Chapter 5

2868 Words
Chapter 5 “RICKY, tatapatin kita… Wala kang pag-asang mapili sa try-out.” May mga mata ngang makikitang nakatanaw sa malayo habang patuloy na umaandar ang tricycle na sinasakyan nina Kath at Ricky. Sa oras na dumating ang binata sa Balugo ay isang nakaraang kinalimutan na niya ang biglang magpapakitang muli. Hindi siya handa rito, at lalong hindi niya ito inaasahan. Si Andrea, ang babaeng dati niyang girlfriend… ang babaeng nagmulat sa kanya na ang paglalaro ng basketball ay masaya. Pinilit niyang iwaglit sa isip niya ang biglaang pagbabalik ng mga alaala sa memorya niya na pinili na lang niyang itabi sa isang maliit na sulok sa kanyang utak. Alam niyang sa kanyang sarili na wala na sila, at wala na siyang nararamdaman para rito… Pero, ang mga ganitong hindi inaasahang pagkikita ang tila nagbukas muli ng mga alaala na iyon na matagal na niyang ikinubli. Parang isang kisap ng mata, o kasing bilis ng kidlat na bumalik sa kanyang isip ang mga panahong nagsisimula siya sa CISA. Gumuhit sa alaala niya ang unang laro nila ni Andrea, noong ate pa ang tawag niya rito. Sa one-on-one na iyon nagsimula ang buhay niya bilang basketbolista. Dahil sa advice ng babaeng iyon. Ipinamukha sa kanya nito na hindi siya mapipili sa try-out kahit pa galingan niya. Aminado rin naman siya nang mga panahong iyon na wala siyang pag-asa at ang pagpansin lang ng kanyang crush ang nasa isip niya. Pero… “Kung hindi ka magaling sa pagpuntos ay… bakit hindi mo subukang galingan sa depensa?” Nang dahil sa sinabi ni Andrea sa kanya tungkol sa pagdepensa ay napili nga siya sa try-out ng CISA. Unexpected iyon para sa kanya, pero magmula nang araw na iyon ay nagsimula na ang unti-unti niyang paglalaro ng basketball na noong una ay para lang mapansin siya ng babaeng crush niya. Muntikan na siyang huminto dahil sa pagkabigo sa babaeng gusto niya, at ang dahilan niya sa paglalaro ng basketball ay unti-unting naglalaho. Isa pa, iniisip niyang hindi siya magaling dahil hindi naman siya likas na manlalaro, nang mga panahong hindi pa niya alam ang ilan sa kanyang nakaraan… Pero… “Napanood ko ang practice game ninyo laban sa SW… at alam kong hindi ka naglalaro para magpasikat o magpa-impress sa crush mo. Alam mo kung ano ang nakita ko Ricky? Gusto mo na ang basketball… nakita kong gusto mong tulungan ang team mo na manalo. Iyon ang nakita ko sa iyo… Kaya kung nawawalan ka ng dahilan para magpatuloy sa basketball… Isipin mo ang mga kasamahan mo sa CISA.” “Nagsisimula ka pa lang… Bukas, ipakita mo sa mga kasama mo kung paano ka maglaro at isipin mo, winless team ang CISA. Ano kaya ang magiging pakiramdam nila, kapag nanalo kayo?” Umihip ang hangin na nagmumula sa palayan at damang-dama ito ni Ricky na nakatulala lang sa labas habang sakay ng tricycle. Si Kath nga ay pasimpleng napaisip sa biglaang pagtahimik ng binata. “R-ricky, okay ka lang?” tanong ng dalaga na may kasama pang pagkulbit sa likod nito. Tila hindi naman natinag ang binatang si Ricky na parang ang lalim pa rin ng iniisip. Dahil nga dito kaya muli itong kinulbit ni Kath na naging dahilan upang magulat ang binata na tila nakabalik bigla sa reyalidad, mula sa malalim niyang iniisip. “A-ah, nasa Balugo na ba tayo?” bulalas ni Ricky nang mapatingin kay Kath na natigilan na lang nang marinig iyon. Doon na nga pasimpleng natawa ang dalaga. “Ano ka ba Ricky? Wala pa, mga ilang kilometro pa ay. Hmmm. Parang ang lalim ng iniisip mo dahil doon sa kausap mo kanina sa phone ah,” ani ni Kath na napalunok pa sa mga nasabi niya. Iniisip niya kung tama bang sabihin niya iyon, kasi, baka mga personal na kaibigan ng kasama niya ang naghihintay ngayon kay Ricky sa Balugo. “D-dahil ba iyan sa mga bisita mo? Hindi ba, dapat excited ka dahil parang reunion iyon?” dagdag pa ng dalaga na tila hindi na napigilang masabi iyon. Nang marinig naman ito ni Ricky ay isang maliit na ngiti na lang ang ipinakita niya sa kanyang kasama bago siya magsalita. “Ex ko ang nasa bahay… Kapatid ng isa sa mga kaibigan ko noong nag-aaral pa ako,” wika ng binata at ang ngiti sa labi ni Kath ay marahang nawala. Napalunok ang dalaga at parang nahiya sa nalaman. Nais pa sana niyang magsalita kaso, baka somobra na siya sa mga masasabi niya. Napapaisip tuloy siya na baka raw gustong makipagbalikan sa binata ng ex nito kaya nasa kanila ito ngayon. “Ang layo ng Mansalay para puntahan pa siya rito ng ex niya…” wika ni Kath sa sarili at kaya raw pala parang nag-iba ang datingan ni Ricky ngayon sa kanya. Iyon pala raw ang dahilan. Nagpatuloy na nga lang ang kanilang pagbyahe hanggang sa unti-unti na silang makapasok sa Balugo area at habang palapit na nang palapit ang tricycle sa may harapan ng school ay nararamdaman na nga rin ni Ricky ang kakaibang kaba na wala naman kanina. Isang kulay itim na sasakyan nga ang tumambad sa paningin ni Ricky at sa pagkakatanda niya ay ito ang bagong sasakyan ni Andrei na regalo ng papa nito matapos ang graduation. Pagka-abot niya ng bayad sa tricycle at pagkatapos maibaba ang mga pinamili nila ni Kath ay doon na nga rin bumukas ang pinto ng sasakyan, sa may driver’s seat nito. Lumabas nga roon si Andrei na simpleng shorts at shirt lang ang suot. Ngiting-ngiti kaagad ito sa kanya at bago dalhin ni Ricky ang pinamili nila ni Kath sa paloob na daanan papunta sa tinutuluyan nila, ay heto nga ang kaibigan niya na parang matagal na rin naman niyang hindi nakikita. “Pre, kumusta?” tanong kaagad ni Andrei na nag-fist bump pa kay Ricky at pasimple pang napasulyap sa babaeng nasa gilid nito na ang ganda raw. Nagkatinginan pa nga sila sa mata ng kanyang kaibigan na tila alam na ang ibig-sabihin. “Si Ma’am Kath iyan, co-teacher ko riyan sa katapat nating school,” natatawang wika naman kaagad ni Ricky at si Kath ay nag-wave ng kamay kay Andrei nang marinig iyon. “Hmm… Wala naman akong sinasabi sir Mendez ah?” patawa-tawa pang wika ni Andrei at doon na nga rin sinabi ni Ricky na kailangan na niya munang dalhin sa loob ang mga pinamili nila ng kanyang kasama na mga naka-kahon ang iba. Ang mga ngitian nga nilang magkaibigan ay unti-unting napalitan ng kaseryosohan nang ang kabilang pinto ng kotse sa kabilang kalsada ay bumukas na rin. Nakita kaagad ito ni Ricky at doon ay isang hindi inaasahang kabog sa dibdib niya ang kanyang naramdaman. “Kasama ko pre si Ate…” mahinang wika ni Andrei na may kasama pang pagtapik sa balikat ng kaibigan na hindi alam kung titingin ba sa dalagang lalabas o hindi. Napalunok