Lumipas pa ang mga araw na naghihintay ako sa message ni Romanov na hindi dumarating kaya inabala ko na lang ang sarili sa pag-aaral at pag-aasikaso sa ama. Hindi na muna ako bumalik sa condo matapos magdaan ang tatlong araw na wala akong natanggap na mensahe.
“Pa, gabi na. Pasok ka na sa loob. Malalamigan ka diyan,” tawag ko sa ama na nakaupo sa maliit na terasa. Nakadungaw ito sa labas at malayo ang tingin.
“Rune, anak. Halika.”
Naupo ako sa tabi nito at tiningnan ang tanawin sa labas. Wala naman akong nakikitang kakaiba maliban sa mga batang naglalaro pa rin sa lansangan kahit gabi na.
“Naaalala ko pa noon na pinapagalitan ko kayo kapag umaabot kayo ng ganitong oras sa paglalaro sa kalsada. Ngayon ay kayo na ang nanenermon sa akin. Ang bilis lang talaga ng panahon.”
Tinawanan ko ang ama at niyakap ang braso nito.
“Kaya nga naniniwala ako sa sinasabi nila na ang hirap magpalaki ng mga magulang kasi ang titigas ng mga ulo niyo.”
Nagbuntung-hininga ito at hinawakan ang ulo ko.
“Salamat Rune sa pag-alaga sa pamilyang ito. Salamat sa mga sakripisyo mo para sa amin ng mga kapatid mo. Pasensiya ka na at hindi kita natulungan at ako pa ang naging dahilan ng mga paghihirap at sakripisyo mo.”
Lumayo ako rito at bahagyang tinampal ang balikat nito.
“Si papa nagdadrama. Siyempre pamilya ko kayo. Gagawin ko ang lahat para sa inyo kahit ano pa iyon.”
Nginitian niya ako. “Magandang ehemplo ang pinapakita mo sa mga kapatid mo Rune pero papaalalahanan kita na may buhay ka rin. Dapat ay may sariling buhay ka rin na labas sa mga responsibilidad mo rito. Napapansin ko na wala ka ng panahon sa sarili mo. Hindi ka na lumalabas kasama ang mga kaibigan mo.”
“Busy ako sa inyo at sa pag-aaral ko, pa. Siyempre, matagal ding hindi tayo kompleto rito kaya nami-miss ko.” Sumandal ako sa balikat nito at tumingala sa mga bituin sa langit. “Kulang na lang si mama kasi nauna na siya sa taas.”
Hindi kumibo si papa kaya tiningnan ko ito. Tulad ko ay nakatingin din ito sa kalangitan.
“Alam mo ba ang ginawa ko para mapasagot ko ang mama mo, Rune?” Tumingin ito sa malayo at matamis na ngumiti.
“Dinala mo sa santong paspasan?” biro ko.
Natawa rin ito bago bumalik sa pagkukuwento. “Dinaan ko sa tradisyonal na paraan. Nag-igib ako ng tubig sa kanila. Nagsibak ng kahoy. Nagpasikat para makuha ko ang matamis niyang oo at kalaunan ang palad niya. At iyon ang bagay na hinding-hindi ko makakalimutan.” Nagbuntunghininga ito ulit. “Sayang lamang at ang aga niyang kinuha mula sa atin. May mga bagay pa akong hindi nagagawa para sa mama mo. Kung... kung hindi lang sana nangyari iyon.”
Gumaralgal ang tinig nito kaya hinagod ko ang likod niya.
“Si papa naman, eh. Pinapaiyak niyo ako. Hindi ako pwedeng mamaga ang mata dahil magpupuyat pa ako mamaya para sa thesis ko.”
Ginagap nito ang kamay ko at ngumiti sa akin ang kulubot na mukha nito.
“Hiling at dasal ko na makahanap ka ng lalaking ipagmamalaki ka, anak. Iyong tatanggapin ang lahat-lahat sa iyo. Iyong ibibigay ang kaligayahan ng nag-iisang anak na babae ko.”
Lumabi ako. “May lalaki pa bang ganiyang ngayon, pa? Extinct na ata silang lahat, eh. Natira ang mga balasubas.”
“May darating para sa iyo, Rune. Iyong nakatadhana para sa iyo, anak. Hintayin mo lang at darating siya sa takdang panahon.”
Hindi na ako kumibo at nanahimik na lang habang nakatingin pa rin sa langit. Bigla kong naalala si Romanov. Halata namang hindi siya ang lalake para sa akin. Nakatali na siya sa iba, sa mismong asawa niya.
