Bumalik sa kainan si Lilith upang ibigay ang bayad ng huling order na hinatid niya. Bumaba muna sa scooter at hinubad ang suot n helmet bago pumasok sa maliit na pwesto ni Mina.
May ilang kustomer sa labas na kumakain habang pinagsisilbihan ng lalaking helper ng may-ari.
"Si ate?" Tanong niya sa lalaki.
"Nasa kusina siya." Sagot nito. Medyo malambot itong magsalita dahil silahis. Malambing at mahirap ispelingin pero lalaki naman siya at may nobya.
Dumiretso na sa kusina si Lilith at natagpuan nga roon si Mina.
"Te." Tawag niya rito at inabot ang limang daan pisong bayad sa huling order.
"Salamat." Aniya at kinuha ang pera. "Halika na, kain na tayo. Upo ka na riyan." Yaya ng ni Mina sa kanya.
Inilapag niya muna ang helmet sa bakanteng lamesa at inalis ang suot na gloves, jacket at mga safety gears para sa siko at tuhod. Nagtungo sa lababo upang maghugas ng mga kamay saka lumapit sa lamesa't naupo.
Halos lahat ng putaheng niluto nila kanina ay meron sa hapag. Tinawag na rin ni Aling Mina ang pamangkin niya upang kumain ngunit dahil may kustomer pa ay mamaya na lamang daw ito. Iba-iba ang bantay roon, depende kung sino sa mga pamangkin at mga anak niya ang walang ginagawa. Minsan marami sila roon lalo na kapag walang pasok.
Nagsandok na ng kanin si Lilith at nanguha ng ulam. Nag-umpisa na siyang kumain ngunit bigla na lamang siyang nahinto nang maramdaman ang mga matang nakatingin sa kanya. Nakita ni Aling Mina na nakatingin lang sa kanya at hindi pa naglalagay ng pagkain niya sa plato.
"Bakit te? Natulala ka yata riyan?" Tanong ni Lilith sa kanya nang mahuli ito.
Parang nagulat naman ang Ginang nang magsalita ang dalaga.
"Wala naman natutuwa lang ako na kahit maliit ang bayad ko saiyo ay hindi mo pa rin iniiwan ang trabaho mo rito. Halos mag-iisang taon na rin hindi ba?" Sagot nito sa kanya at natahimik naman si Lilith. Nagbilang siya sa kanyang isip bago sinagot ang tanong nito.
"Tama po, mag-iisang taon na rin."
"Saka isa pa, nanghihinayang ako sa iyo. Bata ka pa at maari ka pang makapag-aral. Kung kaya ko lang ay ako na ang tutulong sa iyo kaso hirap pa ako ngayon, alam mo naman na tatlong kolehiyo pa ang pinapaaral ko." Ani Aling Mina.
"Hala ate, okay lang po ako. Kapag nakahanap po ako ng mas magandang regular na trabaho, mag-aaral po ulit ako. Huwag ka pong mag-aalala." Nahihiyang sagot ni Lilith dahil may ganoon palang mga naiisip ang Ate Mina niya para tulungan siya.
"Alam ko namang kaya mo. Bilib nga ako sa iyo e. Hindi ko lang sinasabi, pero kasi sa tuwing nakikita kita kinukurot puso ko. Gustong-gusto kitang tulungan pero di ko alam kung paano. Kaya kung may problema ka sa pera, kung may sakit ka o sa pagkain pa 'yan puntahan mo lang ako para magawan natin ng paraan." Tugon ng Ginang.
Na-touch naman si Lilith sa sinabi nito ngunit wala sa bukabularyo niya ang umasa sa iba, hanggang kaya niya magbanat ng buto ay gagawin niya pero ang mangutang o di kaya'y magkaroon ng utang na loob sa iba ay isang bagay na kinakatakutan niya. Minsan na rin kasing nabaon sila sa utang ng kanyang Tiyahin at dahil wala siyang pagkukunan ng pambayad, mga naipundar na gamit nila sa bahay ang naging bayad sa mga iyon hanggang sa naubos. May natira ngunit kinuha rin iyon ng mga kamag-anak nila.
