilip ang laman ng tasa.
“Sabaw ng baka. Higupin mo na habang mainit pa,” aniya sa dalaga at inilapit pa nito ang kaniyang hawak sa babae.
Nadalawang isip pa si Sage kung kukunnin ba iyon o hindi ngunit dahil nagugutom siya at medyo masakit pa ang kaniyang tiyan ay kinuha na niya at agad hinigop. Nang malasahan ay napangiti siya.
“Salamat,” aniya at pati ang binata ay napangiti na rin.
“Walang pong anuman,” anito at kinuha na ang isang malaking bote ng alak bago pa niya makalimutan ang talagang ipinunta niya roon.
Nagpaalam na siya at bago umalis ay tinanong niya muna si Sage kung may nais ba siyang ipakuha.
“Wala, ayos na ‘ko rito sa sabaw,’ mabilis naman niyang sagot at umalis na ang lalaki.
Naginhawahan ang tiyan ni Sage sa sabaw. Naibsan ang gutom at ang kaunting hilab dahil mainit iyon. Habang hinihigop ang sabaw ay may nakita siyang pamilyar na bagay sa sahig. Nilapitan niya at dinampot. Kaniya palang kwintas iyon na mukhang nahulog ng pinagbigyan niya.
Nagtatakang ibinulsa niya na lamang iyon sa suot niyang pantalon kesa may ibang makapulot. Inubos na niya ang sabaw may dalawang maliit na hiwa ng patatas na mukhang sinadyang ilagay siyang nakita nang maubos na niya. Kaniyang kinain ang patatas at nang wala na itong laman ay kaniyang ipinatong sa estante upang madaling makuha ng binatang nagbigay sa kaniya niyon pagbalik nito.
Nakatulog si Sage matapos makahigop ng sabaw. Nagising siya nang may marinig na malakas na pagsabog mula sa labas na labis niyang ikinatakot. Yumanig ang barko at nauntog sa sa loob ng kaniyang pinagtataguan. Lumabas siya at sinilip sa maliit na awang sa pinto kung ano ang nangyayari ngunit hindi niya makita mula roon.