Sa mga gabing naiisip ko ang mga pinasukan ay sumasagi sa utak ko kung may lalake pa bang seseryoso sa isang tulad ko na kabit at ibinenta ang sarili sa isang bilyonaryo para sa pera. Sa tuwing naiisip ko iyon ay wala rin akong nahihitang sagot. Siguro nga ay hindi ako kagaya ni mama o ng iba pang mga babae sa mundong ito na natatagpuan nila ang mga lalakeng para sa kanina. Matagal ko nang sinukuan ang mga tadhana tadhana na iyan.
“Sige na. Pumasok na tayo at lumalamig na nga. Sumasakit na ang mga kasu-kasuan ko.”
Inalalayan ko ang ama papasok sa bahay at sa silid nito bago ko isinarado ang pinto at bumalik sa terasa. Tumingin uli ako sa langit pero wala na ang mga bituin. Biglang kumulimlim ang panahon.
“Baka ito na nga ang sagot. Baka wala na talaga.” Nagbuga ako ng hangin. “Okay lang din. Baka ang matapat pa sa akin na lalake ay iyong katulad ni Romanov na nagloloko. Karma.”
Mayamaya pa ay dumating si Kendrick mula sa part-time job nito sa car wash station. Naupo ito sa katapat na bangko at inilabas ang dalang barbecue.
“Bakit iyan lang ang kinakain mo? Nagluto ako ng adobo. Ang dami pa sa kawala. Kumain ka ng tama at may pasok ka pa bukas sa klase.”
Nakapikit na sumandal ito sa kawayan na dingding. “Ate, paano natin mababayaran ang mga utang natin para sa naging operation ni papa? Kaya ko pang magdagdag ng isa pang trabaho para mas mapabilis ang pagbabayad natin.”
Napatda ako sa narinig at hindi alam ang isasagot. Paano ko kasi sasabihin sa kaniya na wala na kaming utang? Na sinagot lahat ni Romanov ang bills?
“T-Titingnan ko pa. Hindi ko pa muna kasi nahaharap kasi gusto kong mag-focus muna sa recovery ni papa. Hayaan mo at ako na ang bahala doon. Hahanapan ko ng paraan. Focus ka muna sa pag-aaral at napapansin kong mas bumaba ang grades mo ngayon na quarter. At tungkol sa part-time mo, tama na iyan. Huwag mo nang dagdagan.”
Nagmulat ito ng mga mata sa akin. Umingos ito at naiinis na sinuklay nang padarag ang buhok.
“Ate, kailan ka ba titigil sa kakapasan sa lahat ng mga problema sa bahay na ito? Palagi mo na lang sinosolo ang lahat. Kahit nahihirapan ka ay pilit mong tinatago sa min. Te, pamilya tayo. Andito kami para damayan ka,” frustrated na wika nito.
Napamaang ako sa narinig. Hindi ko alam na ganito na pala ang iniisip niya tungkol sa akin. Tumayo ako para tabihan ito. Binunggo ko ang kaniyang balikat at nginisihan.
“Binata ka na talaga, Ken. Iba na ang mga linyahan mo. Dati ay tagaungot ka lang ng tigpipiso sa akin, eh.”
Tumawa ito at binunggo rin ako. “Corny mo te.” Tumayo ito dala ang pagkain. “Basta sabihin mo sa akin ang total para makahanap din ako ng paraan. Hindi iyong ikaw na lang lahat ang namomoblema.”
“Opo,” pang-aasar ko pa. “Sabihan kita pag natapos na akong magkwenta.”
Rinig ko pa ang tawa nito bago pumasok sa bahay. Tinanaw ko na lang ang kapatid at napangiti. Bumalik ang tinigin ko sa langit.
“Ma, kita mo iyon? Mga big boys na silang dalawa ni Den. Nagawa ko rin, ma. Maayos ko silang natulungan sa paglaki kaso... parang ako naman ang napariwara, ma.”
LUNES ng umaga ay kailangan kong magpunta ng personal sa bagong university para asikasuhin ang ilang mga course subjects na papasukan ko. Hindi na ako nag-text kay Angel at nagkusa na akong gawin. Wala pa ring paramdam si Romanov kaya kaysa walang gawin at tumunganga sa bahay ay nagpasya akong ako na ang mag-process.
Napakalaki ng grounds ng St. Scholastica’s University. Ang tatayog din ng mga buildings at offices na natatanaw ko mula sa taxi na nakatigil sa harap ng malaking gate. Base pa lang sa mga magagarang kotse na nasa labas at naghihintay ay masasabi ko nang bigatin nga talaga ang paaralan na ito.
Bumaba na ako sa taxi at pumasok sa vicinity. Walang prescribed uniform angs school kaya naka-civilian ang outfit ang lahat. Animo ay nagpapatalbugan pa ang mga estudyante sa mga suot. Walang sinabi ang suot kong simpleng t-shirt, jeans, at sneakers. Nag-alangan kasi akong suotin ang mga pinamili sa akin na damit ni Romanov dahil hindi naman ako sanay na suotin iyon sa mga sariling lakad ko.
Nagpunta na ako sa registrar’s office at inasikaso ang mga dapat na asikasuhin. Gusto ko pa sanang mag-explore sa loob ng school pero naalala ko na maaga palang uuwi si Den kaya kailangan kong agahan ang pagluluto ng hapunan. Pagliko ko sa kanan para lumabas na ng building ay may nabunggo akong isang malaking bagay. Mabuti na lang at nahawakan niya ako sa braso kaya hindi ako natumba.
“I’m sorry, miss. I am in a hurry and I wasn’t looking. I am deeply sorry again,” hinging paumanhin ng isang lalaking boses bago ako bitawan.
Nag-angat ako ng tingin sa isang pares ng mga singkit na mata. Napakaputi nito. Halatang may halong banyaga. Pupusta akong Chinese ito.
“Naku, okay lang. Hindi rin kasi ako tumitingin sa dinadaanan ko kaya hindi kita agad na napansin. Pasensiya na rin.” Nginitian ko ito saka tumalikod na pero hinabol niya ako.
“Wait, I still feel bad. Let me make it up to you next time. What college are you from? I’m from the college of tech. My name’s Lyon.”
Inilahad nito ang palad sa akin na malugod na tinanggap ko.
“Rune. College of education. And no need na mag-make-up make up sa akin. Wala iyon sa akin.”
Mahigpit niyang hinawakan ang kamay ko.
“I’ll still look for you at your college.”
Umiling ako. “Naku, hindi mo rin ako makikita. Online ang classes na pinili ko. Sige, Lyon. Alis ka na at mukhang nagmamadali ka. Una na rin ako. Nice meeting you.”
Nginitian ko uli siya bago tuluyan nang umalis. Kakalabas ko lang sa gate nang tumunog ang cellphone ko. Kumunot ang noo ko nang isang unregistered na naman na number ang lumabas. Iba sa number na ginagamit ni Romanov para kontakin ako.
“Hello?”
“Where are you?” bungad ng lalaking kanina ko pa iniisip.
“Sa university. Nag-process kasi ako ng mga kulang na subjects ko. Magkikita ba tayo ngayon?”
“I specifically told Angel that she’ll handle all the things regarding your studies.”
“Oo, alam ko iyon pero kasi wala naman akong ginagawa. Free ako today kaya nagkusa na ako. Bakit, bawal ba?”
“For Pete’s sake Rune, why are you so slow? Go home now and don’t do things without my permission.”
Iyon lang at pinatayan niya ako ng tawag. Napapantastikuhang tinitigan ko ang cellphone. Ano ba ang meron dun? Bakit pati dito ay bawal ako eh dito ako mag-aaral, eh. Siguro naman alam niyang alumni dito ang asawa nito pero bakit dito niya pa rin ako naisipang ilipat?
“Ewan ko sa iyo, Romanov. Para kang babaeng naglilihi. Hindi kita maintindihan. Galit-galit sa akin tapos siya naman ang pumili sa paaralan ko. Parang tanga.”
Pag-uwi sa bahay ay nalilito pa rin ako kaya nagbasa ako ng mga news articles pagkatapos magluto.
Wala akong masyadong nakita na mag-uugnay sa iritasyon nito kanina sa pagpunta ko maliban na lang sa katotohanan na director ang asawa niy doon.
“Pero malabo namang mabisto niya kami. Kaya nga online class kinuha niya para sa akin."
Nag-research pa ako pero wala talaga akong makita kaya hininto ko na rin.
"Bakit ko pa ba kasi ito ginagawa? Ano ngayon kung malaman ko kung bakit? Ano naman ang gagawin ko sa impormasyon?"
Kaya ang ginawa ko ay nag-advanced reading na lang sa mga given readings.Naisip kong mas may mapapala pa ako rito kaysa ang mang-stalk ng mga bagay tungkol sa mag-asawa.
Umilaw ang cellphone sa tabi ko. Dinampot ko ito at binasa.
"Let's meet. Different place. I'll send you the details tomorrow. Two days."
Two days?! Anong gagawin namin sa loob ng dalawang araw?