"Salamat te." Sagot niya na lang kahit may problema siya sa renta ngayon, may inaasahan naman siyang sweldo pambayad doon.
Nagsandok na rin ng pagkain si Mina matapos ng pag-uusap nilang iyon. May gusto pa sana siyang sabihin sa dalaga. Mayroon kasing kustomer nila na may gusto kay Lilith. Ilang beses na siya nitong nakita roon ngunit hindi niya matiyempuhan na walang ginagawa kaya hindi niya maestorbo ang dalaga. Matandang lalaki at mayaman, naisip niyang maganda kung ipakilala niya ang lalaki kay Lilith baka magustuhan niya. Mukha naman itong mabait at maginoo para sa kanya ngunit nahihiya siyang sabihin baka isipin pa nitong binubugaw niya ito.
Makulit kasi ang matanda, ayaw siyang tigilan. Laging tinatanong sa kanya si Lilith. Gustong kunin ang numero ng cellphone nito para ipa-load niya raw at para makapag-usap sila.
Nang matapos kumain si Lilith ay sinabihan niya ito na magbaon ng ulam para pang-almusal niya at pananghalian na rin bukas. Nahihiya pa rin ito kapag sinasabihan niyang magbalot, kung kukuha naman ay kaunti lang at agad ibubuhol para hindi na madagdagan ng Ginang laman. Handa na siya roon, pinagbalot na niya ito.
"Ito Lilith, ulam mo bukas. Kumain ka ng marami para magkalaman ka naman, malay mo baka tumangkad ka pa." Biro niya sa dalaga sabay abot ng dalawang tupperware.
"Ate talaga, hindi na ako lalaki. Tanggap ko na." Pilyang tugon niya sa Ginang at pareho silang natawa. Kinuha na niya ang dalawang tupperware na inaabot nito dahil magagalit lang ang Ginang kapag di niya inuwi. Inabutan na rin siya nito ng pera. Binigyan siya ng apat na raan nito, kasama na roon ang huling pinahabol. Ganoon kasi ang usapan nila, lalo na kung medyo malayo ang dadalhan. Tip naman ang iba dahil tumulong siya magluto.
"Huwag mo na bilangin. Maingat ka pauwi." Anang Ginang at nilamukos ang pera, nakita naman na ni Lilith kung ilan bago niya iabot dahil isa-isa niyang kinuha apat na tig-iisang daan sa wallet niya.
"Salamat te. Ibalik ko na bukas pinaglagyan." Paalam niya sa Ginang at lumabas na sa kainan. Sinuot na niyang muli ang safety gears niya at nag-helmet matapos ilagay sa basket sa harap ng scooter ang dalawang tupperware. Sumakay na siya sa scooter niya at sinusi ito nang bigla-bigla na lamang may humarang sa daraanan niya na isang matandang lalaki.
"Naabutan din kita sa wakas Lilith. Pwede ko bang kunin number mo? Textmate naman tayo." Dire-diretsong sabi nito.
Nagtatakang tinignan siya ng dalaga. Alam kasi ang pangalan niya, hindi naman niya ito kilala.
Amoy ni Lilith ang hininga nito. Nakainom ang matanda ngunit hindi naman mukhang lasing dahil diretso pa magsalita at di pa duling.
"A ano po Tatang, hindi ko po pinamimigay number ko, pasensiya na po." Hingi niya ng paumanhin sa matanda.
Malinis namang tignan ang lalaki, malinis ang pagkakagupit ng buhok at walang bigote't balbas ngunit kahit na ganoon, halata pa ring matanda ito kesa sa kanya dahil medyo kulubot na ang balat nito at sa wrinkles nito sa mukha.
Hinawakan ng lalaki ang manibela ng scooter niya at nilapit ang mukha nito sa kanya. Nilayo naman ni Lilith ang mukha niya sa lalaki at pilit inaatras ang scooter ngunit mahigpit ang hawak ng lalaki sa manibela.
"Ang cute mo talaga." Anito sa kanya at akmang hahaplusin ang mukha niya ngunit biglang dumating si Aling Mina at pinukpok ang ulo ng matanda ng dala niya sandok.
"Walang hiya ka! Anong ginagawa mo kay Lilith ha!? Akala ko pa naman matino kang matanda ka!" Singhal ng galit na galit na Ginang sa kanya.
Naglabasan ang mga kumakain nang marinig ang pagsigaw ng Ginang at agad tinanong kung nangha-harass ba ang lalaki.
Nabitiwan ng lalaki ang manibela ng mapukpok ang ulo niya. Agad namang inatras ni Lilith ang scooter at pinaradang muli. Napatakbo siya sa likod ni Aling Mina at nang makalapit ang mga kustomer sa kanila'y nagtatatakbo ang matanda palayo.
"Sige takbo! Huwag ka nang babalik dito dahil baka lasunin kita!" Sigaw ng Ginang sa kanya.
Nang mawala na sa paningin nila ang matanda ay pinapasok na ni Mina ang mga kustomer upang ipagpatuloy ang pagkain saka niya binalingan si Lilith na halatang takot na takot. Pinakalma niya muna ito at kinausap. Humingi rin siya ng tawad dahil noon niya pa alam na may gusto ang matandang iyon sa dalaga at nais siyang makilala personal. Hindi naman niya akalain na ganoon ang gagawin ng matanda bigla. Nangako itong hindi na papapasukin sa kainan ang matanda at mula sa araw na iyon na ban na ang pagmumukha aniya. Ipapatarpaulin niya pa raw sa loob at labas ng kainan para agad makita.
Natawa na lang si Lilith sa sinabi nitong iyon at sinabing huwag na, baka wala na silang maging kustomer lapag nakita ang mukha ng matanda sa labas at baka akalain ay may lamay sa loob. Napahalakhak ang Ginang. Tama raw siya, buti na lang at naisip niya iyon.
Pinauwi na niya si Lilith. Binilinan na mag-ingat at sinabing magpalit muna siya ng ruta na daraanan. Sinunod naman niya. Kahit papaano ay napanatag ang kalooban niya at naalis sa isip na baka may sumusunod sa kanya.
Pagdating niya sa inuupahan ay nakakabinging ingay nanaman ang sumalubong sa kanya. Nag-aaway nanaman ang mag-asawa sa kabila. Sigawan at tiyak siyang maya-maya lang ay may basagan na ng mga plato.
Sa kabila nama'y napakalakas ng telebisyon nila. Sinadya nilang ilakas para matakpan ang ingay ng nag-aaway ngunit siya ang nasa gitna nila kaya siya ang nabibingi.
Kinuha na lang niya ang cellphone at sinaksak sa tenga ang earphone at nagpatugtog ng malakas para hindi sila marinig.
Ipinasok na niya sa loob ng maliit niyang ref ang mga ulam. Nagpahinga ng sandali, nagsipilyo at sa banyo na dumiretso upang maglinis ng katawan. Inalis niya ang earphone at sakto namang basagan ng plato ang kanyang narinig. Gaya ng inaasahan.
May kabit kasi ang asawa niya, may anak silang apat at nagawa pa nitong mambabae. Hindi inuuwi ang lahat ng sahod niya sa kanyang pamilya at winawaldas sa kabit.
Alam na alam ni Lilith 'yan. Araw-araw ba namang ganoon ang gumigising at dinadatnan niyang balita sa broadcasting network sa kabila. Nagsasawa na nga siya, wala man lang bago. Huling bagong narinig niya ay buntis si kabit. Pinalayas na siya ng misis niya pero bumalik, kaya ayan nanaman sila araw-araw.
"Hay naku!" Naiusal na lang ni Lilith. Natapos na kasi siya sa paliligo maingay pa rin sila. Binalik na lang niya ang earphone matapos magpunas at magpatuyo ng buhok at humiga na. Ipinagdasal na sana bukas may sweldo na at makakabayad na siya ng renta at makakahanap ng magandang lugar.
Hindi masikip, di maingay at maaliwalas.