Pabagsak akong nahiga sa sofa. Pakiramdam ko bagot na bagot ako na hindi ko maintindihan.
Kinuha ko ang remote ng TV para manood kahit wala naman talaga akong gustong panuodin. Gusto ko lang na kahit paano ay may ingay akong nadidinig dahil pakiramdam ko nabibingi ako sa sobrang katahimikan dito sa unit ko.
Ngayong wala at hindi ko nakikita si Jessica, parang ang lungkot bigla rito sa unit ko.
Hay! Para akong tanga nito. Isang linggo ko pa lang s'yang nakakasama pero ganito na ang epekto niya sa akin. Nakakatakot!
Pagtunog ng aking cellphone ang pumukaw sa pag-iisip ko.
"Hello Mia," sagot ko.
"Meg, kamusta?" tanong niya sa akin. Boses pa lang niya alam kong nakangiti na s'ya.
"Ayos lang. Bakit mo naman natanong, eh, nagkita naman tayo kahapon?" hindi ko mapigilan ang pagkunot ng aking noo habang tinatanong ko iyon sa kanya.
"Oo. Kaso kahapon kasama pa natin ang PA mo, ngayon hindi na. So, kamusta naman ang pakiramdam mo ngayon wala s'ya d'yan sa poder mo?"
"Ayos lang din. Bakit, dapat ba magkaiba pa ang pakiramdam ko kahapon at ngayon dahil wala s'ya?" tanong ko.
"Tingin ko… oo. Malaki ang pagkakaiba, boses mo pa lang alam ko na may pag-iiba ng pakiramdam mo kahapon at ngayon."
Napataas ang kilay ko dahil sa sinabi niya. Naisip ko kung ganun na ba ako ka-transfarent sa kanya, para masabi n'ya ang ganun.
"Kung ano-ano ang pinagsasasabi mo d'yan. Marunong ka pa sa akin," sagot ko.
"Hay naku! Huwag nga ako Meg, kilalang-kilala kita. Hinga mo pa lang alam ko na kung may pag-iiba sa'yo o kung may dinaramdam ka."
Hindi ako sumagot dahil wala akong maisip sabihin. Gaya ng sabi n'ya kilala n'ya ako masyado, so, kahit tumanggi ako, useless din. Mas maige pa na manahimik na lang.
"Hindi ka na sumagot d'yan, dahil tama ako, 'di ba?" aniya bago huminga ng malalim. "Meg, alam ko kung ano ang pinagdaanan mo noon na hanggang ngayon dinadala mo pa rin, kaya kung ano man iyang pagbabago na nakikita ko sa'yo kapag kasama mo si Jessica, gusto ko na 'wag mong pigilan ang sarili mo."
Ako naman ang napahinga ng malalim. Gusto kong sundin ang sinabi n'ya sa akin pero natatakot ako. Natatakot ako na hayaan ang sarili ko na magbago ng dahil sa isang tao.
"Kung ang pagiging malapit n'yo ni Jessica, bilang magkaibigan ang magbabalik sa'yo kung paano ka noon, gagawin ko lahat para mas magkalapit kayo."
"Mia, may karapatan pa ba akong bumalik sa dati? Sa tingin mo ba talaga babalik pa ako kung paano ako dati?" tanong ko.
Napapikit ako para pigilan ang luhang nagbabadyang pumatak sa aking mga mata.
Para sa akin hindi na ako makakabalik pa sa dati. Paano ba ako babalik kung masyado akong sinira ng nakaraan ko?
"Oo, Meg, may karapatan ka pa ring sumaya. Hindi mo kasalanan ang nangyari kaya 'wag mong masyadong sisihin ang sarili mo. Biktima ka lang din ng mga pangyayari."
Mga maliliit na hikbi lang ang tanging naisagot ko sa kanya. Ang sakit-sakit pa rin talaga kapag bumabalik sa aking isipan ang buong pangyayari.
Nararamdaman ko na naman ang pagnanais ko na bawiin na lang ang sarili kong buhay para lang makatakas sa nararamdaman kong ito.
"Tahan na Megan, please..." mahinang sabi niya. Bakas sa boses na nahihirapan din s'ya para sa akin, na nasasaktan din s'ya sa nangyari sa akin.
Mia, is always a good friend of mine. Hindi n'ya ako iniwan noon para lang masigurado na wala akong gagawin na p'wede ko na naman ikapahamak.
"Gusto mo bang puntahan kita ngayon?"
Umiling ako kahit hindi naman n'ya ako nakikita bago nagpahid ng aking luha gamit ang aking kamay. Ipinunas ko rin sa damit ko ang ilong ko dahil wala naman akong dalang panyo na p'wedeng gamitin.
"Hindi na, Mia. Ayos lang ako, 'wag kang mag-alala," sabi ko.
Hindi s'ya sumagot. Parang nagdadalawang isip s'ya kung susundin ba ang sinabi ko o hindi.
"Gusto kong mapag-isa, Mia. Don't worry, hindi ko na gagawin iyong ginawa ko dati."
"Promise?" paninigurado niya.
"Oo," sagot ko habang tumatango pa.
"Okay," sagot niya pagkatapos ng isang buntonghininga. "Basta, kapag kailangan mo ako, tawag ka lang, dadating ako agad."
"Oo. Salamat," sabi ko, "Bye."
Pagkatapos ng pag-uusap namin ni Mia, na 'yun ay pumunta na ako sa k'warto ko at pumunta sa banyo.
Maliligo ako at baka sakaling mabawasan ang bigat na nararamdaman ko sa pagkaalala sa nakaraan.
Naghubad ako ng lahat ng saplot ko sa katawan. Papasok na sana ako sa shower room nang mapatingin ako sa salamin.
Tinitigan ko ang sarili kong reflection. Wala naman pagbabago sa pisikal na itsura ko noon at ngayon. Kung ibang tao nga lang ang titingin sa itsura kong ito walang makakapagsabi ng mga pinagdaanan ko sa buhay. Baka masabi pa nila na isa akong perfection.
Natawa ako ng mapakla sa naisip ko. Ako talaga ang basehan ng salitang hindi lahat ng nakikita ng mata ay iyon lang ang dapat paniwalaan dahil kagaya ko, sa likod ng malaperpekto kong katawan at estado sa buhay ay may nagtatagong isang malaking sekreto. Isang malagim, kahindik-hindik at nakakadiring nakaraan.
Pumasok na ako sa shower room at nagsimulang maligo. Masarap sa balat ang malamig na tubig. Ramdam ko na kahit paano ay gumaan ang pakiramdam ko.
Lumabas ako ng banyo na nakasuot lang ng roba na kulay pink na hanggang kalahati ng hita ko ang haba. May balot ng tuwalya ang aking ulo dahil tumutulo ang aking buhok. Tinatamad naman akong magkuskos ng magkuskos ng aking buhok.
Naupo ako sa kama at kinuha ang cellphone ko na nasa bedside table. Balak kong mag-order na lang ng pagkain ko ngayon dinner. Ayokong lumabas para lang kumain.
Sa korean restaurant ako nag-order ng pagkain ko. Hindi ko tuloy maiwasan na hindi maalala si Jessica. Kung gaano s'ya katakaw ng pagkain na in-order ko noong kasama ko s'ya sa meeting ko sa mga koreano.
Iyon din ang unang araw sa pagkaalala ko na napangiti ako ng dahil sa ibang tao pagkalipas ng maraming taon.
Pagkatapos mag-order ng pagkain ay pumunta na ako sa closet ko at kumuha ng panty at isang oversized na t-shirt na kulay black na may logo ng isang cartoon character na pumapatay ng mga demon at nagsimulang magbihis.
Inalis ko ang tuwalya na nasa buhok ko at hinayaan na lang na nakalugay ang aking mahabang buhok na basa na lang naman at hindi na tumutulo. Hindi na ako nag-abalang magsuklay dahil tinatamad ako.
Napatingin ako sa digital clock na nasa bedside table ko. Ala sais na pala agad ng gabi. Ang bilis ng oras, mamaya lang ng konti ay matutulog na.
Hay! Sa isipin na matutulog ako mamaya na wala si Jessica, para gisingin ako kapag binangungot ako ay naghatid sa akin ng lungkot at hindi maipaliwanag na kahungkagan.
Hindi ko alam kung anong meron sa babaing iyon at ganito agad ang epekto n'ya sa akin. Na sa loob ng isang linggong pagsasama namin sa iisang bubong ay parang ang bilis nasanay ng sarili ko sa kanya.
"Wow! Ang bilis naman ng deliver nila ngayon," bulong ko nang tumunog ang doorbell ng unit ko.
Hindi na ako nag-abalang magsuot ng short dahil mahaba naman ang suot kong t-shirt at wala rin akong suot na bra. Ayos lang naman iyon dahil hindi naman halata.
Isa pa, hindi ko naman papasukin ang delivery sa loob ng unit ko, roon lang s'ya sa labas at doon na rin ako magbabayad.
Mahirap na kasing magpapasok basta sa loob, lalo na at nag-iisa ako rito sa unit. Nag-iingat lang ako.
Binuksan ko ang pintuan ko. Natigilan ako dahil sa taong nandoon sa labas na naghihintay ng taong magbubukas sa kanya.
Isang malawak at magandang ngiti ang agad namutawi sa kanyang mga labi pagkakita sa akin habang ako ay tila hindi makapaniwala na makita s'ya roon.
Akala ko ay sa ngiti lang n'ya ako matitigilan pero mas natigilan pa ako nang bigla s'yang yumakap sa akin.
"Na-miss po kita agad, Ma'am!" masiglang sabi niya.
Hindi ako nakakilos dahil sa gulat. Ang bilis ng t***k ng puso ko dahil sa p'westo namin dalawa pero kahit ganun, aaminin ko na komportable ako sa mga bisig niya na nakahawak sa katawan ko.
"Excuse po, ito po ba ang unit ni Ms. Heard?" doon pa lang ako natauhan.
Bahagya ko s'yang itinulak para bitiwan ako mula sa mahigpit n'yang pagkakayakap sa akin.
"Yes," sagot ko. Lalapit sana ako ng pigilan ako ni Jessica, at itinago sa likuran niya.
"Ano po iyon?" tanong niya habang nakaharap sa lalaking may bitbit ng order ko. Hawak n'ya ang wrist ko habang kausap si Kuya na delivery boy.
"Delivery po para kay Ms. Heard," sagot ni Kuya.
Pupunta sana ako ulit sa unahan ni Jessica, pero muli n'ya akong pingilan and this time humarap na s'ya sa akin na seryoso ang mukha.
"Ako na lang po haharap, Ma'am," sabi niya, "Akin na po ang pambayad."
Napakunot naman ako ng noo. "Bakit ba kasi?"
Hindi s'ya sumagot. Tumingin s'ya sa kamay ko at kinuha ang hawak kong pera bago humarap kay Kuya, at ibinigay ang bayad.
Pagkatapos n'yang magbayad ay agad naman umalis si Kuyang nag-deliver.
"Ano bang klaseng kilos iyon, ha?" tanong ko sa kan'ya pagkasara n'ya ng pintuan ng unit ko.
"Sorry Ma'am, iniingatan lang naman po kita," sagot niya bago dinala ang pagkain papunta sa kusina.
Sinundan ko s'ya sa kusina. "Iniingatan naman saan?"
"Sa mga matang makasalanan," sagot niya habang inilalabas sa mga plastic ang mga pagkain na in-order ko.
"What? Hindi kita maintindihan," sabi ko.
Lumapit s'ya sa akin. "Ganito po kasi iyon, Ma'am. Ang igsi po ng suot n'yo, para kayong walang suot na salawal tapos wala din po kayong suot na bra kaya hindi ko na po kayo pinalapit kay Kuya na nag-deliver."
Ramdam ko ang pag-iinit ng pisngi ko sa sinabi n'ya. "Paano mo naman nasabi na wala akong suot na bra?"
"Simple lang po Ma'am," sagot niya bago ako niyakap na ikangulat ko na naman. "Ang lambot po kasi, ramdam ko 'yung dibdib n'yo."
Sukat sa sinabi niya ay umangat ang isang kamay ko pataas at pinitik ang tenga niya.
"Aray naman po," nakanguso s'yang kumalas ng yakap sa akin at hawak ang tenga na ngayon ay medyo namumula.
Inirapan ko lang s'ya bago nilampasan para maupo sa hapag-kainan. Nakahain na lahat ng pagkain na in-order ko sa lamesa.
"Tara kumain," yaya ko sa kanya na hindi lumilingon sa gawi niya.
Wala akong narinig na sagot pero mabilis pa sa alas k'watro na naupo s'ya sa katapat kong upuan. Hindi ko tuloy mapigilan ang hindi mapangiti. Basta talaga sa pagkain ang bilis ng babae na 'to.
"Bakit pala nandito ka? Akala ko ba bukas na ng umaga ang balik mo?" tanong ko pagkatapos kong lunukin ang pagkain sa bibig ko.
"Kasi po naamoy ko na o-order kayo ng ganito kaya nandito ako," may laman ang bibig na sagot niya.
Kung ibang tao s'ya kanina ko pa s'ya binulyawan. Ayaw na ayaw ko ang walang manners lalo na sa pagkain, pero s'ya, ewan ko ba pero I find her cute kesa disgusting. Ang weird ko talaga pagdating sa kanya.
"Niloloko mo ba ako?" nakataas ang kilay na tanong ko sa kanya pero mukhang hindi man lang s'ya naapektuhan ng pagtataray ko dahil ngumisi lang s'ya sa akin bago uminom ng tubig.
"Joke lang po. Ang seryoso n'yo masyado," aniya bago sumubo ulit ng pagkain.
Mabuti na lang talaga at madami akong in-order na pagkain. Kung hindi baka wala na akong kainin sa sobrang gana n'yang kumain.
"So, bakit ka nga nandito? Akala ko ba bukas pa?" pag-uulit ko ng tanong ko kanina.
Sumubo na ako ng pagkain habang hinihintay s'yang sumagot dahil baka kapag hindi pa ako kumain wala na akong kainin mamaya.
"Nag-aalala po kasi ako sa inyo," seryosong sabi niya habang nakatitig sa akin. "Nag-aalala ako na baka managinip na naman kayo mamayang gabi at mahirapan na naman magising."
Habang sinasabi niya iyon kitang-kita ko ang sincerity sa mga mata niya. Hindi ko tuloy maiwasan na hindi ma-touch sa sinabi niya.
Isang bahagyang ngiti ang ibinigay ko sa kanya. "Salamat."