Chapter 25

1883 Words
Natahimik ang lahat dahil sa narinig na salita galing sa diwata. May nakaintindi, mayroon din namang hindi at mayroong nagdadalawang isip pa sa dalawa at isa roon si Merrick na litong-lito sa ibig sabihin ng kaniyang ina. Pakiramdam niya nang mga oras na iyon ay isang pagpapaalam ng diwata iyon sa kanila at doon pa lamang ay binibiyak na ang puso ng binata. Nawalan na siya ng mga magulang at ang mawala ang isa pang mahalaga sa kaniya at tumayong parang tunay na ina ay hindi niya makakaya. Napatingala siya sa baluti. Whoosh! Whoosh! Whooshhh! Sige pa rin sila sa pag-ulan ng mga bala ng kanyon sa kanila. Sunod-sunod at ganoong ingay ang maririnig sa tuwing may ibubugang bala ang kanyon. Boom! Booom! Boom! Gan'yan naman kamag tumatama na. May pagsabog, mga usok at pag-apoy mula sa parteng tinamaan sa labas. Habang pinapanood niya iyon ay pilit siyang nag-isip ng maaring gawin. Nais niyang tulungan ang lahat lalo na ang kaniyang ina na halos wala ng lakas upang protektahan silang lahat. Malapit ang kinaroroonan nila sa pinupuntirya ng nasa labas. Tinignan niya kung saan maaring tumama ang mga bala sakaling mawala ang baluti at lalagpas iyon sa sentro at delikado ang mga nilalang na naroon sakali mang ganoon ang mangyari. Patakbo siyang lumapit sa diwata. "Ina, alisin mo na ang baluti," ani Merrick nang makalapit. Napalingon ang lahat sa kaniya dahil sa kaniyang sinabi. Gumuhit ang gulat at pag-aalala sa kanilang mga mukha. "A-nong pinaplano mo Merrick?" tanong ni Elliot sa kaniyang kaibigan na gaya ng lahat ng nilalang na nakapalibot sa kanila ay nagimbal sa nais ni Merrick na gawin. Nagdalawang-isip pa si Merrick kung sasagutin ba ang tanong, ngunit naisip niyang walang maidudulot na maganda kung ililihim niya pa gayong nasa panganib silang lahat na naroroon. "Naisip kong lumabas at magpahabol sa kanila. Tiyak akong ako ang pupuntiryahin nila kapag inatake ko sila mula sa labas," kaniyang sabi. "Nahihibang ka na ba!? Napakarami nila sa labas at iisa mo lang Merrick!" malakas na wika ni Elliot. Napataas ang boses niya dahil delikado ang planong naisip ng kaniyang kaibigan kahit pa sabihing isa siyang dragon at may kakaibang lakas higit sa normal niyang uri ay kahibangan pa rin iyon. Hindi niya pinansin ang sinabi ni Elliot. Buo na ang pasya niyang lumabas ang gawin ang kaniyang naisip. Sa isip niya, di bale ng masaktan basta mailigtas niya lang ang pamilyang kaniyang kinikilala. Ang kaniyang inang diwata ay muli niyang binalingan. "Sige na ina, tipirin mo ang kapangyarihan mo. Alisin mo na ang baluti," kaniyang pakiusap sa diwata na halos hindi na makapagsalita nang mga oras na iyon dahil mabilis nababawasan ang kapangyarihan niya dahil pilit niyang pinakakapal ang baluti upang hindi makatagos ang mga bala ng kanyon at sa kanila'y pumuprotekta. Ilang segundo ring nakatunghay lang kay Merrick ang diwata. Ang kaniyang mga mata ay mamasa-masa. Mga luha'y nagbabadya. Gustuhin man niyang umiling at huwag sang-ayunan ang kaniyang hiling, wala naman siyang ibang paraang alam upang ilayo sa panganib ang lahat. Isang mabagal na pagtango ang kaniyang naging sagot. Ngumiti si Merrick at dinampi ang labi sa noo ng kaniyang ina saka ibinulong na sila'y mag-ingat. "Habang naglalaho ang baluti, magsilikas na kayo. Pumunta kayo sa kabilang parte ng isla at huwag na kayong magbitbit pa ng kahit anong mga bagay na makakasagal sa pag-alis ninyo! Unahin ang buhay ninyo at ang bawat isa!" Malakas niyang sabi sa kanila, ngunit nang mapabaling siya sa isang unggoy na nasa isang puno ng niyog nakakapit ay biglang nagbago ang kaniyang isip. "Isama ninyo ang mga hayop sa inyong pag-alis. Tiyakin ninyong ligtas din silang lahat. Mag-ingat kayo," dagdag niya at nagmadali na silang nagsikilos. Ang kaniyang kaibigan ay nanatiling nakatayo lang at nakatingin lang sa kaniya na agad niyang napansin. Gusto pa sanang kausapin ni Elliot si Merrick ngunit tinalikuran na siya nito matapos . Nilapitan niya ang diwata at lumuhod sa buhangin. Tinignan niya ang ina-inahan at halatang ito'y nahihirapan nang talaga. Kinuha niya ang isang kamay nito at hinawakan. Dumilat ang diwata na kapipikit lamang halos. "Ina, buksan mo na ang baluti," malumanay na pakiusap ni Merrick sa kaniya. "Sige na ina, hayaan mo akong protektahan kayong muli. Pangako, mag-iingat po ako," aniya at nginitian ang diwata habang maluha-luha ang kanilang parehong mga mata. Natigilan si Helena. Nakita niya ang abuhin mga mata ng binata na halos matunaw ang puso niya. "Pakiusap ina," mahinang bulong muli ni Merrick sabay pisil sa kamay ng diwata na kaniyang hawak-hawak pa. Ayaw niyang gawin ngunit sa nakikita niya ay iyon na lamang ang paraan. Kayang lumaban ng mga duwende at iba pang mga nilalang na nasa kaniyang pangangalaga. Ang mga dagang dagat, maging ang mga hayop na nasa kanilang kagubatan ay naririnig niyang ang mga iniisip na nais nilang lumaban at tumulong kahit sa puso nilang lahat ay may takot dahil sa nangyari na noon. Halos madurog ang puso niya sa pakiusap ni Merrick. Iyon ang kauna-unahang pagkatataong ginawa iyon ng dragon. Ang maisip nitong magsakripisyo ng kusa para sa kaniya at sa pamilyang kaniyang itinuring ay masasabi niyang isang nakamamanghang gawa kahit maari nitong ikapahamak. Labag na labag sa loob niya ang kaniyang gagawin. Nagliwanag ang gitnang parte ng baluti bilang sinyales na nagbubukas na iyon. Lahat sila ay napunta roon ang tingin. "Salamat ina." ani Merrick habang nakatingala rin. Humalik siya sa kamay ni Helena na kaniya pa ring hawak at tumindig na ang makisig na binata. "Magsikilos na kayo!" Pag-aalarma ni Merrick sa mga naiwan pa roon. Sa kaniyang paghakbang ng lima payo ay nagpalit na siya ng anyo. Lumipad paitaas at mula sa maliit pa lamang na bukas na butas ng baluti ay roon siya lumabas. Hindi kasi siya gaya ng mga sirena na may kakayahang maglabas-masok sa baluti anumang oras. Siya at ang iba pang mga nilalang na hindi naman sa tubig nabubuhay ay nakakulong sa islang iyon. Mula sa barkong sinasakyan ni Skull ay kitang-kita niya ang liwanag sa tuktok ng baluti. May naaninag siyang lumabas mula roon na hindi niya mawari kung ano dahil sa distansya nito. Napahakbang siya paabante at pinakuha ang kaniyang largabista sa isa niyang tauhan at habang palapit nang palapit ang nakita niyang mistulang isang higanteng ibon sa kaniyang mga mata. Nang akmang iaabot na ng lalaki ang pinakuha ni Skull ay isang malakas na hangin ang dumaan sa kanilang ulunan at lahat sila ay nagimbal na lamang. Dumaan sa Merrick sa itaas nila dahilan para manlaki ang mga mata ng lahat ng sakay ng barko. Si Skull na minsan ng nakaharap ang isang tunay na dargon ang siya lamang nakakaalam na hindi iyon isang malaki lamang na ibon. Kumikinang ang mga kaliskis ng nag-anyong dragon na si Merrick sa sinag ng araw. "D'yos ko!" naibulalas ng lalaking nag-abot ng largabista. "Ano ang isang iyon?" tanong ng isa na walang ideya sa kung ano ang malaking nilalang na kadaraan lamang sa ulunan nila. "D-Dragon ba ang dumaan?" di tiyak na tanong ng isa na nakaririnig ng mga kwento mula sa matatanda noong siya ay bata patungkol sa mga nilalang. "Hindi ko alam, hindi pa ako nakakakita ng isa sa tanang-buhay ko," sagot ng kaniyang pinagtanungan. "Maging ako," singit ng isang malapit sa kanila. May malakas na ungol na nagmula sa likod na makapal na ulap. Nasundan pa ng isa na mas malakas sa nauna. Dinig na dinig ng lahat kahit pa ang nasa ibaba ng barko. Panandalian silang nahinto sa kanilang mga ginagawa. Nahinto rin ang pagtira sa baluti dahil doon. Lahat nagtatanong kung ano ang kanilang narinig at isa na roon si Sage. "Ano 'yon?" tanong niya sa hangin. Wala na roon ang binatilyong nagdala sa kaniya ng pagkain at kahit natatakot siya sa pwedeng mangyari anumang oras ay pinilit niya pa ring kumain upang may lakas siya. Sinundan pa ang mga ungol nang mas malalakas pa. Halata ang galit sa nilalang. Sumenyas si Skull sa kaniyang mga kasama upang maghanda. Pinatutok niya ang kanyon sa itaas nila at patamaan ang nilalang na maaring lumabas mula roon. Pinatatamaan pa ng iba ang baluti habang ang tatlong barko ay nakatutok na sa langit ang mga kanyon at naghihintay na lamang ng sandali. Sa likod ng makapal na ulap ay nag-aabang din si Merrick. Batid niyang anumang oras ay siya naman ang kanilang pupuntiryahin. Nais niyang subukan ang kakayahan niyang magbuga ng apoy na sa loob ng limang taong nagdaan ay kaniyang pinag-aaralan nang palihim. Mag-isa niyang inaral dahil wala namang may alam kung paano gawin. Lumipad siya at palipat-lipat sa mga ulap. Hinihintay ang unang tira ngunit wala siyang nahintay mula sa kanila. Pinaglalaruan niya sila sa pamamagitan ng pagpapalabas ng ungol at dahil wala siyang nahintay na mga tira ay siya na ang lumabas upang bulagain sila. Sa likurang parte ng kaniyang mga barko siya lumabas na hindi inasahan ng mga sakay iyon lalo na ni Skull. Binugahan niya ng apoy ang isang barko at mabilis na lumipad paitaas. Ipinihit nila ang kanilang mga kanyon at pinatamaan nila siya. Hinabol ng di mabilang na mga bala na wala namang tumama ni isa. Whoosh! Whoosh! Whoosh! Halos sabay-sabay ang iba at sa ere nagsipagsabog ang mga iyon. Boom! Boooom! Boom! Lumipad siya nang mataas at tinignan kung hanggang saan ang kaniyang kayang abutin. Para masukat na rin kung hanggang saan ang kaya ng mga bala kung siya ay hahabulin. Lumagpas siya sa mga ulap. Nakarating din ang mga bala mula roon at mula sa kung saan-saan ay may mga pagsabog. May naisip siyang gawin. Ang salubungin ang bala. Nag-abang siya at nang makakita ng palapit at mabilis siyang lumipad paibaba. Sinalubong niya nga ito at bago tuluyang tumama sa kaniya ay hinampas niya gamit ang kaniyang malaking pakpak na kay kunat. Hindi iyon sumabog agad kaya nagawa niyang pabalikin sa kung saan iyon galing. Sapol ang isang barko at doon sumabog ang bala sa kanila. Hindi nila inasahan ang atakeng iyon. Tumama sa pinakanguso ng barko ang bala at doon sumabog. Walang natamaan ngunit wasak naman ang kaniyang isang barko. Nagsipagtalunan ang mga sakay sa tubig at hindi nila inasahan na may pating na nag-aabang sa kanila. Isa ang nasalo at nilunon nang buo. Nagpakita pa ang ibang mga gutom na pating na inutusan ni Helena na umahon mula sa kailaliman ng karagatan upang pakainin. Ginamit niya ang natitira niyang lakas upang makipag-usap sa mga sirena at ilang lamang dagat na kaniya naaabot upang sila'y tulungan. Natawag niya ang mga pating na ang nais lamang naman ay pagkain at hindi nila tatangihan ang tao na pinakamasarap at malinanam para sa kanila ang laman na matagal-tagal na rin na panahon na hindi sila nakakain. Ang mga sirena ay natakot na kasi. Sa dagundong pa lamang na umaabot sa kanilang tahanan sa kailaliman ng tubig ay halos hindi na sila mapakali. Si Helena na kahit malayo sa anak-anakan na dragon ay nakikita ang nangyayari. "Mag-ingat ka Merrick," usal niya sa kaniyang isip habang nakapikit ang mga mata at nakasakay sa ginawang duyan na itinali ang makabilang dulo sa mahabang kawayan at buhat ni Elliot at ng isa pang duwende papunta sa mas ligtas na lugar. Lahat ng may buhay ay kasama nila. Nagmadali na dahil ilang minuto na lamang ay tuluyan nang bubukas ang baluti at ang isla ay malalantad na namang muli sa mga mata.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD