Chapter 01
HINDI napigilan ni Ahtisa ang mapatawa na ikinakunot naman ng noo ni Donya Alejandra, ang kaniyang lola. Eighty years old na ito pero makikita mong malakas pa rin. At dahil alaga ang sarili, mas bata itong tingnan kaysa sa totoo nitong edad kumpara sa mga kaedaran nito.
Balingkinitan ang katawan. Makinis pa rin ang kutis dahil maalaga ang kaniyang lola sa katawan nito. Hindi rin ito kumakain ng kahit na anong klase ng karne. Puro gulay, isda at prutas lang ang kinakain nito. Kabaligtaran niya na kinakain lahat dahil hindi naman siya pihikan.
At ang sekreto nito sa mas bata nitong hitsura? Iyon ay ang pagkahilig nito sa ballroom dance.
Napakagaling nitong magsayaw.
Mayroon din itong personal dance instructor.
Matagal na ring biyuda ang kaniyang lola. At hindi na nangahas na mag-asawang muli kahit na ang dami nitong manliligaw sa kabila ng edad nito. Mas itinuon nito sa pagsasayaw ang mundo nito kaysa magpalamon sa kalungkutan nang mamatay ang asawa nito.
“Maria Ahtisa Lopez, ano ang nakakatawa sa sinabi ko?”
Nabura ang ngiti sa mga labi ni Ahtisa nang tawagin na siya sa kaniyang buong pangalan ng kaniyang abuela. Mukhang seryoso nga ito at hindi nagbibiro.
“Mamita, hindi ka ho ba nagbibiro kanina?”
Sa pagkakataon na iyon, parang kahit ang mahuhulog na karayom sa sahig ng living room na iyon ay maririnig talaga ni Ahtisa dahil sa sobrang katahimikan na namamayani ng mga sandaling iyon.
“Mukha ba akong nagbibiro, Maria Ahtisa? Mamili ka sa dalawang sinabi ko. Magpapakasal ka para magkaroon ng pamilya, o mag-aanak ka na lang? Por dios por santo, sa edad mong ‘yan ay mayroon na akong asawa at anak noong araw.”
“Mamita, iba naman po kasi noong panahon ninyo sa panahon namin ngayon. Ngayon, kahit umedad pa kami ng thirty-five, okay lang kahit single pa rin kami.”
“Ano’ng sabi mo? Thirty-five?”
Tumango si Ahtisa. Umiling-iling naman si Donya Alejandra.
“No way. Hindi ka eedad ng thirty-five na wala ka kahit anak. Alam kong may trauma ka pagdating sa pakikipagrelasyon dahil sa magaling at walanghiya mong ama. Pero, apo, hindi naman ako papayag na lilisan ako sa mundong ‘to na kahit anak ay wala kang kasama.”
“Mamita, aabot ka pa po ng two hundred years old.”
“Heh! Mamili ka na. Magpapakasal ka para magkaroon ng pamilya o mas gugustuhin mong mag-anak na lang?”
Wala sa bokabularyo niya ang magkaroon ng pamilya o mag-asawa at alam niyang alam iyon ni Donya Alejandra. Kaya dalawa ang option na ibinibigay nito sa kaniya.
Inilapag ng kaniyang lola ang isang black folder.
“Oras na maisakatuparan mo ang gusto kong mangyari, mapupunta sa iyo ang malaking mana na nakasulat diyan sa loob ng folder.”
Mana?
Mabilis na dinampot ni Ahtisa ang black folder at binuklat.
Halos manglaki pa ang mga mata ni Ahtisa nang makita ang nakasulat doon. Hindi lang sobrang laking halaga ng pera ang nakasulat doon. Mayroon ding malaking asset mula sa mga negosyo ng kaniyang lola.
Napalunok si Ahtisa.
“Paano ho kung wala akong matupad sa gusto ninyo, Mamita?” ani Ahtisa nang tingnan ito.
“Kawawa ka kapag nawala ako.”
“H-ho? Bakit naman ako magiging kawawa? Eh, sa akin din naman mapupunta ang lahat ng mayroon kayo kapag nawala kayo rito sa mundo,” walang habas niyang wika.
