"Congratulations!" bati sa akin nina Scarlet, Auntie Erlin, Ed at Bjorn paggising na paggising ko. Tipid akong ngumiti at sinubukang bumangon. Agad naman akong dinaluhan nina Ed at Bjorn para tulungang makaupo. "Nasaan ang baby ko?" tanong ko. Kakatapos ko lang manganak. Nahirapan talaga ako sa pag-ire kaya sa pagod ay nakatulog na ako kanina. "Dadalhin na dito ng nurse mamaya-maya," tugon ni Scarlet. Kamuntik akong manganak kanina sa kalsada habang pauwi ng apartment. Galing ako sa trabaho. Habang naglalakad pauwi ay humilab ang aking tiyan at bigla na lang pumutok ang aking panubigan. Natakot talaga ako na mapaanak sa daan kaya agad akong naupo. Mabuti at may mga mabubuting loob na tumulong sa akin at dinala ako dito sa ospital. Bumukas ang pinto at pumasok ang dalawang nurse.