Nakaupo ako ngayon sa may garden ng university habang hinihintay iyung tatlong baliw kong kaibigan. Sa state University kami nag-enroll ng College. Bukod sa hindi naman kami anak- mayaman, bukod kay Mitch na pinsan ng mayamang si Chad, ay umiwas na lang din kami na mag-enroll kung saan naka-enroll ang barkada nila Adam.
Napahiwalay ako dun sa tatlo kasi Accountancy ang kinuha ko samantalang sila ay puro tungkol sa IT course ang kinuha nila.
Alam ko kasing iyun din ang balak kunin ni Adam kaya iwas na lang din ako. Ayokong pag nag-apply na ako ng trabaho ay magkrus na naman ang mga landas namin.
Buti na lang at two weeks na lang noong pagkatapos ng Prom NIght ay Graduation Day na. Konting panahon ko na lang iniwasan si Adam.
Actually, hindi naman ako nahirapang umiwas sa kanya kasi sumama siya kay Gracie papuntang Palawan, kung saan ang venue ng sikat na beauty pageant na Lakambini ng Pilipinas.
Naikuwento ko na din sa pamilya ko ang nangyari nung Prom Night at ang one-sided kong pagtingin kay Adam. May advantage din pala iyung ikaw ang bunso sa pamilya, at puro lalaki ang mga kapatid mo. Pakiramdam ko ay protektadong-protektado ako.
Ibinunyag ko na din sa barkada ko ang nararamdaman ko para kay Adam. Barkada ko sila at ayokong maglihim sa kanila. Isa pa, paano ako makakaiwas kay Adam kung hindi nila alam ang sitwasyon ko? Suportado naman nila ako nung sabihin ko na sa kanila. Kaya pag dumadating na iyung allowance ni Chad, si Mitch na mismo ang nagdadala nito kay Chad para hindi na magkaroon ng pagkakataon na magkita kami ni Adam.
Ang nakakatuwa pa, naengganyo ko na din silang magbagong anyo. Bagong anyo talaga? Haha!
Girly-girly na din ang itsura nila ngayon. At hindi naman sa pagyayabang, pero kilala kami sa school dahil achievers din naman kami.
"Hannah!"
Napalingon ako. Nakita ko sila Mitch, Amy at Becca na kumakaway sa akin. Tumayo na ako, at saka nakangiting naglakad papunta sa kanila.
Masasabi kong okay na ako. Nakapag move-on na ako kay Adam, sa tulong ng pamilya ko at ng mga kaibigan ko. Sa ngayon ay may mga nanliligaw sa akin, pero hindi ko na lang sila pinapansin. Ang gusto ko ngayon ay makatapos ng pag aaral ko, at matupad ang mga pangarap ko.
"Ang tagal nio ha..." sabi ko sa tatlo, nang makalapit na ako sa kanila.
"Nag-meeting lang sandali yung org namin. Alam mo na... malapit na ang Intrams... tara na. Snack muna tayo," sabi ni Becca, at saka nauna nang naglakad.
Sinundan naman namin ito nila Amy at Mitch.
"Uyyyy!! Manonood ka ba kay Sevie? Alam mo namang patay na patay sa iyo iyung team captain ng basketball varsity natin..." tukso ni Amy.
"Hindi noh! Alam nio namang wala akong hilig manood ng basketball. Nakakainip. At saka, baka sabihin pa nun, siya ang pinapanood ko dun," sagot ko habang naglalakad kami sa hallway palabas ng university.
"Nakuuuu... nakakainip ka diyan! Ang sabihin mo, baka may maalala ka kapag nanood ka ng basketball..." sabat ni Becca.
Nakita kong magka-sabay itong binatukan nila Amy at Mitch kaya napahinto ito sa paglalakad. “Aray, ha!” reklamo nito.
"Ay naku, Becca! Okay na ko, no? Nakapag-move-on na ko. Ano bang pinagsasasabi mo dyan?" sabay irap ko dito.
"Talaga?" tanong ni Becca.
"Talaga!" mayabang kong sagot.
"Pano kung sabihin kong andyan siya sa labas ng gate?" sabi ni Becca.
"Sino??" tanong ni Amy.
Maski ako ay naguguluhan sa sinasabi ni Becca.
"Sino nga ba Becca?" tanong ko kay Becca, habang patuloy lang kami sa paglalakad at nakatingin ako dito.
"Hi girls!"
Parang biglang tumigil ang pag-ikot ng mundo nang marinig ko ang pamilyar na boses na iyun. Hindi ako pwedeng magkamali. Napahinto kaming apat sa paglalakad, Nasa harap ko ngayon ang may-ari ng boses, at tila ako na-magnet sa pagkakatingin ko sa kaniya.
Lalo siyang gumuwapo. Mamang-mama na siya ngayon. Medyo lumaki din ng konti ang katawan niya.
"Oh, Adam? Bakit ka nandito?” Si Mitch ang unang nakabawi sa aming apat.
"Ano lang... hihingi lang sana ako ng pabor sa inyo..." at saka may dinukot ito sa bulsa ng jacket niya.
"Kasali kasi si Gracie sa university pageant namin. Eh, need kong magbenta ng tickets. Alam nio na... supportive boyfriend!" mayabang pang sabi nito.
Gusto ko mang iiwas ang tingin ko sa mukha niya ay hindi ko magawa. Nakakamagnetong tingnan ang ngiti niya. Nang biglang bumaling ng tingin ito sa kin.
"Hi, Bes! Long time no see, ah!" nakangiti nitong sabi sa akin.
"O-Oo. H-Hi," kandautal kong sagot.
Tila naman nakahalata si Mitch.
"Sige. Akin na ang apat na booklet. May lakad pa kami eh. Tig-iisa kami. Magkano yung apat?"
"Four hundred lang..." nakangiti pa ding sabi ni Adam.
Si Gracie pa din pala ang priority niya hanggang ngayon.
Sukat doon ay parang biglang nag-flashback iyung nangyari nung Prom Night. Tila tinutusok-tusok ang puso ko. Masakit. Eto na naman yung sakit. Pagkatapos ng ilang buwan, naramdaman ko na naman.
"Tara na girls! Baka hinihintay na tayo mg mga ka-date natin," biglang sabi ko.
Napalingon silang lahat sa akin.
"O-Oo nga. Ma-Mainipin pa naman ang mga iyun. Di ba Becca?" sambot ni Amy.
"O...o. Sabi ko nga," sagot ni Amy.
Nagpalipat-lipat naman ng tingin sa amin si Adam.
"Ga-Ganun ba? Nagmamadali ba kayo? Gusto ko pa naman sanang makipagkwentuhan sa inyo..."
"Sige. Next time, Adam. Mauna na muna kami ha. Eto na ‘yung four hundred," sabay abot ni Mitch ng pera dito.
"Uhm...okay lang naman, Mitch kahit sa susunod nio na lang ibigay. Pupunta na lang uli ako dito. Hindi pa naman nagmamadali..."
"Ay, okay lang. Baka magkalimutan eh. Sige na. Kunin mo na. Para makaalis na din kami," putol ni Mitch sa sasabihin pa nito.
Atubiling kinuha naman ni Adam yung perang inaabot ni Mitch. Nagpatiuna na akong naglakad palayo doon. Agad namang sumunod yung tatlo.
"Sige, Adam. Bye!" pahabol na sabi ni Amy sa kanya.
"Bes!"
Narinig kong tawag ni Adam. Pero pinanigasan ko ang leeg kong huwag lumingon.
"Hannah!"
This time, napahinto ako sa paglakad, at saka huminga ng malalim bago ako lumingon kay Adam.
"Bes, minsan naman usap tayo. Nami-miss ko na yung bonding natin eh. Magdala ka uli ng adobo," nakangiting sabi nito.
Agad kong iniiwas ang tingin ko sa kanya. Nakakatunaw ang ngiti niya. Baka mahulog na naman ako.
"Sige... susubukan ko. Ayaw na kasing magluto ng Nanay ko ng Adobo. May trauma na siya," sagot ko, at saka ako tumalikod at naglakad na uli palayo.
HINDI ko naman alam na totoo sa sarili niya yung sinabi ni Adam. Minsang pag-uwi ko ay nakita ko ito sa labas ng gate ng bahay namin. Huli na para umatras ako dahil nakita na ako nito.
"Mukhang may bisita yata kayo?" sabi ni Sevie na kasabay kong naglalakad.
Makulit din itong si Sevie, eh. Or Sebastian. Ilang beses ko nang sinabing hanggang pagkakaibigan lang ang pwede kong ibigay sa kanya, pero tuloy pa din sa panliligaw sa akin.
Wala naman akong maipipintas kay Sevie. May itsura din naman ito. Maganda ang katawan dahil basketball player nga. Balingkinitan lang ang katawan nito pero nasa tamang lugar ang mga muscles. Siguro nadevelop sa training nila sa basketball. HRM ang course nito, at nagkakilala kami dahil nakaklase ko siya sa Algebra 1.
Napansin ko ang pagkunot ng noo ni Adam nang makita kaming papalapit na ni Sevie.
Problema nito?
"Anong ginagawa mo dito Adam?" kunot-noong tanong ko dito.
"Wa-Wala lang. Makikipagkwentuhan lang. Sana…. Matagal na din tayo kasing hindi nakapagkwentuhan," alanganing sagot nito.
Pasimple kong tiningnan si Sevie. Kung kanina ay ayaw kong mag-stay si Sevie, ngayon ay mas gugustuhin kong mag-stay muna siya. Makahalata sana si Adam.
"Pano, Hannah? Una na muna ako. Kita na lang tayo bukas sa school..."
"Ha? Akala ko ba mag-stay ka pa?" natataranta kong sagot kay Sevie nang bigla itong nagpaalam.
Pasimple itong tumingin kay Adam.
"Naalala ko bigla na may pinapabili nga pala si Mommy sa akin. Nawala sa isip ko..." kakamot-kamot pa sa batok na sabi nito, habang bahagyang nakangiti.
"Ga-Ganun ba?" may pagpa-panic kong sabi. Ano ba yan?? Nananadya ba si Sevie?
"Sige. Una na ko.” paalam ulit nito sa akin. Brod?" baling naman nito kay Adam.
Tumango lang si Adam dito. Hatid-hatid ko ng tingin ang papalayong bulto ni Sevie nang marinig kong nagsalita si Adam.
"Bes...kumusta ka na?" narinig kong tanong ni Adam.
Humugot muna ako ng malalim na hininga bago ako humarap dito.
"Okay lang ako. Ano bang ginagawa mo dito? Paano mo nalaman ang bahay namin? Hindi ka dapat nagpunta dito," sunod-sunod na sagot ko sa kanya.
"Ha? Bakit na--"
"Hannah? Anong ginagawa nio diyan? Papasukin mo dito yang bisita mo," napalingon ako sa biglang pagbukas ng gate namin.
"Pauwi na din siya, Nay..." sabi ko.
Alam kong nagtataka ang itsura ni Adam pero pinili kong huwag lingunin ito.
"Yayain mo muna siyang kumain ng hapunan. Nakahain na..." sagot ni Nanay.
Nakita kong suminghot si Adam.
"Tita, ano pong ulam nio?" excited na tanong nito.
"Adobo, iho." nagtatakang sagot ni Nanay.
"Wow!"
Sukat doon ay hinila na lang ako bigla ni Adam papasok sa bahay namin.
~CJ1016