CARSON HALOS hindi ako pinatulog nang huling sinabi ni Connor. Sinubukan kong pilitin itong ipaliwanag kung anong ibig niyang sabihin ngunit tumalikod lamang ito at muling bumalik sa kaniyang higaan. Bagama't halos madaling araw na nang makatulog ako ay kinakailangan ko pa ring gumising nang maaga. Kailangan kasi muna naming magtungo sa isa pa nitong bahay kung saan kami mananatili. Bitbit ang aming mga gamit ay bumaba na kami sa parking area kung saan naghihintay ang sasakyang maghahatid sa amin sa bago naming tutuluyan. Gusto kong kausapin muli si Connor tungkol sa sinabi nito kagabi ngunit hindi pa ako makahanap nang tamang tiyempo. Siguro ay saka ko na lamang ito kakausapin pagdating namin sa opisina nito. Tahimik naming binaybay ang daan patungo sa pangalawang tirahan ni Connor.