NAGMADALI nang bumaba si Nestor sa kanilang sasakyan, nang marating na nila ang tapat ng ospital. Hindi na niya iniintindi kung nakaharang ang kanyang kotse sa daraanan ng ibang sasakyan. Pero, hindi naman siya pinagbawalan ng mga guard dahil emergency naman talaga ang kanilang sitwasyon. Nang makita nga ng isang guard ang kalagayan ni Mikaela, kaagad itong tumakbo sa loob ng emergency room para ipaalam sa mga nurse na naroon na may pasyente sa labas na kailangan agad salubungin.
“Ano ka ba, Nestor? Bilisan mo ang kilos mo! Nahihirapan na ang anak natin hindi----”
“Saka mo na ako sermonan, halika na at dalhin na natin si Mikaela sa emergency room!” Hindi nakakibo si Cecilia. Tahimik na lang siyang sumunod sa kanyang asawa. Saktong naibaba lang nila si Mikaela sa loob ng sasakyan ng mga mga nurse na dumating at may dalang wheelchair. Inalalayan kaagad nila si Mikaela na umupo at tinakbo nila kaagad sa operating room. Sumunod si Cecilia, naiwan muna si Nestor sa lobby para lumabas muli at asikasuhin ang kanilang sasakyan sa parking area. Ang mahirap niyan, parating pa lang din ang OB-Gyne na tumitingin at sumusubaybay sa pagbubuntis ni Mikaela. Pero ang importante ay nasa loob na ng ospital si Mikaela na kahit sino sa mga OB-Gyne na available na naroon ay pwedeng magpa-anak sa kanya. Tama nga, may pansamantalang doktor ang tumingin kay Mikaela habang hinihintay pa nila ang OB-Gyne nito. Kasabay nito ang pag-akyat ni Nestor sa may labas ng operating room.
“Hindi na po kayo maaaring pumasok sa loob. Maghintay na lang po tayo rito. Ano po ang pangalan ng pasyente?” harang ng isang nurse kina Nestor at Cecilia. Huminto at sumunod ang mag-asawa kahit sila ay balisa.
“Mikaela Valdez,” sagot agad ni Nestor.
“Bakit Valdez? Hindi pa sila kasal ni Louie?” sabat agad ni Cecilia. Sa ganun na kalagayan nila, malinaw pa rin niyang tinutulan si Nestor.
“Ganun na rin iyon! At para sa birth certificate ng ating magiging apo. Apelyido na ni Louie ang dala niya. No choice na si Mikaela na tanggapin ang alok ni Louie. Matagal na rin na panahon na naghihintay si Louie sa kanya,” paliwanag ni Nestor kay Cecilia. Nang marinig iyon ng nurse, sinulat na rin niya ang apelyido ni Louie na Valdez. Hindi na naman naka-imik si Cecilia.
“Sige po, maghintay na lang po kayo dito,” paalam ng nurse sa kanila. Bumalik na rin ito sa loob ng operating room. Nasa labor room pala si Mikaela. Pinalitan na ang kanyang damit na suot. Nakahiga siya at may dinikit na parang kuryente sa kanyang tiyan para malaman kung gaano kalakas ang paghilab ng kanyang tiyan. Gusto niyang sumigaw sa sakit, pero pinipigilan niya.
“Nasaan ang mga magulang ko? Nakita mo ba si Louie?” tanong niya sa nurse na lumabas at hinila niya ang kamay nito.
“Nasa labas lang po sila, Ma’am. Pero iyong sinasabi niyong Louie, wala pa po siya,” naging tugon ng nurse. Nang marinig iyon ni Mikaela, parang lalo siyang na-stress. Mas tumindi ang paghilab ng kanyang tiyan. Tinawagan na rin ng attending doctor ang talagang OB-Gyne niya. Humingi ito ng instructions, kung ano ang dapat nilang gawin habang hinihintay siya.
Samantala, natapos na ni Louie na i-check ang kanyang email account, na-review na niya ang mga reports na ibinahagi sa kanya ng kanyang mga taong pinagkakatiwalaan sa kanyang mga negosyo. Nag-unat ang dalawa niyang kamay. Tinitigan niya ang kanyang cellphone. Binabalak na niyang tawagan si Mikaela at ipaalam na hindi na muna siya bibisita sa kanyang mga negosyo, na pupuntahan na lang niya si Mikaela. Ngunit, nang dadamputin niya ang kanyang cellphoe sa lamesa, tumunog ito. Tumatawag si Cecilia.
“Hello po, Good Mor— “
“Anak, pumunta ka na dito sa ospital. Si Mikaela, manganganak na!” dire-diretso na wika ni Cecilia sa kabilang linya.
“Ano po!” napasigaw sa gulat si Louie. Napatayo pa siya sa kanyang kinauupuan sa sariling opisina. Bumilog din ang kanyang mga mata. Para ring napako ang kanyang mga paa sa sahig dahil biglang nanigas ang kanyang buong kalamnan sa balitang kanyang narinig.
“Pumunta ka na dito, iho. Bilisan mo!”
“Sige po, aalis na ako ngayon din!” Pinutol na agad ni Louie ang pag-uusap nila ni Cecilia sa cellphone. Nagmadali siyang umalis sa sarili niyang opisina na nasa loob din ng penthouse niya. Hindi na niya pansin kung ano man ang kasuotan niya. Nakapang-tulog pa ito. Gawain na kasi ni Louie na kahit bagong gising lang siya ay haharap na siya sa kanyang laptop upang suriin ang kanyang email account, dahil may mga negosyo siya. Nagulat din ang bawat daanan niyang mga staff dahil sa kanyang itsura. Gulo-gulo pa ang kanyang buhok. Pero, napaka-hunky pa rin niyang tingnan. Mas lumitaw ang kanyang aura, dahil sa natural niyang itsura.
“Ano ang nangyari kay boss?” tanong ng assistant manager ng kanyang hotel.
“Mukhang emergency! Hindi lalabas si boss ng ganyan ang itsura kundi importante kaagad ang kanyang pupuntahan,” sagot mismo naman ng manager ng hotel.
“Alam niyo, isa lang ang ibig sabihin niyan, manganganak na ang pinakamamahal niyang babae,” sabat ng iba pang tauhan ni Louie. Sabay-sabay na naman silang kinilig. Hindi nila akalain kasi na may side si Louie na pagiging malambing at maalalahanin. Pagkilala kasi nila sa kanya ay cold-hearted person dahil hindi ito masyadong kumikibo. Wala rin itong alam kundi lamang trabaho. Never na sumagi sa isipan ng kanyang mga tauhan na iibig ito ng lubos.
“Love is powerful talaga,” maarteng wika ng receptionist. Humagikgik na naman sila sa kilig. Tulad ng ama ni Mikaela, parang pagmamay-ari rin ni Louie ang daan. Natataranta at kinakabahan din siya. Bumubulong din ang kanyang isipan. Nanalangin siyang sana ay ligtas ang kanyang mag-ina. Na sana ay mahabol niya ang oras, dahil gusto niyang samahan si Mikaela sa panganganak. Hindi rin naman nagtagal nakarating na si Louie sa ospital. Dumiretso siya kaagad sa palapag ng gusali kung saan naroon ang operating room. At bawat daanan niyang tao, nurse, at doktor, ang mga reaksyon ng mga ito ay katulad din ng kanyang mga tauhan. Agaw pansin ang kanyang itsura.
“Buti nandito ka na, iho,” salubong ng ama ni Mikaela.
“K—kumusta po ang mag-ina ko,” garalgal ang boses ni Louie. Nanginginig na rin ang kanyang tuhod sa kaba. Hindi na rin siya mapakali.
“Wala pang lumalabas na doktor simula nang ipasok si Mikaela sa loob. Buti na lang halos kasunod mo lang ang doktor niya na dumating. Nasa loob na rin siya. Sinabihan din kami na hindi kayang manganak ni Mikaela ng normal. Sasailalim siya sa cesarean delivery. Dumating na rin ang pediatrician na titingin sa baby ninyo kapag lumabas na. Hindi nawawala ang kaba namin sa aming mga puso,” paliwanag ni Nestor. Naiintindihan ni Louie ang nararamdaman ng magulang ni Mikaela. Maski naman kasi siya ay hindi na rin niya alam kung ano ba ang dumadaloy na emosyon sa kanyang damdamin.
Nakaupo naman sa upuan si Cecilia habang ito ay walang tigil sa pagdarasal habang ang kanyang mga mata ay lumuluha. Hindi talaga maiiwasan ng isang ina ang maging emosyonal kapag nahihirapan ang kanilang mga anak. Alam ni Cecilia kung ano ang pakiramdam. Dahil under C-section din niyang ipinanganak si Mikaela. Makakatanggap muna ng anesthesia si Mikaela bago simulan ang operasyon. Doon pa lang mahihirapan na ang kanyang anak sa loob ng bente hanggang trenta minutos. Saka gagawin ang unang paghiwa sa tiyan. Umiling-iling ang ulo ni Cecilia dahil ayaw niyang alalahanin ang kanyang naranasan, na nangyayari ngayon sa kanyang anak. Ipinagpatuloy na lang niya ang kanyang pananampalataya sa Diyos. Hanggang sa may isang nurse na naman ang lumabas.
“Kayo po ba ang pamilya ni Mrs. Mikaela Valdez?” tanong nito sa kanila. Tumango nang mabilis ang ulo ni Louie.
“Ikaw po siguro si Louie, sir? Ikaw kasi ang laging hinahanap niya,” dagdag pa ng nurse. Nang dahil sa sinabi nito, ang kaba sa dibdib ni Louie ay nawala. Lumundag-lundag ang kanyang puso sa galak at tuwa, dahil kahit paano naramdaman niyang importante siya kay Mikaela. Lalo na, ang gamit na apelyido ni Mikaela ay ang kanyang apelyido. Isa lamang ang ibig sabihin nun para kay Louie, tinatanggap na talaga ni Mikaela ang kasal na alok niya.
“Kumusta siya?” wika na lang ni Louie.
“Kumusta ang aming anak? Nanganak na ba siya?” Lumapit si Cecilia sa kanila.
“Kaya po ako lumabas, inutusan po ako ng doktor ng pasyente. Pinayagan po kayo na mapanood ang panganganak ni Mrs. Mikaela,” paliwanag ng nurse.
“Hindi po kasi maaaring pumasok sa loob, kaya hanggang doon lang po kayo sa viewing. Tara na po,” dugtong pa nito. Tinungo ng nurse ang isang maliit na pinto, na halos nasa harapan lang nila. Inilabas ng nurse ang susi at binuksan ang pintuan. Nagbigay ng senyas ang kamay nito kina Louie, hudyat na pwede na silang pumasok. Nag-sign of the cross ang magulang ni Mikaela. Huminga nang malalim si Louie at nilakasan niya ang kanyang loob. Nang makapasok na sila sa loob ng isang maliit na espasyo, kitang-kita nila ang ginagawang operasyon kay Mikaela. Iniwan na rin sila ng nurse.
Sabay-sabay silang lumapit sa dingding na yari sa salamin. Halos sabay-sabay din nilang hinaplos ito. Pare-pareho silang nag-aalala kay Mikaela. Pero kahit paano, nabawasan ang takot at kaba sa kanilang mga dibdib, dahil nakikita na nila si Mikaela. Napapanood nila ang lahat. Walang malay si Mikaela. Marahil siguro sa mga gamot na iniksiyon sa kanya. Tahimik lang sila habang pinagmamasdan nila ang operasyon. Nasaksihan ni Louie kung gaano kahirap ang pinagdaanan ni Mikaela sa panganganak. Itinatak din niya ito sa kanyang puso’t isipan, na mas lalo pa niyang iniibig ito.
“Ang lahat ng paghihirap mo ay susuklian ko ng pagmamahal, Mikaela,” bulong ng isipan ni Louie. Gumilid ang luha sa kanyang mga mata. Tuluyan na itong bumagsak ng biglang itaas na ng OB-Gyne ang kanilang anak ni Mikaela. Umiyak nang malakas ang sanggol. Kahit kulob ang lugar nila, naririnig ni Louie ang iyak nito.
“Diyos ko, maraming salamat po!” tanging lumabas naman sa bibig ni Cecilia. Kinuha naman agad ng Pediatrician ang sanggol at dinala sa harapan nila. Kasunod ng doktor ang nurse na may hawak sa bracelet na kulay asul at may nakasulat na ‘Baby Boy - Mikaela Valdez’. Ipinakita nila ito kina Louie habang pinapasuot sa anak nila ni Mikaela. Katibayan na iyon ay ang kanilang anak. Pagkatapos nun ay inilayo muna nilang muli ang baby sa kanilang harapan. Nagsimulang gawin ng Pediatrician ang kanyang trabaho. Nilinisan muna niya ang anak nina Louie at Mikaela. At iba pang dapat na gawin rito.
“Mikaela, salamat!” bulong ng isipan ni Louie. Maluha-luha rin ang kanyang mga mata. Binigyan na rin sila ng senyales ng OB-Gyne na maayos ang kalagayan ni Mikaela. At nang maayos at malinis na ang sanggol, inilabas ito ng isang nurse. Dinala niya ito mismo kina Louie.
“Congratulations po, sir. It’s a baby boy!” Saka lumapit ang nurse kay Louie. Inabot ng nurse ang sanggol na lalaki sa mga kamay ni Louie. Nanginginig pa ang kamay ni Loui, nang kalungin niya ito sa kanyang mga bisig. Kahit lalaki siya, hindi maiwasan na lumuha ng kanyang mga mata. Halo-halo na ang kanyang pakiramdam habang nasasalat niya ang kanyang sariling anak. Habang naaamoy niya ang halimuyak ng bagong silang na bata.
“Pwede po kayong magpakuha ng litrato bago ko po ibalik sa loob ang baby,” patuloy na sabi ng nurse. Nilabas kaagad ng ina ni Mikaela ang cellphone nito para kunan niya ng larawan si Louie at ang baby. Pagkatapos nagpakuha silang lahat ng larawan sa nurse. Kinuha na rin ulit ng nurse ang sanggol. Nagdiriwang ang kanilang mga puso sa ligaya. Wala ng ibang hihilingin pa si Louie, dahil sapat na sa kanya ang kanyang mag-ina.