Chapter6

3475 Words
Chapter 6 MEDYO hindi kaagad dalawin ng antok si Ricky kinagabihan. Hindi kasi niya inaasahan ang biglaang pangyayaring ngayong araw na ito. Kanina kasi ay nandito ang kaibigan niyang si Andrei at kasama pa nito ang ate nito na si Andrea, ang kanyang dating kasintahan. Hindi alam ni Ricky kung ano ang mararamdaman, lalo na nga sa sinabi nito sa kanya kanina nang yakapin siya nito. “Bumalik ka para sa akin?” sabi ng binata sa kanyang sarili na napabangon na lamang mula sa kanyang pagkakahiga. Binuksan niya ang ilaw ng kanyang silid at humarap sa salamin. “Kalokohan…” sambit niya sa kanyang sarili. Bumuntong-hininga na lang siya at pilit na inisip na may trabaho na uli siya bukas at kung pagpupuyatan daw niya ang walang kwentang bagay na ito ay baka maging antukin siya unang pasok ng linggo. Kinuha niya sandali ang kanyang phone at nagbukas ng mobile data para tingnan ang kanyang inbox sa social media. Nakita na naman niya sa message request ang pangalang Andrea Cervantes at io-open na sana niya ito kaso, hindi na niya ito itinuloy dahil muli na siyang humiga. Pinilit na nga lang ni Ricky na makatulog hanggang sa hindi na niya namamalayan. Kinabukasan, pagbukas niya ng kanyang mga mata ay napatayo siya nang mabilis nang makita ang oras sa kanyang phone. “B-bakit hindi ako nagising sa alarm?” bulalas ng binata na bilisang bumangon at malapit nang mag-alas-sais nang umaga iyon. Hindi na nga niya naayos ang kanyang hinihigaan at agad na siyang nagpunta sa banyo para magpapuno ng tubig sa timba. Hindi na rin siya nakapag-exercise na madalas niyang ginagawa at bilisan na nga siyang naghanda para sa kanyang pagpasok. Hindi na siya kumain ng kahit ano, basta pagkatapos niyang maligo ay nagsepilyo na siya at mabilis na nagbihis ng kanyang uniporme bilang isang guro. Humihikab pa nga siya habang pinagmamasdan ang kanyang sarili sa salamin. “Sabi na nga ba,” nasambit na lang niya nang suklayin na niya ang kanyang buhok. Nakita pa nga niya ang bahagyang namumungay niyang mga mata at napatingin na rin siya sa kanyang gamit na dadalhin sa pagpasok. “Mabuti na lang at naiayos ko ito bago humiga kagabi… Kung hindi, baka lalo akong na-late,” sabi niya sa kanyang sarili at matapos maiayos ang sarili ay kinuha na niya ang kanyang kulay itim na bag at binitbit ang makapal na blue na file case na may lamang mga dokumento at papel. Lunes na muli, at paglabas ni Ricky ng kanyang bahay ay pasimple pa siyang napatingin sa kabilang bahay na kalapit ng tinutuluyan niya. Naroon si Ate Lorna niya na nakaupo sa terrace na abala sa paghawak sa kanyang phone. Sumulyap ito sa kanya nang may kaseryosohan na medyo ikinakaba niya. Lumakad na nga siya at nakita niya na marami na ngang pumapasok sa school sa kabilang kalsada. Agad nga siyang pumasok at hindi na nga niya nasagot ang mga bati ng ilang mga estudyante na nakakita sa kanya. Nagmamadali kasi siya, para makarating sa kanyang room para ma-monitor kung may naglilinis ba. Pagpasok niya sa kanyang classroom ay may mga estudyante na nga ang nakaupo na pinangungunahan nina Andrew na naka-ikot kaagad ang upuan ng mga kabarkada nito na abala na kaagad sa kung anong mga bagay. Ang isa roon ay may dala pang gitara. Paglapag niya ng kanyang gamit ay isang bati naman mula sa class president nila na si Faye ang narinig niya na ngiti naman ang tugon niya. “Sir, parang puyat kayo?” wika ng estudyante at napangiti lalo si Ricky. Ang galing naman daw nitong makapansin. “H-huh? A-ah, medyo hindi ako nakatulog agad… Buti na lang at hindi ako na-late,” natatawang wika ni Ricky at huminga na nga siya nang malalim para i-focus ang kanyang utak sa trabaho. Marahan siyang pumalakpak para sabihin sa mga estudyante niyang walang ginagawa na siya ay narito na. “Class! Umayos na kayo… Tulungan ninyo ang mga kaklase ninyong naglilinis ng room natin!” wika ni Ricky na mabilis ding nag-ayos ng kanyang mga gamit sa mesa niya at pasimple namang nakatingin sa kanya sina Andrew na pinag-uusapan ang nalaman nilang ito na raw ang magko-coach sa team nila sa darating na MLHS sa isang buwan. “Magaling si Sir sa paglalaro, pero ang tanong ay kung magaling kaya siyang mag-coach,” sabi nga ng isa sa kasama ni Andrew na si Stephen. Nasa gilid nga rin nito ang kanyang dalang gitara, dahil may nililigawan ito sa kabilang section na haharanahin daw nila mamaya sa oras ng kanilang lunchbreak. “Hindi naman natin kailangan ng coach, pangit kasi ng mga plays ni Sir Tuazon sa atin. Mas okay pa rin kung ako ang main offense ng ating team,” sabi naman ni Andrew na nakabukas pa ang buton ng kanyang polo nang mga oras na iyon. Para nga sa kanya, kahit pa hangang-hanga siya sa mga kwento ng kanyang ate, ay hindi raw siya pwedeng maging mahina sa harapan ng kanyang barkada dahil baka pagtawanan siya. Ni wala ngang alam ang mga ito na plano nila ng kanyang ate na isali si Sir Ricky Mendez nila sa Mansalay team. Sa kanilang magkakabarkada, ay siya lang din naman ang member ng municipal team. Isa naman sa mga kasama niya ang napaseryoso sa sinabi nito, si Terrence, ang three-pointer sa magkakabarkada. Siya ang pinakatahimik sa magkakatropa, at napakabihira nitong magbigay ng suhestyon. Siya nga rin ang pinaka-okay ang grades at hindi nga malaman ng ilang mga kaklase nila kung bakit ito sumasama sa grupo nina Andrew, gayong mga pa-easy-easy lang ang mga ito pagdating sa pag-aaral. Nang matapos ang flag raising ceremony ng paaralan ay nagsibalikan na nga muli ang mga estudyante at mga guro sa kani-kanilang mga classroom. Humihikab nga si Ricky na nagpunta sa kanyang unang klase sa section A at eksaktong nakasalubong niya si Ma’am Kath na pasimple siyang nginitian at binati ng magandang umaga. Napalunok na nga lang siya at mabilis na pagbati rin ang kanyang nasabi. Hindi na niya iyon nasundan at parang nakaramdam siya ng hiya rito dahil sa nangyari kahapon sa kanya. Nang magtungo kasi ito sa kanya, isang oras matapos maka-alis sina Andrea ay parang natahimik siya habang pinagbubukod nila ang mga pinamili nila. Ang wrong timing daw ng pagpapakita ng kanyang dating kasintahan, ito ay kung kailan may binabalak na siyang bago sa kanyang puso ay doon pa raw nangyari ang mga bagay na iyon. Nawala raw ang vibes nilang dalawa ni Kath kahapon nang mga oras na iyon. Hindi rin kasi siya nagkwento at lalong wala namang ibang tinanong sa kanya ang dalaga tungkol sa mga bisita niya bukod sa mga grocery items na hinati nila. “Sige Ricky! Pupunta na ako sa klase ko,” wika pa ng dalaga na parang may pagka-ilang din naman sa binata nang umagang iyon. Ang binata naman ay tumango at nagtungo na rin sa kanyang tuturuang section. Humikab nga muna si Ricky bago pumasok sa loob at ramdam niya ang pagkalam ng kanyang sikmura. Pero dahil kailangan na niyang magturo ay mamaya na lang daw siya pagkatapos nito pupunta ng canteen para kumain. Sa sunod na oras pa kasi ang susunod niyang tuturuan. Natapos ang una niyang klase at pagkalabas niya ng room ay sa canteen na nga siya tumuloy. Mami ang kanyang in-order at mabuti na lang daw at may kanin na ring tinda nang mga oras na iyon. Matapos nga iyon ay sandali muna siyang tumingin ng oras sa kanyang relo. Bigla nga rin siyang nakarinig ng isang pamilyar na tunog na nagmumula sa labas. Katapatan kasi ng canteen ang basketball court ng paaralan. “Hindi naman siguro sina Andrew ang naglalaro roon?” sabi na lang niya sa sarili na sandali munang ipinahinga ang isip para maging kalmado sa araw na ito. Habang nakaupo nga siya ay nakita niya ang pagpasok din sa kantina ng paaralan ni Sir Tuazon na bumati pa ng magandang umaga sa mga nagtitinda. Nang mapatingin naman ito kay Ricky ay ngiti kaagad ang ibinigay ng guro. “Sir Mendez! Mukhang hindi ka yata nakapag-agahan, at dito ka sa canteen kumain?” wika nito na agad na lumapit sa binata. Napatawa naman nang bahagya si Ricky. “Oo nga sir. Tinanghali ako ng gising kanina.” “Na-inform ka na siguro sa try-out mamaya para sa team varsity?” Ang tanong na ito naman ang ikinabigla ni Ricky na napatingin sa labas, sa court ng school. “M-may try-out po mamaya?” bulalas ng binata at medyo nagulat si Sir Tuazon. “Nasa GC ng faculty. Sinabi ng ating principal… Hindi mo ba nabasa?” sagot ni Karlo Tuazon at isang ngiting napipilitan ang ibinigay ni Ricky sa co-teacher niya. Napabukas nga siya ng phone at nag-open ng messaging app. “H-hindi pa ako sir kasali,” pagsisiwalat ni Ricky at napakamot na lang ng ulo si Sir Tuazon na kaagad ngang nag-open ng phone. Hindi pa rin pala raw inia-accept ni Ricky ang kanyang friend request na sorry na lang ang itinugon sa kanya nito. “P-pasensya na sir… Nawala sa isip ko iyong about sa gc,” nasabi na nga lang ni Ricky at nag-backread nga siya at doon na nga niya nakita ang magaganap na try-out mamayang hapon. “May walong players ang current line-up natin ngayon… at anim ang nasa section mo. Iyong grupo ni Andrew,” sabi pa nga ni Sir Tuazon na umupo muna sandali sa upuang malapit kay Ricky. “Kung tatanungin mo ako kung paano maglaro ang grupo nina Andrew? Wala akong masabi. Buwaya si Andrew sa plays at mukhang walang pakialam dito ang mga kabarkada niya… Kung ako nga sa mga iyon ay magrereklamo ako, kaso, ewan ko ba sa mga iyon… Masyado silang loyal kay Andrew Salome. Sasabihin ko sa iyo Ricky… Puro sakit sa ulo ang ibinigay sa akin ng team natin sa loob ng tatlong taon nang naging player iyang grupo ni Salome…” “T-tapos ipinasa ninyo sa akin sir? P-para ako naman ba ang sumakit ang ulo?” natatawang wika ni Ricky na hindi malaman kung biro ba o may kasamang kaseryosohan. Pagtawa naman ang tugon ni Sir Tuazon at tinapik sa balikat si Mendez. “Ikaw ang nagsabi niyan… Pero ang totoo, hindi ko naman ito maiisip kung hindi mo ako pinakitaan noong unang araw ng pasukan. Kung hindi nangyari iyon… ay baka hindi papasok sa isip ko na i-suggest ka sa ating principal,” sabi nga ng guro na tumayo na matapos tumingin sa kanyang relo. Nagpaalam na nga ito at umalis. “Kasalanan ko pa pala…” sabi na nga lang ni Ricky sa sarili at tumayo na rin siya matapos uminom ng tubig. Humihikab pa nga siyang lumabas at pagtingin niya sa court ng school ay nakita niyang nandoon sina Andrew na ikinaseryoso niya nang bahagya. “M-may klase dapat ang mga ito ah,” sabi ng binata sa sarili at eksakto namang nakasalubong niya si Faye at ilang mga kaklase nito na mukhang pupunta ng canteen. “B-bakit nasa labas kayo?” tanong ni Ricky. “Sir, wala kaming teacher sa Physics. May emergency raw si Ma’am Villegas,” wika ni Faye na nakapamulsa pa sa palda nito. “Babalik din kami sir kapag time na ng patatlo naming subject. Tatambay lang muna kami sa canteen.” “Sige na sir,” sabi pa nga mga kasama nito at natatawang-hindi na lang si Ricky sa mga narinig niya. Tumango na lang siya at tuwang-tuwa ang mga estudyante niyang agad na pumasok sa loob ng kantina. Ngayon ay napatingin naman siya sa court at nakita niya ang pagda-drive ni Andrew sa bola nang mabilis papunta sa basket. Sinubukan itong depensahan ng isa nitong kabarkada at habang nasa ere ay bumigla ito ng bali sa kanyang mga kamay at isang reverse lay-up pa ang ginawa nito bago tuluyang lumapag. Pumasok ang bola sa basket at napasigaw pa si Andrew sa bumantay sa kanya na napaatras na lang. Sinambot naman ng isa ang bola at ibinato sa nakatayong kasamahan sa may three-point area. Pagsalo ng binatang nagngangalang Terrence ay napaseryoso si Ricky dahil ang bilis ng pagbitaw nito sa bola. “Quick release?” wika ni Ricky na hindi na nakita na may makakasalubong pala siya dahil sa ang kanyang mukha ay nakaharap sa may court. Nahalit ang net ng basket at tila musika ito sa pandinig ni Ricky na binasag nga lang ng kamay na tumulak sa kanya nang marahan. Si Ma’am Katherine ito at natatawang nakatingin sa binata. “Ricky… Mukhang ang seryoso ng panonood mo? Tumigil ka kaya muna sa paglalakad?” wika ng dalagang guro at si Ricky ay parang nahiya. “S-sorry. Oo nga… M-mabuti at nakatingin ka sa nilalakaran mo,” wika ni Ricky na napahawak na lang sa likod ng kanyang ulo. “Sige Ricky… May sunod na uli akong klase,” sabi nga ni Kath at si Ricky naman ay napalunok. “Kath, okay lang bang sabay tayo magtanghalian mamaya?” “Sure. No problem. Uuwi ka rin ‘di ba?” Tumango si Ricky at ngiti ang sagot ng dalaga. “Bibili na rin ako ng ulam… See you,” sagot ni Kath. Agad na ngang pumunta si Ricky sa kanyang room para doon na magpalipas ng oras para sa sunod niyang klase sa isa pang section. Naisipan niya ngang yayain si Kath dahil nahihiya siya sa nangyari kahapon. Gusto kasi niyang maging komportable siya rito at maging ang dalaga sa kanya. SUMAPIT na nga ang hapon at umuwi muna si Ricky sa kanila para magpalit ng damit at sinabi niya sa mga estudyanteng nasa court ng school na babalik din kaagad siya. Habang nagbibihis nga siya ay naalala ng binatang guro ang bilang ng mga naroon at sa tantiya niya ay nasa dalawampu iyon. May mga nanonood din doon na mga estudyante at guro na mukhang wala pang balak umuwi sa kani-kanilang bahay. Nag-jogging pants siya ng CISA at nag-red shirt siya ng plain. Napangiti na nga lang siya nang pilit nang kuhanin niya ang silbato na ibinigay sa kanya ni Sir Tuazon na binili raw nito para sa kanya. Sinuot na niya iyon at pagkakuha ng phone at towel ay lumabas na nga siya ng bahay. Nasa labas na nga si Kath na nakabihis na rin at manonood din daw ng try-out ng mga estudyante. Nakangiti ito sa kanya at ganoon din ang binata habang pinagmamasdan ang simpleng shirt na may drawing ng cartoon character at maong shorts na hanggang tuhod. Maayos ding nakapuyod ang buhok nito at ang halimuyak na nagmumula rito ang unang sumalubong kay Ricky sa paglapit niya rito. “Coach Ricky!” pabiro pang tawag ni Kath sa binata at parang ang pangit daw pakinggan nito para kay Mendez. “Ang baduy… Hindi ako sanay,” pabirong wika ni Ricky at pumasok na nga sila sa gate ng paaralan. May mga naglalaro na roon sa loob at syempre, pinangunahan ito nina Andrew na nalaman ng binata na sinimulan na raw nito ang try-out sa mga nais sumali sa kanilang koponan. Lumapit nga si Ricky kay Sir Tuazon na nakangiti sa kanyang pagdating. “Ganyan din ang ginawa nina Andrew noong isang taon, sila na ang nagpa-try-out at sila na rin ang namili ng ipapasok sa koponan… Kaya iyong mga gusto kong isali ay umalis na lang at hindi na umulit,” sabi ni Sir Tuazon at si Ricky naman ay napatingin kay Andrew na may hawak sa bola na buong-lakas na umatake papunta sa basket. Dalawa sa player ng kalaban ang nagsara ng depensa para siya ay pigilan. Nakita nga niya ang pagkalibre ng isang kakampi ni Salome, kaso, hindi rito ipinasa ni Andrew ang bola. Umalingawngaw sa buong court ang pagpapatalbog ni Andrew sa bola at ang ilang mga kaklase niya na nanonood ay napahiyaw pa nang ngumisi ang binata. Mabilis itong umatras para pahabulin ang dalawa niyang bantay na medyo nainis sa kanyang ginawa. Isang mababang dribbling ang ginawa ni Salome at bumigla ito ng bato ng bola nang patalbog sa pagitan ng dalawa niyang defender. Kasunod noon ay ang mabilis niyang paghakbang pauna at gamit ang lakas ay sa gitna siya ng dalawa lumusot. Wala naman daw referee at nalampasan niya ang dalawa niyang mga bantay, at pagkahawak muli ng kamay niya sa bola ay doon na siya tumalon palapit sa basket para sa isang lay-up. Nagsisigawan na ang kanyang mga kaklase, subalit napaseryoso ang lahat nang may isa pang manlalaro ang bumigla ng talon para subukang pigilan si Salome. Nagkatagpo pa ang mga mata nila at humampas sa hangin ang defender sa pag-aakala niyang makakagawa siya ng isang magandang block sa mayabang na kalaban nila. “Asa…” mahinang wika ni Salome sa kanyang paglapag sa ibaba at kasabay noon ay ang pagpasok ng umiikot na bola sa loob ng ring. Isang reverse lay-up ang kanyang ginawa at ito ang kanyang favorite move kaya malakas ang loob niyang umatake sa ilalim kahit pa may mga sumubok na magbantay sa kanya. Ang lalaki naman na sumabay sa kanya ay nagdilim ang paningin at napakuyom ng kamao. “Mukhang hindi uli kita pipiliin sa try out na ito… Last year mo na rin at mukhang hindi talaga tayo magiging magkakampi sa varsity team…” sambit pa ni Andrew at nilingon nga niya ang lalaking halos kasing-tangkad niya. “Kung matatalo mo ako, baka doon pa magbago ang isip ko at pasalihin kita sa team ng Balugo.” May pagtawa pa ang ginawa ni Andrew at sinadya niya ito para asarin ang lalaking sinasabihan niya. Ito ay si Ceejay Leviste at isa rin itong fourth year student ng Balugo NHS. Dalawang beses na siyang nag-try-out para sa varsity sa nakalipas na taon, at ni minsan ay hindi siya napipili. Hindi nga lang ito dahil kay Andrew, kundi sa kadahilanang hindi niya mapigilan ang kanyang sarili na pumatol sa mga pasaring nito… Hindi sa pamamagitan ng basketball o salita, kundi ito ay gamit ang kanyang kamao. Sa dalawang try-out niya dati ay dalawang beses na niyang naupakan si Andrew na hindi naman lumalaban na lalo niyang ikinaiinis. Siya rin tuloy ang lumalabas na masama at ito ang namumukod-tanging dahilan kaya siya nasususpinde sa paaralang ito. Ang mga kasamahan ni Andrew ay mabilis na humanda sa mangyayari at ang mga nanonood sa court ay napalunok. Napanood na raw nila ito at mukhang magkakagulo na naman daw ang try-out sa taong ito. “Mahina ka kasi Ceejay!” bulalas pa ni Andrew na tinaasan pa ng tingin si Ceejay na nanggigil na sa mga sinasabi ng kaharap niya. Gumalaw na ang kamao ng binata at handa na rito si Andrew para sumabay nang iwas para hindi matindi ang maging tama sa kanya. Kumawala na nga ang kamao ni Ceejay at doon na nga rin tumunog ang silbato ng bagong coach ng varsity team na si Ricky Mendez. Nasabi na nga rin sa kanya ni Sir Tuazon ang tungkol kay Ceejay at ang lahat ng mga nasa loob ng court ay sa kanya napatingin. “Ituloy ninyo iyan at pati ikaw Andrew Salome ay tatanggalin ko sa team natin! Wala akong pakialam kung anak ka ng konsehal ng Mansalay…” “Dahil ako na ang coach ninyo, dapat ay sumunod kayo sa akin… Kung gusto ninyong magkampeon sa taong ito!” bulalas ni Ricky Mendez at gumalaw pa ang kamay niya na sumenyas sa isang lalaki na may hawak sa bola. Ipasa raw ito sa kanya. Umalingawngaw ang tunog ng pagsambot ni Mendez sa bola at nang patalbugin niya ito ay binago nito ang atmospera sa loob ng court nang mga sandaling iyon. “A-ano’ng nangyari kay Ricky?” naitanong na nga lang ni Kath nang makita ang tila pagbabago ng katauhan ng binata. Si Sir Tuazon naman ay napangiti, ang datingang ito ang napansin niya nang napanood niya ito noong unang araw ng pasukan. “Parang ibang tao si Sir Ricky Mendez kapag nasa loob siya ng court…” mahinang winika ng guro. “Lahat ng mga magta-try-out… Pumunta kayo sa harapan ko, at iyong mga regular players ay maaari nang umuwi!” wika ni Mendez na seryosong nakatingin kay Andrew na alam niyang hindi papalag sa kanya. Maging ang mga kasamahan nga ng binata ay kinabahan bigla at napayuko. “So-sorry po sir,” sabi ng ilan sa mga ito na dumiretso na sa kanilang mga gamit. Gusto nilang manood, pero parang uuwi na lang daw sila dahil medyo kinabaduhan sila. Bumuntong-hininga naman si Ricky at ikinalma na ang kanyang sarili na seryosong pinagmasdan ang mga estudyanteng nais na sumali sa varsity team ngayong taon. Ngayon, ang iniisip niya ay kung paano siya pipili sa bilang na mayroon ang mga ito? “Ang dami ng mga ito,” sabi ng binata sa sarili nang mga sandaling iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD