CHAPTER 2 - TELESERYE AT PELIKULA

1672 Words
"Ah, Miss." "Yes?" Nakangiting sagot sa akin nung HR staff na nag-aasikaso ng temporary company ID ko dito sa Verizon. Nakaupo ako sa harapan ng mesa niya. "Ang aga pala pumapasok ni Mr. Brandon Hizon? Siya naman ang CEO dito di ba? Pwede namang mamaya pa siya pumasok." Habang sinasabi ko iyon ay unti-unting nawawala ang ngiti sa labi ng kausap ko. "Miss…" nagbawi siya ng tingin sa akin, tapos ay tiningnan niya ang signed application form ko, tapos ay muling tumingin sa akin, "Miss Alejandro. May I remind you, hindi ka nandito para obserbahan si Sir Brandon. Nag-apply ka dito para maging trainee," seryosong sabi niya sa mahinang boses. Bigla akong kinabahan. "Ahm… sorry… hindi naman sa ganun, Miss. Nakasabay ko lang naman siya sa elevator paakyat dito. Nagtaka lang naman ako na parang regular na empleyado din siya kung pumasok. Eh, pwede namang mamaya pa siya dahil CEO nga siya. Humanga lang naman ako sa kanya. Sorry na. Walang masamamg intensiyon, Miss. Promise…" sabi ko sa HR staff na mukhang nasa late 20s lang. Mataman niyan akong tiningnan. Panay-panay ang dasal ko sa sarili ko na sana hindi nila kanselin ang OJT ko sa kanila. Bukod sa panibagong paghahanap at pag-apply na naman, mawawalan na ako ng pag-asa na makita ang ultimate crush ko. "Sorry na, please…" pagmamakaawa ko sa kanya. Bumuntong-hininga lang siya tapos ay muling nagsulat, habang umiiling. Pigil ko ang hininga ko sa mga susunod na mangyayari. Sinilip ko rin ang isinusulat niya sa application form ko. Baka mamaya ay ginagawan na niya ako ng report sa mismong papel ko. Hindi na niya ako kinibo. Tumayo siya, tapos ay nagpunta sa gawing likuran ng opisina nila, tangay-tangay ang application form at school ID ko. Muli na naman akong kinabahan. Hindi kaya isusumbong niya ako sa Manager nila? Or worst, baka mismong kay Brandon Hizon! Oh, no! Kung bakit naman kasi hindi ko mapigilan itong linsyak na bibig na 'to kapag si love Brandon ko ang involve. Malamig ang buga ng aircon dito sa opisina, pero bigla akong nainitan. Bawat segundong nagdadaan na hindi pa bumabalik iyong kausap kong HR staff ay lalong nadadagdagan ang tensyon na nararamdaman ko. Hanggang sa nakita kong pabalik na siya sa puwesto ko. Pinakiramdaman ko siya. Mukha namang kaswal lang ang kilos niya. Muli siyang naupo sa upuan niya, habang may hawak na papel. Hindi ko tiyak kung iyon pa rin ang application form ko. Hindi niya pa rin ako kinakausap, at patuloy lang siya sa kanyang ginagawa. Kaya hindi pa rin maalis sa akin ang mag-isip. Inilagay na niya sa isang folder ang hawak niyang papel, tapos ay may inalapag siya sa harapan ko. Ang temporary company ID ko! Muntik pa akong mapasigaw sa tuwa nang makita ko na ID ko iyon. "Miss Alejandro, welcome to Verizon family," seryosong sabi niya sa akin, "at sana, maging mabait ka rito during your OJT. Always follow the rules. Tomorrow, you will attend the orientation for the company rules. Hihintayin lang nating makumpleto kayong lahat na mga OJT." Malapad akong ngumti sa kanya. Hindi ko maitago ang sayang nararamdaman ko. May chance pa rin akong makita ang ultimate crush ko! "Yes, Miss. Thank you." "Sa Marketing ka maa-assign," pahabol pa ng kausap ko. Marketing? Pag-uulit ko nun sa isip ko. "Ah, Miss… ano'ng floor ang Marketing?" Gusto ko sana, malapit sa opisina ni Brandon ang magiging assigned area ko. "Marketing Department is on the third floor." Parang bigla akong nalungkot. Ang layo ko naman sa 6th floor. "T-Thank you." Hindi ko alam kung nahalata ng kausap ko ang biglang paglungkot ng boses ko. LUNCH BREAK. Kasalukuyan kaming nakapila ni Leslie sa cafeteria ng Verizon Communications para sa tanghalian namin. "Mabuti na lang, Stella at may free meal tayo dito," bulong ni Leslie na nasa likuran ko, "ang mahal pala ng mga ulam dito." "Oo nga. Mabuti na lang at okay talaga dito sa Verizon, may allowance pa tayo. At mabuti na lang at pinilit ako ni Nanay na magbaon kanina kahit sandwich lang. At least may mamemeryenda ako mamaya. Bibili na lang ako ng kape para solved na." "Magbabaon na nga rin ako bukas." Pagkakuha namin ng pagkain, naghanap na kami ng mauupuan ni Leslie. Puno ang cafeteria dahil halos llahat ng empleyado ng Verizon ay nandito ngayon at nagtatanghalian na. Mabuti na lang at may nabakante agad para sa dalawang tao. Habang kumakain kami, hindi ko mapigilan ang sarili ko na tumingin sa direksiyon ng pintuan sa tuwing may papasok doon. "Huy! Kumain ka nga nang kumain. Sino bang inaabangan mong pumasok at kanina ka pa lingon nang lingon sa pinto?" Umiling ako. "W-Wala. Napapatingin lang ako. Di ko mapigilan, eh." "Sus! If I know, inaabangan mo 'yung crush mo. Asa ka pa. Iyong mga ganung tao, hindi 'yun kumakain sa cafeteria. May sariling food 'yun o kaya kakain sa labas. Sa mga sosyal na resto." "Huy! Baka may makarinig sa 'yo," sita ko sa kanya, at saka ako tumingin sa katabi naming mesa. Mukhang busy naman sa pinag-uusapan nila ang mga nasa kabilang mesa. "Wala naman akong sinabing pangalan. Malay ba nila kung sino 'yun." "Kahit na. Nakakahiya…" "Nakakahiya? Eh, 'yung kuwarto mo nga sa bahay, puro picture niya ang nandun." "Hindi naman nila alam 'yun. Kaya tumahimik ka na lang diyan." Ibinaba ni Leslie ang hawak niyang kutsara at tinidor sa magkabilang kamay. Pinagdikit niya ang mga labi niya , at saka umaktona kunwari ay izini-zipper niya ang bibig niya. MATAMLAY ako nang makarating sa bahay. Hindi ko na kasi nakita ulit si Brandon after ng lunch break. Sinuwerte nga akong mautusan ng supervisor namin ni Leslie na magdala ng for signature ni Brandon na mga papeles, pero para namang nananadya ang tadhana. Pagdating ko sa secretary niya, nakauwi na raw si Brandon. Ang sad di ba? Sabi ko na nga ba, dapat nag-request na lang ako sa HR kung pwede bang magpalipat na lang ako ng ibang department. Kahit saan, basta malapit sa opisina ni Brandon. Patamad akong naupo sa sofa. As if naman, pagbibigyan ako ng HR. Haler? "Oh? Stella. Nandiyan ka na pala? Magbihis ka na at kakain na tayo." Patamad akong umahon mula sa pagkakasalampak ko sa sofa at saka lumapit kay Nanay para magmano. Napansin sigurl ni Nanay ang panlalata ko, kaya nagtanong siya. "May masakit ba sa 'yo?" "Wala lang 'to, 'Nay. Hindi ko kasi nabistahan nang matagal iyong utimate crush kong si Brandon, kaya wala ako sa mood," Tumalikod na ako kay Nanay para pumasok sa kuwarto ko nang bigla kong maramdaman ang pagpalo niya sa puwitan ko. "Ay, 'Nay! Bakit ba?" "Ikaw, bata ka… ipapaalala ko lang sa 'yo. Kaya ka nandoon para sa requirement mo school. Hindi para bantayan iyong Brandon na 'yun." "Opo, 'Nay… inspirasyon ko lang naman si Brandon. Nakapalo ka naman agad," "Mabuti na 'yung nagkakaintindihan. Isang taon na lang at ga-graduate ka na." Niyakap ko si Nanay. "Opo, 'Nay. Hindi ko naman nakakalimutan 'yun. Gusto ko na rin namang makatapos para matulungan kayo ni Tatay." Humiwalay ako ng yakap kay Nanay, at saka ako ngumiti sa kanya. "Don't worry, 'Nay! Isang taon na lang ang paghihirap n'yo ni Tatay sa akin, tapos ako nang bahala sa pag-aaral ng mga kapatid ko. Kahit ligawan pa ako ni Brandon, hindi ko siya sasagutin. Uunahin ko muna ang mga kapatid ko." Nagsalubong ang mga kilay ni Nanay, habang matamang nakatingin sa akin. "Bakit ganyan ka makatingin, 'Nay?" "Magbihis ka na. Gutom lang 'yan. Ilusyunadang 'to… akala mo naman papansinin siya nung lalaking 'yun." Bahagya akong natawa kay Nanay. 'Nay naman… walang bilib sa ganda ng panganay niya!" "Maganda ka. Alam ko 'yun! Aba… sa akin ka yata nagmana, kaya sigurado akong maganda ka. Pero ang ganung mayayaman, hindi papatol sa mga tulad nating nasa laylayan. Mag-aasawa rin lang iyong Brandon mo, kukuha na iyon ng babaeng ka-level niya." "'Nay… malay mo naman? Baka makuha ng charm ko," pumikit-pikit pa ako na tila nagbi-beautiful eyes. "Naku! Bata ka! Kapag tungkol kay Brandon, ayaw mong magpatalo! Magpalit ka na ng damit dun!" Bahagya pa niya akong itinulak papunta sa direksyon ng kuwarto ko. GABI na pero hindi pa rin ako makatulog. Paulit-ulit kong naaalala iyong eksena namin ni Brandon kanina sa elevator. Kung iisipin, parang eksena lang sa teleserye o sa pelikula iyong nangyari sa amin kanina. Nag-umpisa sa elevator ang pagkikita ng dalawang strangers. Tapos since nasa iisang opisina sila, muling magku-krus ang mga landas nila. That's the time na magpapakilala o makikipagkilala na si guy. Tapos, magkakayayaan. Sa mall, o kaya sa coffee shop. Friendly date lang muna. Then, habang tumatagal, magsasabi na si guy kung pwede ba niyang ligawan si girl. Papayag naman si girl. Tapos, date-date… hanggang maging sila na! Napangiti ako sa naisip kong takbo ng istorya. Nang bigla ring maglaho ang ngiti na iyon. Malabo naman kasing mangyari sa amin ni Brandon 'yun. Sabi nga ni Nanay, mabuti kung mapansin nun ang isang normal na babaeng tulad ko. Pero teka, nangyayari rin naman sa mga teleserye at pelikula ang ganun. Mahirap si girl, mayaman si boy. Tapos magkakagustuhan sila. Tama! Pwede… Kaso… Nagbaling ako ng higa, humarap ako sa dingding kung saan may mga nakadikit akong mga poster ni Brandon na binili ko at iyong iba ay kinuha ko sa mga cernterfold ng mga magasin. Isa-isa kong tiningnan ang mga iyon, tinitigan ang guwapong mukha ni Brandon. Iyon nga lang, hindi naman kasi teleserye o pelikula ang buhay ko. Totoo ito. Kaya hindi ko dapat itulad sa mga teleserye at pelikula ang nararamdaman kong paghanga kay Brandon Hizon. Tama na iyong magkasya na lang ako sa pagtingin-tingin sa kanya mula sa malayo. Sa ngayon, tututukan ko na lang ang pag-aaral ko para mapag-aral ko ang mga kapatid ko, katulad ng pangako ko sa mga magulang ko. Itinaas ko ang isang kamay ko, at saka inabot ang isang poster ni Brandon. Hinaplos ko ang pisngi niya na parang hinahaplos ko talaga nang personal ang pisngi niya. Bahagya akong ngumiti. “Good night, love… see you tomorrow.” ~CJ1016
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD