Michaela's Point of View*
Hindi ko maintindihan ang nangyayari sa katawan ko. Para akong lalagnatin, nanginginig at pinagpapawisan kahit malamig ang hangin sa loob ng kwarto. Ramdam ko ang bigat ng bawat galaw, at ang sakit na kumakalat mula ulo hanggang paa na para bang pinipiga ang buong katawan ko. Kahit pilitin kong bumangon, umiikot ang paningin ko na tila ba nilalamon ako ng dilim sa bawat segundo.
Napapikit ako at pilit na hininga ang hangin, ngunit kahit ang simpleng paghinga ay tila isang mabigat na gawain.
Maya-maya pa ay may kumatok sa pintuan ng kwarto ko.
"Anak, kanina pa kita hinihintay sa baba para kumain."
Boses iyon ni papa, puno ng pag-aalala at lambing na kailanman ay hindi nagbago.
"Pa, sandali lang..." mahina kong sagot, halos pabulong dahil sa panghihina.
Hindi pa ako nakakapaghanda ng sarili nang biglang bumukas ang pintuan. Mula sa madilim kong kwarto ay biglang pumasok ang liwanag mula sa labas, dahilan para mapapikit ako at masilaw. Pakiramdam ko ay para akong isang nilalang na matagal na nawala sa liwanag.
"Anak, anong nangyari sa 'yo?"
Binuksan ni papa ang ilaw, at mas lalong luminaw ang paligid. Ngunit kasabay noon ay ang pagkirot ng ulo ko, dahilan para mapangiwi ako habang hinihingal.
"Pa, masama po ang pakiramdam ko po."
Lumapit siya agad sa akin at inilapat ang kanyang palad sa noo ko. Ramdam ko ang init ng kanyang kamay at ang lamig ng kanyang pag-aalala. Dahan-dahan kong minulat ang mga mata ko at nakita ko ang biglang paglaki ng kanyang mga mata, halatang nag-aalala at tila ba napapanik.
"Anak, may lagnat ka. Jusko, teka lang. Kukuha ako ng basahan at maligamgam na tubig at gamot na rin."
Agad siyang tumalikod, halos matisod sa pagmamadali. Sa kabila ng sakit ko ay napangiti ako ng bahagya.
"Papa, dahan-dahan lang."
"Ayos lang ako, naknak. Higa ka lang d'yan."
Dahan-dahan akong napatango at muling ipinikit ang mga mata ko. Sa kabila ng lahat, ramdam ko ang init ng pagmamahal niya. Ganyan ko kamahal ang papa ko, at alam kong ganoon din siya sa akin. Siya na lang ang meron ako, at ako rin ang mundo niya.
Lahat ng hirap, lahat ng pagod, tiniis niya para lang mabigyan ako ng magandang buhay. Kahit anong trabaho ay pinasok niya, kahit gaano kahirap, basta't makapag-aral lang ako nang maayos.
He's the best dad I have.
Ngunit habang nakahiga ako, unti-unting bumalik sa isipan ko ang mga pangyayari kagabi. Parang malabong panaginip na pilit kong hinahabol, ngunit laging nawawala sa tuwing akala ko ay mahahawakan ko na.
Hindi ko maalala ang mukha ng lalaking iyon.
Ang natatandaan ko lang ay ang mga kamay niyang humawak sa akin, ang presensya niyang tila ligtas kahit sa gitna ng panganib. Siya ang nagligtas sa akin mula sa mga kaklase ko na muntik nang gumawa ng hindi maganda sa akin.
Ngunit hindi ko maintindihan kung paano nauwi sa ganoon ang lahat.
Hindi ako makapaniwala na nabigay ko ang sarili ko sa isang lalaking hindi ko man lang kilala.
At higit sa lahat...
Totoo bang nakasal kami kagabi?
Napakunot ang noo ko kahit masakit ang ulo ko. Imposible naman iyon. Hindi ganoon kadali ang kasal. Kailangan ng papeles, pirmahan, at seremonya.
Hindi pwedeng isang gabi lang, tapos kasal na agad.
Ngunit biglang may umalingawngaw sa isipan ko.
"I do."
Napadilat ako. Malinaw. Sobrang linaw ng boses na iyon, na para bang naririnig ko siya mismo sa tabi ko.
"You may now kiss your bride, Mr. More—"
"Oh my gosh!"
Napaupo ako bigla kahit nahihilo, at napahawak sa ulo ko. Para akong sinuntok ng katotohanan na ayaw kong tanggapin.
Malinaw pa sa alaala ko ang boses niya. Ang tono, ang lalim, ang bigat ng bawat salita.
Ngunit pagdating sa apelyedo...
Wala. Blangko.
Para bang may pumutol sa alaala ko.
Nakasal nga ba talaga ako sa lalaking iyon?
At kung oo... sino siya?
Napakagat ako sa labi ko, pilit na pinapakalma ang sarili ko.
Hindi. Hindi ito pwedeng totoo.
Siguro lasing lang ako kagabi. Siguro panaginip lang lahat ng iyon.
Oo, panaginip lang.
Kailangan kong paniwalaan iyon.
Sana hindi niya ako maalala.
Sana ako lang ang nakakaramdam ng ganitong kaguluhan.
Baka kasal-kasalan lang iyon. Walang papel. Walang pirma. Walang bisa.
Kaya wag kang magpapanik, Mika.
Habang kinakausap ko ang sarili ko ay biglang bumukas muli ang pinto.
"Anak, ito na ang maligamgam na tubig."
Napatayo ako nang bahagya dahil sa gulat, at hindi ko napigilan ang sarili ko.
"Ay asawa!"
Natigilan si papa. Parang tumigil ang mundo sa pagitan naming dalawa.
Sa sobrang gulat niya ay nahulog ang hawak niyang planggana, at kumalat ang tubig sa sahig.
"Naknak, a-anong asawa?"
Nanlaki ang mga mata ko. Ramdam ko ang kaba na gumapang sa dibdib ko. Mabilis akong napailing at pinilit kong ngumiti kahit pilit.
"Papa naman eh. Nanaginip lang ako na may asawa kang bago."
Napabuntong-hininga siya nang malalim, at agad na napahawak sa dibdib niya.
"Anak naman. Pinakaba mo naman si papa eh. Alam mo naman na wala na sa isipan ko ang bagay na yan. Ang importante ay ikaw. Gusto ko lang na makatapos ka ng pag-aaral mo."
Naramdaman ko ang kirot sa puso ko. Hindi dahil sa sakit ng katawan, kundi dahil sa pagmamahal niya.
Ako lang ang iniisip niya.
Ako lang ang mundo niya.
At heto ako, may tinatago.
"Thank you, papa."
Ngumiti siya ng marahan, puno ng lambing.
"No problem, anak. Mukhang kailangan ko ulit magkuha ng tubig."
Tumalikod siya at muling lumabas ng kwarto. Naiwan akong mag-isa, kasama ang katahimikan at ang magulong isipan ko.
Dahan-dahan akong napakagat sa labi ko.
Kailangan kong kalimutan ang lahat ng nangyari kagabi.
Kailangan kong ibaon iyon sa limot.
Dahil kung hindi...
Hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa akin.
Isang panaginip lamang ang lahat ng iyon.
Kailangan kong paniwalaan iyon.
Kahit na sa kaibuturan ng puso ko...
May nagsasabing hindi iyon panaginip.
*****
LMCD22