“MOMMY, kailan po kayo ikakasal ni Tito SJ? Para po magkaroon na rin kami ng daddy.” Awtomatikong pinamulahan ng mukha si Micah nang marinig niya ang direktahang tanong na iyon ni Xia habang kaharap pa man din nila ang nobyo. Nasa bakuran sila ng kanilang mansiyon at katatapos lang nilang kumain ng meryenda na si Samuel Junior mismo ang naghanda. Dalawang araw na rin simula nang makabalik sila galing sa farm. “Oo nga po, Tito SJ. Kailan n’yo po papakasalan ang mommy namin?” segunda naman ni Xandra kaya lalong namula ang dalaga. Lalo na nang magkatinginan sila ni Samuel Junior at nahuli niya itong nakatitig sa kaniya. Kinindatan siya nito at kunwari namang inirapan niya. “’Di ba tutulungan n’yo po ang lolo at lola n’yo sa paghahanda ng mga gamit na ido-donate natin sa charity?” sa hali