naman si Kath sa gilid habang nakatingin sa lalabas sa kotse. Ang ex daw ni Sir Mendez. Mula nga sa kotse ni Andrei ay tuluyan nang lumabas si Andrea. Nakasuot ito ng kulay white na damit na napapa-ilaliman ng isang parang pormal type na itim na jacket na hindi nakabuton at black na medyo lousy na pants. Naka-high heels din si Andrea at sa pagsara niya sa pinto ng sasakyan ay seryoso kaagad na napasulyap dito ang ilang mga dumaraang taga-Balugo. Pati nga ang ilang nabili sa mga tindahan sa gilid. Para raw silang nakakita ng artista sa pormahan nito. Ang haba na rin ng buhok ni Andrea na malapit na sa may parteng pwetan nito at ang ganda rin ng pagkakatuwid nito na tila rebonded. May blonde part din ito sa unahan at makikita ring may dala siyang maliit na bag. Sumulyap na nga ang dalaga sa direksyon kung nasaan ang kanyang kapatid na si Andrei. Nang makita naman ito ni Ricky ay nakaramdam na ang binata ng kaba na lalong lumakas dahil makalipas ang mahigit isang taon, ay heto… at nakita na niyang muli ang babaeng umiwan sa kanya. Inaasahan naman niya na makikita pa rin niya ito, dahil nga kaibigan niya si Andrei… Kaso, hindi sa ganitong pagkakataon. Napalunok si Ricky nang lumalapit na nga patungo sa kanila si Andrea. Ibang-iba na ang dating nito ngayon sa kanya, at parang suplada na ang aura nito. Ganito ang mga babaeng nakikita niya na parang ang hirap makipagkilala… Iyong piling-pili lang ang kakausapin. Pakiramdam ngayon ng binata ay napakaliit niya kung sa datingan ang pagbabasehan. Ito ba raw talaga ang ex niyang si Andrea na napakasimple lang noon? Iyong masaya ang mukha kapag nakikita niya at kanyang inaasar? Si Kath naman na nasa gilid ay natulala nang makita ang sinasabing ex ni Ricky, at parang pinanghina rin nito ang kanyang loob. Pakiramdam niya ay walang-wala siyang laban sa dalaga kung makikipagkompitensya siya para Ricky. “Ano ba ang iniisip mo Kath? Anong kompitensya?” sigaw na nga lang ng dalaga sa kanyang isip. Seryosong nakatingin si Andrea kay Ricky nang makalapit na siya rito. Si Andrei naman ay parang na-awkward sa sitwasyon ng dalawa, ng ate niya at ng kanyang kaibigan. “H-hi!” nasambit ni Ricky kay Andrea. Wala nga siyang masabi at parang hiyang-hiya siya sa dalaga, sa itsura nito ngayon. Isang mahinang hangin ang umihip sa paligid at ang supladang tingin ni Andrea ay unti-unting naglaho nang tuluyan. Nabigla na lang si Ricky nang gumalaw ang mapulang labi ng dalaga at binigyan siya ng ngiti… at ang mga mata nito nang sandaling iyon ay parang maiiyak na hindi. “R-ricky…” Nais yakapin ni Andrea si Ricky nang oras na iyon, pero nakita rin niya ang babaeng nasa gilid ng binata. Inisip niyang girlfriend ito ng binata, at isa pa, ilan lang naman ang dahilan niya sa pagpunta niya rito. Ang makita si Ricky at ang itanong kung kumusta na ang pagba-basketball nito. Katulad ng binata, hindi rin siya nagtatanong kay Andrei kung ano na ang nangyayari sa kaibigan nito. Ibig-sabihin, wala siyang alam sa mga sumunod na nangyari pa kay Ricky matapos mag-champion ang mga ito sa CISA noon. Ni hindi rin naman sa kanya binanggit ng kanyang kapatid na hindi na pala ito naglaro matapos iyon. “A-ang mabuti pa ay doon na tayo sa tinutuluyan ko mag-usap… Tsaka mainit, baka mangitim kayo rito,” pabirong wika na nga lang ni Ricky para alisin ang kaba at hiya niya kay Andrea. “Sumunod kayo sa akin.” Dinala na nga ni Ricky ang mga pinamili nila ni Kath sa bahay nila at dahil nga magkahalo ang pinamili nila ng dalaga ay kailangan pa nila itong isa-isahin. Sabi nga ng dalaga ay mamaya na lang daw dahil may bisita ito. Nagdiretso na nga lang muna si Kath sa bahay na tinutuluyan niya na dala ang mga pinamili niyang nakabukod ang plastic na kanya talaga. “Upo kayo. Dito ako nakatira… Okay naman dito, mababait ang mga kapitbahay,” sabi nga ni Ricky sa mga bisita niya. Mabilisan nga rin niyang pinagtatabi ang mga nakakalat na mga school works at mabilisan ding pumasok sa kwarto niya upang magbihis. Pagkasara niya ng pinto ay para siyang nakahinga nang maluwag. Napahawak siya sa kanyang dibdib dahil parang kabado siya at naiinis siya sa pakiramdam niyang ito. Huminga siya nang malalim at nagpalit na ng pambahay, iyong medyo maayos dahil may bisita siya. Sandali pa nga rin muna siyang tumingin sa salamin at marahang sinampal ang kanyang pisngi. “Kumalma ka lang…” sabi niya sa sarili at paglabas niya ng kwarto ay pasimple siyang napatingin sa magkapatid na tila nagkukwentuhan. Naghanap kaagad siya ng pwedeng meryenda para sa dalawa. “Ang layo pala talaga nito mula sa Calapan pre, parang malayo ka na nga talaga sa kabihasnan,” sabi nga ni Andrei na tumayo upang magmasid sa loob ng bahay. Si Andrea naman ay sitting pretty na abala sa pagtitingin sa kanyang phone. “Oo, kaya mas matipid ako rito…” natatawang wika naman ni Ricky na kasalukuyang nagpapalaman ng tinapay. Kinuha na nga niya ang isang tasty bread na nasa loob ng kahon. Iniisip nga niya kung kanya ba ito o kay Kath. “Bayaran ko na lang mamaya…” “Ay m-mabili lang ako ng yelo, para malamig ang juice,” sabi bigla ni Ricky at mabilis siyang kumuha ng barya at sa pagmamadali nga niya ay aksidente naman siyang nadapa sa tapat ni Andrea. Si Andrei nga, imbis na tulungan ang kaibigan ay tinawanan pa ito. “Pre, relax lang…” pabirong wika nito at si Ricky nga ay lalong nahiya kay Andrea na ngayon ay nakatingin sa kanya na tila ba walang pakialam. Agad nga siyang tumayo at ngumiti sa dalaga. Pagkatapos noon ay dali-dali siyang lumabas ng bahay. Doon na nga biglang nabago ang atmospera sa loob ng bahay nang maiwan ang magkapatid. Napatingin si Andrei sa kanyang ate at seryoso naman siyang tiningnan nito sa mata. “Ate, so ano? Kumusta? Ano ang naramdaman mo nang makita mo siya uli?” seryosong tanong ni Andrei at ang dalaga ay tumingin sa mata ng kanyang kapatid. Bumuntong-hininga ang dalaga at isang maliit na ngiti ang bumakas sa kanyang labi. “Hindi pa rin siya nagbabago, I think… Siya pa rin talaga si Ricky Mendez…” sabi ni Andrea at napangiti si Andrei sa kanyang narinig. “Nga pala ate, hindi niya girlfriend iyong kasama niya…” Nang marinig naman ito ni Andrea ay parang nabigla ito at sumungit ang tingin kay Andrei. “Did I asked you that info? As if namang interesado pa ako kung sila ba o hindi.” Isang pagtawa naman ang sagot ni Andrei at umupo na siya sa tabi ng kanyang kapatid. “Alam mo ate, kahit nag-mature ka na… Masaya ako na okay ka na, at wala pa rin namang nagbago sa iyo. Nakakatuwa ka pa ring asarin!” bulalas ni Andrei at pinagpapalo siya ni Andrea na hindi naman alam na nakikita na pala ni Ricky na may dalang yelo na kakarating lang sa may pintuan. Nang dumaan na nga sa harapan nila si Ricky ay doon na napahinto sa pagpalo si Andrea sa kapatid niya. Namula siya at para siyang pinagbagsakan ng langit at lupa. Mukhang epic failed ang kanyang pagpapakita ng suplada look kay Ricky dahil sa ginawa niya kay Andrei. Nagkatinginan na lang silang magkapatid at nagpipigil na lang ng tawa ang sira-ulo niyang katabi. “Mamaya ka sa akin pag-uwi Andriano!” sigaw sa isip ng dalaga. Yap, she’s back… at may isa pa siyang reason kaya nandito siya. May nararamdaman pa rin siya kay Ricky Mendez at kahit maraming nangyari sa kanya noon, ay gumigising pa rin siya sa umaga na ang binata ang naaalala. Hindi nga niya alam kung paano niya nagawang hindi kumustahin o alamin ang nangyayari kay Ricky kahit ganoon ang nararamdaman niya. Pero ang gusto kasi niya sa oras na makipagkita siya muli kay Ricky ay okay na siya at successful na siya… Nang nasa USA siya, kasabay ng pag-aaral ay naturuan na rin siya kung paano magpatakbo ng negosyo at kaya siya bumalik sa Pinas ay para i-take-over ang isang business ng kanyang papa na kaka-start pa lang nito. Ang daming nangyari sa kanya, after mamatay ng kanyang mama. Na-overcome niya ang depression na dinanas niya dahil doon at parang naging way pa iyon para maging bago siyang tao. Nagawa niyang tanggapin ang mga nangyari at ngayon, hindi na siya basta-bastang babae kung ikukumpara sa mga ilang kaedadin niya. “Meryenda muna kayo. Ang layo ng byahe ninyo, kaya sigurado akong gutom na kayo,” nakangiting wika ni Ricky sa magkapatid nang lapagan niya ng sandwich at juice na malamig ang dalawa. “Bakit nga pala kayo nagpunta rito?” tanong pa nga ni Ricky na nagpaseryoso kay Andrea at nagpangiti kay Andrei. “Si ate ang makakasagot,” wika ni Andrei at si Ricky ay nagsimula na ngang ngumiti dahil sa reaksyon ni Andrea. Lalo na nga nang makita niya ito kanina na pinapalo ang mapang-asar nitong kapatid. “Masaya akong okay ka na Andrea…” wika pa nga ni Ricky at nang marinig ito ni Andrea ay bigla itong nabulunan ng sandwich na nasa bibig nito na bigla niyang nalunok. Nagkanda-ubo nga ang dalaga na tinawanan naman ni Andrei. Agad namang binigyan ni Ricky ng juice si Andrea na mabilis namang uminom para maging maayos. Nang mapatingin nga si Andrea sa nakangiting si Ricky ay doon na nga siya lalong namula. Parang nag-flashback ang lahat sa kanya… at doon na nga siya tuluyang tumayo para lumapit sa binata. Nabigla na nga lang si Ricky Mendez nang yakapin siya ni Andrea. Doon na umiyak ang dalaga, at buong higpit na niyakap ang binatang napakatagal na niyang hindi nakikita. “R-ricky… I am happy to see you again… A-alam ko, hindi maganda ang nangyari sa atin, pero…” “Bumalik ako, para sa ‘yo.” Nang marinig nga ito ni Ricky ay doon na nga marahang nagdilim ang kanyang paningin. Tinanggap niya ang yakap ng ex niya… Pero sa isip niya… Ganito lang ba kadali ang lahat para magkabalikan sila? Parang may mali, at mukhang alam niya sa kanyang sarili kung ano iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD