KABANATA 5:

1833 Words
Kabanata 5: Kinabukasan, maaga ulit si Rayven pero hindi na ako pumayag na sumabay siya sa amin ni Ate Sol sa pagkain. Naiilang ako sa nangyaring nagpa-gwapo pa talaga siya sa kaharap na CCTV. Hindi ko nga alam kung alam niya bang may CCTV roon o sa iba siya nakatingin. Medyo nakakairita lang "Kahapon lang ang bait mo pa kay Rayven, bakit ngayon biglang ayaw mo nang kausapin?" tanong sa akin ni Ate Sol. Abala ako sa pagkan ng cereal na nilagyan ng gatas. Hindi na kasi nakapagluto ng almusal si Ate Sol dahil hindi siya nakagising nang maaga. Hindi naman ako nagrereklamo dahil bukod sa pagtatrabaho niya bilang mayordoma at kasambahay ko na rin dito sa bahay ay may pinagkakaabalahan siyang gawin Pinayagan ko siyang mag-aral muli para na rin s'yempre sa kaniya, sukli ko na rin sa ilang taong pag-aalaga niya sa akin. Hinayaan niyang tumanda siyang dalaga para sa akin. Pero kung gugustuhin naman niya ay magkakaroon pa rin naman siya ng anak. "Pumayag lang ako kahapon dahil gusto ko siyang makilala, pero ayos naman na ate at nakilala ko na siya kaya hindi na niya kailangan pang sumabay sa atin sa almusal." Tumayo na ako dahil natapos na akong kumain. IIling-iling na hindi na sumagot pa si Ate Sol dahil alam niya kung kailan siya dapat at hindi dapat sumagot sa mga sinasabi ko. I mean, kung minsan talaga ay may mga panahong ganito ako, masungit. At hindi niya iyon sinasabayan na ipinagpapasalamat ko. “Good morning, ma’am!” bati sa akin ni Rayven nang makalabas ako ng bahay at naabutan ko siyang nagdidilig ng halaman. Babati na rin sana ako pabalik kung hindi ko lang narinig ang mapanuksong demonyo sa kaniyang likuran. “Tama 'yan, utuin mo pa.” Sumimangot ako at saka umirap. “Sa susunod huwag kang maghuhubad sa loob ng bahay ko, may banyo naman.” Nawala ang magandang ngiti sa kaniyang mukha, hinintay kong may masabi ang demonyo sa kaniyang likuran ngunit wala na rin itong nasabi kaya naman hinayaan ko na. Tumalikod ako sa kaniya at saka tumuloy sa paglalakad palabas ng bahay. Narinig ko pa siyang nagsalita bago ko mabuksan ang gate. "Ingat po kayo ma'am!" aniya. Umiling na lamang ako at saka tumuloy na para isara ang gate at naglakad na. Gaya ng araw-araw na gawain ko, naglakad ako papunta sa Bakery para kahit papaano ay may araw-araw na exercise ako. Pero mas lalo lang nadagdagan ang pagka-badtrip ko nang marami akong nakasalubong na tao. Iba't ibang taong may iba iba ring kulay ng demonyo sa likuran. Nakakahilo ang mga naririnig ko mula sa kanila. Kaya naman nang makarating ako sa Bakery ay halos makahinga ako nang maluwag. Nahalata ni Bella ang pagka-badtrip ko nang pumasok ako dahil sinitsitan niya si Marlon at Morris na maging behave. Napailing na lamang ako, hanggang ngayon kasi ay takot pa rin sa akin si Bella kapag badtrip ako. Sabay-sabay silang kumakain ng almusal, dito na kasi sila kumakain dahil maaga ang pasok nila, alas singko. Kasama rin iyon sa patakaran ko. “Kain tayo, ma’am!” bungad sa akin ni Marlon. Kaagad naman siyang siniko ni Bella. Ganyan talaga iyan kapag alam niyang inis ako, sinasaway niya si Marlon na medyo manhid. “Dalhan mo na lang ako ng kape," utos ko. Sumulyap muna ako kay Morris na abala sa kinakain niyang tinapay. Wala itong imik habang ngumunguya at tila ninanamnam pa ang lasa ng tinapay na siya ang may gawa. Bakit ba talaga walang bahid ng kasamaan ang taong 'to? Ganiyan ba iyan kabanal? Ano kayang ginagawa niya para maging ganyan siya? Tuluyan ko na silang nilagpasan at dumiretso sa opisina. Kaagad kong chineck ang sales ng Bakery namin kahapon. Tuwing umaga kasi talaga ako nagkukwenta, nakakatamad kaya kapag gabi. Pauwi na lang, e, magkukwenta pa. At saka, may tiwala ako sa mga empleyado ko dahil ako mismo ang nagdala sa kanila rito. “Ma’am, kape mo po.” Pumasok si Bella at inilapag ang kape sa lamesa ko. “Salamat.” Hindi ko na siya pinansin dahil abala ako sa ginagawa. Mahina kasi ako sa mathematics kaya kailangan na kapag nagkukwenta ako’y tutok na tutok. Hindi naman na nag-abala si Bella na mang-abala, alam niya nang bad mood ako. Matapos magkwenta, totoong tumaas nga ang sales at mukhang kinukulang na talaga ang mga nagagawa ng baker namin. Kaya nagpasya akong pumayag sa suhestiyon ni Bella na magdagdag ng baker. Nag-utos akong magpaskil ng flyer sa gilid ng pinto ng bakery namin. Sayang din naman kasi ang kikitain kung sakaling as dumami pa ang costumer. Lumabas ako ng opisina ko bandang hapon para silipin ang ginagawa nila sa labas. Medyo marami pa ring babaeng costumer na may kulay asul na usok sa likuran. Ngayon tanggap ko nang dahil talaga kay Morris iyon. Masyadong gwapo kasi ang baker namin na sobrang nakakaakit ng costumer. Lumapit ako kay Bella na abala sa pagsusukli sa mga costumer. "Dapat yata ang i-hire nating baker ay gwapo ulit," bulong ko. Nilingon ako ni Bella at saka siya ngumiti. "Ikaw ma'am ha?" Nagkibit-balikat ako at saka ngumisi. "What? Marketing strategy rin iyon!" sabi ko. Tinawanan na lang talaga ako ni Bella nang tuluyan pero hindi na ako nagsalita. Kahit papaano ay umayos ang pakiramdam ko sa isiping maraming costumer at unti-unti nang lumalago ang negosyo ko. Gusto ko rin naman itong palaguin kahit papaano dahil iniwan ito sa akin ni mama. Naging ayos naman ang mga sumunod na araw. Wala pa ring kakaibang ginagawa si Rayven at wala pa ring pagbabago sa ugali ni Morris. Araw-araw namang may dumarating para mag-apply bilang baker pero wala sa kanila iyong tipo ng baker na hinahanap ko. Ang naisip ko kasi, babae naman para lalaki naman ang pumila rito sa bakery ko. Nakakatawa lang pero nang dahil sa nangyayaring pag-angat bigla ng negosyo nang dahil kay Morris ay naisipan kong mas magpursige pa. Hapon nang may isang lalaki ang pumasok sa bakery. Ang sabi ni Bella ay mag-apply raw kaya naman pumayag akong papasukin. Ngunit pagpasok pa lang niya sa opisina, nakaramdam na kaagad ako ng kakaiba, nakakatakot. Parang ayaw ko pa ngang mag-angat ng tingin dahil nakakakilabot talaga. Pero syempre hindi ako pwedeng umakto nang hindi normal. Kaya tinapangan ko ang sarili ko at nag-angat ng tingin sa nakangiting lalaking mag-a-apply. “Good afternoon ma’am, pasensya na po, ngayon lang ako nakarating,” bati niya. Hindi kaagad ako nakasagot. Natulala ako sa nakakatakot na demonyong nakayakap sa kaniya mula sa likuran. Kadalasan ng nakikitang kong demon ay usok lang, pero ito kasi ay kakaiba. Nagkakaroon siya ng mukha. Lumunok na muna ako bago nagsalita. “Good afternoon too. Na-check ko ang resumé mo. Cyrus John Ybañes, 28 years old at nabasa kong isa kang chef sa isang malaking restaurant na dati mong pinagtatrabahuan. Bakit ka nag-resign? Mas malaki ang pasahod roon kaysa rito.” Bahagyang ngumiti si Cyrus. “Baka hindi po kasi kayo maniwala kung sasabihin ko po sa iyo ang dahilan,” sagot niya. Tumaas ang kilay ko. Hindi ko maiwasang mapangiwi dahil nakikita kong hinahalik-halikan siya ng kulay asul na usok at halos may mukha nang demonyo na nakakapit sa kaniya. “Sabihin mo sa akin, paano ako magtitiwala sa iyo niyan?” tanong ko. Tumikom ang bibig niya. Nag-aalinlangan pang magsalita pero sa huli, sumagot din. “M-may multo po kasi 'ron. Simula no'ng nagtrabaho ako sa restaurant na 'yon, hindi na ako tinantanan. Maski sa panaginip ko. . .” Hindi kaagad ako nakapagsalita. Nakikita kong may ibinubulong iyong masamang nilalang sa kaniya pagkatapos ay hinahalik-halikan sa pisngi. Nakakatakot ang itsura niya. Nawawala ang mukha nito sa tuwing lalayo sa kaniya ngunit sa tuwing didikit ay lumalabas ang anyo. “Sigurado po akong hindi kayo naniniwala, uuwi na lang po ako–” Hindi ko siya pinatapos sa pagsasalita. “Naniniwala ako sa ’yo. Sige, tanggap ka na.” Nanlaki ang mga mata niya at kaagad na tumayo. “Talaga po ma’am? Salamat po!” Tumango lamang ako. “Bukas ka na magsisimula.” Ewan ko sa sarili ko pero para akong tanga. May delikadong demonyo ang nakakapit sa taong 'yon pero pinayagan ko siyang magtrabaho rito. Nahilot ko ang sentido ko, pakiramdam ko nagkaroon ako ng malaking problema! Ano bang iniisip ko? Nakakaawa naman kasi siya, wala sigurong naniniwala sa kaniya dahil hindi naman 'yon kapani-paniwala. . . Imagine kung matagal nang kumapit sa kaniya ang nilalang na iyon at palagi siya nitong binabagabag, malamang na mahihirapan talaga siya. Napailing na lang ako, kung sakali kayang magtrabaho siya rito, magagawa ko kaya siyang tulungan sa problema niya? Mayamaya’y nahinto ako sa pag-iisip nang pabagsak na bumukas ang pinto ng opisina ko. Sa gulat ko’y napatayo ako nang pumasok si Morris. Kunot na kunot ang noo niya habang nakatitig sa akin nang masama. “Bakit mo pinayagang magtrabaho rito ang taong 'yon?” Mariing tanong niya. Nagulat ako. Hindi kaagad ako nakapagsalita kasi kung makapagsalita siya parang. . . parang may alam siya. Para bang may nakita rin siya gaya ng nakita ko. “B-bakit? Teka nga! Ano bang karapatan mong question-in ako?!” galit na tanong ko sa kaniya. Aba! Kung noong una hindi ako nakapag-react, ngayon hindi na ako makapapayag na ganyan ganyanin niya ako! Ako ang boss dito kaya dapat ako ang umastang mas nakatataas sa kaniya dahil ako ang magpapasahod sa kaniya. Nakita kong napalunok siya at bahagyang kumalma. Kinabahan yata dahil baka sisantehin ko. “Alam mo bang delikado ang taong 'yon?” Mas lalo akong nagtaka. Bigla akong kinabahan. Sa hindi malamang dahilan, umalis ako sa pwesto ko at unti-unting lumapit sa kaniya. Pinanliitan ko siya ng mga mata nang bahagya na akong nakalapit. Siya nama’y halata na ang hindi mapakaling emosyon. Ngayon ko lang nakitang may emosyon ang mga mata niya. “Paano mo naman nalamang delikado siya? Bakit? Kilala mo ba siya? Wanted ba siya bilang murderer o ano?” panghahamon ko. In this case, malalaman ko ang totoong siya, kung totoo ba talaga ang hinala kong hindi siya normal na tao. Bahagyang umawang ang labi niya at mas lalong nawalan ng sasabihin. Kasi ano nga bang isasagot niya? Na nakakakita rin siya ng mga demonyo, katulad ko? Iyon ang hinihintay ko e. Matagal ko nang hinihintay na sana. . . May katulad ako. “B-basta! Basta hindi pwedeng magtrabaho siya rito dahil may mga pwedeng mapahamak!” aniya. Mas lalong nanliit ang mga mata ko. “Kailan ka pa naging judgemental? Basta, tinanggap ko na siya kaya wala ka nang—” Hindi ko natapos ang sasabihin ko dahil pabagsak niyang isinara ang pinto at ini-lock iyon. Ganoon kahaba ang braso ni Morris! Natatakot ako sa kaniya, pero mas kailangan ko pang tapangan. "Kayang-kaya kitang sisantehin kung gugustuhin ko Morris, wala kang karapatang pagsabihan ako sa kung sino at ang hindi dapat tanggapin rito. Kaya huwag mo akong pangunahan!" iritang sigaw ko. Saglit na napatitig siya sa akin bago humakbang palapit. Kita ko ang pagkabahala sa kaniyang mga mata hanggang sa bumuntong-hininga siya at saka nagsalita. “May kailangan kang malaman,” aniya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD