Ako at Si Prinsipe Yago
Book 2
AiTenshi
April 26 2018
Part 7
"289! Halos nasa isang daang mahigit ang bilang ng kalalakihang nasa edad 20 hanggang 40 at ang karamihan na ay edad 50." ang wika ng kawal habang isa isa kaming pinapa hilera sa harap ng palasyo.
Ito muli ang pag kakataon na nakatapak ako sa lugar na ito makalipas ang halos labing walong taon. May mga parte na naluma at may mga parte rin naman na nag bago katulad na lamang ng tarangkahan at mga malalaking haligi nito. Parang kailangan lang ay naging karamay ko ang sa aking kalungkutan ang bawat sulok ng palasyong ito, sa tuwing napapalingon ako sa mga bahaging iyon ay unti unting nag babalik sa akin ang lahat.
"Siguro ay alam nyo na ang dahilan kung bakit kayo nandito ngayon. Sana ay isa alang alang natin ang ating nag iisang adhikain. Hindi ito para sa amin, ang misyong ito ay para sa inyo at para sa inyong pamilya." ang wika ng isang kawal.
Ang lahat ay tahimik lang..
"Wala kaming karanasan sa pakikipag laban." ang wika ng iba
"Kaya nga nandito ang ating heneral na si Abel. Siya ang bahalang mag sanay sa inyong kakahayahan." ang tugon ng isang kawal at mula sa bulwagan ng palasyo ay lumabas si Abel suot ang kanyang gintong kalasag.
Natatandaan ko pa noon, bata pa kami noong boluntaryong sumama si Abel sa mga kalalakihan upang maging kawal ng palasyo. Halos matagal na rin siyang nag lilingkod dito at ngayon ay isa na siyang heneral.
"Ako si Abel, ako ang mag sasanay sa inyo sa loob ng ilang buwan. Sana ay seryosohin ninyo ang ating mga gagawing pag papalakas dahil sa inyong mga kamay naka salalay inyong tagumpay." panimulang bati ni Abel noong mapalingon ito sa akin ngunit agad rin niyang binawi.
Matapos ang panimulang pag bati ay inanyayahan ang lahat sa loob ng palasyo. Nag handa sila ng isang malaking piging para sa pag kakaisa ng mamamayan sa aming lupain at ng buong kaharian. Ang aking mga kasama ay manghang mangha at hindi makapaniwala na nakatapak sa loob ng palasyo. Samantalang ako naman ay nag kukubli lamang sa likod ng aking mga kasamahan upang hindi makita ni Yago o ng hari. Hindi naman kasi kami dito mananatili kundi sa himpilan ng mga kawal kaya't kaunting tiis lang ang aking gagawin upang maka iwas.
"Pareng Ned ayos ka lang ba? Bakit nandyan ka lang sa sulok? Ang daming pag kain doon. Tara!" ang pag yaya ni Kenny.
"Sige lang. Ayos na sa akin itong tinapay na pabaon ng anak ko." ang naka ngiti kong sagot sabay buklat ng aking panyo kung saan nakabalot ang isang pandesal na nilagyan ng palaman ni Lucio.
Hindi ko maiwasang mapangiti habang pinag mamasdan ko ito. Hindi ko alam kung anong mangyayari sa akin sa darating na panahon ngunit pipilitin kong maging matatag para sa kanya.
Tahimik..
Habang nasa ganoong posisyon ako ay naramdaman kong may humawak sa aking balikat. "Master Ned." ang pamilyar na boses sa aking likuran.
Si Mr. Felix! Ang aking gabay noon. Ngayon ay mas matanda na ang kanyang anyo at puti na rin ang kanyang buhok. Sa kabila nito, ang nakatutuwa ay hindi pa niya ako nakakalimutan.
Hindi ko alam kung ano ang aking magiging reaksyon noong mga sandaling iyon. Naramdaman ko na lamang na gumalaw ang aking kamay at niyakap ko siya ng mahigpit. "Master Ned, natutuwa ako na makita kitang muli. Ang laki ng pinag bago mo. Binatang binata kana talaga." ang mangiyak ngiyak na wika nito dahilan para mapatingin ang lahat sa amin.
"May asawa at anak na ako Mr. Felix. Natutuwa ako at nakita kitang muli. Marami akong bagay na nais ipag pasalamat sa iyo." tugon ko naman.
Natawa siya "wala iyon master. Ikaw pa rin si Nedriko na mabait, maalaga, at maunawain na kilala ko. Hinding hindi na mababago iyon sa aking mga mata." ang wika niya at muli akong niyakap.
"At ikaw pa rin si Mr. Felix. Ang aking pangalawang ama." ang tugon ko naman.
"Namiss mo ba dito?" ang boses naman ni Abel sa aming likuran. Naka ngiti ito habang may hawak na isang boteng alak.
"Ikaw pala heneral, bagay na bagay sa iyo ang kalasag na iyong suot." bati ko naman.
"Nakakatampo naman, bakit ang kalasag ko agad ang iyong unang napansin? Bakit hindi mo napuna ang ngiti sa aking labi noong makita kita?" ang tanong niya.
"Dahil masyadong bagay sa iyo ang iyong suot." naka ngiti kong sagot.
Natawa rin si Abel at niyakap ako ng mahigpit. "Kapag may pag kakataon ay ituturo ko lahat sa iyo ang natutunan ko sa pakikipag laban. Dapat ay maging malakas ka para mayroong masasandalan ang inyong lupain."
"Salamat." tugon ko naman.
Habang nasa ganoong posisyon kami ay biglang bumitiw ng pag kakayakap si Abel at umayos ito ng tayo. "Abel, asikasuhin mo ang mga bagong pasok na kawal doon sa labas ng bulwagan."
"Si Yago!" ang wika ko sa aking isipan.
"Opo Prinsipe Yago." wika ni Abel at tinapik pa niya ang aking balikat bago umalis.
Ang mga kalalakihan ay nakatingin kay Yago noong mga sandaling iyon. Mukhang lahat sila ay napahanga sa taglay na kakisigan nito at idagdag mo pa ang kanyang magarbong kasuotan na pakat na pakat sa kanyang katawan.
Naka ngiti si Yago at saka ito lumapit sa akin. "Kamusta Ex Husband." bulong niya habang naka ngisi.
Nag bigay galang ako sa kanya at pilit na iniiwas ang aking tingin. "Mawalang galang na po ngunit hindi ito ang tamang lugar para tawagin mo akong ganyan."
"Bakit? Ayaw mo bang malaman nila na ikaw ay dati kong asawa? Na dati kang naging akin? Wala ka namang dapat ikahiya dahil tinatanggap naman ng ating lipunan ang relasyong lalaki sa lalaki, ordinaryo na lamang ito." ang naka ngisi pa rin niya salita na parang nang aasar na di mo mawari.
"Kung wala kang sasabihing importante ay aalis na ako." ang sagot ko sabay lakad palayo sa kanyang kinalalagyan.
Hindi ko alam kung anong iniisip ni Yago noong mga sandaling iyon. Ang kanyang titig ay nakakaloko at gayon rin ang kanyang ngiti kaya naman wala akong nagawa kundi ang iwasan siya. Magiging magulo pa ang sitwasyon kung patuloy kaming malalapit sa isa't isa at sa tingin ko ay hindi ko na mapapatawad pa ang aking sarili kung muli nanaman akong mag kakamali.
Alas 5 ng hapon noong umalis kami sa palasyo. Dinala kami sa himpilan ng mga kawal. Malaking malaki ang training ground ng naturang lugar. Mayroon isang malaking gusali dito kung saan naka tira ang mga kawal ng palasyo. Ang ilang bakanteng silid ay binigay sa aming mga bagong dating upang mayroon kaming matuluyan.
Madali naman akong makisama kaya't hindi naging problema sa akin ang makipag siksikan sa isang maliit na silid kasama ang iba pa.
Noong gabi ring iyon ay nag karoon pa rin ng piging sa himpilan ng mga kawal. Nag katay sila ng baka at baboy na aming pinag saluhan, tradisyon raw ito upang maging matatag ang samahan ng mga kawal. Samantalang ang iba naman ay nag bibiro na kaya raw kami pinapakain ng masasarap dahil nabibilang na ang aming mga sandali dito sa lupa. Para bang limitado nalang ang lahat. Nakakatakot kung iyong iisipin.
Itutuloy..