“Ayyyy!”
Nanlaki ang mga mata ko. Hindi ko alam kung ano ang nangyari. Basta ang alam ko ay posibleng bumagsak ako ngayon sa sahig.
Isa lang ang alam kong paraan para hindi matuloy ang pagbagsak ko. At alam ko rin, na ang paraan na iyon ay pagmumulan na naman ng hindi magandang reaksyon mula sa kaharap kong CEO.
Wala na akong choice kung hindi ang lakas-loob at buong puwersa na kapitan si Brandon para hindi ko mahalikan ang malamig na sementong inaapakan namin ngayon ni Brandon. Pero alam kong pagmumulan na naman ito ng engkuwentro namin. Pero sa mga sandaling ito, wala na akong panahong makapag-isip kung itutuloy ko pa ang binabalak ko o hindi. Napapikit na lang ako. Inasahan ko na ang sakit ng katawan na mararamdaman ko.
“D*mn!” narinig ko na lang ang mahinang sabi ni Brandon.
Hanggang sa tuluyan na nga akong bumagsak. Nakapikit ang mga mata ko, pero alam na alam ko na hindi ako sa semento humalik.
Tila tela ang pinagsubsuban ko. Door mat? Hindi! Masyadong mabango ito para ikumpara sa isang door mat. Iyong bango na napakabini sa ilong. Iyong tipo bang parang ayaw mo nang mahiwalay. Malalim pa akong huminga para singhutin pa ang bangong naaamoy ko.
Nang bigla kong narinig ang malakas na pagtikhim ni Brandon. Para akong biglang nagising mula sa isang panaginip dahil doon. Parang nahuhulaan ko na kung ano itong telang kinasubsubdan ko. Bigla tuloy akong kinabahan.
Sh*t, Stella! Ano na naman itong kapahamakang ginawa mo?
Binuksan ko muna iyong isa kong mata. May nakita akong kulay puti. Puting tela! At nang mabungaran ko kanina si Brandon dito sa labas ng opisina niya ay nakasuot siya ng puting long sleeves.
Kailangan ko pa bang i-memorize ‘yan? Siguradong-sigurado ako. One hundred and one percent. Ang mukha ko ngayon ay nakasubsob sa pagitan ng mga dibdib ni Brandon. I mean sa tapat ng dibdib ng suot niyang long sleeves na polo.
Kahit sinasabi ng isip ko na umalis na ako ngayon, para namang kumokontra ang katawan ko. Lalo na nang may maramdaman akong mainit sa magkabilang bahagi ng bewang ko. Saka ko lang na-realize na mga palad pala ni Brandon ang mainit na iyon, na kasalukuyang hawak-hawak ako. Habang ang mga kamay ko naman ay nakalapat sa mga dibdib ni Brandon.
Tila nakalutang pa ako sa cloud 9 nang marinig ko ang baritono at seryosong boses ni Brandon.
“Be sure na hindi mo nalagyan ng marka ng lipstick mo ang polo ko, or else…”
Nanigas ako sa narinig kong pagbabanta niya. Saka lang ako parang nahimasmasan. Binuksan ko na rin ang isa ko pang mata, at kahit nagkakanda-duling na ako ay pilit kong sinipat kung may marka nga ba sa polo niya.
Hindi ko pa tapos sipatin ang tela ng polo niya nang bigla akong hinatak palayo ni Brandon sa katawan niya. Agad ay parang hinanap ng katawan ko ang init ng katawan ni Brandon.
Namalayan ko na lang na nakatayo na pala ako sa mga paa ko. Agad kong inayos ang sarili ko. Ngayon lang nag-sink in sa akin ang mga nangyari kaya ngayon lang ako nakaramdam ng hiya kay Brandon.
Nagkunwari akong inaayos ang damit ko kahit na halos wala namang nagalaw dito at ni wala man lang lukot. Pero sigurado kasi ako at ramdam ko na nakatitig sa akin ngayon si Brandon.
Kung sa ibang pagkakataon siguro, baka kinilig at natuwa pa ako. Pero sa nangyari ngayon, wala akong karapatang matuwa kahit one percent.
Kita ko ang panginginig ng mga kamay ko habang kunwari ay inaayos ang damit ko. Gusto ko nang umalis sa harapan ni Brandon at sa kinatatayun ko. Ngunit, paano?
Kung pwede sanang bumuka na lang ang sementong kinatatayuan ko at mahulog ako dito.
“Look at what you've done!”
Napapikit ako. Hindi sumigaw si Brandon. Hindi niya ako sinigawan. Malumanay ang pagkakasabi niya nun. Mahina lang pero sapat naman na marinig naming dalawa. Anyway, dalawa lang naman talaga kami sa palapag na ito ngayon.
Unti-unti akong nag-angat ng tingin. As in slow motion talaga. Iniingatan ko kasi na huwag magtama ang mga mata naming dalawa. Baka bumulagta na lang akong bigla dito sa kinatatayuan ko. Ayoko ring makita sa nga mata niya ang inis o galit niya sa akin.
Sinadya kong sa polo lang niya mag-focus agad ng tingin. Doon sa bandang dibdib niya kung saan dumikit ang mukha ko.
Halos lumuwa ang mga mata ko nang makita ko ang medyo mapusyaw na kulay pula, pero markadong hugis ng mga labi ko sa puting polo niya.
Eto na ba ang first at last day ko bilang reliever sa CEO’s Secretary?
“Eh, Sir…alam mo namang hindi ko sinasadya. Eh… “
Nagbaba ako ng tingin dahil hindi ko matagalan ang paninitig niya sa akin. Sana, kung tinging romantiko man lang sana ang ibinibigay niya sa akin ngayon, bakas mas natuwa pa ako.
Napakamot ako sa noo ko.
“Hindi ko nga alam Sir, kung bakit ako natalisod. Nakita n’yo naman siguro na… na… aksidente ang nangyari.”
Nilingon ko pa iyong sahig sa ng pinto ng kuwarto niya para tingnan kung
may sagabal doon, pero malinis naman ang lapag at ni wala man lang na nakaharang doon.
“Your ID lace did the trick on you.”
“Huh?”
Yumuko ako para tingnan ang ID lace ko.
“Sumabit sa door handle,” nag-angat ako ng mukha at saka tumingin kay Brandon, “Hindi mo man lang napansin? Nasaan ba kasi ang isip mo?” dagdag pa niya.
Nasa ‘yo. Gusto ko sanang isagot.
“Presence of mind, please! You need presence of mind when working. It seems you are always spacing out!” inis na sabi pa niya.
Paano naman… nakaka–distract kasi ang mukha mo. Kung hindi kasi
bumalandra sa harap ko ang guwapo mong mukha, hindi ako mawawala sa sarili ko.
Gusto ko sanang sabihin sa kanya. Pero siyempre, ano namang mukha ang ihaharap ko sa kanya kapag sinabi ko ‘yun?
“Sorry, Sir.”
Iyan lang ang kaya kong sabihin sa kanya.
Ding!
Napatingin ako sa gawi ng elevator. Iniluwa nun si Ms. Cathy. Agad siyang ngumiti nang makita niya ako. Pero agad ding nawala ang ngiti niya nang makita niyang nakatayo sa harapan ko si Brandon. Bigla siyang nagmadali sa paglakad.
Nilingon ni Brandon si Ms. Cathy, pero wala naman itong sinabi sa kanya. Kaya si Ms. Cathy, dumerecho na sa kinatatayuan namin n Brandon.
“May problema ba, Sir?” tanong ni Ms, Cathy kay Brandon pagkalapit niya sa amin.
Hindi sumagot si Brandon. Sa halip ay ibinaling niya ang katawan niya kay Ms. Cathy.
“Look,” tipid na sabi niya, sabay nguso pa sa damit niya sa tapat ng namantsahan ko ng lipstick ko.
Agad na namilog ang mga mata ni Ms. Cathy, pero agad din siyang nakabawi. Hilaw siyang ngumiti.
“Ano’ng–” umiling si Ms. Cathy, “I mean Sir, saan–” tumikhim muna si Ms. Cathy, tila nalilito kung paano niya itatanong nang maayos iyong gusto niyang itanong.
“I mean, Sir… sino po ang–””
“It’ your trainee’s fault,” sabi ni Brandon, na tila nainip na sa itatanong sa kanya ni Ms. Cathy.
Agad na lumipad ang tingin sa akin ni Ms. Cathy. Hindi naman ako kumontra pa. Sa halip, kinagat ko na lang ang ibabang labi ko, habang nakatingin kay Ms. Cathy.
“A-Ah, Boss… may dala ka namang extra polo sa sasakyan, di ba? Kukunin ko na lang, or tawagan ko si Egay, ipaakyat ko.”
To the rescue si Ms. Cathy sa sitwasyon. Dapat pala ganito agad ang sinabi ko kanina kay Brandon. Or nag-suggest agad ako ng solusyon. Pero kasi, ang hirap talagang mag-isip kapag nasa harap mo lang si Brandon. Kahit sino naman sigurong babae ang nasa sitwasyon ko, maba-blangko talaga ang isip mo.
O, baka ako lang ang ganun?
“Never mind. Wala naman akong meetings today. Just give me all the papers I need to sign para makauwi na ako agad,” sagot ni Brandon, tapos ay iniwan na kami doon ni Ms. Cathy para pumasok na sa kuwarto niya.
“Boss, coffee?” pahabol ni Ms. Cathy.
“Yes, please,” maiksing sagot ni Brandon, tapos ay isinara na ang pintuan niya
Pagkasara ng pintuan, agad akong hinarap ni Ms Cathy.
“Wait. Iyong aircon dun sa kuwarto ni boss, nakabukas na ba?”
“Yes, Ms. Cathy. Nasinop ko na rin iyong mesa niya. Katulad ng bilin mo, wala akong itinapon. Itinabi ko lang iyong mga papel-papel sa folder na nasa gilid ng mesa niya, at hayaan na siya na lang ang magtapon nun. Iyong baso niya, nahugasan ko na rin at pinalitan ko na rin ang inuming tubig sa pitsel niya.”
“Okay. Buti naman.”
Huminga nang malalim si Ms. Cathy.
“”Pero ano ba’ng nangyari?” tanong ni Ms. Cathy, habang hinahatak niya ako palayo sa kinatatayuan namin at papunta sa mesa niya.
Ipinatong niya iyong bag niya sa ibabaw ng mesa niya, tapos ay hinarap ako.
“Sa iyo ba ’yung lipstick mark sa polo ni boss?” tapos ay sinulyapan niya ng tingin ang mga labi ko.
Muli kong nakagat ang ibabang labi ko.
“Oo, eh.”
“Ha? Bakit?”
Napakamot na naman ako sa noo ko.
“Hindi ko rin alam, Ms. Cathy. Hindi ko naman sinasadya. Nung lalabas na ako ng kuwarto niya, nabungaran ko siya sa may pinto. Tapos nung palabas na ako ng pintuan, nagulat na lang ako nang babagsak na ako.”
Nakita kong kumunot ang noo ni Ms. Cathy. Tila ba iniisip ang katotohanan ng sinasabi ko.
“Sumabit daw itong ID lace ko,” niyuko ko ang ID lace ko at saka ito hinawakan, “sa door handle.”
“Sino’ng maysabi niyan? Si boss?”
Nag–angat ako ng tingin kay Ms. Cathy, “Oo. Sabi niya,” at saka nilingon ang pintuan ng kuwarto ni Brandon.
Hinanap ng mga mata ko ang door handle na tinutukoy ni Brandon.
“Hay naku…. galit ba si boss?”
Lumipad ang tingin ko kay Ms. Cathy.
“Parang lagi namang galit ‘yun!”
“Ganyan lang talaga siya. Parang laging seryoso. Ni wala nga yatang kaibigan ‘yan. Mula noon wala pang nagpunta dito na nagpakilalang kaibigan niya.”
“Ay, ang sad naman nun. Kahit isa, Ms. Cathy?”
“Iyong driver-bodyguard niyang si Egay. Parang iyon lang lagi ang kasa-kasama niya,” sagot ni Ms. Cathy, tapos ay binalingan na niya ang bag niya para itago sa drawer sa ilalim ng mesa niya, kasabay ng inilabas niya ang nakatago niyang laptop mula roon.
Napaisip ako sa mga sinasabi ni Ms. Cathy. Kung iisipin, parang napakalungkot ng buhay ni Brandon.
“Gusto mo bang makabawi kay boss?” tanong ni Ms. Cathy habang itinitipa sa screen ang password ng laptop niya.
“Siyempre naman!”
“Marunong ka bang magtimpla ng kape?” follow-up question niya.
“Hindi lang marunong, masarap pa!” pagyayabang ko pa.
“Pwes, ikaw na ang magtimpla ng kape niya. Go.”
Hindi ko mapigilan ang mapangiti sa ideya ni Ms. Cathy. Teka, gayumahin ko kaya si Brandon sa kape ko?
~CJ1016