“Eva, gising na!” mahinang sigaw ni Max sa tainga ko at nang tingnan ko ang oras, alas sais pa lang ng umaga. Nag-unat na ako agad ng katawan at nakita kong nasa tapat na ng pinto si Max at papalabas na. “Dalahin mo na yong damit na nilapag ko sa tabi mo,” bilin niya sa akin at tuluyan na siyang lumabas ng kwarto. Agad akong sumunod sa kanya at lumabas na rin. Sinusundan ko siya hanggang sa makita kong papunta siya sa tapat ng isang pinto. “Maligo ka na muna bago magpunta sa hapagkainan,” bilin niya sa akin at pinagbuksan ako ng pintuan. Hindi pa man ako nakakasunod sa mga nangyayari ay agad naman akong sumunod sa kanya. Kahit malamig ang tubig ay tiniis ko iyon at nagmadali na sa paglilinis ng aking katawan. Nagulat ako ng makita ko sa labas ng pinto si Max at hinintay akong matapos.