Matamis na ngumiti sa kaniya si Donya Alejandra. “Puwes, diyan ka nagkakamali, apo. Nagpagawa na ako ng last will ko. Dalawa ang para sa iyo. Ang isa ay kapag natupad mo ang gusto ko. At ang isa naman, kapag wala kang sinunod sa gusto ko, wala kang matatanggap ni isang kusing. Mawawalan ka rin ng access sa lahat ng aking yaman. At kung pipiliin mong mag-asawa,” napahinto sa pagsasalita ang Donya nang makita ang pag-asim ng mukha ni Ahtisa. “Bueno, kung pipiliin mo lang naman, sisiguraduhin mong magsasama kayo sa habang-buhay at magkakaroon kayo ng mga anak. Pero alam kong malabong makipagrelasyon ka dahil parang may allergy ka sa mga lalaki. Kaya binigyan kita ng pangalawang pamimilian, at ‘yon ay ang mag-anak na lamang.”
“Gusto ho ninyo na magpaanak na lamang ako?” paninigurado pa niya.
“Kung ayaw mong mag-asawa. Siguraduhin mo lang na maganda ang genes ng lalaking pipiliin mo para naman madagdagan ang magandang lahi natin,” ngumiti pa ito pagkasabi niyon. “Matalino rin sana.”
Bukod sa yaman na tinataglay niya, marami rin talaga ang nagkakandarapa sa kaniyang kagandahan. At sa edad niyang iyon, hindi pa rin siya nangahas na pumasok sa isang relasyon. At kahit minsan, hindi pa niya naranasan na magkaroon ng crush. Ganoon yata talaga kabato ang puso niya pagdating sa mga lalaki.
At sa edad din niyang iyon, hindi siya pinilit ni Donya Alejandra na magtrabaho sa malaki nitong kompanya. CEO naman doon ang pinsan niyang si Val Lopez na isa pang nagpapasakit sa ulo ng kaniyang lola. Thirty-one na kasi pero sorbang subsob ng buhay sa trabaho.
Tapos ngayon, siya naman ang pinagbabalingan ng kaniyang abuela.
Parang ang malas ng mukha niya ngayon.
“Nakaka-miss mag-alaga ng apo,” pagpaparinig pa nito sa kaniya.
“Sinabi mo na rin po ba ‘yan kay Kuya Val?”
Nabura ang ngiti sa mga labi ni Donya Alejandra. “Isa pa ‘yang si Valerio.”
“Ang unfair naman kung ako lang ang binibigyan ninyo ng ultimatum, Mamita. Dapat, pasakitin din ninyo ang ulo ni Kuya Val.”
“Ahtisa, bago mo pa ‘yan naisip, nagawa ko na. Kaya ‘wag mo ng problemahin ang pinsan mo. Sarili mong problema ang pagtuunan mo ng pansin.”
Wala ba talaga siyang lusot sa kaniyang abuela?
Hindi niya ma-imagine ang sarili na magbubuntis para lang sa isang malaking mana. Pero kung susuway naman siya sa kaniyang lola na siyang nag-aaruga sa kaniya, baka totohanin nito na pupulutin siya sa basurahan.
“Puwede ho bang pag-isipan ko ng isang milyong beses?” hirit pa niya.
“Simulan mo na ngayon.” Tumayo na si Donya Alejandra. “Mayroon kang isang buwan para mag-isip.”
Isang buwan?
Parang lalong sumakit ang ulo niya.
“Uuwi ho muna ako sa San Roque,” bigla ay sabi niya.
Mayroon silang ancestral house sa San Roque. Huling tuntong niya sa bayan na iyon ay noong eleven years old siya. Matapos niyon, hindi na siya nangahas pang pumunta sa bayan na iyon.
“Sa San Roque?”
Tumango si Ahtisa.
“Sigurado ka?”
“Opo. Doon, baka sakaling saniban ako ng lakas ng loob na makipag-one night stand oras na bumalik ako rito sa Manila. Para mabigay ko ang apo na gusto ninyo.”
Sa halip na makitaan ng inis ang kaniyang lola dahil sa sinabi niya, ngumiti pa ito.
“Magandang idea ‘yan.”
Pero sa isip-isip ni Ahtisa ay kanina pa siyang kinikilabutan. Isipin pa lang na m************k siya sa isang lalaki para lang mabuntis.
Paano kung mag-failed sa unang subok? Kailangan ba niyang umulit ulit? Kanino naman? Sa ibang lalaki naman?
Lalong kinilabutan ang pakiramdam ni Ahtisa. Hindi niya lubos na maisip na may lalaking magpapasasa sa kaniyang katawan.
Ang lupit naman ni Mamita sa kaniya.
MATAMANG PINAGMAMASDAN ni Ahtisa ang pinsan niyang si Val nang pasyalan niya ito sa opisina nito.
“Wala ka pa bang balak umalis?” sita pa nito sa kaniya.
Hindi inalis ni Ahtisa ang tingin kay Val kahit na nang mag-angat ito ng tingin sa kaniya.
Nang mga sandaling iyon ay nakaupo siya sa may sofa sa receiving area ng pribado nitong opisina.
“Maria Ahtisa.”
Saka lang napakurap-kurap si Ahtisa. Manang-mana talaga ang pinsan niya sa kanilang lola kapag naiinis. Buong pangalan ang itinatawag sa kaniya.
“Nakakaistorbo ka na.”
“Wala na nga akong ginagawa rito, naiistorbo ka pa?”
“Ano ba’ng kailangan mo? Spill it out ng makaalis ka na.”
Hindi naman siya nagpatangay sa kasungitan ng pinsan niya. Sanay na naman siya na minsan, para talaga itong mayroong buwanang dalaw.
“Kailangan mo ng pera?”
“Gusto mong sampalin kita ng maraming pera?” balik niya rito.
“Then what?”
Bumuntong-hininga siya. “Si Mamita. Bigla na lang sinapian. Binigyan ako ng bigla ng ultimatum. Mag-asawa raw ako o mag-anak na lang.”
“Dalawang option ang ibinigay niya sa iyo?” gulat pang bulalas ni Val.
“Hmm. Bakit, ilan ba sa iyo?”
“Isa lang. ‘Yon ay ang mag-asawa.”
Kung bakit natawa siya sa sinabi ng kaniyang pinsan. Sumama naman ang timplada ng mukha nito.
“Ano ang nakakatawa?”
“Ano pa? Eh, ‘di ‘yong problema mo.” Tumayo na si Ahtisa at naglakad palapit sa working table ng kaniyang pinsan. Tinapik niya ito sa balikat. “Kung babalakin mong mag-hire ng pekeng mapapangasawa, ‘wag mo ng tatangkain, Kuya Val. Ayaw ni Mamita ng annulment. Gusto niya, itatali mo ‘yong sarili mo sa mapapangasawa mo habang-buhay.”
“At ikaw? Sigurado ako na hindi mo gugustuhin na magpatali sa isang lalaki,” makahulugan nitong wika.
Alam na alam nito ang nangyari sa buhay niya kaya siguradong-sigurado ito sa sinasabi nito.
Biglang sumeryoso ang magandang mukha ni Ahtisa. “Hindi nga.”
“So, ano’ng plano mo? Mag-aanak ka na lang?”
Parang biglang nanlambot ang pakiramdam ni Ahtisa kaya naupo siya sa silya na nasa harapan ng table ni Val.
“Parang ‘yon lang naman ang magandang choice, Kuya Val. Ayaw kong pulutin sa basurahan oras na hindi ko sundin ang gusto ni Mamita. Sigurado ako na hindi ka naman maaawa sa akin.”
“May sarili akong pinoproblema ngayon, Ahtisa. ‘Wag ka ng dumagdag pa sa isipin ko. Umuwi ka na.”
“Ampunin mo na lang kaya ako?” nakangiti pa niyang pakiusap sa kaniyang pinsan.
“Para takasan ang gusto ni Mamita? Puwes, hindi kita kilala.”
Nabura ang ngiti sa mga labi ni Ahtisa. “Ikaw ang pinaka-mean na tao sa buong mundo, Valerio.”
“Magpapatawag ba ako ng security o aalis ka ng maayos?”
“‘Wag ka sanang makahanap ng babaeng papayag na maging asawa ka!”
“Puwes, ‘wag ka rin sanang makakita ng lalaking papayag na anakan ka,” balik nito sa kaniya.
Normal na sa kanila ng kaniyang pinsan na si Val Lopez ang mag-asaran. Pero sa pagkakataon na iyon, siya ang pikon nang lisanin ang Lopez Group of Companies.