Nagising ako kinabukasan sa mga katok ni Nanay sa pinto ng kuwarto ko.
"Hannah? Nagdala ako ng almusal mo. Baka nagugutom ka na," dinig kong sabi nito sa labas ng pinto.
"Nay, lalabas na lang po ako mayamaya!" pasigaw kong sagot para marinig niya akong mabuti.
Narinig ko ang paalis na mga yabag ni Nanay.
Unti-unti akong bumangon at saka sumandal sa headboard ng kama ko. Unang nahagip ng tingin ko ang damit na isinuot ko kagabi. Nakahanger na ito sa likod ng pintuan ng kuwarto ko..
Si Nanay siguro ang naghanger nun. Huling naaalala ko ay basta ko na lang ito iniwan sa sahig kung saan ko ito hinubad kagabi.
Bigla ko tuloy naalala iyung nangyari kagabi. Biglang bumalik uli ang sakit. Bigla akong napalingon sa salamin sa kuwarto ko. Ang nakikita ko doon ay ang kakaibang Hannah. Hindi iyung Hannah na mukhang tibo. Sa halip ay isang babaeng-babaeng Hannah.
Pero ano pa bang silbi ng mga ginawa kong transformation, kung ang nakikita lang ni Adam ay si Gracie? Nakakainis lang, di ba?
May sitwasyon sa buhay mo na talagang nakakainis! Yun bang ang tawag mo sa kanya, mahal, Tapos, ang tawag nya sayo ay capital B-E-S.
Oo. Tol nung una... na naging bes... pero kahit ano pang itawag niya sa akin... isa lang ang sigurado. Hindi pa din ako iyong babaeng mamahalin niya. Kasi hindi ganun ang tingin niya sa akin. One of the boys. Kaibigan. Hingahan ng sama ng loob. Clown kapag malungkot siya. Tagapag-pasaya. Tagahagod ng likod para maglubag ang loob. Hanggang doon lang.
Sayang lang iyung pagpapa-rebond ko. Iyung pagpapa-ahit ko sa kilay ko. Sa effort kong magsuot ng dress at de-takong na sapatos.
Ang tanga ko naman kasi!
Hinanap ko ang cellphone ko. Nang makita ko ito ay nagulat ako sa dami ng missed calls at unread messages mula sa mga kaibigan ko at ni—Adam? Bakit may mga text siya???
Awtomatikong binura ko ang mga messages ni Adam at hindi na ako nag-aksaya ng panahong basahin ang mga ito. Ayoko nang magkaroon ng komunikasyon sa kanya.
Pagka-isip ko nun ay dinelete ko ang number ni Adam sa phonebook ko. Pagkatapos ay nakarinig ako ng katok sa pintuan ko.
"Hannah? Tanghali na. Ni hindi ka pa nag-aalmusal..." boses na naman ni Nanay.
Tiningnan ko ang oras sa cellphone ko. Alas onse na pala.
"Nay, di pa po ako gutom!" malakas na sagot ko dito.
Wala akong narinig na sagot mula dito. Mayamaya ay nagsalita uli ito.
"Andito ang mga kaibigan mo. Hinahanap ka."
Wala pa ako sa mood kausapin sila. Hindi muna ngayon. Gusto ko munang mapag-isa. Pahiyang-pahiya nga ako sa sarili ko. Tapos sa kanila pa ngayon?
"Nay, pauwiin mo na sila. Ite-text ko na lang sila."
Wala na akong narinig pagkatapos.
"HAY, salamat! Sa wakas. Lumabas na din si bunso!" sigaw ni Kuya Elliot.
Sukat dooon ay biglang nagtayuan lahat ng mga Kuya ko at si Tatay saka sabay-sabay naglapitan sa akin, na para bang sasalubong sa isang artista.
"Okay ka lang ba, Botchok?" tanong sa kin ni Tatay.
"Gutom na po ako," sabi ko.
Pagkasabi ko nun ay para silang mga langgam na kumilos nang sabay-sabay at iisa lang ang direksiyon na pinuntahan.
Iisang direksiyon na tinungo nila ang kusina. May nagsandok ng kanin. May nagbukas ng kalan para initin ang ulam. May nagbukas ng ref para kumuha ng pitsel ng tubig. May nagtimpla ng juice. May kumuha ng plato, baso, kutsara, tinidor at saka inayos sa mesa. May kumuha ng electric fan at saka ipinuwesto malapit sa uupuan ko.
Naiiling akong umupo sa upuang hinila ni Kuya Enzo at saka inumpisahan nang kumain. Nakakailang subo na ako nang mapansin kong nakatanghod silang lahat sa akin habang kumakain ako.
"Kumain na ba kayong lahat?" tanong ko sa kanila.
Tanging tango lang ang isinagot nila sa akin. Natapos na ko't lahat kumain ay nakatanghod pa din silang lahat sa akin.
"Burrpp!"
Bigla kong natakpan ang bibig ko.
"Oooppss! Sorry,” alanganin pa akong tumingin sa kanilang lahat.
Tumayo na ako at saka inumpisahang iligpit ang pinagkainan ko, dahil ito ang itinuro ng magulang ko. Pero nagulat na lang ako nang agawin ito sa akin ni Nanay.
"Ako nang maghuhugas niyan, Hannah," sabay agaw nito sa akin ng plato.
"Gusto mo ba ng ice cream bunso?" tanong ni Kuya Erold, habang sinasabayan ako sa paglalakad palabas ng kusina namin.
"Hindi. Halo-halo ang gusto niyan. Tara. Ililibre kita diyan sa kanto," sabi naman ni Kuya Ethan.
"Mag-Starbucks na lang tayo, bunso. Matagal ka nang hindi nakatikim uli ng Starbucks di ba?" si Kuya Elliot naman.
"Punta na lang tayo ng mall. Mag-arcade tayo. May dalawang oras pa tayo pwedeng maglaro,” sabat naman ni Kuya Enzo.
Napatigil ako sa paglalakad at saka isa-isang tiningnan ang mga mukha nila.
"Okay lang kayo?" seryoso kong tanong sa kanila.
"Ako nang bahala kay Botchok,” sabi ni Tatay, sabay hawak sa braso ko at saka ako iginiya papunta sa labas ng bahay.
Dinala ako nito sa terrace, at saka pina-upo sa favorite kong upuan doon. Tapos ay pumasok ito sa loob ng bahay. Paglabas nito ay dala na nito ang gitara ko.
Umupo ito sa katapat kong upuan, at saka nag-umpisang tumipa sa gitara. Intro pa lang ng kanta, alam ko na agad na iyon iyung kanta ng Apo Hiking Society na Batang-bata Ka Pa. Kinagat ko ang ibabang labi ko, para pigilang mapa-iyak. Alam na alam ko kaya ang lyrics nun, at alam kong tatamaan ako.
Matiim na nakatingin sa akin si Tatay habang kinakanta niya iyung kanta. Nakagat ko ang ibabang labi ko. Ramdam na ramdam ko ang mga lyrics ng kanta. Kung pwede nga lang bumalik na lang uli ako sa pagkabata, at puro paglalaro lang ang gagawin ko sa maghapon, bakit ba hindi?
Hindi ko napigilang mapangiti. “Tay, hindi na ako batang musmos. Sixteen na ako…”
Tumigil si Tatay sa pagtugtog at pagkanta, at saka ibinaba ang gitara. Tumabi ito sa akin, at saka ako matiim uling tiningnan. Pansin ko ang namumuong luha sa gilid ng mga mata nito. Bumuga ito ng hangin at saka nagsalita.
"Eto ang kinatatakutan ko. Kaya sana gusto ko, si Botchok ka na lang. Ayaw kitang maging isang prinsesa na katulad ni Snow White o ni Sleeping Beauty o ni Cinderella, para saktan lang ng kung sino na magpapanggap na prinsipe. Kasi pag sinaktan ka nila, mas masasaktan ako."
Nauna pa akong naiyak kay Tatay. Hindi ko napigilan ang dalawang butil ng luha na pumatak mula sa mga mata ko. Napayakap na lang ako sa kanya.
“Kaya hinubog kita na maging Botchok, iyung palaban, iyung matigas. Pero ganunpaman, si Botchok ka man sa aking paningin, para sa akin – ikaw pa din ang prinsesa ko. Pero secret lang natin 'yun ha?”
Tumutulo ang luha na napatango na lang ako.
"Bata ka pa. Marami pa namang dadating na prinsipe sa buhay mo. Hintayin mo lang siya. Iyung karapat-dapat na prinsipe para sa iyo. Wag ka munang magmadali. Pwede ba yun ha, Botchok?" sabi ni Tatay, habang nakayakap pa rin ako sa kanya.
Bahagya akong natawa sa kabila ng pagtulo ng mga luha ko.
Botchok pa rin talaga??
Mayamaya ay inihiwalay nito ang katawan ko mula sa kanya, at saka matiim akong tiningnan sa mukha. Pinunasan nito ang basa kong pisngi.
"Hindi na muna kita tatanungin kung anong nangyari kagabi. Basta kung handa ka nang magsalita, andito lang kami ng Nanay mo, ng mga Kuya mo. Handa kaming makinig sa iyo. Kung kailangan nating ipa-salvage iyung lalaking nanakit sa iyo, gagawin ko!"
"Paano mo naman nasabing lalaki ang dahilan ng pag-uwi ko agad kahapon? Wala naman akong sinasabi sa iyo, Tay."
"Botchok, di ba lagi kong sinasabi - papunta ka pa lang, pabalik na ako?"
Muli akong napangiti at yumakap kay Tatay, at isinumpa sa sarili kong kakalimutan ko na kung ano man ang nararamdaman ko para kay Adam Zuniga.
Mula bukas, isa uling bagong Hannah ang makikita nila.Version 3.0.
~CJ1016