Nang makaalis naman ay kaagad na napabuntong hininga ang lalaking may-ari ng gusali. "Isa ito sa dahilan kung bakit wala nang kabuhay buhay ang mga tao sa bayan na ito," sambit ng lalaki at malungkot na tumingin sa labas. "Hindi na nga kami kumikita ay masyado pang mataas ang buwis na binibigay sa amin. Hindi lamang pagkain namin ang kailangan namin isipin kundi pati ang pangbayad namin sa buwis," dagdag pa niya. "Paano naman kung hindi kayo makabayad ng buwis?" tanong ni Lin Xui Ying at napayukom na lamang ang kaniyang kamao. Bilang isang Prinsipe ng imperyo ay alam niya kung ano ang mga dapat at hindi dapat gawin ng isang Royalty. Alam niya kung ano ang mga hinanaing ng mga taong bayan at dahil din sa nasa kampo siya, alam din niya ang paghihirap ng mga tao na nasa harapan ng digmaan.