“BABE!” Kumabog ang dibdib ni Micah nang marinig niya ang pamilyar na boses na iyon ng kaniyang nobyo. Ang totoo niyan, kanina pa naman talaga niya alam na nasa likuran lang niya ito dahil narinig niya na tinawag ito ng mga bata kanina at sinugod pa nga ng yakap. Ngunit nahihiya lang siyang lumingon at muling makita ang nobyo. It’s been two months simula nang magkahiwalay sila at natuklasan niya ang buong katotohanan sa tunay na kaugnayan ni Samuel Junior sa mga pamangkin niya. Akala niya noong una ay mahihirapan siyang tanggapin ang katotohanang iyon pagkatapos niyang gumawa ng mga dagdag imbestigasyon para malaman kung totoo nga ba ang resultang ibinigay sa kanila ni Mr. Baldomar. Hanggang sa ang mismong private investigator mismo ang hindi nakatiis at umamin ng buong katotohanan.