KABANATA 4:

2465 Words
Kabanata 4: “Magandang umaga po, ma’am!” maligayang bati sa akin ni Rayven nang makababa ako mula sa kwarto at naabutan sila ni Ate Sol na sabay nag-aalmusal. Nakapagtataka kung bakit kahit na malaki at itim na itim ang demonyong nasa likuran niya, nagagawa pa rin niyang kontrolin ito. Naririnig ko ang bulong ng nasa likuran niya ngunit tila ba hindi niya ito pinakikinggan. Bihira ang mga taong kayang kontrolin ang sarili niyang demonyo sa likuran lalo't malaki na. Ngumiti ako. “Magandang umaga rin.” Nag-urong ako ng upuan at sumalo sa kanila sa pagkain. Utos ko kasi kay Ate Sol na isabay si Rayven sa pagkain dahil gusto kong mas makilala ang taong mag-aalaga ng hardin na iniwan ni mama. Wala naman sana akong pakialam. Pero kasi curious ako sa pagkatao ng taong ito. Sa laki ng demonyong nakakakapit sa likuran niya, malamang na mamamatay tao siya. Kagaya na lang noong nakita ko siya sa eskinita n'ong araw na 'yon, binubulungan siya ng demonyo na pumatay. Nagsandok ako ng sinangag at hotdog na niluto ni ate Sol. Kung ang ibang mayayaman, uso ang diet, sa akin hindi na. Natural na payat ako at kung hindi ako kakain, mas papayat ako. “Wala po ba kayong mga kapatid, ma’am?” tanong bigla ni Rayven. Nag-angat ako ng tingin sa kaniya at saka ngumisi. “Wala at ako dapat ang magtatanong sa ’yo, hindi ikaw.” Rumehistro ang hiya sa kaniyang mukha. Nakakagulat talaga siya. Masamang tao siya pero kung normal na tao lang ako, hindi ko iisipin na masama siya. “Pasensya na ma’am, ang laki kasi ng bahay n’yo kaya inisip kong may mga kapatid ka pa,” aniya. Bahagya siyang siniko ni ate Sol at tumigil na siya sa pagsasalita. “By the way, magkwento ka sa sarili mo, 'tsaka ano bang background mo sa paghahardin?” pag-iiba ko ng usapan. Nag-umpisa na akong kumain. Hinayaan ko siyang magkwento. “Ang bait n’yo po, ma’am. Kadalasan sa mga naging amo ko, hindi ako kinakausap. . .” Napatingin ako kay ate Sol. Maging siya’y nagtataka rin sa ikinikilos ko. Hindi nga naman kasi ako ganito. Kinakausap ko ang mga nagiging hardinero pero hindi ganitong pinasasabay ko sa hapag. Sa kaso kasi ni Rayven, hindi niya ipinapakitang masama siya kahit na kitang kita sa likuran niya. And that’s what made me curious about him. “Hindi ako gano’n kabait, Rayven. Gusto ko lang na mas makilala ang magiging trabahador ko. Masama ba 'yon?” Umiling si Rayven 'tsaka ngumiti at muli ko na namang narinig ang bulong ng demonyo sa likuran niya. “Mabait, madaling mauto. . .” Tumango si Rayven. “Sige po ma’am! Magpapakilala na po ako! Ako nga po pala si Rayven Hermosa, 27 years old. Highschool graduate at tatlong beses nang naging hardinero!” Hindi napigilan ni ate Sol ang matawa. Habang ako, pinigilan ko. Ayokong isipin niyang close na kami. Madali palang mauto, ha? Pwes, hindi 'yon ganoon. Bago ako umalis, ibinilin ko kay Ate Sol ang ikonekta ang mga CCTV sa cellphone ko. Nagtataka man, pero ginawa niya pa rin. Sinabi ko rin sa kaniya na huwag ipapaalam sa hardinero na mayroon kaming CCTV. Ang daming tanong ni Ate Sol pero hindi ko sinagot ang lahat ng iyon. “Good morning, ma’am!” Sabay na bati sa akin ni Bella at Marlon. As usual, tulala lang si Morris. Hinahayaan ko na lang as long as ayos naman ang mga bini-bake niya. Pero hanggang ngayo’y nagtataka pa rin ako na walang demonyong nakakapit sa kaniyang likuran. May kakaiba talaga sa kaniya. Pumalakpak ako at inutusan silang mag-umpisa na sa trabaho. Sumunod naman silang tatlo, habang ako, ako na ang nag-ikot ng sign from close to open na nasa pinto ng bakery namin. Pagkatapos ay dumiretso na ako sa nagsilbi ko nang opisina sa bakery na ito. Kaagad kong chi-neck ang cellphone ko para tingnan ang mga nakukuhanan ng CCTV. Kinakabahan ako sa totoo lang, hindi ako natatakot na baka nakawan niya ang bahay ko. Ang ikinakatakot ko’y baka mapahamak si Ate Sol. Kung bakit ba naman kasi ngayon ko lang naisip iyon, e? Mula sa maliit na screen ng cellphone ko, nakita ko si Rayven habang nagtatabas ng mga damo sa hardin. Mukhang wala naman siyang kahina-hinalang ginagawa. Napaka-imposible talagang gano’n kalaki ang demonyong mayro’n siya tapos ganyan siya? Baka naman sinasaniban lang siya katulad 'nong nakasalubong ko siya eskinita? Pero hindi, baka magaling lang talaga siyang magpanggap! Iyon nga siguro. “Ma’am!” Natigil ako sa panunuod mula sa cellphone ko nang biglang pumasok si Bella. Hindi na kumatok dahil tila natataranta na siya. “Bakit?” tanong ko. Nagkukumahog na lumapit siya sa akin at hinila ako palabas ng opisina. “Halika po ma’am! May isang costumer na ayaw magbayad, ang dami pa naman niyang binili!” sumbong niya. Nang lumabas ako sa opisina. Naabutan ko si Marlon habang hawak sa braso ang isang lalaking mataba, bitbit ang isang basket ng mga tinapay na hindi niya pa nababayaran. “Sir! Hindi po pwedeng hindi kayo magbayad!” bulyaw ni Marlon sa costumer. Nanliit ang mga mata ko at saka lumapit sa kanila. “Sir, ano pong problema? Ako ang may-ari ng Bakery. Narinig kong ayaw n’yo pong magbayad, pwede po ba nating pag-usapan?” Lumingon sa akin iyong lalaki. Galit ang mga mata nitong lumingon sa akin. May kulay kahel na demonyong naglalaro sa kaniyang likuran. Hindi ito nagsasalita pero nakangisi ito at napakahaba ng sungay nitong nakakonekta sa tiyan ng lalaking mataba. Pati ang demonyo, matakaw. “A, ikaw pala ang may-ari ng Bakery na 'to. Gusto mo bang isumbong kita sa mga pulis? Nag-di-display pa rin kayo ng expired na tinapay dito sa Bakery n’yo,” aniya. Nangunot ang noo ko. Imposible naman! Araw-araw naming chini-check ang mga naka-display na tinapay at isa pa, madalas na nauubos ang mga iyon. “Imposible 'yon, sir. Baka naman nagkamali lang—” “A, sinasabi mong sinungaling ako? E, ano 'to?!” Walang habas na hinagis niya ang plastic ng dalawang tinapay sa akin. Tiningnan ko ang expiration date no'n at binasa; EXPIRATION: Aug. 03, 2019 Bigla akong nahiya. Akma na sana akong mag-so-sorry nang biglang may humablot no'n sa akin at hinagis sa costumer. “Ang galing mo, a. Napalitan mo kaagad?” matapang na tanong ni Morris sa costumer. Nabigla iyong lalaki. Hindi kaagad nakasagot pero dumepensa pa rin. “Anong pinalitan? Hindi ko pinalitan ang sticker niyan!” depensa niya. Kinuha ni Morris iyong hawak nitong basket 'tsaka kumuha ng isang plastic na tinapay doon. Ipinakita niya ang sticker price na naroon. “May logo ng Bakery namin ang mga sticker na nakadikit sa bawat plastic ng tinapay. Magpupumilit ka pa rin bang kunin ang mga tinapay na 'yan kapalit ng pagsusumbong mo sa pulis o ako na ang tatawag ng pulis ngayon?” Hindi kami lahat nakasagot. Sa huli’y, binitiwan ng matabang lalaki ang iba pa niyang hawak na tinapay at saka mabilis na tumakbo palabas ng shop. Lahat kami’y hindi naka-imik. Bukod sa ang tapang ni Morris, himala na nakapagsalita siya ng gano’n kahaba. . . “Sa susunod, huwag ka kaagad maniniwala," anito sabay talikod at saka bumalik sa baking area. Hindi kaagad ako nakakilos matapos niyang pumasok sa loob ng baking area. Hindi ko alam kung anong magiging reaksyon ko lalo na nang marinig ang sunod-sunod na mga sinabi niya. Sino ba namang hindi matutulala kung ang isang taong halos isang salita lang ang isinasagot sa'yo sa tuwing tatanungin mo ay biglang dumami ang salita? "Ano pang hinihintay mo, alis na!" sigaw ni Marlon doon sa costumer. Nagmamadali naman itong umalis kasama ang kulay kahel niyang demonyo sa kaniyang likuran. Napailing na lamang ako at saka napabuntong-hininga. _ Matapos ang mainit na eksenang pagpapaalis ni Morris sa matakaw at sinungaling na costumer, bumalik na ako sa opisina ko. Sa totoo lang dapat na magalit ako sa kaniya dahil naging ganoon ang attitude niya sa akin. Pero nakakainis dahil hindi manlang ako nakapagsalita ni ha o kahit ho! Paano ba naman kasi nakaka-intimidate ang tingin niya tapos akala mo awtoridad kung makapagsalita! Ngayon ko nga lang napagtanto ang ginawa niya. “Sa susunod, huwag ka kaagad maniniwala. . .” Dahil sa sinabi niyang 'yon, napaisip ako. Tanga tanga ba ako? Masyado ba akong uto uto? Napairap ako. Bakit ba masyado akong affected sa sinabi niya? Sinabi niya lang 'yon kasi concern siya at boss niya ako! Pero teka, dapat hindi ako naniniwala sa mga ipinapakita ni Rayven! Malaki ang demonyong nasa likuran niya at hindi pa ako kailanman nagkamali. . . Kaagad na naupo ako at muling kinuha ang cellphone ko. Binuksan ko 'yon at tiningnan ulit ang mga nakukuhanan ng CCTV. Sa totoo lang, para akong tanga. Tinanggap ko siya sa trabaho kahit na alam kong masamang tao siya tapos mamamanmanan ko naman! Nasisiraan na talaga ako. Natigil ang mga mata ko nang makitang papasok na si Rayven sa bahay. Kaagad na nilipat ko ang pinapanuod sa loob ng bahay namin. Dumiretso siya sa lamesa at naupo. Mukhang pagod na pagod siya. Maliit na usok na kulay itim lang ang nakikita ko sa likuran niya mula sa CCTV. Kumurap ang mga mata ko nang tumayo siya at biglang naghubad ng t-shirt! Bahagya akong napalunok at nag-iwas ng tingin. Ano bang ginagawa nito?! Bakit siya naghuhubad ng damit sa loob ng bahay ko?! Pero hindi, hindi dapat ako magpatinag! Kailangan kong panuorin at baka makaligtas siya sa pagtatangka! Nang muli kong tingnan ang cellphone. Laking gulat ko nang nasa harap na siya ng CCTV. Kunot na kunot ang kaniyang noo. . . at naka-topless pa rin! Bwiset! Tumaas ang kilay ko. Baka napansin niya na may CCTV sa bahay ko na hindi naman malabong hindi mapansin. Mabuti nga iyan at nang malaman niyang may nakatingin sa kaniya. . . Mayamaya’y mas lumapit siya sa CCTV. Bigla akong napalunok at kinabahan. Alam ba niyang nanunuod ako? Hindi, e! Paano naman niya malalamang nanunuod ako 'di ba?! Bumagsak ang panga ko nang bigla siyang ngumiti. As in 'yong ngiti niya na parang tuwang tuwa siya! Tapos bigla siyang nag-pogi sign at ngumuso na parang action star! Ano bang pinaggagawa ng taong 'to?! Sa inis ko’y binaba ko na ang cellphone ko at itinigil na ang panunuod sa kaniya. Masamang tao ba talaga 'yon? Bakit parang abnormal? Umiling ako at saka lumabas ng opisina ko. Napansin kong maraming babaeng costumer. Ang haba ng pila at may pasilip silip pa sa loob ng baking area! Anong problema ng mga 'to? Nang lumapit ako kay Marlon para tulungan siya sa pagbibigay ng mga order narinig ko ang bulungan ng magkaibang naghihintay sa pila. “Gosh! Sana lumabas siya ngayon! Kailan kaya siya ulit lalabas?” Sino bang lalabas ang sinasabi nitong mga abnormal na 'to? Nakikita ko pareho na mayroon silang mga asul na usok sa likuran. Mga nagnanasa. . . At sino naman ang pagnanasaan ng mga ito? Napailing na lamang ako at hinayaan sila as long as hindi sila magpapadaig sa pagnanasang nararamdaman ng mga kababaihang ito. Ang importante ay bumili sila sa tindahan ko at nagbayad sila ng tama. Matapos ang nakapapagod na araw sa Bakery dahil dinagsa na kami ng mga costumers na babae. Lumapit kaagad sa akin si Bella. “Ma’am, mukhang kailangan mo na ulit mag-hire ng isa pang baker at taga-serve. Dumadami na ang costumers,” ani Bella. Tumango ako. “Oo nga, e. Bakit kaya biglang dumami? In demand na ba ngayon ang kape at tinapay?” takang tanong ko. “Naku ma’am, binabawi ko na 'yong sinabi ko sa inyo na masamang tao si Morris. Swerte yata iyan! Tingnan mo, hindi ko alam kung dahil ba masarap ang tinapay kaya marami tayong costumers o dahil sa kagwapuhan niya!” pabulong ngunit nangingiting sagot ni Bella. Bahagya akong natawa. Totoo ngang gwapo si Morris. Matangkad siya, 5'11 nga raw ang height. Malayong malayo sa taas kong 5'2 lamang. Nasa gitna ng maputi at moreno ang kulay ng balat niya, itim ang malamlam niyang mga mata na ang creepy kapag nakipagtitigan ka. Iyong tipong parang hinahalukay niya ang buong pagkatao mo pero nakakaakit. Makapal ang kilay matangos ang ilong at mapula ang labi. Kulay itim din ang buhok niyang bagsak na bagsak. Ang body built, tama lang. Hindi katulad ng kay Rayven na halatang bugbog sa trabaho. Mukhang galing sa marangyang buhay itong si Morris pero kung gano’n nga, hindi naman siya magtatrabaho rito. “Sige, bukas na bukas magpapaskil na ako sa pinto natin ng hiring.” Iyon lang ang sinabi ko pagtapos ay nagpasya na kaming magsara ng Bakery. Naunang umuwi si Morris na hindi manlang nagpaalam na uuwi na. Hinayaan ko na lang kasi baka ganoon talaga siyang klase ng tao, iyong tipong hindi masyadong pala-kausap. Pagod akong umuwi ng bahay. Kaagad na hinanap ng ilong ko ang mabangong niluluto sa loob ng bahay kaya sa kusina ay naabutan ko si Ate Sol na nagluluto ng ulam. “O? Mukhang pagod na pagod ka,” bungad niya sa akin. “Oo ate, ang daming costumer sa Bakery.” Naupo ako sa silyang kaharap ng lamesang kinakainan namin ni Ate Sol. Hindi pa siya tapos magluto pero tinatamad pa akong umakyat sa kwarto ko. Gusto kong kumain na muna bago umakyat. “Mukhang nagiging patok na ang Bakery mo ah,” aniya. Tumango ako 'tsaka ngumiti. “Oo nga, e. Mapapatunayan ko na kay Tita na hindi masasayang ang lahat ng naiwan ni mama sa akin.” Ibinaba ko ang bag ko sa katabi kong upuan. Hindi na sumagot si Ate Sol at inasikaso na ang niluluto niyang nilagang baboy. Naalala ko tuloy si Tita Eira. Siya iyong Tita ko na kumupkop sa akin matapos mamatay ang mama ko sa kamay ng sarili kong ama. Hindi ako nakatiis sa bahay niya ng isang buwan. Ako kasi ang pinagbubuntungan niya ng galit sa pagkakapatay kay mama. Kahit na wala akong alam, sinisisi niya ako. Nagsumbong si Ate Sol kay papa na nasa kulungan noong mga panahong iyon at nagalit ang papa ko kaya inutusan niya si Ate Sol na siya na ang mag-alaga sa akin. Itinuro ni papa ang bahay na ito, lumang bahay nila ni mama. Hindi ko kasi kinakaya ang bahay namin kung saan pinatay ni papa si mama dahil mas lalong bumabalik sa akin ang alaala. Walang pag-aalinlangang pumayag si Tita Eira nang isama ako ni Ate Sol. Sa totoo nga’y gusto nitong angkinin ang lahat ng naiwan ni mama na kayamanan ngunit nang kumonsulta sila sa abogado ni mama, nakapangalan pala kay papa ang pangangalaga sa akin kung sakaling may mangyaring masama sa kaniya kaya ayun at siya pa rin ang masusunod. Sa totoo lang, alam kong nagsisi si papa sa nagawa niya kay mama. Nakikita ko 'yon sa tuwing dinadalaw ko si papa, tuwing kaarawan niya. Pero hindi ko pa rin talaga matanggap na ganoon ang kinahinatnan ng pamilya namin. Hanggang ngayon ay nagluluksa pa rin ako. Matapos kumain, kaagad na natulog ako ng gabing iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD