Third-person's Point of View
Patuloy lang sa pagbomba ng kanyon ang sampung barko. Wala silang balak tumigil hanggang hindi nauubos ang kanilang dalang mga bala.
Sa bawat pagtama sa baluti ay ramdam ng lahat ng nilalang sa loob at labas ng isla ngunit kung mayroon mang mas dama iyon, iyon ang diwata na para bang siya ang pinatatamaan ng mga ito mismo sa kaniyang katawan.
Tinitiis niya lamang ang mga iyon dahil mayroon siyang mga hinihintay. May dumating ngunit iisa lamang.
Sa kaniyang pagdating ay nagulat ito sa mga pagsabog sa labas. Masakit sa kaniyang tainga at bahagyang nagbigay sa kaniya ng takot.
"A-no iyon?" kaniyang tanong sa kapatid at napatingin sa himpapawid upang hanapin kung saan iyon nagmula. Panandalian siyang nataranta ngunit nang mapunta sa kaniyang kapatid na diwata ang kaniyang tingin ay mabilis na napalitan ang kaniyang nadarama ng pag-aalala.
Napansin nito na may kakaiba kay Helena nang at hindi na niya napigilang usisain.
"Anong nangyayari sa'yo?" tanong nito na bakas sa mukha ang labis na pag-aalala.
"Anong ibig mong sabihin?" naguguluhang tanong naman ni Helena sa kaniya na hindi maintindihan kung anong eksakto ang tinutukoy nito.
"Ang kapangyarihan mo, humina," aniya pinagmamasdan ang kabuuan ni Helena. Nanlalaki ang mga mata dahil nakikita niya ang kapangyarihang taglay ni Helena na hindi na gaya noon na kay lakas. Wala na sa kalahati ang nakikita niya at mas humihina pa sa bawat segundo.
Nakuha na ni Helena ang nais niyang sabihin.
"Ang totoo iyan ang dahilan kung bakit pinatawag ko kayo na aking mga kapatid ngunit mukhang ikaw lang at wala ng iba pang pupunta," malungkot na saad ni Helena.
"Hindi ka na nasanay. Ganito naman noon pa. Mga abala sila sa kani-kanilang mga buhay. Hindi maabala ang mga iyon," wika ni Luna na mas bata ng dalawampung dekada kay Helena.
"Kumusta pala sina ama at ina?" pag-iiba ni Helena.
"Ayos lang sila huwag mo silang alalahanin. Alalahanin mo ang sarili mo. Tingin ko ay hindi mo pinagpapahinga nang husto ang kapangyarihan mo at sa laki ng inaalagaan mong isla ay talagang mauubos ang taglay mong lakas nang mas mabilis sa normal," anang diwata.
"Wala naman akong pagpipilian. Nais kong ilayo sila sa kapahamakan-"
"Ilayo? Habang ikaw ang napapahamak? Gumising ka kapatid, hindi habang buhay ay naririto ka. Gusto mo bang bigla na lamang maglaho at maging isa na lamang bituin gaya ng iba nating mga pumanaw na kapatid?" may inis na putol ni Luna kay Helena.
"Nais kong alagaan sila sa abot ng makakaya ko Luna," pagpapatuloy ni Helena sa naputol niyang nais sabihin.
"Kalokohan! May mga taglay silang lakas upang maprotektahan ang mga sarili nila. Hindi sila basta mga nilalang lang. Huwag mo silang itratong mga bata dahil isa sa kanila ay may edad na upang lumaban gaya ng mga kalahi niya,"
Batid ni Helena na si Merrick ang tinutukoy nito. Alam naman niya iyon ngunit ayaw niyang pakawalan ang anak-anakan at palabasin sa isla para masaktan lamang ng mga tao.
"Ano Helena? Kapag sinagad mo ang kapangyarihan mo ay alam mo na ang pwedeng mangyari sa'yo," tanong ng kaniyang kapatid nang hindi siya agad nakasagot at binalaan na rin upang hindi siya magwalang bahala.
"Hindi ko alam," mahina niyang sagot at napayuko na lamang. Alam niya at kung ganoon nga ang kaniyang kahahantungan ay tatanggapin niya ngunit nais niya bago mangyari iyon ay maging handa ang lahat sa isla.
Bumuga na lamang ng hangin ang diwatang si Luna. Batid niya naman ang katigasan ng ulo ng kan'yang nakatatandang kapatid na noon pa sinasabihan at binabalaan ng kanilang mga magulang na diwata sa posibilidad na ganito.
Nakikita niya na ang kapangyarihan ni Helena ay kaunti na lamang. Ilang dekada na niyang binibigyan ng proteksyon ang islang iyon at mahabang panahon na ay paulit-ulit din ang paalala na ipinararating sa kaniya ng iba pa nilang mga kapatid.
Iyon nga ang dahilan kung bakit sila hindi sumipot at si Luna lamang ang dumating.
"Anong maitutulong ko?" tanong nitong sunod matapos maawa sa kaniyang nakatatandang kapatid.
Napaangat ng ulo si Helena sa tanong nito at mabilis na sinabi ang kaniyang hiling rito.
Nagsalubong ang kilay ni Luna nang marinig ang nais mangyari ni Helena.
"Nahihibang ka na ba?" tanong nito sa kaniya.
"Hindi kapatid, ngunit desperada na ako. Maasahan ba kita?" sagot naman ni Helena.
Napairap na lamang si Luna sa kaniya.
"Makakaasa ka," anang diwata na para bang may iba itong pagpipilian.
"Maraming salamat Luna." Nakangiti niyang usal rito.
Umalis na ito matapos iyon. Mabilis siyang naglaho at humalo sa hangin. Nakahinga na nang maluwag si Helena kahit papaano dahil maipaaabot niya sa kaniyang mga magulang ang hiling niya.
Sana nga lang ay kanilang pagbigyan.
Lumabas na siya at papunta na sana sa sentro nang biglang sumikip ang kaniyang dibdib. Ang kaninang pinagawalang bahala niya ay mas matindi na ang hatid na sakit.
Napakapit siya sa pinakamalapit na puno ng niyog at napahawak sa kaniyang dibdib na daig pa ang pinipiga sa loob at hindi lang iyon, para ring binubugbog ang kaniyang katawan kasabay ng patuloy na mga pagsabog.
***
Merrick's Point of View
Hindi ko mapigil ang galit na sumibol sa aking dibdib nang marinig ko ang pangalan ng walanghiyang piratang iyon. May lakas pa ito ng loob na bumalik dito matapos ng ginawa niya noon dito sa isla at ang pagpaslang sa aking mga magulang.
Mukhang narito upang maghiganti para sa kaniyang anak na inipot na ng pating matagal na o baka naman nais nanaman niyang magnakaw.
Nagdala pa nga siya ng napakaraming mga barko na may pampasabog. Sa tingin yata nila ay kaya nilang mabutas at makapasok sa baluti na gawa ni ina, ngunit nasaan na ba si ina?
Kanina pa siya wala at hindi nagpapakita. Hindi ko alam kung saan nagpunta. Hindi ko makita sa paligid kahit gamitin ko ang matalas kong paningin. Nangako akong hindi gagawa ng kahit na ano hangga't hindi ko siya nakikita kaya naman dapat ay hanapin ko muna siya dahil baka may plano siyang naisip para rito sa mga walanghiya.
Nagpalit ako ng anyo at lumipad. Hindi nakikita ng sinuman sa labas ang nasa loob na baluti kaya naman alam kong hindi nila ako nakikita.
Lumipad ako at mula sa himpapawid ay tinanaw ang ibaba upang mas mapabilis ang paghahanap ko kay ina. Habang lumilipad ay bigla akong kinutuban. Nag-aalala at kinakabahan sa di ko malaman dahilan.
"Kailangan kong mahanap si ina sa lalong madaling panahon," usal ko sa isip at pinagaspas ang mga pakpak at mabilis na inikutan ang isla.
"Ayon siya!" Nakita ko na siya ngunit laking pagtataka ko nang makita siyang nakaupo sa buhangin at nakasandal sa puno ng niyog. Mukhang hindi siya ayos sa kaniyang lagay kaya naman mabilis akong lumipad pababa papunta sa kaniya at nang makatapak sa buhangin ay nagpalit agad ng anyo saka patakbo siyang nilapitan.
"I-na?" pukaw ko sa kaniya.
May mga pagsabog pa rin sa na naririnig at hindi na nahinto mula pa kanina.
"Merrick, ikaw pala," usal niya at nagawa pa akong ngitian.
"Anong nangyari ina? Bakit narito ka?" tanong ko agad na labis-labis na nag-aalala. Hindi siya mukhang nasa mabuting kondisyon ngunit hindi ko mawari ang dahilan.
"H'wag kang mag-alala, ayos lang ako," kaniyang tugon kahit kita namang hindi.
Umayos ito ng upo at inilapat ang buong likod niya sa puno. Tumingala siya sa kalangitan at tinignan ang baluti na naroon pa rin at kami ay pinuprotektahan.
"Kaya pang tumagal ng baluti nang ilang taon Merrick ngunit sa nangyayari ngayon ay mukhang ilang oras na lamang ay mawawala na iyan," usal nito na labis kong ikinagulat.
"Anong ibig mong sabihin ina? Ikaw ang inaalala ko, huwag mong intindihin ang baluti,"
Lumingon siya sa akin at ngumiti.
"Huwag mo akong bigyan ng ganiyang tingin aking anak. Pumapangit ka tuloy," aniya. Nagawa pang magbiro sa ganitong sitwasyon.
"Ina naman, ano bang nangyayari? Napaano ka ba?" Labis na 'kong nag-aalala ngunit parang wala siyang planong sagutin ang mga tanong ko.
"Maari mo ba akong buhatin at dalhin sa sentro Merrick? Mukhang hindi na yata kaya ng mga paa ko ang maglakad," tanong niya sa'kin.
"Oo naman ina," tangi kong nasambit habang ramdam ko ang pagtutubig ng magkabila kong mga mata ngunit pinigil ko ang mga luhang iyon na lumabas.
Binuhat ko siya gaya ng hiling niya. Kumapit siya sa aking leeg at isinandal niya ang kaniyang ulo sa akong dibdib. Nang tignan ko siya'y nakapikit ang kaniyang mga mata habang nakangiti sabay sabing, "noon ikaw ang binibuhat ko nang ganito, hindi ko akalain na darating ang panahon na ako naman ang bubuhatin mo,"
"Kaya rin kitang ilipad sa mga ulap ina. Gusto mo ba?" tanong ko at tumindig na. Naglakad na ko papuntang sentro habang sige ang pagsabog na naririnig namin sa paligid at dahil sa ingay ay hindi ko narinig ang sagot niya.
Dumilit siya habang sinasabi ang mga iyon at pumikit muli matapos. Mukhang pagod na pagod ang kaniyang itsura. Parang kay gaan niya rin para sa akin.
Mabagal ang mga hakbang ko at habang tumatagal ay naramdaman kong bumibigat si ina.
"Malayo pa ba tayo?" tanong niya sa akin habang nakapikit ang mga mata."
"Malapit na po," sagot ko kahit hindi pa talaga.
Naramdaman kong sumiksik siya sa dibdib ko na parang bata. Hindi ko alam kung guni-guni ko lamang ngunit parang lumiliit ang katawan ni ina.
Nakapikit pa rin siya. Hinayaan ko na lamang siyang ganoon at nang makarating kami sa sentro ay roon lang siya dumilat.
Napalapit sa amin ang mga duwende at si Apo, ang aking mga kaibigan at alagang hayop na roon tumakbo nang mabulabog sa mga pampasabog.
"M-mahal na diwata?" Patanong na tawag ni Apo kay ina.
Mabagal itong lumapit kay ina na pinaupo ko sa isang kahoy na silya.
"Mukhang oras na Apo," mahinang sambit niya at lahat ng mga naroon ay biglang lumungkot ang mga mukha.
Anong ibig niyang sabihin?