CHAPTER 12 - STICKY NOTE

1585 Words
“Ayyyy!” Nanlaki ang mga mata ko. Hindi ko alam kung ano ang nangyari. Basta ang alam ko ay posibleng bumagsak ako ngayon sa sahig. Isa lang ang alam kong paraan para hindi matuloy ang pagbagsak ko. At alam ko rin, na ang paraan na iyon ay pagmumulan na naman ng hindi magandang reaksyon mula sa kaharap kong CEO. Wala na akong choice kung hindi ang lakas-loob at buong puwersa na kapitan si Brandon para hindi ko mahalikan ang malamig na sementong inaapakan namin ngayon ni Brandon. Pero alam kong pagmumulan na naman ito ng engkuwentro namin. Pero sa mga sandaling ito, wala na akong panahong makapag-isip kung itutuloy ko pa ang binabalak ko o hindi. Napapikit na lang ako. Inasahan ko na ang sakit ng katawan na mararamdaman ko. “D*mn!” narinig ko na lang ang mahinang sabi ni Brandon. Hanggang sa tuluyan na nga akong bumagsak. Nakapikit ang mga mata ko, pero alam na alam ko na hindi ako sa semento humalik. Tila tela ang pinagsubsuban ko. Door mat? Hindi! Masyadong mabango ito para ikumpara sa isang door mat. Iyong bango na napakabini sa ilong. Iyong tipo bang parang ayaw mo nang mahiwalay. Malalim pa akong huminga para singhutin pa ang bangong naaamoy ko. Nang bigla kong narinig ang malakas na pagtikhim ni Brandon. Para akong biglang nagising mula sa isang panaginip dahil doon. Parang nahuhulaan ko na kung ano itong telang kinasubsubdan ko. Bigla tuloy akong kinabahan. Sh*t, Stella! Ano na naman itong kapahamakang ginawa mo? Binuksan ko muna iyong isa kong mata. May nakita akong kulay puti. Puting tela! At nang mabungaran ko kanina si Brandon dito sa labas ng opisina niya ay nakasuot siya ng puting long sleeves. Kailangan ko pa bang i-memorize ‘yan? Siguradong-sigurado ako. One hundred and one percent. Ang mukha ko ngayon ay nakasubsob sa pagitan ng mga dibdib ni Brandon. I mean sa tapat ng dibdib ng suot niyang long sleeves na polo. Kahit sinasabi ng isip ko na umalis na ako ngayon, para namang kumokontra ang katawan ko. Lalo na nang may maramdaman akong mainit sa magkabilang bahagi ng bewang ko. Saka ko lang na-realize na mga palad pala ni Brandon ang mainit na iyon, na kasalukuyang hawak-hawak ako. Habang ang mga kamay ko naman ay nakalapat sa mga dibdib ni Brandon. Tila nakalutang pa ako sa cloud 9 nang marinig ko ang baritono at seryosong boses ni Brandon. “Be sure na hindi mo nalagyan ng marka ng lipstick mo ang polo ko, or else…” Nanigas ako sa narinig kong pagbabanta niya. Saka lang ako parang nahimasmasan. Binuksan ko na rin ang isa ko pang mata, at kahit nagkakanda-duling na ako ay pilit kong sinipat kung may marka nga ba sa polo niya. Hindi ko pa tapos sipatin ang tela ng polo niya nang bigla akong hinatak palayo ni Brandon sa katawan niya. Agad ay parang hinanap ng katawan ko ang init ng katawan ni Brandon. Nagbuga muna ako ng hangin, bago ako kumatok sa pintiuan ng kuwarto ni Brandon. Mula sa pantry papunta dito sa kuwarto niya ay kinakabahan na ako. Ano kaya ang magiging reaksyon niya kapag nakita niyang ako ang may dala ng kape niya? Tatanggapin kaya niya ang kapeng tinimpla ko? Isa pa ‘yun. Baka kapag nalaman niyang ako ang nagtimpla ng kape niya, hindi niya inumin. Binuksan ko na ang pintuan. Dahan-dahan kong sinilip ang loob kung nasaan si Brandon, at kung ano ba ang ginagawa niya. Nakita ko siyang nasa upuan niya at nakatutok ang ballpen niya sa papel sa harapan niya. Binabasa muna siguro niya bago niya pirmahan. Nang tuluyan na akong pumasok, nagsalita si Brandon nang hindi nag-aangat ng tingin. “Cathy, paki-check ang sched ko today.” Napahinto ako sa paglalakad. Ang akala ni Brandon ay si Ms. Cathy ang pumasok ngayon dito sa loob ng opisina. Siguro dahil si Ms. Cathy ang alam niyang magtitimpla ng kape niya dahil si Ms. Cathy ang nagtanong sa kanya kanina. Nagpatuloy lang ako sa paglakad papunta sa direksyon niya, habang maingat na nakaalalay sa tasa ng kape naa hawak ko. “Pa-double check kung wala talaga akong scheduled appointments. Ang natatandaan ko kasi, wala naman. Pero–” Bigla siyang nag-angat ng tingin, at bahagyang nagulat nang makita niya ako, sa halip na si Ms. Cathy ang may dala ng kape niya. Pinilit kong ngumiti kay Brandon. Pero ang supladong CEO, binalewala ako at muling ibinalik ang atensyon niya sa papel na nasa harap niya, at saka nagsimula nang pumirma doon. Pinilit kong binalewala ang reaksyon niya. Talagang ganun. Ako ang nanunuyo, kaya kailangan kong habaan ang pasensiya ko. Nakangiti pa rin na inilapag ko ang tasa ng kape sa ibabaw ng mesa niya. “Ito na po ang coffee n’yo, Sir,” anunisyo ko sa kanya habang nakapaskil pa rin an ngiti sa labi. Tumigil siya sa ginagawa at saka tinapunan ng tingin iyong tasa ng kape na inilapag ko sa mesa niya kaya alam kong nakita na niya iyong inilagay ko sa tasa niiya. Tapos ay seryoso niya akong sinulyapan ng tingin. Sinuklian ko na lang iyon ng ngiti, habang si Brandon ay nagpatuloy na sa kanyang ginagawa at hindi na uli ako tinapunan ng tingin hanggang sa makalabas ako ng kuwarto niya. Pagkalabas ko ng kuwarto niya, huminto muna ako sa labas ng pintuan at saka nagbuga ng hangin. Pakiramdam ko ay punong-puno ng hangin ang dibdib ko kaya kailangan kong makapaglabas ng hangin. Sunod-sunod ang ginawa kong pagbuga ng hangin. “Huy!” Lumingon ako sa puwesto ni Ms. Cathy. Nakita kong nagtataka siyang nakatingin sa akin. “Ano’ng nangyayari sa iyo diyan?” tanong niya. “Huh?” Napahinto ang mga kamay ko sa pagpaypay ng mukha ko. Pagkatapos ay sunod-sunod ang ginawa kong pag-iling. “Wa-Wala. Wala, Ms. Cathy. Wala lang ‘to,” pagkatapos ay pinilit kong ngumiti sa kanya. Nagulat na lang ako nang tumayo siya mula sa upuan niya at saka mabilis na naglakad papunta sa kinatatayuan ko. Hinila niya ako palayo doon, papunta sa puwesto ng mesa niya. Hinila niya ang isang upuan at saka ako pinaupo doon. Pagkatapos ay naupo na siya sa upuan niya. Magkaharap kami ngayon sa isa't isa. “May ginawa ba sa iyo si boss sa loob?’ nag-aalalang tanong ni Ms. Cathy. “Ay naku wala, Ms. Cathy!” sagot ko habang panay ang iling ko at muwestra ng kamay ko. Mataman akong tiningnan ni Ms. Cathy, na para bang tinitignan kung nagsasabi ba ako ng totoo. “Promise, Ms. Cathy… wala talaga…” dagdag ko pa para maniwala siya. Itinaas ko pa ang kanang kamay ko na tila nanunumpa. Nakita ko siyang bumuntong-hininga na tila ba nabunutan siya ng tinik sa dibdib niya. “Eh, ano ‘yung drama mo dun?” patagilid pa niyang ininguso iyong lugar ng kinatatayuan ko kanina kung saan ako nagpapaypay ng mukha ko gamit ang mga kamay ko. “Ah, wala lang Ms. Cathy. Wala lang ‘yun. Nakaka-tense kasi kanina sa loob. Saka, hindi ko alam kung tama ba iyong ginawa ko. Kung matutuwa ba siya o lalo lang ikakagalit ni Bra– ni Sir Brandon.” Nalukot ang mga kilay ni Ms. Cathy. “Bakit? Ano ba'ng ginawa mo? Kape lang ang inutos ko sa iyo, ah!’?” “Oo nga, Ms, Cathy. Nagtimpla ako ng kape ni Sir Brandon. Kaya lang…” “Kaya lang ano?” kunot-noong tanong niya. “Dinikitan ko kasi ng sticky note iyong mug niya?” Napalunok ako. Hindi ko naisip na pwedeng pati si Ms. Cathy ay magaIit sa ginawa ko. “Sticky note?” “Yes, Ms. Cathy.” “Tapos? Ano? Sinulatan mo? Nilagyan mo ng note?” “Yes, Ms. Cathy.” Tumuwid ng upo si Ms. Cathy, tila ba inihahanda na niya ang sarili niya sa sasabihin ko. “Ano naman ang nilagay mo?” pumikit siya at saka tinapik ang noo niya, “hindi ba ako mapapahamak diyan, Stella?” Nag-angat siya ng tingin sa akin, nagtatanong ang mga mata. “Eh, Ms. Cathy… nag-sorry lang naman ako…” Tumango-tango si Ms. Cathy, “okay…” “Tapos nilagyan ko ng personal message ko.” Namilog ang mga mata ni Ms. Cathy. “Personal message?” “Uh-huh,” tumango ako, “nilagay ko dun, ano… Sir, I’m sorry. I know you’re still upset, but don’t forget to smile always.” Kumurap-kurap ang mga mata ni Ms. Cathy habang nakatingin sa mukha ko, tila pinoproseso sa isip niya iyong impact ng sinabi ko. Buti nga hindi ko pa nilagyan ng I like you to the moon and back iyong note ko. Nang hindi pa rin kumibo si Ms. Cathy, inunahan ko na siya. “Eh, kasi naman, Ms. Cathy… ang guwapo nga ni Sir Brandon, kaso hindi naman ngumingiti. Mula nung dumating ako dito sa Verizon at nakakasalubong ko siya, hindi ko pa siya nakitang ngumiti kaya.” Bahagyang tumaas ang isang kilay ni Ms. Cathy. “Stella naman… eh, ako nga years na ako dito, hindi ko pa nakitang ngumiti ‘yang si boss. Tapos ikaw, days pa lang dito, may pagrereklamo na?” Bahagya akong natawa sa comparison niya. “Sayang kasi kaguwapuhan niya, Ms. Cathy. Well, hindi naman nakabusangot ang mukha niya. Pero napaka-seryoso.” “Stella.” “Yes, Ms. Cathy?” “Magtapat ka nga.” Ako naman ang napatuwid ng upo. Bahagya akong kinabahan sa itatanong ni Ms. Cathy sa akin. “May crush ka ba kay boss?” ~CJ1016
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD